Kinamkam ng Kapitbahay ang Puno ng Manggang Hitik sa Bunga Mula sa Nagtanim Nito; Ito ang Kaniyang Sinapit
Araw-araw ay pinaglalaanan talaga ni Mang Simon ang tanim niyang mangga sa kabilang lote ng kanilang bahay. Ilang taon na ring hindi bumabalik ang may-ari nito at ipinagkatiwala na ang pagbabantay nito sa kaniya. Kaya naman naisipan niyang magtanim doon.
Malaking tulong para sa kaniyang pamilya ang kaniyang pananim. Nakakuha kasi sila ng mga gulay at talbos. Lalo na kapag napapanahon ang mangga. Talagang malaki ang kinikita ni Mang Simon dahil masarap ang ibinibigay na bunga ng puno.
Isang umaga ay abala si Mang Simon na siguraduhin na hindi mapepeste ang mga bungang mangga.
“Hitik na hitik palaging mamunga ang puno na ‘yan, Mang Simon, ano? Kay galing po ninyong mag-alaga!” wika ng kapitbahay na si Teban.
“Aba’y tinuring ko na rin itong parang anak ko kasi. Paggising ko sa umaga’y mas nauuna ko pa ngang batiin itong puno kaysa sa asawa ko!” biro pa ng matanda.
“Sigurado po akong marami na naman ang bibili ng mangga ninyo! Lagi ko ring inaabangan ‘yang mamunga dahil masarap talaga ang mangga n’yan!” dagdag pa ng ginoo.
“Hayaan mo at ipagtatabi na kita agad!” saad muli ni Mang Simon.
Sa kabilang banda naman ay palaging nakabantay ang ginang na si Marites. Kamag-anak ito ng may-ari ng lupa. Malaki ang inggit nito kay Mang Simon dahil dito nga pinagkatiwala ang pagbabantay ng naturang lupa at hindi sa kaniya.
“Mang Simon, baka naman nakakalimutan mong sa tiyahin ko ang lupang iyan. Para kasing inaangkin mo na,” sita ni Marites.
“Hindi naman, Marites, matagal na kaming nag-usap ng tiyahin mo na tataniman ko muna ang lupang ito hanggang hindi pa niya kailangan. Pumayag naman siya. Alam din naman ng lahat dito na hindi ito sa akin at ipinagkatiwala lang ito sa akin,” saad naman ng matanda.
“Mabuti na ‘yung malinaw! Dapat nga ay nakikinabang rin ang pamilya ko sa mga tanim niyan. Kasi nga hindi mo naman lupa ‘yan at sa tiyahin ko ‘yan!” dagdag ng ginang.
“Kung may gusto ka, Marites, ay kumuha ka lang. Hindi naman kita pinipigilan. Iyon ang dahilan kung bakit walang bakod ito. Kahit itong mangga ay maaari kang kumuha para sa inyo ng pamilya mo,” pahayag pa ni Mang Simon.
Ngunit malaki ang interes ni Marites sa lupa at sa tanim ni Mang Simon dahil nga malaki rin ang kinikita nito mula sa mga bunga.
Dalawang linggo ang nakalipas at kumalat nga ang malungkot na balita. Yumao na raw ang may-ari ng lupa. Kaya heto ngayon si Marites at nagmamalaki.
“Sabi ng mga anak ng tiyahin ko ay wala na raw silang balak na kunin pa ang lupang ito kaya sa akin na raw. Simula ngayon ay sisimulan ko nang alisin ang tanim d’yan dahil babakuran ko na at patatayuan na ng bahay!” sambit ni Marites.
“Baka naman p’wedeng hayaan mo munang mahinog ang mga bunga ng puno ng mangga. ‘Yan lang ang hinihiling ko sa iyo, Marites,” pakiusap ni Mang Simon.
“Wala naman akong balak talagang putulin ang punong iyan. Pero kailangan na naming bakuran ang lupa dahil binigay na ‘yan sa akin ng mga anak ng tiyahin ko!” muling wika ni Marites.
Kinabukasan ay agad na binakuran ang naturang lupa. Hindi pa rin naman inaalis ni Marites ang mga halamang itinanim ni Mang Simon. Buong akala tuloy ng matanda ay pwede pa rin siyang makinabang sa kaniyang mga tanim.
Nagulat na lamang ang matanda na makitang nakakandado ang bakod.
