Inday TrendingInday Trending
Kinunsinti ng Tiyahin ang Pamangkin na Makisama sa Nobyo Nito; Ito Pala ang Dahilan

Kinunsinti ng Tiyahin ang Pamangkin na Makisama sa Nobyo Nito; Ito Pala ang Dahilan

Halos isang dekada nang nagtatrabaho sa ibang bansa ang mga magulang ni Sandra na sina Paul at Risa. Ang pangako nila noon ay dalawang taon lamang at kukunin din nila ang anak para kasama na nilang manirahan sa Canada. Ngunit nalipasan na ng taon at labing walong taong gulang na ngayon ang dalaga ay narito pa rin siya sa Pilipinas.

Ang kasa-kasama niya sa bahay na nagbabantay sa kaniya ay ang kaniyang Tiya Jasmin, kapatid ng kaniyang ina. Hiwalay ito sa asawa at may isang anak din na dalaga, si Roan.

Maayos naman ang kanilang pagsasama. Sa katunayan nga ay malapit talaga si Sandra sa kaniyang tiyahin. Kahit wala kasi ang kaniyang mga magulang ay bantay sarado siya ng mga ito, ngunit kaunting lambing lang niya sa tiyahin ay pinapayagan na siya nito.

Sa katunayan nga ay may nililihim si Sandra sa kaniyang mga magulang na alam ng kaniyang Tiya Jasmin. Sinagot na kasi niya ang manliligaw na si Louie. Ayaw niyang ipaalam sa kaniyang mga magulang dahil alam niyang tututol ang mga ito. Lalo siyang paghihigpitan at baka mamaya ay de numero na naman ang kaniyang kilos.

“Tiya, baka naman madulas kayo kina mama at papa tungkol sa amin ni Ken. Ako na po ang magsasabi sa kanila ng tungkol sa relasyon namin,” wika ni Sandra sa tiyahin.

“Ano ka ba? Kailan ba kita nilaglag sa mga magulang mo? Alam mong ligtas sa akin ang sikreto mo. Saka mukhang mabuting bata naman ‘yang si Ken. Malaki ka naman na at alam mo na ang pagkakaiba ng tama sa mali. Pinagkakatiwalaan kita,” saad naman ni Jasmin.

“Pakisabihan din po si Roan na huwag sasabihin kina mama at papa ang tungkol sa amin ni Ken. Kung hindi ay malalagot talaga ako, tita. Gusto ko pa namang makapagtapos ng pag-aaral dito sa Pilipinas para matagal ko pang makasama si Ken,” dagdag pa ng dalaga.

“Ipanatag mo na ang isip mo dahil walang makakarating sa mga magulang mo. Tikom ang bibig namin ni Roan,” paninigarado ni Jasmin.

Madalas na pinapapunta ni Sandra sa kanilang bahay itong si Ken. Malugod naman itong tinanggap ng kaniyang Tiya Jasmin. Sa katunayan ay mabuti ang pakikitungo nito sa binata.

Isang araw nga nang malakas ang bugso ng ulan ay hindi na niya pinauwi pa si Ken.

“Delikado naman, Ken, kung susuong ka sa ulan. Mahihirapan ka na niyang magmaneho. Kung gusto mo ay dito ka na magpalipas ng gabi,” wika ng ginang.

“T-talaga po, tita? Ayos lang po sa inyo ma dito matulog si Ken? Kanina ko pa nga po sinasabi sa kaniya na delikado nang umuwi. Kaso wala naman siyang matutuluyan na malapit lang dito sa atin,” saad naman ni Sandra.

“Oo, naman. Kaysa naman mag-alala pa tayo sa kaniya. Baka kung ano pa ang mangyari sa kaniya sa daan, ‘di ba? Dito mo na siya patulugin. P’wede siyang matulog d’yan sa sofa at doon ka naman sa silid mo,” dagdag pa ng tiyahin.

Masayang masaya ang dalawa dahil unang pagkakataon nilang magkakasama ng magdamag.

Alam ni Sandra na babantayan pa rin sila ng kaniyang Tiya Jasmin kaya nang bandang madaling araw ay iniwan na niya sa sala ang nobyo at natulog na siya sa kaniyang silid. Kinaumagahan ay umalis na rin si Ken.

Mula nang araw na ‘yun ay napapadalas na ang pagtulog ni Ken sa kanilang bahay. Hindi rin naman umaalma kasi ang kaniyang Tiya Jasmin. Basta sa kondisyon na hindi sila magtatabi sa pagtulog.

Isang araw ay nagpaalam naman si Sandra sa kaniyang tiyahin kung maaari siyang pumunta sa kaarawan ni Ken.

“Sandali lang naman po ako sa kanila, tita. Nandoon rin po ang ilan niyang kamag-anak at ilan naming kaklase,” wika ni Sandra.

“Ayos lang sa akin. Basta umuwi ka kaagad at baka tumawag ang mama at papa mo! Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko sa kanila,” sagot ni Jasmin.

“Salamat, tita. Da best ka talaga!” tuwang-tuwang sambit pa ng dalaga.

