Inday TrendingInday Trending
Inaabuso Niya ang Sariling Katawan sa Kakakayod Para Pagluguran ang Sariling Pamilya, Ngunit ‘Di pa rin Masaya ang mga Ito sa Ibinibigay Niya; Kailan Kaya Siya Magigising sa Ginagawa?

Inaabuso Niya ang Sariling Katawan sa Kakakayod Para Pagluguran ang Sariling Pamilya, Ngunit ‘Di pa rin Masaya ang mga Ito sa Ibinibigay Niya; Kailan Kaya Siya Magigising sa Ginagawa?

“Hoy, Irene! Mag-restday ka naman paminsan-minsan. Sobrang sipag mo ah,” sita ni Amber ang kaniyang matalik na kaibigan. “Katawan lang natin ang ating tanging puhunan.

Masarap makatanggap ng malaking sahod, pero aanhin mo ang sasahurin mo kung katawan mo naman ang inaabuso mo. Marami ka ngang naipon, lahat naman ‘yon ay ipambabayad mo lang sa ospital kapag ika’y nagkasakit,” wika nito.

Isang matamis na ngiti lamang ang isinagot ni Irene sa patuyang na wika ni Amber. Halos tatlong buwan na kasi ang lumipas nang hindi man lang siya nag-day-off. Lahat ng day-off niya’y kaniyang pinapasukan. Meron kasi siyang obligasyon sa kaniyang pamilya kaya kahit napapagod na’y hala trabaho pa rin.

“Baka next week, Amber, hihingi ako ng day-off,” tipid na sagot ni Irene sa kaibigan.

“Pahinga rin friend ‘pag may time,” muling bilin ni Amber saka bumalik sa pwesto nito.

Kinuha ni Irene ang pitaka saka binilang ang naipong pera na kailangan niyang ipadala sa kaniyang pamilya sa probinsya. Pitong libo na lang ang naiwan sa pera niya. Kahit pagurin niya pa ang katawan at huwag nang tumigil sa kakatrabaho’y hindi pa rin sasapat ang lahat para sa kaniyang sarili pati sa pamilya niya.

“Bakit limang libo lang ang pinadala mo, Irene? Alam mo naman na kulang ang perang ito,” tila nagtatampong wika ng kaniyang ina na si Lourdes.

“Ma, ang dami ko kasing naging bayarin. Pinambayad ko sa boarding house, tubig at kuryente, tapos nagtira pa ako ng allowance ko ma,” paliwanag niya sa ina.

“Baka panay day-off ka naman kasi saka labas sa kung saan-saan. Gastos ka ng gastos d’yan, kaya limang libo lang ang naibigay mo. Kaya ka nga namin pinapunta d’yan sa Maynila, para may katuwang na kami rito, ano ba naman iyan at wala ka pa rin naman pa lang kwenta. Ilang araw lang ang limang libong pinadala mo!

Usapan natin na t’wing sasahod ka’y sampung libo ang kailangan mong ipadala. Ang kuya’t ate mo rin mga inutil, limang libo lang rin ang pinadala ni Jessy saka tatlong libo sa ate mong si KC, tsk! Sige na babye na— ano na ba naman iyan!” habol pa nitong reklamo saka ibinaba ang tawag.

Agad na nag-unahan sa pag-agos ang mga luha ni Irene sa narinig na reklamo ng ina.

Siya itong nagta-trabaho, pero ultimo bagong damit at mga gamit ay wala siya. Lahat napupunta sa mga magulang niya. Pero imbes ma pasalamatan siya ng mga ito’y panay pa ang reklamo, kesyo kulang at ilang araw lang iyon sa kanila.

Sa kanilang limang magkakapatid, sina Jessy, KC at siya lang ang nagpapadala sa kanilang mama tuwing sahod. Ang dalawa niya kasing kapatid ay hindi na nila makontak sa hindi malamang dahilan.

Sa kanilang lima rin ay siya na lang ang wala pang asawa’t anak na iniwan sa poder ng kaniyang mga magulang.