“Marites, p’wede ba akong pumasok sandali d’yan sa may lote? Pipitas lang ako ng sitaw at sili. Tapos ay titingnan ko lang rin ang mga mangga. Baka mamaya ay pinepeste na ang mga bunga,” wika ni Mang Simon.
“Ay, hindi ka na p’wedeng pumasok sa lote ko. Wala ka nang karapatan d’yan dahil ako na nga ang may-ari. At ayon sa batas ay lahat ng nariyan ay akin na rin,” sagot ni Marites.
“H-hindi pa naman naisasalin sa pangalan mo ang loteng iyan. Saka nag-usap na tayo nang maayos, ‘di ba? Kukunin ko lang ang mga bunga ng mangga pagkatapos ay p’wede mo nang putulin ang puno kung nais mo. Gawin mo na kung ano ang gusto mong gawin sa lote mo,” bwelta naman ng matanda.
“Hindi na maaari. Kung ipipilit mo, Mang Simon, ay p’wede kitang ipabarangay o hindi kaya’y ipapulis. Uulitin ko, wala ka nang karapatan sa kahit anong tanim d’yan dahil hindi naman sa’yo ang lupang ‘yan!” bulyaw ni Marites.
Labis ang sama ng loob ni Mang Simon sa ginawang ito ng kapitbahay. Nais niyang kausapin ang mga anak ng tunay na may ari ng lupa upang makiusap. Ngunit hindi naman niya alam kung paano kokontakin ang mga ito.
“Pabayaan mo na, Simon, alam mo namang isang araw ay darating din ang araw na ito na babawiin sa iyo ang lupa,” saad ng misis nito.
“Alam ko naman ‘yun. Pero hindi naman tama na kamkamin na lang basta ni Marites ang lahat ng bunga ng mangga. Pinaghirapan kong mamunga iyon. Alagang-alaga ko ang punong ‘yun!” halos maiyak na si Mang Simon.
“Saka isa pa, inilaan ko na sa pagpapatingin ulit ng mga mata mo ang kikitain sa pagbibilhan ng mga mangga. Nangangamba kasi akong lalong tumindi na ang katarata mo. Kanino kaya ako p’wedeng humingi ng tulong upang makausap ang mga anak ni Mirasol?” dagdag pa niya.
Habang hindi na alam ni Mang Simon ang gagawin at kung kanino hihingi ng tulong ay heto naman si Marites nagpapakasasa sa mga hitik na bungang mangga.
Nang mahinog ang bunga ay umupa pa siya ng ilang binata upang pitasin ang mga ito.
“Ilang kaing kayang mangga ‘yan? Sigurado akong marami ang kikitain ko! Kailangan ko ng pera dahil patatayuan ko na ng bahay itong lote!” pilit na ipinararating ng ginang kay Mang Simon.
Naghihimagsik naman ang kalooban ng matanda.
“Hayaan mo na, Simon, at talagang iniinis ka lang niyang si Marites. Ipagpasa Diyos mo na lang ang lahat at may bwelta ang kapalaran sa kaniya,” saad pa ng misis ni Mang Simon.
Nakinig na lang ang matanda sa payo ng kaniyang asawa. Kahit na madalas ay napapatingin pa rin siya sa punong kaniyang itinanim ay sadyang kailangan na niyang talikuran ito.
Isang buwan at kalahati ang nakalipas at nakapagpagawa na nga ng bahay sa lote si Marites. Ubod ito ng yabang habang ipinapasok sa loob ng bahay ang mga bagong biling gamit.
“Marites, hindi ba’t parang ang bilis namang ginawa ng bahay mo? Talagang minadali mo ata. Saka bakit masyadong dikit naman d’yan sa puno?” puna ng isang kapitbahay.
“Gusto ko kasing malaki rin ang bahay ko. Ayaw ko namang ipaputol ang puno dahil sayang din. Dahil sa pinagbentahan namin ng mangga ay magagandang tiles ang nabili ko. Pinataasan ko na rin dahil bahain pa naman dito sa atin. Kapag namunga ulit ‘yan ay magpapagawa naman ako ng terasa,” pagyayabang pa ng ginang at sadyang ipinaririnig sa kapitbahay na si Mang Simon.
Lumipas ang ilang buwan at unti-unti nang natanggap ni Mang Simon ang nangyari. Nang malaman ng isang kaibigan ang ginawa ng kapitbahay sa kaniya’y agad siyang pinatawag nito upang tamnan naman ang loteng hindi niya ginagamit. Dahil dito ay naaliw muli ang matanda at nakalimutan ang pangdurugas sa kaniya ni Marites.
