Inday TrendingInday Trending
Todo ang Luha ng Ina Nang Malamang Mawawala Rin Pala ang Sanggol na Isinilang Niya; Ikagugulat Niya ang Milagrong Magaganap

Todo ang Luha ng Ina Nang Malamang Mawawala Rin Pala ang Sanggol na Isinilang Niya; Ikagugulat Niya ang Milagrong Magaganap

Tatlong taon nang nagsasama bilang mag-asawa sina Karen at Ervic bago nagdalantao ang misis, kaya naman ganoon na lang ang kasiyahan nila na dinadala na ni Karen ang sanggol na babae sa sinapupunan.

Sobra ang pag-iingat ni Ervic sa kaniyang asawa dahil may sakit ito sa puso at sensitibo ang pagbubuntis. May alta presyon din ang babae kaya delikado talaga oras na manganak ito.

“Ganito ba talaga kahirap pag nagbubuntis?” sabi ni Karen sa mister.

“Kakayanin mo ‘yan, darling. Alam nating mahirap pero kayanin natin para sa ating magiging anak,” sagot ni Ervic.

“Oo naman. Kakayanin namin ni beybi ito. ‘Di ba, beybi? Hindi ako papayag na hindi maisilang ang beybi natin,” nakangiting sabi ng babae sabay himas sa siyam na buwang tiyan.

“Ganyan nga, darling. Makakaraos ka rin. Maisisilang mo nang maayos ang beybi natin,” sabi ng lalaki sabay halik sa malaking tiyan ni Karen.

Namula naman ang pisngi ng kaniyang misis, lalong naging mas matamis ang samahan nilang mag-asawa ngayong nagkaroon na ng bunga ang kanilang pagmamahalan.

“T-teka, d-darling…” hirap na sabi ni Karen.

“O, bakit? Anong problema?”

“D-darling parang….”

“Ano nga, darling?”

“Parang manganganak na ako!” sigaw ng babae.

“H-ha?!” tugon ni Ervic. BIglang nataranta ang lalaki. Hindi niya malaman kung ano ang unang gagawin, pero pinakalma niya ang sarili at dali-daling dinala sa ospital ang misis.

Dahil may karamdaman sa puso si Karen, napagdesisyunan nila na i-cesarean na lang ang pangangakan nito. Baka hindi kasi kayanin kung normal.

Nasa loob na ng delivery room ang babae, hinintay ni Ervic na matapos ang pagluluwal ng asawa. Ilang oras din ang lumipas, naroon lang siya sa kapilya ng ospital at taimtim na nagdarasal. Ipinapanalangin niya na sana ay maging ligtas ang misis niya at ang kanilang anak.

Maya maya ay lumabas na ang doktor.

“Stable na ang asawa mo,” panimula nito.

Nakahinga nang maluwag si Ervic.

“Ang anak po namin, kumusta?” tanong niya.

Biglang napalitan ng lungkot ang ekspresyon sa mukha ng doktor.

“I am sorry, pero gaya ng misis mo, mahina rin ang puso ng bata. Baka hindi siya magtagal.”

Hindi napigilan ni Ervic na mapaluha nang malamang delikado ang lagay ng sanggol.

‘Di nagtagal ay nagising na si Karen, agad nitong hinanap ang anak nila.

“D-darling, anong nangyari? Nasaan ang baby girl natin?” tanong nito.

Hindi agad nakasagot si Ervic. Paano niya sasabihin na nasa ICU ang kanilang anak at naghihintay na lang ng oras nito? Baka hindi kayanin ng misis niya ang sakit at bumigay ang puso nito. Mas lalong hindi niya kakayanin kung pati ang asawa niya’y mawala rin.

“A, eh inaayos pa ng nurse si beybi, darling. Baka maya maya ay dalhin na siya rito,” pagsisinungaling niya.

Ilang sandali pa ang nakalipas pero hindi talaga mapakali si Karen, kinakabahan siya. Pilit niyang kinukulit ang mister na makita ang kanilang panganay. Kahit na anong gawin ni Ervic na pagtatago ay hindi na niya magawa, wala na siyang maisip na dahilan kaya oras na para ipagtapat niya sa misis ang totoo.

“Gusto mo na bang makita si beybi?” tanong niya niya pinipigilang maluha.

“Oo, darling. Gustung-gusto ko na siyang makita, mahawakan at mahagkan,” sagot ng babae.

Habang nakaupo sa wheelchair si Karen ay tulak-tulak naman siya ni Ervic papunta sa kinaroroonan ng kanilang anak.

Pagpasok nila sa kwarto ay tumambad kay Karen ang payat na payat at mahinang-mahinang katawan ng sanggol na puro aparato.

“Anong ibig sabihin nito? Bakit nariyan ang anak natin?” naiiyak nang tanong ng misis.

“Sorry, darling gaya mo ay mahina rin ang puso ni beybi. Ang sabi ng doktor ay pahina na ito nang pahina at baka ilang araw na lang ay…”

“Ay ano?”

Napahagulgol na si Ervic.

“Ilang araw na lang ay mawawala na siya. Hindi na raw siya magtatagal.”

‘Hindi!” lumuluha na ring sabi ni Karen.

Maya maya ay napansin nila na suminghap lang nang malakas ang sanggol at nagdire-diretso na ang linya. Wala na ang beybi nila, wala na itong buhay.

“Anak ko! Anak ko!” hagulgol ng babae. Hawak-hawak siya ni Ervic sa balikat.

Biglang nagdatingan ang mga nurse at sinubukang i-revive ang sanggol pero wala na talaga. Wala na itong pulso.

Umiiyak na nakiusap si Karen na kung maaari ay makarga man lang niya ang anak sa huling pagkakataon. Pumayag naman ang mga nurse at maingat na iniabot sa kaniya ang wala nang buhay na sanggol.

Habang hawak-hawak niya ang beybi ay binulungan niya ito.

“Anak, naririnig mo ba si mama? Huwag mo muna kaming iwan ng papa mo. Gusto ka pa naming makasama nang matagal. Bigyan mo kami ng pagkakataon na maging magulang mo. Mahal na mahal ka namin ng papa mo!” aniya habang patuloy siyang umiiyak.

Pagkatapos niyon, ilang saglit pa ay may kung anong himala ang naganap, biglang kumislot ang sanggol tapos ay pumalahaw ng iyak!

Nagulat ang mag-asawa, pati ang mga nurse na naroon ay hindi makapaniwala.

“Diyos ko! Maraming salamat po! Salamat, anak, at narinig mo ang pakiusap ni mama. Laban lang, lumaban ka para sa amin ng papa mo!” masayang-masayang sabi ni Karen habang yakap-yakap ang beybi niya.

Maging ang mga doktor ay ‘di maipaliwanag kung ano ang nangyari. Isang milagro iyon para sa lahat.

Laking pasasalamat nila dahil dininig ng Diyos ang hiling ng isang inang nais mabuhay ang anak.

Pagkatapos noon ay tuluyang gumaling ang sanggol hanggang sa makalabas sila sa ospital. Naging mabuting ina si Karen sa kanilang anak ni Ervic na pinangalanan nilang ‘Miracle’ na lumaking malusog at matalino.

Advertisement