Sinundo na si Sandra ng kaniyang nobyo upang sabay na silang pumunta sa party nito. Dahil nga nagkakasiyahan ay inabot na ng gabi itong si Sandra. Tumawag siya sa tiyahin upang magpaalam muli.

“Tita, ayos lang ba kung gagabihin ako? Siya nga pala, nakainom po ako ng isang basong wine. Pero hindi na po mauulit, tita. Pinagbigyan ko lang po ‘yung tita ni Ken na galing ibang bansa at masarap daw po kasi ‘yung alak na dala niya,” aniya.

“Sige, magsaya ka lang diyan at kaarawan naman ng nobyo mo. Basta, Sandra, pinagkakatiwalaan kita, a. Baka mamaya ay ako ang malagot sa mama at papa mo. Kung hindi mo kaya at nakainom ka’y magpalipas ka na lang din ng gabi. Baka mamaya ay ihatid ka pa ni Ken at nakainom rin. Hindi na tamang magmaneho pa siya,” wika ni Jasmin.

Mahal na mahal ng magkasintahan ang kanilang Tita Jasmin dahil malaya silang nagkakasama.

“Buti na nga lang at nariyan ang Tita Jasmin mo. Sigurado ako kung kasama mo ang mama at papa mo’y hindi natin magagawa ito. O baka nga hindi mo rin ako sagutin dahil ayaw pa nilang mag nobyo ka, ‘di ba?” saad ni Ken.

“Cool talaga ‘yung tita ko na ‘yun! Nauunawaan kasi niya ako. Hindi katulad nila mama at papa akala sa akin ay onse anyos pa rin ako. Nasasakal na nga ako sa kanila. Kaya hindi rin nila ako masisi kung bakit nagsisinungaling ako sa kanila,” wika naman ni Sandra.

Buong gabing magsama ang dalawa. Dito na nagkaroon ng pagkakataon ang dalawa na magtabi sa iisang higaan.

At nang gabing iyon ay nangyari nga ang inaasahang mangyari. Isinuko na ni Sandra ang kaniyang pagkababae sa kaniyang nobyo.

Dahil dito ay mas lumalim ang relasyon ng dalawa.

“Alam mo simula nang ibigay mo sa akin ang pagkababae mo’y mas naramdaman mong mahal mo ‘ko. Sana maulit pa. Ang sarap kasi ng pakiramdam na nasa tabi kita at niyayakap at nahahalikan ko kung kailan ko gusto,” wika ni Ken.

“Makakagawa naman tayo ng paraan. Madali namang magpaalam kay Tita Jasmin. Pinagkakatiwalaan niya tayo gaya ng pagtitiwala ko sa kaniya. Kaya hindi niya tayo pag-iisipan ng masama,” wika naman ni Sandra.

Kaya ganito nga ang nangyari. Madalas na magpaalam si Sandra sa kaniyang tiyahin na mayroon daw silang proyekto ng kaklase at makiki tulog siya sa bahay ng mga ito. Pero ang totoo’y doon lang siya nagtutungo kina Ken upang mapagsaluhan nila ang magdamag.

Labis naman ang kaligayahang nararamdaman ng magkasintahan. Para kasing mag-asawa na rin ang takbo ng kanilang relasyon. Napag-uusapan na nga nila ang pagpapakasal at ang pagbuo ng pamilya.

Sinamantala ni Sandra ang pagiging maluwag sa kaniya ng tiyahin. Minsan ay dinadala na rin niya si Ken sa kanilang bahay upang doon magpalipas ng gabi.

Minsan nga ay sinubukan niyang magpaalam na mag-a-outing kasama ang pamilya ni Ken sa Batangas. Ngunit ang totoo ay silang dalawa lang ng kasintahan. Pinayagan rin siya ng kaniyang tiya. Ang pakiramdam tuloy nilang magkasintahan ay nasa honeymoon sila.

Ang akala ni Sandra ay hindi na matatapos ang ligaya ng kanilang relasyon. Hanggang sa isang araw ay unti-unti nang tumabang ang kanilang pagsasama. Napansin ni Sandra na hindi na siya masyadong pinagtutuunan ng atensyon ng nobyo. Bigla ang naging pagbabago nito.

“May iba ka na ba, Ken? Umamin ka nga sa akin? Bakit bigla kang nagbago?” tanong ni Sandra.

“Wala akong iba, Sandra. Siguro’y nagsasawa na lang ako sa nangyayari sa relasyon natin. Siguro nga kailangan muna nating bigyan ng espasyo ang isa’t isa,” tugon ng nobyo.

“Dahil ba nakuha mo na ang lahat sa akin kaya nagsasawa ka na? Nakakita ka na yata ng ibang magbibigay sa’yo ng excitement!” bulyaw ng dalaga.

Nauwi sa pag-aaway ang usapang ito. Nakakapanlumo lang dahil nalaman ni Sandra na talagang may ibang babae nang kinalolokohan si Ken. Kaya bigla na lang ang pagbabago ng pakikitungo nito sa kaniya.

