Inday TrendingInday Trending
Daing ng Magsasaka

Daing ng Magsasaka

Masayang kumakain ng tanghalian ang mga magsasakang sina Mang Erning, Aling Elenita at Mang Leroy. Hati-hati sila sa ulam na bagoong. Sinamahan iyon ng manggang hilaw na napitas nila kanina.

Kahit na puno ng problema dahil maliit ang bentahan ng palay ngayon ay nagagawa pa rin nilang ngumiti. Aba, mahirap na nga ang buhay sisimangot pa sila.

“Naalala mo ba? nangyari na rin dati ang ganitong krisis. Mga dalawampung taon na siguro ang lumipas. Aba, eh, ‘di ba si Crisanto nga… Natatandaan mo?” tanong ni Mang Erning.

“Crisanto, iyong asawa ni Melinda? Nasaan na ba iyon ngayon?” tanong naman ni Aling Elenita.

“Eh, umalis na rito si Melinda mula nang pumanaw si Crisanto. Kaawa-awa ang sinapit ng pamilyang iyon. May anak pa naman. ‘Di ba nga’t sa sobrang pagod, hirap at gutom, eh, natagpuan na lamang na walang buhay si Crisanto sa palayan? Ang balita pa nga, eh, inabutan lang raw ng isang libo ng may-ari. Pakunswelo ba. Saan naman kaya nakarating ang isang libo? Wala nang magpapakain sa pamilya niya,” kuwento ni Mang Erning.

Kaniya-kaniyang iling ang mga magsasaka.

Napalingon naman silang lahat nang mapansing huminto ang isang owner-type jeep sa ‘di kalayuan.

“Kaya bumabagsak, eh. Mga tamad kayo, eh!” bungad agad ni Eliot, ang may-ari ng lupa.

“Nakain lang ho, sir, sandali. Babalik rin ho sa trabaho mamaya,” saad ni Mang Leroy.

“Bakit mamaya? Dapat nga ngayon na! Hindi puwedeng gaganiyan-ganiyan kayo dahil darating ang bibili ng lupa mamaya. Kapag ipinakita ninyong hindi maganda ang pagtatrabaho ninyo rito ay baka pera na maging bato pa,” sermon ni Eliot.

Kahit ‘di pa tapos kumain ay napatayo ang mga magsasaka at bumalik na sa trabaho. Wala, eh, binantayan na sila ni Eliot.

Mabilis lumipas ang oras at natanaw na nila ang isang magarang kotse na huminto sa ‘di kalayuan. Ang mala-dem*nyong si Eliot ay nagpalit ng anyo, parang maamong tupa na ngayon.

“Mrs. Caranza! Kumusta ho? Napakabata niyo po pala sa personal,” bola pa ng lalaki sa babae.

Aba, napanganga ang mga magsasaka. Baka mas mahal pa sa sasahurin nila sa buong buhay nila ang suot nitong damit. Puno rin ito ng alahas at kutis mayaman bagama’t napakaamo ng mukha.

Mabilisan itong nagsulat sa tseke at iniabot iyon kay Eliot. Nanlaki ang mata ng lalaki.

“Puwede bang ipatawag mo ang lahat ng magsasaka?” tanong ni Mrs. Caranza.

Parang asong ulol naman na nagmando si Eliot.

“Dalian ninyo! Tawagin niyo na ang mga kasama ninyo. Narinig na, eh, kay tatagal pang kumilos! Mga walang silbi,” mapagmataas na sabi ni Eliot. Tapos ay ngumiti kay Mrs. Caranza. “Pasensya na kayo. Tulig ang mga ‘yan. Kaya nga ho siguro pagiging magsasaka lang ang narating nila sa buhay.”

Hindi naman umimik ang ginang. Mayamaya pa ay naroon na ang lahat. Tumayo ang babae sa gitna.

“Magandang araw ho sa inyong lahat. Nais ko lang sabihin na hindi na si Eliot ang may-ari ng lupa. May bago na ho pero hindi rin ako.”

Sa sinabing iyon ng babae ay nagkatinginan ang mga magsasaka. Nasaksihan nila kung paano ito nag-abot ng tseke kanina kaya paanong hindi ito ang may-ari?

Nagpatuloy sa pagsasalita ang babae. “Hindi ho ako. Kung ‘di kayo. Hahatiin ho natin ng pantay ang mga lupa at ibibigay ko na sa inyo. Ako na ang bahalang mag-asikaso ng mga papeles. Ipapaayos ko sa abogado ko. Kung may kailangan ho kayo ay sabihin niyo na lang rin sa akin para makatulong ako. Puwede tayong magsagawa ng mga livelihood program upang habang mababa ang bentahan ng palay ay may kikitain pa rin ho kayo,” nakangiting wika ng babae.

Nagpalakpakan sa tuwa ang mga magsasaka. Pero salungat ang naramdaman ni Eliot. “Misis, bakit mo ginagawa iyan? Nagtatapon ho kayo ng pera! Ang mga iyan magsasaka lang. Ang alam lang nilang gawin ay mag-ani! Wala silang alam sa negosyo!”

Ngumiti si Mrs. Caranza at tila nagbalik-tanaw.

“Dalawampung taon na ang nakalipas. Isa ang ama ko sa mga tinatawag mong magsasaka ‘lang.’ Kung natatandaan niyo ho anak ako ng pobreng si Crisanto Malaya. Lumuwas kami ng nanay ko sa Maynila na walang hawak ni singko. Kulang pa kasi ang isang libong ibinigay ng may-ari para sa pagpapalibing sa tatay ko,” kuwento ni Mrs. Caranza.

Nagsikap ako at nagtagumpay sa buhay pero ‘di ko nakalimutan ang pinanggalingan ko. Kahit may asawa na ako ay nangako ako sa sarili ko na hindi ko na pababayaan pa na may isang magsasaka ang mauwi ang kapalaran na katulad sa tatay ko. Hindi ko na hahayaang may mabiktima pa ang mga katulad mo,” pagpapatuloy ng babae.

Napahiya si Eliot at walang imik na umalis. Umiiyak naman ang mga magsasaka na niyakap ang mayamang babae.

“Salamat ho, ma’am.” buong pusong pasasalamat ng mga magsasaka.

“Wala po. Para po ito sa inyong mga bayani na tulad ng tatay ko,” wika ni Mrs. Caranza.

Huwag mawawalan ng pag-asa sa buhay. Maraming pagsubok man ang dumating ay may ipapadala ang Diyos na sagot sa ating mga problema basta kumapit lamang tayo sa Kaniya.

Advertisement