Inday TrendingInday Trending
Halos Hindi Mapaghiwalay ang Matalik na Magkaibigan Noong Kanilang Kabataan; Sa Pagtanda Nila’y Taliwas ang Nangyari

Halos Hindi Mapaghiwalay ang Matalik na Magkaibigan Noong Kanilang Kabataan; Sa Pagtanda Nila’y Taliwas ang Nangyari

Madalang sa buhay ng isang tao ang makatagpo ng isang tunay na kaibigan. Kaya nga ang sabi ng marami’y kapag natagpuan mo na ito’y gawin mo ang lahat upang manatili ang tatag ng inyong samahan. Ito ang pilosopiya ng magkaibigang Sharlene at Francis.

Dahil hindi ordinaryo na matalik na magkaibigan ang isang lalaki at babae ay madalas na tinutukso ang dalawa. Lalo pa at tatlong taon rin lang ang tanda ni Francis kay Sharlene.

“Mga sira talaga kayo, alam n’yo namang parang lalaki rin ang tingin ko rito kay Sharlene,” saad pa ng binata.

“Saka imposibleng magkagusto ‘yan sa akin dahil imposible rin akong magkagusto sa kaniya. Alam ko kung ano ang tipo niyang babae at malayong malayo sa pagkatao ko ‘yun!” natatawang saad naman ni Sharlene.

Pero aminado itong si Francis na malaki ang ipinagbago ng kaniyang buhay dahil sa kaniyang best friend.

Nakailang lipat na rin ng kurso at paaralan ang binata. Tamad na tamad talaga siyang mag-aral dahil nga napasama siya sa masasamang barkada na hindi maganda ang impluwensya sa kaniya.

Hanggang sa nakilala niya itong si Sharlene dahil magkasunod sila sa pila nang sila’y mag-eenrol. Hindi maiwasan ng dalaga ang matawa kapag naaalala niya ang unang pagtatagpo nila ng kaibigan.

Kasunod niya sa pila sa pag-eenrol itong si Francis. Nakikipaghilahan pa ito sa kaniyang ina dahil ayaw na ngang mag-aral. Sa tigas ng ulo nito’y sinagot niya ang kaniyang ina. Dito na pumasok sa eksena si Sharlene. Pinagsisisigawan niya ang binata dahil sa hindi nito pagrespeto sa kaniyang ina.

Mula noon ay nangako si Sharlene na siya na ang magbabantay kay Francis upang hindi na ito magloko. Dahil doon ay hindi na nakisama pa ang binata sa ibang barkada. Palagi na silang magkasama at hindi na sila mapaghiwalay pa.

Lumipas ang mga taon at laging sina Sharlene at Francis lang ang magkasama.

“Paano na kayo niyan kapag naka-graduate na tayo? Pati ba sa trabaho ay magkasama kayo?” tanong ng isang kaklase.

“Siyempre, pipilitin kong makapasok sa isang magandang kompanya at kukunin ko itong si Sharlene bilang sekretarya ko!” sagot ni Francis.

“Ang kapal ng mukha mo! Akala mo nama’y magpapa-utos ako sa isang kagaya mo. Baka nakakalimutan mong mas matalino ako sa’yo!” wika naman ni Sharlene.

“Pero mas mapera naman ako at maimpluwensya kaya hindi malayong mangyaring maging boss mo pa ako,” biro muli ng binata.

Halos walang matinong pag-uusap ang dalawa kaya naman tuwang-tuwa sa kanila ang mga kaklase.

Ngunit isang araw ay sadyang napakalungkot ni Francis dahil yumao na ang kaniyang ina.

“Alam kong masakit, Francis. Tandaan mong narito lang ako palagi sa tabi mo at hindi kita iiwan. Tutuparin pa rin natin ang mga pangarap natin kahit wala na si tita,” wika ni Sharlene.

