
Computer o Anak?
Hindi kinaya ng misis ni John ang pagluluwal sa kanilang anak kaya pumanaw ang babae anim na taon na ang nakalilipas. Ngayon ay siya na ang tumatayong ama at ina ng batang si Ray.
Ang problema hindi niya na masyadong nabibigyan ng oras ang bata. Homebased naman ang kaniyang trabaho. Isa siyang call center agent pero sa bahay. Iyon nga lang pagkatapos ng kaniyang shift ay wala naman siyang ibang gagawin kung ‘di ang maglaro sa computer.
Katwiran niya ay iyon na nga lang ang kaniyang stress reliever. Nawawala ang pagod niya kapag nakatutok na siya sa computer at naglalaro ng kung anu-anong games. Umuubos siya ng apat hanggang limang oras sa harap noon. Kadalasan ay napapagalitan niya pa si Ray kapag kinukulit siya nitong makipaglaro.
Isang hapon ay abala si John sa kaniyang laptop, may kausap siyang kliyente. Sinulyapan niya ang orasan. Sampung minuto na lang ay matatapos na ang trabaho. Ibig sabihin ay makakapag-computer na siya!
“Yes, sir. I am already processing your booking. Just to confirm, the dates are from Sept 15 to Sept 22. Check out time is 2 p.m., right?” sabi ni John sa Amerikano sa kabilang linya. Kaunting type pa at natapos rin. Nag-unat siya sandali at uminom ng tubig sa kusina.
“Ray! ‘Yung mga lego mo nakakalat! Natapakan ko pa ang isa. Ligpitin mo ito or itatapon ko?” masungit na sigaw ni John sa anak. “Naku, tiyak na nasa kwarto ito at nagko-color. Iniwang nakatiwangwang ang mga laruan.”
Isa-isang niligpit ni John ang mga laruan at ibinalik sa kahon. Dapat siguro talaga ay kumuha na siya ng yaya. Para naman hindi na siya ang kukulitin ng anak.
“Ray!” tawag ni John. “Opo, daddy!” sigaw ng anak. Medyo napakunot ang noo ng lalaki dahil tila sa computer room nagmumula ang boses ng anak.
Walangh*ya.
Nagmamadaling umakyat si John at inabutan niya doon ang bata. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang ang power button ng kaniyang computer, naka-off iyon!
Tandang-tanda niya na iniwan niya iyong bukas dahil may inaayos siya sa laro. Habang hinihintay niya itong mag-download ay pinabayaan niya muna dahil ilang oras ang kakailanganin. Malapit na sanang matapos ang pagda-download kung hindi lang pinakialaman ng kaniyang anak.
Kitang-kita niya kung paano binalot ng kaba ang mukha ng bata. Alam naman nito kung gaano kahalaga sa kaniya ang computer.
“Ano ang ginawa mo, Ray?” aburidong tanong ni John. Halos masabunutan niya na ang sarili. Akala niya pa naman ay makakapaglaro na siya. Nabulilyaso pa dahil sa magaling niyang anak.
“Daddy, sorry po. Gumulong po kasi ang color ko. Napindot ko po kasi nung kukunin ko sa ilalim…”
Hindi na natapos pa sa pagsasalita ang bata dahil sunud-sunod na palo ang natanggap nito mula sa ama.
Hindi napigilan ni John ang kaniyang galit. Buong puwersa niya itong pinaghahampas. Maging ang kamay niya nga na makapal na ang balat ay humapdi pagkatapos.
“Lint*k naman, Ray. Bakit kasi dito ka nagko-color?” galit na tanong ng lalaki sa anak. “Akala ko po kasi nandito ka, daddy. Gusto ko po kasi kasama ka,” umiiyak na sabi ng bata.
“Sasagot pa! Ito, ito ang dapat sa makulit na bata!” sunud-sunod na sabi ni John habang pinaghahampas muli sa puwitan ang anak.
“Daddy!” sigaw ni Ray habang humahagulgol.
“Ray!” humihingal na napabangon si John. Nanaginip na naman pala siya. Hindi iyon ang unang beses na nangyari sa kaniya ito kung ‘di marami na. Maraming, marami na. Nangangatog na pinahid niya ang kaniyang mga luha.
Lalo napahagulgol si John nang makita ang mga laruan ng anak na ngayon ay nakatabi na sa isang kahon. Nasa mesa ang naipong yakult at mga color na araw-araw ay binibili niya at iniiwan roon.
Ilang buwan na ang nakalipas nang mawala sa kaniya si Ray. Sa sobrang tutok niya sa computer ay ‘di niya napapansin na napapabayaan niya na ang kalusugan ng anak. Pumutok ang appendix ng bata at huli na ang lahat nang dalhin niya sa ospital.
Hindi malaman ni John ang gagawin nang tapatin siya ng doctor na wala na raw magagawa ang mga ito. Mahigpit niya na lamang niyakap ang lupaypay na katawan ng kaniyang anak.
Bumalik sa isip ni John ang mga panahong hinihiling ng bata na makalaro siya pero pinagalitan niya lang ito. Ang mga lambing nito. Ang hagikgik na kailanman ay ‘di niya na maririnig.
Humingi rin ng tawad si John sa kaniyang misis. Nabigo siyang ingatan ang kaisa-isang alaalang iniwan ng babae sa kaniya.
Binasag niya ang computer at halos iuntog ang ulo sa pader. Pero kahit anong gawin niya, kahit ilang laruan at color pa ang bilhin niya ay ‘di na maibabalik pa ang buhay ng kaniyang si Ray.
Laging tandaan na kailanman huwag ipagpapalit ang mahal sa buhay sa mga materyal na ibinibigay ng mundong ito. Mahirap magsisi kung kailan huli na ang lahat.