Dahil Matindi ang Inggit ng Lalaki sa Kaibigan ay Inilaglag Niya Ito sa Trabaho; Pahiya Siya nang Malaman ng Boss ang Ginawa Niya
Sabik si Rodjun dahil kahit isang taon palang siyang nagtatrabaho sa isang malaking kumpanya sa Cubao ay natitiyak niyang malaki ang tiyansa niyang ma-promote. Tapos na siyang interbyuhin ng kanilang boss at malakas talaga ang kutob niya na siya ang mapipili sa inaasam niyang posisyon.
Malaki ang utang na loob niya sa matalik niyang kaibigan na si Andrei na nagpasok sa kaniya sa opisina. Ito ang kumumbinsi sa kaniya na mag-apply dahil tugma sa pinag-aralan niya ang trabaho roon. Gradweyt siya ng office management kaya natanggap siya agad bilang office clerk. Pero walang kamalay-malay ang kaibigan niya hindi sapat ang pagtulong nito sa kaniya dahil napakalaki ng inggit niya rito.
Bata pa lang sila ay naiinis na siya kay Andrei. Kalaban niya kasi ito pagdating sa patalinuhan noong nag-aaral pa sila sa eskwela. Palaging first honor ang lalaki samantalang siya ay pangalawa lang. Kahit kailan ay hindi niya ito matalo. Kahit sa panliligaw ay inilalampaso siya ng kaibigan, ang mga babaeng nagugustuhan niya ay ito ang natitipuhan. Bukod sa mas matalino, mas guwapo rin ito sa kaniya kaya maraming nahuhumaling.
“Brad, how’s your interview?” nakangiting bungad ni Andrei sa kaniya kaya nagising siya mula sa pag-iisip kung paano malalamangan ang kaibigan. Agad niyang ipinakita rito ang plastik niyang ngiti.
“Ayos lang naman, I think nagustuhan naman ni boss ang sagot ko sa mga tanong niya,” proud na sabi niya.
“Wow, nice! Ngayon pa lang kino-congratulate na kita. Proud ako sa iyo, brad! Tara, lunch tayo? Baka mamaya hindi na kita masabayan sa meryenda, may importante kaming meeting with the clients, eh. Ipe-present ko sa kanila ‘yung pinaghirapan kong proposal. Alam mo ‘yon, ‘di ba?” sabi ng lalaki.
Tumanggi si Rodjun. “Huwag na, mauna ka na mag-lunch, marami pa akong tinatapos, eh,” tugon niya. Pero ang totoo, isang maitim na balak ang pumasok sa isip niya. Pagkakataon na iyon para magantihan niya ang kaibigan niyang dunung-dunungan.
Tumango lang naman si Andrei at nagpaalam na sa kaniya na mauuna nang kumain. Nang masiguro ni Rodjun na wala nang ibang tao sa paligid ay pinakialaman niya ang kompyuter ng lalaki at binura ang mga file na nakapaloob doon.
“Akala mo siguro ay palagi kang suwerte, ano? Tingnan ko lang kung may mai-present ka pa sa mga kliyente. Ito na ang katapusan ng career mo!” nakangising sabi niya. Tapos ay sumunod na rin siya sa restawran na paborito nilang puntahan ni Andrei upang hindi siya mapaghinalaan. Pagdating doon ay masaya siyang sinalubong ng lalaki na walang kaalam-alam sa masama niyang plano.
Ngiting dem*nyo siya habang kumakain kasama ang kaibigang tinraydor niya. Para sa kaniya ay iyon na ang pinakamasayang araw niya dahil sigurado nang siya ang makakakuha ng promosyon at bonus pang nasira niya ang pangalan ng kaibigan, naisahan niya ito. Sa wakas, mahihigitan na niya ang ungas.
Pagbalik nila sa opisina ay bigla na lamang nagsalita ang kanilang boss.
“Everyone, attention please,” wika nito.
Sabik namang itinigil ni Rodjun ang ginagawa at masiglang nakinig.