Minsan ay nais nang bumitaw ni Francis ngunit nananatili siyang matatag dahil sa kaniyang kaibigan. Si Sharlene na lang kasi ang itinuturing niyang pamilya ngayon. At dahil nga kay Sharlene ay mas madali niyang natanggap ang pagkawala ng ina.

“Ipangako mo sa akin, Sharlene, na hindi mo rin ako iiwan. Hindi ko na kasi alam ang gagawin ko kapag pati ikaw ay nawala sa akin. Alam ko namang darating din ang panahon na mag-iiba tayo ng landas. Magkakatrabaho at magkakaroon ng kasintahan at pamilya. Pero sana manatili ang pagkakaibigan natin,” wika ni Francis.

“Hinding-hindi ako magbabago, Francis, ‘yan ang pangako ko sa’yo,” tugon naman ng dalaga.

Lumipas ang panahon at nakapagtapos na nga ng pag-aaral ang dalawa. Noong una’y pareho sila ng pinasukang trabaho. Ngunit nahihirapan si Sharlene kaya naman humanap siya ng iba. Hindi naman ito naging isyu kay Francis. Hinayaan lang niya ang kaibigan at madalas pa nga niya itong puntahan. Madalas pa rin silang nagkikita tulad ng dati.

Hanggang sa dumating ang isang araw na kinatatakutan ni Francis.

“Mag out ka na ba, Sharlene? Punta na ako d’yan sa opisina mo. Ihahatid na kita sa inyo,” saad ni Francis sa telepono.

“H-hindi na muna ngayon, Francis. Natatandaan mo ‘yung kinukwento ko sa’yong katrabaho kong parang may gusto sa akin?”

“‘Yung sinabi mong may crush ka rin? Huwag mo sabihin sa aking umamin ka na sa kaniya?” wika pa ng binata.

“Baliw! Hindi ko gagawin ‘yun. Nagtapat na siya ng pag-ibig sa akin at gusto raw niya akong mas makilala pa kaya inaya niya ako ng date. Siyempre, hindi na ako magpapakipot, ‘di ba? Pumayag na ako. Pero hindi ibig sabihin ay sasagutin ko siya kaagad. Pahihirapan ko pa rin naman siya. Kaya hindi mo na muna ako p’wedeng puntahan ngayon para maka-awra naman ako,” masayang pahayag ng dalaga.

Hindi sanay si Francis na tinatanggihan siya ng matalik na kaibigan. Madalas nga ay ito pa ang namimilit sa kaniya na magsundo para hindi na ito mahirapan sa pag-uwi. Pero sa isang banda ay masaya naman siya para kay Sharlene. Siguro ay hindi lang talaga siya sanay na may ibang lalaki sa buhay ng kaibigan.

Simula nang makipag-date itong si Sharlene ay madalang na siyang kasama ni Francis. Minsan ay hindi na rin ito sumasagot ng telepono dahil abala sa kaniyang buhay pag-ibig. Hanggang sa tuluyan na nitong inamin sa binata na mayroon na nga siyang nobyo.

Nauunawaan naman ito ni Francis. Alam niyang darating din ang araw na ito. Pero nakakaramdam talaga siya ng selos.

Isang araw ay tinawagan niya si Sharlene.

“Sharlene, samahan mo nga ako sa Makati. May condo kasi akong tinitingnan doon. Kailangan ko ng opinyon mo,” wika ng binata.

“Hindi ako p’wede, Francis, magpasama ka na lang sa iba. Sige na, saka na lang tayo mag-usap kasi nasa labas kami ni Mark. Baka magselos na naman ito sa’yo,” nagmamadaling wika ni Sharlene sabay baba ng telepono.

Nang sumunod na linggo ay muling tinawagan ni Francis ang kaibigan upang magpasama muli.

“Sige na, kailangan ko lang naman ang suhestiyon mo sa mga bagay. Nagtatampo na ako sa iyo palagi na lang ‘yang nobyo mo ang mahalaga. Nakalimutan mo na talaga ako,” biro ni Francis.

