
Masyadong Mataray at Iwas sa Tao ang Bagong Estudyante, Sa Isang Maliit na Bag Lang Pala Matatagpuan ang Lihim Niya
“Pare, ilan na kaming sumubok na pumorma riyan kay Arianne pero walang nagtagumpay sa amin. Magkano ba ang pusta mo para naman mas sumaya ang larong ito?” wika ni JC.
“Pare, seryoso, type ko talaga siya kaya ibigay niyo na sa akin si Arianne. Huwag na natin pagpustahan, basta babalitaan ko na lang kayo kapag nakabase na ako,” natatawang sagot naman ni Kiko sa mga kaibigan.
Bagong estudyante sa kanilang paaralan si Arianne at aminadong marami kaagad ang nahumaling sa kaniyang taglay na ganda ngunit napakamahiyain din nito at hindi ito nagpapalapit sa kahit kanino. Wala pa rin siyang kaibigan at malayong-malayo sa mga babae sa kanilang campus na nagpaparatsadahan ng ganda.
“Balita ko ngayon ka lang daw pumasok sa ganitong paaralan? Ako nga pala si Kiko,” pakilala ng binata sa dalaga.
“Hello, kilala kita, magkaklase tayo,” maiksing sagot ni Arianne sa kaniya at tila mas humigpit ang kapit niya sa maliit na bag na nakasukbit palagi sa babae.
“Bakit? Bakit parang takot na takot ka sa mga tao? Hindi mo ba alam na ikaw na ang pinakamaganda rito sa campus? Nagpapa-hard-to-get ka lang ba?” bulong ni Kiko sa babae at mas nilapit pa niya ang mukha nya sa mukha ni Arianne.
“Please, ayaw ko ng kaibigan. Gusto ko lang mag-aral, gusto ko lang mabuhay nang normal,” takot na sagot ni Arianne sa binata at napayuko ito sa pag-iwas.
“Anong mayroon sa bag mo na ‘yan at bakit parang hindi mo kayang mawala ‘yan sa tabi mo? Tumingin ka sa akin o kukuhanin ko ‘yan,” pagbabanta ni Kiko sa kaniya.
“Please, please, tigilan mo na ako, please,” pagmamaka-awa ni Arianne sabay tingin kay Kiko. Naramdaman ni Kiko na seryoso ang mga mata ng dalaga at punong-puno ito ng takot.
“Wag ka naman ganyan, Arianne, gusto ko lang naman patunayan sa mga barkada ko na kaya kitang pasagutin. Alam mo na, ako kasi ang may pinaka may itsura at sabihin na nating heartthrob dito sa school kaya mapapahiya ako kapag hindi man lang kita mapa-oo,” pabulong na sabi ni Kiko sa kaklase at hinawakan ang kamay nito.
“Please, Kiko, gagawin ko ang gusto mo pero huwag mo akong hawakan. Sasabihin ko na lang sa kanila na nililigawan mo ako at nagpapaligaw ako pero parang awa mo na, huwag kang lalapit sa akin,” pagmamaka-awa ni Arianne sa kaniya at mabilis na tumayo saka tumakbo at pumasok sa palikuran.
“Gusto ko lang naman maranasan ang mabuhay nang normal,” iyak niya sa sarili habang nagpapalipas ng oras sa paghihintay ng bell na tumunog para sa pagsisimula ng klase.
Sa kabilang banda naman ay labis na nainsulto si Kiko sa ipinakikita sa kaniya ni Arianne, bukod sa nasasaktan niyang pride ay hindi niya maintindihan bakit ayaw magpahawak sa kaniya ng dalaga. Samantalang ang iba niyang kaklase ay nagkakandarapang makuha lamang ang atensyon niya. Kaya naisip niyang abangan ito sa pag-uwi at bigyan ng leksyon.
“Arianne, gusto ko lang na mag-usap tayo nang matino,” seryosong sabi ng binata ng ma-corner niya ang dalaga sa isang kanto.
“Kiko, anong ibig sabihin nito, huwag, parang-awa mo na,” nanginginig kaagad na sambit ni Arianne sa kaniya at hinawakan ang maliit nitong bag.
“Hindi kita gagalawin, Arianne, kung makapagsalita ka naman ay parang kukuhanin ko ‘yang pagkababae mo. Gusto ko lang naman makipag-usap at gusto ko lang malinawan bakit ilag ka sa lahat ng mga tao? Ano ba talagang problema?” tanong ni Kiko sa kaniya.
Hindi sumagot si Arianne at napa-upo na lang ito sa isang tabi saka umiyak nang tahimik.
“Arianne, huwag ka namang ganyan, ‘wag kang umiyak wala naman akong ginagawa!” baling ni Kiko at mabilis na nilapitan ang dalaga. Mabilis din itong umiwas at takot na takot na sumiksik sa isang sulok.
“Sh*t, may trauma ka? Anong nangyari? Sorry,” sabi ni Kiko nang mapagtanto niyang hindi palabas ang pinapakita ni Arianne sa kaniya. Naupo siya sa harapan ng dalaga at hinintay na tumahan ito.
“Kapag tapos ka nang umiyak, umuwi na tayo. Ihahatid kita, huwag kang mag-alala, hindi kita hahawakan,” wika pang muli ng lalaki.
Unti-unti ay tumigil sa pag-iyak si Arianne at tiningnan si Kiko saka siya umupo nang maayos.
“Colostomy bag,” sabi ni Arianne sa kaniya.
“Ha?” nagtatakang sagot ni Kiko sa kaniya.
“May colostomy bag ako at itong maliit na bag ko ang pangtakip ko. Simula noong magka-aksidente sa buhay ko, sa bahay lang ako nag-aaral dahil natatakot akong pagtawanan ako ng marami dahil sa kalagayan ko. Kaya takot na takot akong mahawakan ng ibang tao dahil baka malaman nila ang lihim ko. Gusto ko lang naman lumabas sa bahay, mamuhay nang normal, baka sakaling makalimutan ko ang malagim na aksidente na iyon,” malungkot ngunit seryosong siwalat ni Arianne sa kaniya.
“I’m sorry,” sagot ni Kiko at napayuko siya.
“Huwag kang mag-alala, iingatan ko ang lihim mo at hindi na rin kita guguluhin pa. Sana maging magkaibigan tayo, Arianne,” sabi pang muli ng binata at inabot ang kamay niya sa babae.
Kinakabahan man ngunit inabot ni Arianne ang kamay niya sa unang pagkakataon at umuwi sila. Doon nagsimula ang pagkakaibigan ng dalawa.
Lingid sa kaalaman ng lahat, nag@h*sa si Arianne noong siya ay pitong taong gulang pa lamang at sa sobrang lagim ng pangyayari ay kinailangang tanggalin ang malaki niyang bituka at lagyan siya ng artipisyal na bituka upang labasan ng dumi. Hanggang sa lumipas ang mga taon at lumaki si Arianne bitbit ang artipisyal niyang lihim, ngayon ay nangangarap siyang mabuhay nang normal at kahit na mahirap ay unti-unti na niya itong sinisimulan.