Inayos ni Mang Melchor ang kaniyang kurbata sa harap ng salamin. Dinagdagan niya pa ang langis sa kaniyang buhok dahil hindi siya kontento sa pagkaka-flat ng unahan nito.
“Ay, sir, ako na po!” sabi ng binabaeng nagme-makeup sa asawa niyang si Aling Delia.
“Ako na. Sus, basta pagandahin mo na lang si misis ko. Gusto ko kasing ganda siya ng anak naming bride, ha?” biro ni Mang Melchor.
Natawa naman ang binabae. “Si sir talaga. Ang suwerte po sa inyo ni Gwen. Bihira ang magkaroon ng magulang na kasing bait ninyo.”
“Mas suwerte kami sa kaniya kasi napakabait niyang anak. Kaya nga ngayong nahanap niya na ang lalaking seseryoso sa kaniya ay napakaligaya naming mag-asawa.” taos pusong wika ni Mang Melchor.
Ilang oras pa ang nakalipas ay sumapit na ang kasal. Napansin ng misis ni Mang Melchor na nanlalamig ang kamay ng mister papunta sa lugar kung saan gaganapin ang garden wedding. Kasalukuyan silang nakasakay sa kotseng nirentahan ni Gwen at ng magiging mister nito para sa kanila.
“Ikaw naman. Akala mo naman mawawala sa atin ang anak mo. Mag-aasawa lang naman. Anak pa rin naman natin,” untag ni Aling Delia.
“Alam mo namang mahirap sa akin ito. Siya ang nag-iisa kong…”
“Oo na. Basta sana kapag naglalakad ka na mamaya para ihatid ang anak mo sa unahan ay huwag kang mamumutla ng ganiyan. Sige ka, papangit ka sa picture,” biro ng asawa ni Mang Melchor. Natawa na lang rin ang lalaki.
Kahit na anong pilit ay ganoon na nga ang nangyari. Tawa nang tawa ang mga bisita dahil parang estatwang hindi gumagalaw si Mang Melchor. Ni hindi ito ngumingiti sa camera.
“Papa, ngiti ka naman,” untag ni Gwen.
“Ay, ang hirap, noh. Kinakabahan ako. Hindi yata ako handa,” bulong ni Mang Melchor. Nangiyak-ngiyak pa siya nang iabot ang kamay ng anak sa bisig ni Marky. “Ingatan mo siya, ha?”
Mabilis naidaos ang kasal at malapit lang naman ang reception. Hanggang ngayon ay lutang na lutang si Mang Melchor.
“Kiss! Kiss!” kantiyaw ng mga bisita. Masayang naghalikan ang bagong kasal sa unahan.
Mayamaya pa ay in-announce ng host na panahon na para magsayaw ang bride at ang ama nito. Tumayo si Mang Melchor at kinuha ang kamay ng anak. Diyos ko, parang kailan lang ay kasama niya ang batang ito na namamasada ng jeepney.
Hinding-hindi niya malilimutan ang unang beses na nasugatan ito.
“Okay ka lang, nak?” tanong ni Mang Melchor. “Oho, tay. Ang kirot nga lang,” wika ng batang Gwen at pinipigilan ang maiyak.
“Ayos lang naman umiyak ka. Ano ka ba?” saad ni Mang Melchor.
“Pero ‘di ba dapat, tay, tigasin tayo?” tanong ng bata. Napangiti si Mang Melchor. “Alam mo, nak, hindi naman sa pag-iyak nasusukat ang katapangan ng tao. Wala iyon doon,” tugon ni Mang Melchor sa anak.
Pinahid ni Mang Melchor ang luhang pumatak na pala sa kaniyang mga mata. Ngayon niya lang na-rerealize na hindi na pala titira sa bahay nila si Gwen. Hindi niya na pala ito makakasama.
“Si Papa talaga. Huwag ka ngang iiyak. Naiiyak rin po tuloy ako,” bulong ni Gwen habang nakasandal sa dibdib ng ama habang sumasayaw sila.
“Anak, salamat, ha. Hindi mo kami pinabayaan ng nanay mo. Kahit pa mahirap ang buhay natin nagtiyaga ka para maiahon tayo sa hirap. Tapos ngayon narito na tayo sa Amerika. Ni minsan sa buhay ko ‘di ko inisip na makakarating ako rito,” taos pusong sabi ni Mang Melchor.
“Hindi, pa, salamat ho. Ako ang dapat na magsabi niyan dahil kahit na ano pa ako tanggap niyo ko. Hindi ko kinailangang maghanap ng pagmamahal sa ibang tao dahil sa bahay pa lang natin punung-puno na ako noon. Tinuruan niyo ako na ang mga katulad ko ay dapat irespeto. Nararapat lang po na ibalik ko iyon. Kulang pa nga ang lahat ng ito sa lahat ng naibigay niyo sa akin,” sabi ni Gwen.
Oo. Hindi tunay na babae si Gwen.
Ipinanganak siyang Gregorio Melchor C. Dimaculangan. Siya ang nag-iisang anak na lalaki ni Mang Melchor pero bata pa lamang siya ay alam na niya na iba ang tinatawag ng kaniyang puso.
Kahit na nakakabigla ay tinanggap si Gwen ng kaniyang mga magulang at dinoble pa nila ang kanilang pagmamahal at suporta dito.
Kaya naman laking pasasalamat ni Gwen dahil napakasuwerte niya. Hindi man siya nabiyayaan ng pagkababae ay nabiyayaan naman siya ng mabuting magulang na tanggap kung ano man ang nais ng kaniyang puso.