“Hindi talaga ako pwede, Francis. Sana naman ay maunawaan mo ako. Siguro naman bukod sa akin ay may iba ka pang kaibigan. Sila na muna ang ayain mo. Kailangan ko munang pagtuunan ang relasyon namin ni Mark,” saad muli ng dalaga.

Ilang beses na inaya ni Francis na makipagkita itong si Sharlene ngunit patuloy ang pagtanggi nito. Hanggang isang araw ay hindi na siya nakatiis pa at pinuntahan niya ang dalaga sa opisina.

Nagulat siya nang malamang hindi na pala ito nagtatrabaho doon. Wala man lang nabanggit sa kaniya si Sharlene. Ang sabi pa ng ilan ay nakipaglive-in na ito sa kaniyang nobyo.

Nagtanong-tanong si Francis sa mga empleyado doon upang malaman niya kung saan nakatira si Sharlene at ang kinakasama nito. Buong araw siyang nag hahanap hanggang sa tuluyan na niyang nakita ang kaibigan.

“Ano ba ang pumasok sa isip mo at bigla ka na lang umiwas sa akin? Tingnan mo nga ‘yang sarili mo! Tara na at iuuwi na kita ksa inyo. Malayo ang buhay na ito sa pinangarap natin, Sharlene,” saad ni Francis.

“Bitawan mo na ako, Francis, hayaan mo na ako sa buhay ko. Umalis ka na dahil baka maabutan ka dito ni Mark. Hindi mo ba nahahalata na umiiwas na ako sa iyo? Malaki ang selos sa iyo ni Mark. Gusto kong patunayan sa kaniya na prayoridad ko ang relasyon namin kaya kung kaibigan talaga ang turing mo sa akin Francis ay aalis ka,” pakiusap ng dalaga.

“Sinasaktan ka ba niya, Sharlene? Sinasaktan ka ba ng gag*ng ‘yun?” sa unang pagkakataon ay nakita ni Sharlene na magalit ang kaibigan.

Maya-maya ay dumating na si Mark at inabutang nag-uusap ang magkaibigan. Sa sobrang selos nito ay agad niyang sinugod si Francis.

Gumanti naman ng suntok si Francis dahil malakas ang kutob niyang sinasaktan nito si Sharlene. Dahil sa pangyayari ay agad na umawat ang dalaga.

“Francis, tumigil ka na! Umalis ka na, Francis! Bakit ba ang kulit-kulit mo, a? Hindi ba sinabi ko nang nilalayuan na kita? Ano ba ang hindi mo maintindihan?” sigaw ni Sharlene.

“Akala ko ba walang magbabago? Akala ko ba mananatili tayong magkaibigan? Hindi tayo mag-iiwanan?” saad naman ni Francis.

“Tanggapin mo na lang na iba na ang mundo ko ngayon. Francis. Umalis ka na at huwag mo nang guluhin pa ang buhay namin. Kalimutan mo na lang ako bilang kaibigan mo,” dagdag pa ng dalaga.

Labis na nasaktan si Francis dahil sa mga sinabi ng kaniyang pinakamatalik na kaibigan. Ngunit mas nasasaktan siya dahil mas pinili nitong mabuhay sa ganoong kalagayan.

Pilit pa ring tinatawagan ni Francis si Sharlene upang makipag-ayos ngunit tuluyan na itong umiwas. Masakit man kay Sharlene ay kailangan niyang pagtuunan ng pansin si Mark upang maging maayos ang kanilang pagsasama. Ayaw niyang masaktan na naman nitong muli.

Dumating ang panahong tuluyan nang hindi nagparamdam si Francis. Hindi naman maiwasan ni Sharlene na ma-miss ang kaibigan. Sa paglipas ng panahon ay patuloy pa rin niya itong iniisip pati ang tinalikuran niyang samahan nila. Dahil sa patuloy siyang sinasaktan ni Mark ay hindi na rin siya nakatiis pa at tuluyan na siyang nakipagkalas dito.