“Good news, guys! Ia-announce ko na kung sino ang bago nating marketing manager at siya’y walang iba kundi si Mr. Rodjun Capistrano!” bunyag ng boss.
Napuno naman ng palakpakan ang buong departamento at proud na proud namang tumayo sa harapan si Rodjun.
Agad na kinamayan at niyakap ni Andrei ang kaibigan. “Congrats, brad! I knew it. You deserve this,” anito.
“Thanks,” plastik niyang sagot.
Maya maya ay muling nagsalita ang kanilang boss. “Mr. Abeleda, are you ready for the presentation? Nasa meeting room na ang mga kliyente natin. Sunod ka na lang ha?” sabi ng boss at tumalikod na.
Pumunta si Andrei sa mesa niya at bubuksan ang kompyuter. Kokopyahin na niya sa USB ang mga file na naroon para ilipat sa laptop pero pinagpawisan nang malapot ang lalaki nang makitang nawawala ang mga folder na is-in-ave niya.
Nakaramdamn naman si Rodjun na namomroblema na ang kaibigan.
“Something wrong, brad?” plastik na tanong niya.
“Nawawala kasi ‘yung mga file ko sa kompyuter, eh.” sabi lang nito na natataranta na. Napansin ng boss nila na hindi na mapakali si Andrei kaya pinatawag ito at pinapasok sa opisina nito. Napangisi naman si Rodjun, tiyak na pagagalitan na ito dahil sa kapabayaan.
Makalipas angi lang minuto ay lumabas ang kanilang boss kasama si Andrei. May importante ulit itong sasabihin sa lahat.
“Everyone, please listen,” sabi ng boss.
Napalingon naman si Rodjun, sabik nang malaman na nasermunan si Andrei dahil sa kagagawan niya.
“Alam niyo, may sasabihin ako sa inyong lahat. Kanina lang ay in-announce ko ang bago nating sales manager. Dapat talaga ay si Andrei iyon. Hindi kailangan pa ng ibang nominado dahil si Andrei talaga ang deserving sa posisyong iyon dahil sa kaniyang angking galing at sipag sa kumpanya, pero alam niyo ba ang ginawa niya? Tinanggihan niya ang posisyon at ibinigay sa kaibigan niyang si Rodjun. Tinulungan niya ang kaibigan sa ikalawang pagkakataon dahil siya rin ang nagpasok kay Rodjun dito sa kumpanya.Kaya hindi ko lubos maisip na ang isusukli sa kabutihan ni Andrei ay kataksilan. May nagbura ng mga ginawa niyang files sa kompyuter na gagamitin sa presentation today na matagal niyang pinaghirapan, ang hindi alam ng salarin ay kitang-kita sa CCTV ang ginawa niyang kasamaan sa kaniyang kapwa,” bunyag ng boss sabay tingin nang matalim kay Rodjun.
Namutla si Rodjun, bigla siyang kinabahan sa mga narinig niya.
“Dahil sa ginawa mo, Mr. Capistrano ay binabawi ko na ang posisyon na ibinigay ko sa iyo at ibabalik ito sa mas tamang tao, walang iba kundi si Mr. Andrei Abeleda. Ipinakita mo lamang na hindi ka karapat-dapat sa posisyon, Rodjun. Congratulations, you are the new sales manager, Andrei,” wika ng boss.
Sa labis na pagkapahiya ay nagmamadaling umalis sa lugar na iyon si Rodjun na wala nang mukha pang maihaharap sa opisina. Pinagsisihan niya ang nagawang kamalian, sa isip niya, sana ay hindi na lamang niya iyon ginawa. Nawala tuloy sa kaniya ang inaasam niyang posisyon, natanggal pa siya sa trabaho at nawalan pa ng tiwala sa kaniya ang kaibigan niyang si Andrei na sa simula ay puro kabutihan ang ipinakita pero hindi niya pinahalagahan.
Wala talagang ibinubungang maganda ang inggit sa kapwa kundi kapahamakan at pagkasira ng pagkatao kaya ugaliing maging mabuti sa kapwa upang mabuting karma rin ang anihin.