Ayaw ng Kaniyang Ama na Magnobyo Siya Hangga’t Hindi pa Siya Tapos sa Pag-aaral; Matupad Niya Kaya Ito sa Pagdating ng Isang Binata sa Buhay Niya?
Pagtungtong pa lang ng dalagang si Laila sa hayskul, paulit-ulit na siyang pinapaalalahanan ng kaniyang ama na huwag na huwag munang papasok sa isang romantikong relasyon na talagang nga namang sinang-ayunan niya. Sabi niya pa, “Papa, nagpunta ako sa paaralan para matuto, hindi para makapagrelasyon lang kung kani-kanino!”
“Talaga lang, ha? Ipangako mo ‘yan sa akin! Dapat magtapos ka muna ng pag-aaral bago ka mag-nobyo at dapat ang magiging nobyo mo ay responsable, mayaman at matalino para hindi ka naman maging kawawa sa hinaharap!” pangaral pa nito sa kaniya.
“Hindi ko kailangan ng lalaki sa buhay, papa. Manloloko lang naman ang mga lalaki, eh!” sabi niya pa na para bang direktang pinapatama sa sariling ama.
“Anong ibig mong sabihin, Laila?” nakangising tanong nito na ikinatawa na niya agad.
“Niloko mo rin si mama dati, ‘di ba, papa?” patawa-tawa niyang sagot dahilan para siya’y habulin nito sa kanilang buong bahay.
Ito ang dahilan upang ganoon na lamang siya maging mailap sa mga kabataang lalaki noong siya’y nasa hayskul. Sandamakmak man ang humahanga at gustong manligaw sa kaniya, ni isa ay wala siyang binigyan ng pansin dahil nga sa biling ito ng kaniyang ama.
Laking tuwa naman ng kaniyang ama dahil siya’y nakapagtapos ng hayskul nang wala siyang nagiging nobyo. Dagdag pa rito ang hindi mabilang na medalyang natanggap niya sa sermonya ng pagtatapos na talaga nga namang nagbigay dito ng hindi matumbasang ligaya.
“Kita mo na, anak? Kapag wala talaga distraksyon, makakapagtapos ka talaga nang may karangalan! Ipagpatuloy mo lang ‘to, anak, ha? Panigurado, magiging isa kang dekalibreng doktor kapag nakapagtapos ka!” tuwang-tuwa payo nito sa kaniya habang sila’y nakain sa restawran upang ipagdiwang ang kaniyang tagumpay.
Kaya lang, pagtungtong niya ng kolehiyo, bigla namang siyang nagkagusto sa isa sa mga kaklase niyang lalaki. Bukod kasi sa angking nitong kagwapuhan, madiskarte rin ito sa buhay. Hindi ito nahihiyang magbenta ng kung anu-ano sa kanilang mga kaklase para lamang kumita ng pera.
Wala naman talaga siyang balak na umamin dito o pumasok sa isang relasyon kasama ito. Ang tanging plano niya lamang noon, patuloy itong gawing inspirasyon upang mapagtagumpayan niya ang mahirap na kursong mayroon siya.
Kaya lang, nahalata ng iba niyang mga kaklase ang pagtingin niya sa binata at sinabi ito roon. Buong akala niya’y iiwas ito sa kaniya ngunit lalo pa itong lumapit at hindi kalaunan ay nais na siyang ligawan!
“Pwede ba akong magpunta sa bahay niyo?” tanong nito sa kaniya.
“Naku, hindi pwede. Gusto kasi ng tatay ko na makapagtapos muna ako ng pag-aaral bago ako mag-nobyo,” kinakabahan niyang tugon.
“Hindi bale, kaya ko namang maghintay,” nakangiti nitong sagot saka hinawakan ang kaniyang mga kamay na talagang nagpaikot ng kaniyang tiyan.
Ngunit habang tumatagal, patuloy na lumalalim ang pagtingin niya sa binata hanggang sa nagdesisyon na siyang sagutin ito kahit walang basbas ng kaniyang magulang.
“Sigurado ka ba, Laila? Paano na ang magulang mo? Hindi ba sila magagalit sa’yo?” sunod-sunod nitong tanong.
“Hindi sila magagalit kung walang magsusumbong! Hindi ko na talaga kayang itiisin pa itong nararamdaman ko!” sabi niya.
“Naku, tiyak na magagalit sila sa atin!” pag-aalala nito.
“Ayaw mo ba?” masungit niya pang tanong.
“Gusto ko, syempre, pero kasi…” hindi na niya ito pinatapos magsalita at agad niya na itong hinila papunta sa isang parke.
“Wala nang pero-pero!” sigaw niya pa.
Patuloy na pumanatag ang loob niya sa tagong relasyon nilang ito. Sobra man ang kabang nararamdaman niya tuwing kasama ang binata at alam man niyang hindi maganda ang ginagawa niyang pagsisinungaling at pagtatago sa kaniyang mga magulang, lahat ito ay tiniis niya huwag lang madismaya ang mga ito.
Kaya lang isang araw, pagising niya, nagulat na lamang siyang nasa kusina na nila ang kaniyang nobyo. Kausap nito ang kaniyang amang nagluluto ng kaniyang almusal.
“A-anong ginagawa mo rito?” uutal-utal niyang tanong sa nobyo, nakita niyang biglang lumingon ang kaniyang ama na agad niyang ikinataranta, “Papa, magpapaliwanag po ako!” sabi niya pa.
“Hindi na kailangan, Laila, nakausap ko na siya,” tugon nito saka inihain na sa lamesa ang kanilang almusal.
“Galit po ba kayo sa akin? Patawarin niyo po ako, papa! Sinubukan ko naman pong…” agad na siyang pinatahimik nito at niyakap.
“Anak ko, tama na. Naiintindihan naman kita. Alam kong natakot ka lang sa akin dahil gusto kong magtapos ka muna bago mag-nobyo. Nagtatampo lang ako dahil hindi ka naging tapat sa akin. Papa mo ako, kahit anong gawin mo, basta’t tama at masaya ka, susuportahan kita,” bulong nito sa kaniya na talaga nga namang ikinaiyak niya, “Alam kong nahihirapan rin kayo sa sitwasyon niyong dalawa. Kaya simula ngayon, huwag na kayong magtatago sa akin, ha? Lalo ka na, Laila,” pangaral pa nito sa kaniya na talagang ikinatuwa niya.
Dahil dito, mas pinagpursigihan niya pa ang kaniyang pag-aaral. Magkatuwang silang dalawang magkasintahan sa pag-aaral, pagbebenta ng kung anu-ano upang may pandagdag kita, at kung ano pang gawain hanggang sa tuluyan na silang makapagtapos ng kaniyang kasintahan at parehas na maging magaling na mga doktor.
Hindi matumbasan ang saya ng kaniyang ama nang muli niya itong masabitan hindi lang ng medalye kung hindi pati na rin ng istetoskop na ginagamit niya sa pagtingin sa kaniyang mga pasyente.
“Salamat, anak, hindi mo ako binigo,” mangiyakngiyak nitong sabi sa kaniya.
“Salamat din, papa, sinuportahan at tinanggap mo kami ng nobyo ko,” nakangiti niyang tugon na talagang ikinaiyak na nito.