Hiniling ng Lalaki at Kabit Niya na Mawala na sa Landas Nila ang Misis; Sa Kanila Tumalbog ang Hiling Nila
Apat na taon nang nagsasama bilang mag-asawa sina Farrah at Harrold ngunit wala pa rin silang anak. Mabait na misis si Farrah, tahimik at ang tanging kaligayahan ay mahalin at paglingkuran ang mister. Wala siyang ibang bisyo kundi ang mag-alaga ng mga bulaklak.
Si Harrold naman ay nagtatrabaho sa isang lending company bilang manager. Ang totoo ay matagal na itong nanlalamig sa kaniyang misis dahil walang inatupag ang babae kundi ang mga bulaklak nito. Sa isip ng lalaki ay ang mga alagang bulaklak na lang ang mahalaga sa kaniyang asawa. Ang isa pang dahilan kung bakit tinatabangan na si Harrold kay Farrah ay hindi pa rin siya nito mabigyan ng anak. Baog pa yata ang babae! Kaya nagawa niyang magloko at magkaroon ng lihim na relasyon sa maganda at seksing seksing si Adriana.
Sino ba naman kasi ang hindi mahuhumaling sa babae? Si Adriana ang sekretarya ni Harrold sa pinagtatrabahuhang kumpanya. Liberated si Adriana at game sa lahat ng bagay, malaki rin ang pagkahumaling nito kay Harrold kaya inakit nito ang lalaki at nahulog naman sa mga palad niya ang uto-utong mister ni Farrah.
Ambisyosa rin ang babae na ang tanging hangad ay ang pera ni Harrold. Nalaman nito na galing sa may kayang pamilya ang lalaki kaya plano rin nitong manghuthot. Ipinakilala ni Harrold ang babae kay Farrah bilang malapit na kaibigan sa opisina. Mula noon ay palagi na itong dumadalaw sa bahay ng mag-asawa. Walang kamalay-malay si Farrah na nagpapasok siya ng ahas sa sariling pamamahay.
“Kuntento ka na ba talaga sa buhay mong ‘yan, Farrah? Wala ka bang gagawin kundi alagaan ‘yang mga bulaklak mo?” tanong ng babae.
“Ito kasi ang libangan ko, Adriana. Wala pa kasi kaming anak ni Harrold kaya dito ko naibubuhos ang pansin ko,” sagot ni Farrah.
“Four years na nga pala kayong kasal ni Harrold ay wala pa kayong beybi! Bakit nga ba? Sino ba ang may diperensiya sa inyong dalawa?” usisa pa ni Adriana.
“Wala, pareho kaming malusog na mag-asawa. Siguro hindi palang talaga panahon para magkaroon kami ng anak. Pero naniniwala ako na darating din iyon, may awa ang Diyos. T-teka nga pala…ikaw, bakit ‘di ka pa rin nag-aasawa? Maganda ka, matalino, siguradong marami kang manliligaw, wala ka pang napipisil sa kanila?” wika ni Farrah.
“Oo, maraming lalaki ang nagkakandarapa sa akin, pero wala sa kanila ang quality ng lalaking gusto kong maging asawa,” tugon ng kausap.
“Naku, pihikan ka pala. Bahala ka, baka tumanda kang dalaga.”
Plastik na napahagalpak ng tawa si Adriana saka may ibinulong sa isip.
“G*ga! Ang asawa mo ang gusto ko! Ikaw lang ang sagabal sa kaligayahan naming dalawa!”
Isang gabi, nagpunta si Harrold sa condo ni Adriana. Ang kakaibang init sa pakikipagn*ig ang hinahanap-hanap ng lalaki sa babae kaya patuloy itong binabalik-balikan.Pagkatapos nilang magpakasawa sa kamunduhan ay seryosong nag-usap ang dalawa.
“Naiinip na ako, Harrold! Kailan mo ba hihiwalayan ang asawa mo?”
“Kaunting tiis pa, sweetheart. Nag-iisip na ako ng paraan upang maidispatsa siya.”
“Sana’y sa lalong madaling panahon, sweetheart. Gusto ko nang masolo kita.”
“Masosolo mo ako, ipinapangako ko sa iyo,” malambing na sabi ni Harrold kay Adriana saka muling niyaya na magn*ig sila.
At sa ikalawang pagkakataon ay nag-apoy ang kahibangan ng dalawang taksil. Magdamag silang nagtampisaw sa kasalanan.
Samantalang ang pobreng si Farrah ay kanina pa naghihintay sa kaniyang asawa.
“Bakit kaya hindi pa siya dumarating?” nag-aalalang tanong nito sa sarili.
Umaga na nang dumating si Harrold at mainit pa ang ulo dahil naabutan nitong abala na naman ang misis.
“O, mga bulaklak na naman ang hawak mo!” galit nitong sabi.
“Pinitas ko itong mga rosas para palitan ang mga tuyot na bulaklak sa plorera natin,” sagot ng babae.