Ang mga ate’t kuya niya’y halos ang mama nila ang nag-aalaga sa kaniyang mga pamangkin. Labing isa ang pamangkin na nasa kaniyang mga magulang, kaya palaging reklamo ng mama niya’y hindi kasya, dahil marami sila doon.

“Oh! May sipon at ubo ka, Irene,” wika ni Amber.

“Ayos lang ako, Amber. Naulanan kasi ako kahapon,” ani Irene.

Kagabi pa masama ang kaniyang pakiramdam, pero pinilit niya pa ring pumasok. Hindi siya pwedeng um-absent. Baka kulangin pa ang padala niya sa probinsya.

Ngunit kinahapunan ay tumaas ang lagnat ni Irene, dahilan upang mataranta si Amber. Bibilhan siya sana ng gamot at pagkain si Irene nang sa pag-bukas niya sa wallet nito’y walang laman kung ‘di singkwenta pesos na lang.

“Ito na lang ang pera mo? Nasaan ang sinahod mo no’ng isang araw?” Reklamo ni Amber.

“Pinadala kong lahat sa bahay.”

“Ano ka ba naman, Irene! Naiintindihan kong may mga obligasyon tayo sa mga pamilya natin, pero maisip mong kailangan mo ring unahin muna ang sarili mo. Ikaw ang puhunan nila para may magpadala sa kanila, paano kung mawala ka? Sino ang susuporta sa kanila?” inis na wika ni Amber.

Hindi na napigilan ni Irene ang humagulhol ng iyak. “Hindi ko na alam kung sa paanong paraan ko mapapasaya ang mama ko, Amber. Kahit pat@yin ko ang sarili ko sa pagta-trabaho hindi pa rin sapat sa kanila ang binibigay ko.”

“Ano ka ba naman, Irene…” awang-awa na wika ni Amber. “Bago mo unahin ang iba’y unahin mo muna ang sarili mo. Huwag mong pabayaan ang sarili mo, kagaya nang ginagawa mo ngayon. Anak ka nila, hindi alipin.

Kung hindi sila masaya sa kaya mong ibigay, wala ka nang magagawa roon. Magtrabaho ka ng tama, kumain ng tama para hindi ka magkasakit, bigyan mo ng pahinga ang sarili mo. Isipin mo kapag nagkasakit ka paano ka makakapagtrabaho, mas lalong magagalit si mama mo, kasi wala kang naipadala sa kanila.

Galit na nga siya sa limang libong ibinigay mo tuwing kinsenas katapusan, paano kung wala kang maibibigay? Unahin mo ang sarili mo Irene. Paano ka tutulong sa kanila kung ikaw mismo ay nangangailangan din ng tulong!” mahabang wika ni Amber saka niyakap ang kaibigan.

Tama si Amber, tulungan mo muna ang iyong sarili bago mo tulungan ang iba. Huwag mong pabayaan ang sarili mong katawan dahil ito lang ang iyong tanging puhunan.

Simula sa araw na iyon ay hindi na nagpaapekto si Irene sa galit ng ina. Basta nagagawa niya ang kaniyang obligasyong padalhan ito ng pera at iyon naman talaga ang pinakamahalaga. Napagtanto niyang kapag nagkasakit siya’y wala siyang ibang matatakbuhan, kung ‘di ang sarili lamang niya. Kaya dapat lang na unahin niya muna ang sarili, saka ang iba.

Bilang isang anak, obligasyon nating tulungan ang ating mga magulang, sa paraang kaya lang natin. Huwag sumobra sa paraang kahit wala ka na’y kailangan mo pa ring magbigay, kesyo magulang sila’t may utang na loob tayo sa kanila.

Bilang magulang, huwag nating isumbat sa mga anak natin ang nagawa natin para sa kanila, dahil una sa lahat obligasyon ng magulang na palakihin ang kanilang anak. Kung may maibibigay man ang mga anak, maliit man o malaki… dapat nating pasalamatan at hindi dapat magreklamo’t maghangad ng higit pa sa kaya nila.

Advertisement