Alam niyang magiging masaya si Francis sa kaniyang ginawa. Sa wakas kasi ay natauhan na siya. Kaya naman ito ang una niyang nais puntahan upang ipaalam ang lahat ng nangyari. May pangamba man sa kaniyang dibdib na hindi na siya harapin ng dating kaibigan dahil sa kaniyang ginawang pantataboy ay nilakasan pa rin niya ang kaniyang loob.

Pumunta siya sa tiyahin nito upang malaman kung saan na ito nakatira.

“Nag-iba na po kasi ata siya ng numero. Hindi ko na po siya matawagan. Baka po masama pa rin ang loob niya sa akin dahil sa nagawa ko,” paliwanag ni Sharlene.

“Sharlene, talagang hindi na makakasagot ng tawag si Francis. Ilang buwan nang nakalipas simula nang yumao siya. Hindi mo man lang ba nabalitaan?” saad ng ginang.

Hindi nakapagsalita si Sharlene sa labis na pagkabigla.

“Nagbibiro lang po kayo, ‘di ba?” sambit ng dalaga.

“Sana nga ay nagbibiro lang ako, Sharlene. Pero hindi, e. Maaga tayong iniwan ng pamangkin ko. Tulad ng kaniyang ina’y tinamaan din ng malubhang karamdaman si Francis. Matagal na niya itong alam. Ilang buwan matapos mawala ang mama niya. Alam mo, sabi niya sa akin ay nagsisisi siya dahil hindi niya inamin sa iyo na mahal na mahal ka niya. Una kasi’y ayaw niyang masira ang pagkakaibigan ninyo. Baka raw layuan mo siya. Pangalawa ay kung sakaling mahalin mo siya’y ayaw niyang malungkot ka sa pagkawala n’ya. Pero sabi niya sa akin, sana pala’y sinabi na lang niya nang sa gayon ay hindi ka na napunta sa Mark na ‘yun. Nakakalungkot lang ang sinapit ng pagkakaibigan ninyong dalawa. Noon ay hindi kayo mapaghiwalay pero nawala siya ng hindi man lang kayo nagkaayos,” malungkot na sambit ng tiyahin.

Hindi na napigilan pa ni Sharlene ang pagbagsak ng kaniyang mga luha. Naalala niya ang lahat ng pagkakataong tinaboy niya ang kaibigan.

“Nangako ako sa kaniya na kahit kailan ay hindi ako aalis sa tabi niya. Pero wala ako noong higit niya akong kailangan. Pilit niya akong nililigtas sa isang masamang relasyon pero siya pa itong itinaboy ko. Wala akong kwentang kaibigan! Napakasama ko!” pagtangis ng dalaga.

“Alam niyang isang araw ay matatauhan ka rin. Kilalang kilala ka niya. Sayang lang at hindi na niya ito naabutan. Siya nga pala, Sharlene, may nais akong ibigay sa iyo. Ibinilin ni Francis na ibigay sa iyo ang lahat ng kaniyang naiwan — ang condo, kotse, pera sa bangko at iba pa niyang gamit. Gamitin mo raw ito para sa pagsisimula ng bago mong buhay. Nang sa gayon ay maalala mo siya sa lahat ng pagkakataon. Ayaw ka niyang iwan pa ngunit sadyang kinuha na siya ng Panginoon,” dagdag pa ng ginang.

Labis na nagsisisi itong si Sharlene sa kaniyang ginawa kay Francis. Hanggang sa huli ay siya pa rin ang iniisip nito. Hanggang sa huli ay tinupad pa rin nito ang pangakong tutuparin ang kanilang mga pangarap.

Wala man si Francis at ramdam ni Sharlene ang pagkalinga nito sa kaniya. Nanghihinayang lang siya dahil sa loob ng kaniyang puso ay batid niyang mahal na mahal niya rin ang matalik na kaibigan.

Advertisement