Biglang hinablot ng lalaki ang hawak na mga bulaklak ng asawa.
“Alam mo bang nasusulasok na ako sa amoy nito sa loob ng bahay natin?”
Ikinagulat ni Farrah ang ginawa ng mister, hindi pa ito nakuntento at sinira pa ang mga bulaklak sa harap niya.
“H-Harrold naman!”
Pagkatapos wasakin ang mga bulaklak ay pumasok na ng bahay si Harrold. Napaiyak na lang si Farrah.
“Ang mga alaga ko.”
Pero maya maya…
“Hoy, Farrah! Pumasok ka rito! Ipaghain mo ako! Nagugutom ako, bilisan mo!” sigaw ng mister.
Nataranta ang babae. “H-hayan na ako, Harrold,” wika nito na pinahid ang luha sa mga mata.
Ang hindi alam ni Farrah ay naroon lang sa labas ng bahay nila si Adriana, nakamasid sa kanilang mag-asawa. Hindi lingid sa babae ang ginawa ni Harrold sa kaniya.
“Sinisimulan nang buwisitin ng sweetheart ko ang t*nga niyang misis. Ako talaga ang mahal niya,” nakangiting sabi ni Adriana sa isip.
Simula noon ay araw-araw nang sinisinghalan ni Harrold ang misis.
“Ano ka ba? Nasaan ‘yung paborito kong kurbata?” singhal ng lalaki.
“H-hinahanap ko pero talagang hindi ko makita, eh,” natatarantang sabi ni Farrah.
“Nagpapabaya ka kasi! Ang dami nang nawala sa mga gamit ko! Wala ka na kasing inatupag kundi puro bulaklak mo! Sh*t!”
“H-hindi naman, Harrold,” umiiyak na sabi ng misis.
Pero ang totoo, itinatago mismo ni Harrold ang mga bagay na hinahanap niya.
“Bubuwisitin kita talaga, Farrah, para kapag hindi ka na nakatagal ay hihiwalayan mo na ako,” natatawang sabi niya sa isip.
Isang gabi, umuwi si Harrold sa bahay at isinama niya roon si Adriana para doon sila gumawa ng milagro, pero laking gulat nila nang may makita silang kakaiba sa hardin ni Farrah.
“Look, Harrold! Wishing well!” manghang sabi ng babae.
“S-saan nanggaling ‘yan?” nagtatakang sabi ng lalaki.
“T-teka, tingnan mo, may karatula, o!”
Binasa nila ang karatulang nakadikit sa maliit na balon sa kanilang harapan.
“Humiling at matutupad?” sambit ni Harrold.
“Subukan natin, sweetheart!” sabi naman ni Adriana.
Samantala, mahimbing na mahimbing na natutulog si Farrah dahil sobra itong napagod sa maghapong pagtatrabaho sa bahay.
Kahit hindi pa rin makapaniwala ang dalawa sa biglang paglitaw ng mahiwagang wishing well ay gumana na naman ang masamang plano sa mga utak nila.
“Ito na ang pagkakataon natin para mawala sa landas natin ng asawa mo, Harrold. Hindi ba ugali niya tuwing umaga’y inaamoy ang halimuyak ng mga alaga niyang bulaklak? So, alam mo na siguro ang dapat mong hilingin sa wishing well na ‘yan,” wika ng babae.
Madali namang na-gets ni Harrold ang tinutukoy ng kasama kaya…
“Sige, iyon nga ang gagawin ko.”
Sinumulang maghulog ng barya si Harrold sa balon at…
“Hinihiling kong maging mabagsik na lason ang halimuyak ng mga bulaklak ng asawa kong si Farrah,” sambit niya.
Napangisi naman si Adriana. “Bukas, tiyak na biyudo ka na, sweetheart!”
Pagkatapos niyon ay bigla na lamang bumugso ang hangin sa paligid at humalimuyak ang mga bulaklak ni Farrah sa hardin ngunit…
“K-kinakapos ako ng h-hininga…aaahhh!” hirap na sabi ni Harrold.
“N-nagsisikip ang dibdib ko! A-ng mga bulaklak…aaahhhh!” hiyaw naman ni Adriana na hindi na rin makahinga.
Sa sobrang bagsik ng halimuyak ng mga bulaklak sa paligid ay unti-unting nawalan ng buhay sina Harrold at Adriana.
Kinaumagahan, pagkagising ni Farrah ay tumambad sa kaniya ang b*ngkay ng dalawang taksil.
“Diyos ko!”
Ang hindi alam nina Harrold at Adriana, ang wishing well na nakita nila ay likha ng diwata ng mga bulaklak na naninirahan sa hardin ni Farrah. Alam ng diwata ang masasamang plano ng dalawa sa babae kaya tinuruan sila nito ng matinding leksyon. Ang hiling ni Harrold at ni Adriana laban kay Farrah ay sa kanila bumalik at sila ang napahamak sa halimuyak na may lason.
Hindi talaga nagtatagumpay ang mga taong may masamang balak sa kapwa.