
Kahit Anong Hiling ng Asawa ay Ipinadadala ng Mister na OFW; Nagulat Siya sa Dinatnan Niya sa Kaniyang Pag-uwi
“Oh hon! Kumusta, napadala mo na ba iyong additional na 7K na bilin ko?” nagmamadaling sabi ni Joan sa asawang si Danilo isang umagang nag-video call sila.
“Ah siyempre naman, hon! Pati yung nabanggit mo nung isang linggo na mga sapatos at damit. Tama ka, ang mumura nga rito ‘no?” sagot ni Danilo.
“Oo hon, sige salamat ha. Mauna na ko sa’yo at may dadaanan pa kasi ako ngayong umaga bago ko kunin ‘yang pinadala mo. Sige bye, love you!” Iyon lang at ibinaba na ni Joan ang tawag.
Nakangiti naman na ibinaba na rin ni Danilo ang telepono. Niligpit niya ang sangkaterbang karton na naipon na sa kaniyang kwarto dahil sa dami ng mga ipinadala niya nitong nakaraang linggo lang.
“Oh pare, mukhang big time ah. Dami nating padala sa Pilipinas ah,” sabi ng kaibigan niyang si Noel habang pinapanood siyang ligpitin ang mga kahon at plastik.
“Naku hindi naman, pare. Ganun pa rin, kaso maraming request si misis eh,” nakangiting sabi ni Danilo.
“Napapansin ko nga… mabuti at may maiaabot ka kaagad sa kada hingi ano,” usisa nito.
“Ah oo nga eh. Siyempre, sakripisyo,” napapakamot ng ulo na sabi ni Danilo.
“Ay ganun? Nakapagtataka naman sa dami at dalas ng paghingi. Alam mo sa akin din eh, ang masaklap eh pinangsusugal lang pala ng nanay ko yung pera. Nakakahinayang ‘pag ganun. Nagsisisi ako, sana pala chinecheck ko para alam ko saan napupunta ang pera ko,” mukhang masama ang timpla na sabi ni Noel.
Tila nabawasan naman ang ngiti ni Danilo sa narinig kay Noel. Nitong mga nakaraan nga ay panay ang ungot sa kaniya ng asawa. Pinadadagdagan parati ang halaga na padala niya, tapos minsan pati mga sapatos at damit pa. Hindi naman na siya nagtatanong kung para saan dahil may tiwala siya sa asawa, pero may natanim na kagustuhan sa puso niyang malaman kung saan mismo napupunta ang pinapadala niya.
Sa mga sumunod na araw, sinubukan ni Danilo na tanungin kung bakit kailangan na naman ni Joan ng pera, ngunit mukhang iniiwasan ng misis mapunta doon ang usapan. Simula noon ay mas naging mapagmatiyag siya sa asawa. Napapansin niya din na tila ba palagi itong pagod at puyat. Hindi tuloy niya mapigilang mag-alala dito. Ngunit kapag tinatanong ay laging “okay lang” ang sagot nito.
“Huwag ka nang masyadong mag-alala dito sa amin, hon. Okay kami. Intindihin mong mabuti ang sarili mo dyan ha, huwag ka sanang magkasakit. Ingat ka lagi.” Kapag ganun namang usapan ay tila nakakalimutan ni Danilo ang alinlangan. Matagal-tagal niya ring nobya si Joan bago niya ito pakasalan kaya malaki ang tiwala niya dito. Hindi naman tama na dahil lang sa naririnig sa iba ay mawala agad ang tiwala niya.
Ngunit paminsan, dahil sa dinaranas ng katrabahong si Noel ay ‘di niya mapigilang mag-alala rin. Paano ba naman, matatapos na ang kontrata nila na tatlong taon, at ngayon lang nito nalaman na imbes na ipampaaral sa mga anak ay sa sugal lahat napunta ang perang pinaghirapan nito. Galit na galit ito at maya-maya niyang naririnig sa telepono na may kausap sa mataas na tinig.
Ilang linggo lang ang makalipas, nagsabi ito na uuwi na sa Pilipinas dahil tapos na ang kontrata nila. Maayos ang trabaho ni Danilo doon kaya nais niya ring pumirma pa ng kontrata. Ngunit dahil sa nabuong suspisyon sa kaniyang isip, minabuti niya rin munang umuwi na lang din sa Pilipinas.
Nagpasya si Danilo na hindi ipaalam sa pamilya ang pag-uwi. Kung mayroon man ngang tinatago si Joan ay nais niyang siya ang makatuklas noon. Paglapag ng eroplano ay diretso sa bahay nila si Danilo.
Kinakabahan siya. Pagbaba niya sa tricycle, dumoble ang tibok ng kaniyang puso sa gulat. Hindi siya makapaniwala sa nakikita! May luhang tumulo sa kaniyang mga mata sa tindi ng emosyon.
Ang maliit at hindi tapos pa tapos na bahay na iniwan niya, ngayon ay may ikalawa nang palapag. Hindi lang iyon dahil may pintura na rin ito. Tila ba hindi pa iyon sapat dahil may nakatayong maliit na tindahan na sila sa harap noon. Hindi siya makapaniwalang iyon pala ang mga ginagawa ng asawa sa perang hinihingi nito. Hindi kung ano-anong masasamang senaryo kung hindi kabaligtaran pala. Nagsisisi siyang pinagsuspetsahan niya ito ng ganoon.
Pinunasan ni Danilo ang luha at pumasok sa bahay. Hindi makapaniwalang nagtatalon si Joan nang makita ang mahal na asawa. Mahigpit na yakap ang pinagsaluhan nila, pati na ng kanilang dalawang anak. Halatang pagod si Joan, pero napag-alaman niyang para sa pamilya pala ang pinagpapaguran nito. Humingi na rin siya ng tawad sa asawa dahil sa hindi pagpapasabi ng kaniyang pag-uwi. Pinuri niya ito dahil sa pagiging masinop at mabuting asawa.
“S’yempre hon… alam ko namang malaki ang sakripisyo mo para sa amin. Kaya nga hangga’t maaari sana ay magtaguyod din ako ng negosyo rito. Alam ko na hindi mo ko hahayaang magtrabaho kaya itinago ko muna. Gusto ko lang naman makatulong, at iniisip ko sana nga ‘pag naging ayos ang lahat, dito ka na lang din sa Pilipinas kasama namin ng mga anak mo,” sabi nito sabay yakap sa kaniya.
Doon napatunayan ni Danilo na tunay na mahal siya ng asawa at mahal niya rin ito. Kapwa sila nais magsakripisyo para sa ikabubuti ng pamilya. Mahalagang-mahalaga rin ang tiwala upang mapagtibay pa ang pagmamahalan nila. Mahirap man dahil sa distansya, ipinangako ni Danilo na ibibigay ng buong-buo ang kaniyang pagtitiwala sa misis.

Masyadong Mataray at Iwas sa Tao ang Bagong Estudyante, Sa Isang Maliit na Bag Lang Pala Matatagpuan ang Lihim Niya