Dahil sa lungkot ay pinasya na lang ni Sandra na umuwi. Papasok siya ng pinto ay narinig niyang nag-uusap ang kaniyang Tiya Jasmin at anak nitong si Roan.

“‘Ma, talaga bang sobra ang tiwala mo kay Sandra kaya mo siya pinapayagan na makasama ang nobyo niya? Baka mamaya ay may mangyari na sa pagitan nilang dalawa. Baka mabuntis si Sandra! Malalagot ka sa papa at mama niya!” wika ni Roan.

“Hayaan mo siya sa gusto niyang gawin. Hayaan mo siyang maniwala na kampi ako lagi sa ginagawa niya. Kapag nabuntis naman siya’y alam kong pagtatakpan niya ako at ililigtas sa isyu sa mga magulang niya. Aba’y ginusto niya ‘yan ‘di ba? Pero sinasadya ko talagang magsama palagi ang dalawang ‘yun para may mangyari sa kaniya at tuluyan na ngang mapariwara ‘yang si Sandra. Ang tigas rin naman kasi ng ulo at nakakapagod na. Saka isa pa, gusto kong makaganti sa nanay niya! Mula noon kasi ay ‘yung kapatid ko na lang na ‘yun ang magaling! Nakapagtapos ng pag-aaral, nakapangasawa ng maayos na lalaki tapos nakapag-abroad pa. Samantalang ako, ang tawag nila’y disgrasyada. Kung magiging disgrasyada din ang anak ng ate ko ay magkakaroon rin siya ng kahihiyan sa buhay niya. Ito na ang pagkakataon naman natin, anak, na umangat. Ipagmamalaki naman kita na kaya mong makapagtapos ng pag-aaral. Kaya galingan mo!” pahayag ni Jasmin.

Nanggigigil itong si Sandra sa plano ng kaniyang tiyahin. Buong akala niya’y tapat ang pagtingin nito sa kaniya ngunit mayroon pala itong masamang plano.

Dahil sa nangyari ay tuluyan nang nakipaghiwalay itong si Sandra sa kaniyang nobyong si Ken. Inayos na niya ang kaniyang pag-aaral at ipinangako sa sarili na magtatapos muna siya ng pag-aaral bago muling magnobyo.

Tahasan na rin niyang inamin sa kaniyang mga magulang ang maling nagawa. Ngunit pati ang plano ng kaniyang Tiya Jasmin ay nilahad din niya.

Kaya nagkaroon ng plano ang mag-asawang Paul at Risa. Pinagsikapan nilang kunin na ang dalaga upang doon na sa Canada mag-aral. Gulat na gulat si Jasmin sa desisyong ito ng kaniyang kapatid.

“Malapit nang magtapos ng pag-aaral si Sandra saka niyo pa kukunin. Hayaan n’yo na siyang maka-graduate dito!” giit ni Jasmin.

“Nakakuha na ng iskolarsyip dito si Sandra at kailangan na niyang makapunta dito sa Canada sa lalong madaling panahon,” saad ni Risa sa kapatid.

“Paano na kayo ng nobyo mo, Sandra? Ayos lang ba sa’yo na iwan mo siya?” bulong ng ginang.

“Matagal na kaming hiwalay, tiya. Hindi ko na rin siya binalikan dahil tama ang gusto ng mga magulang ko para sa akin. Saka alam ko na ang plano mo, tita. Narinig ko nang lahat. Buong akala ko ay kakampi kita, pero ipinagtutulakan mo lang pala ako sa mali nang sa gayon ay makaganti sa mama ko!” saad pa ng dalaga.

“Ipinagkatiwala ko ang anak ko sa iyo, Jasmin. Ni sa hinagap ay hindi ko maisip na magagawa mo ito nang dahil lang sa inggit. Ikaw ang pangalawang magulang ni Sandra kaya inaasahan kong titingnan mo siya bilang anak mo rin. Simula ngayon ay makakaalis na kayo sa bahay na ito. Ibebenta na namin ito dahil wala na kaming balak na bumalik pa ng Pilipinas. Puputulin na rin namin ang pagpapadala para sa matrikula ni Roan,” saad pa ng kapatid.

Labis ang paghingi ng tawad ni Jasmin sa kaniyang kapatid at kay Sandra, ngunit hindi na siya kayang paniwalaan ng mga ito.

Umalis na rin si Sandra papunta sa Canada upang makapiling ang kaniyang mga magulang.

Tuluyan naman nang nilisan ng mag-ina ang bahay.

Napakasaklap para kay Jasmin ang nangyari sa kaniya. Ngayon ay hindi na niya alam kung saan sila titira at kung paano sila mabubuhay. Higit pa rito’y nalaman niyang nagdadalantao na pala ang kaniyang anak na si Roan. Habang abala kasi siya sa kaniyang plano laban kay Sandra, ang kaniyang anak pala ang gumagawa ng milagro nang hindi niya nalalaman.

Tila bumalik ang lahat ng karma kay Jasmin. Lahat ng nangyayari sa kaniyang buhay ngayon ay bunga ng matindi niyang inggit at nais na paghihiganti.

Advertisement