Isang araw ay napabalitang may bagyong ubod ng lakas ang darating. Naghanda ang lahat dahil bukod sa mababa ang kanilang lugar ay gawa sa kahoy ang karamihan sa mga kabahayan. Si Marites ang bukod tanging nagmamalaki dahil bato ang kaniyang bahay.
“Hindi ko na kailangan pang maghanda dahil kaya akong protektahan ng bahay ko. Bagong gawa lang kaya ito. Hayaan ko na lang magkumahog sa pag-aasikaso ang mga kapitbahay ko!” saad niya sa ilang kaanak.
Nang dumating ang bagyo ay kalmado lamang ang ginang. Ngunit paglipas ng ilang oras ay talagang ubod na nang lakas ang buhos ng ulan at hangin. Pinalilikas na ang lahat ngunit buo pa rin ang loob ng ginang na magiging ligtas siya sa loob ng bahay.
Maya-maya ay biglang ihip lalo ng napakalakas na hangin at pilit na pinapatumba ang puno ng mangga. Ang hindi alam ni Marites ay nasa ilalim ng kaniyang bahay ang mga ugat ng puno. Kaya naman nang mabuwal ito’y nabiyak din ang sahig ng kaniyang bahay. Nagsisisigaw ang ginang papalabas. Ang matindi pa rito’y sa bahay niya pa nabuwal ang naturang puno.
Kinabukasan ay natapos ang bagyo at wala namang ibang napinsala maliban lamang sa bahay ni Marites at ang nabuwal na puno ng mangga.
Gulat na gulat ang lahat nang makita ang masaklap na sinapit ng bagong tayong bahay ni Marites. Ngunit imbes na maawa ang mga ito sa kaniya’y pinagtawanan pa siya ng mga ito.
“Karma na rin siguro ‘yan dahil sa ginawa niya kay Mang Simon. Baka nga mamaya ay iginanti mismo siya ng punong mangga. Masama kasi ang budhi kaya ‘yan ang napapala,” saad ng isang kapitbahay.
Hindi makapaniwala si Mang Simon sa nangyari. Kahit paano ay nalungkot rin siya dahil matagal niyang inalagaan ang mga tanim niya.
Sakto naman ang pagdating mga anak ng tunay na may-ari ng lupa. Nagtataka ang mga ito dahil sa nakatirik na bahay doon.
“Hindi ba’t hiningi ko na ang lupang ito kay Tiya Mirasol? Kayo pa ang nagsabi sa akin na ako na ang bahala sa loteng ito,” wika ni Marites.
“Ang sabi ko’y pakibantayan para sa amin hanggang hindi pa namin alam kung ano ang gagawin. Sinabi kong hindi na kami maghahabol sa lupa ngunit alam naming may ibinilin si mama tungkol sa lupang iyan!” saad ng ginoo.
Napag-alamang kay Mang Simon pala talaga iniwan ang lote dahil na rin sa pangangalaga nito sa loob ng maraming taon. Samantalang si Marites naman ay walang nakuha dahil alam ng kaniyang tiyahin na tuso siya.
Ngayon ay si Mang Simon na ang may karapatan sa lupa’y maaari na niyang paalisin si Marites.
“Ang puno ko na ang gumawa ng paraan para mapadali ang paggiba sa bahay na ipinatayo mo sa lupang hindi mo naman pag-aari. Siguro nama’y hindi ka na maghahabol dahil maliwanag na ang lahat, Marites,” wika ni Mang Simon.
Pahiyang-pahiya si Marites sa lahat ng kapitbahay. Pilit niyang inilalaban ang pagbabayad ng matanda sa bahay na kaniyang ipinatayo. Natigilan lang siya nang sabihin ni Mang Simon na magsasampa siya ng kaso sa pangangamkam ng lupa.
Muling itinayo ni Mang Simon ang puno sa bakanteng lote. Nang magiba na nang tuluyan ang bahay na ipinatayo ni Marites ay ibinalik niya ang kaniyang halamanan. Ngayon ay nagsisimula na namang mamunga ang kaniyang mga tanim.
Labis ang saya ni Mang Simon, hindi lang dahil binigay na sa kaniya ang lupa kung hindi dahil sa wakas ay nagbalik na rin ang kaniyang mga tanim.