Si Lucas ay may tatlong nakatatandang kapatid . Ang kanyang Ate Georcel, Kuya Rafael at Kuya Mitos. Subalit, parehas na may kanya-kanyang pamilya na ang mga ito kaya siya na lamang ang kasama ng kanilang mga magulang sa bahay.
Dahil abala rin ang kanilang ama at ina na sina Mang Templo at Aling Rosenda sa pangingisda ay kadalasang nag-iisa si Lucas sa bahay. Kapag naiiwan wala siyang kasama ay naglalaro siya ng saranggola na di makalipad-lipad.
“Ano ba ito, bakit ayaw lumipad ng saranggola ko?” naiinis niyang tanong sa sarili habang pilit na pinalilipad ang hawak na saranggola.
Dahil sa nga sa hindi siya makapagpalipad ng saranggola ay palagi siyang pinagtatawanan ng kanyang mga kalaro.
“E, wala naman pala iyang saranggola mo Lucas, kasing bigat ng bato siguro iyan kaya hindi makalipad,” pang-aasar na sabi ng kalaro niyang si Marco.
Wala naman palang kwenta ang saranggola mo, hindi lumilipad. Saan mo ba napulot iyan?” gatol pa ng kasama nito na si Milo.
“Ako ang gumawa nitong saranggola ko. Oo hindi ko siya mapalipad sa ngayon, pero gagawan ko ng paraan para mapalipad ko ito,” sagot ni Lucas sa mga nang-aasar na bata.
“Kaya naman pala hindi lumilipad, e kasi ikaw ang gumawa,” wika ni Marco at sabay-sabay na nagtawanan ang mga kalaro.
“Kaya pala hindi lumilipad ang saranggola mo kasi lampa rin, manang-mana sa amo,” pang-iinis ni Milo.
Imbes na magalit ay hinayaan na lamang ni Lucas ang pang-aasar ng mga kalaro. Siya na mismo ang umiwas sa mga ito at bumalik sa loob ng kanilang bahay.
Sa kabila ng mga kantyaw ng mga kalaro ay patuloy pa ring sinubukan ni Lucas na paliparin ang saranggola niya. Ginawan niya ng bagong paripa ang laruan at pinalitan niya rin ang pabalat nito.
Buong araw niyang inayos ang saranggola hanggang sa matapos niya ito. Mas maganda at mas makulay ang kinalabasan ng saranggolang ginawa niya.
Kinaumagahan, sinubukan ulit ni Lucas na paliparin ang saranggola ngunit sadyang hindi pa rin ito lumilipad at hindi pa rin sumasabay sa ihip ng hangin gaano man kalakas.
“A-ayaw pa rin?” malungkot niyang sabi sa sarili.
Muli niyang pinalipad ang saranggola, ngunit bumabagsak lang ito sa lupa.
Habang siya ay patuloy na sinusubukang paliparin ang laruan, ang iba niyang kalaro ay masaya nang tumatakbo sa damuhan bitbit ang tali ng mga saranggola ng mga ito na lumilipad na sa himpapawid.
“Ano ba namang buhay ito, ayaw pa rin lumipad ang saranggola ko. Inayos ko na ito kahapon ayaw pa rin,” nanghihinang sabi ni Lucas pero imbes na lamunin ng kalungkutan ay ipinikit niya ang mga mata at huminga ng malalim.
“Hindi ako susuko. Kaya kong paliparin ang saranggola ko,” aniya sa isip.
Hindi pa rin sumuko si Lucas. Pag-uwi niya sa kanilang bahay ay naghanap siya ng kawayan at gumawa ng bagong sumba. Maya-maya ay nadatnan siya ng kanyang ama habang inaayos niya ang saranggola.
“Hindi mo pa rin natatapos iyan? Kahapon pa kita nakikita nang-aayos niyan,” wika ni Mang Templo.
“E, itay ayaw pa rin pong lumipad. Inayos ko na po kahapon hanggang ngayon. Ginawan ko na po ng paraan pero hindi ko pa rin po mapalipad,” sabi niya sa ama.
“Halika nga rito, dalhin mo iyang saranggola mo rito sa akin,” wika ni Mang Templo sa anak.
Inayos ng ama ang saranggola ni Lucas. Bakas naman sa mga mata ng bata ang labis na kasiyahan na makitang inaayos ng ng kanyang ama ang laruan niya. Pagkatapos noon ay dali-dali siyang pumunta sa bakuran nila at sinubukan ulit paliraprin ang laruan.
Nagulat si Lucas nang makitang lumilipad na ang saranggola.
“Itay, lumilipad na siya! Lumilipad na ang saranggola ko! Ang galling niyo po,” sigaw ni Lucas habang manghang-mangha sa paglipad ng saranggola niya.
Napa-iyak si Mang Templo sa narinig mula sa anak niya. Nakita niya kung gaano kasaya si Lucas. Doon siya nakaramdam ng oras sa kanyang busong anak na parang lahat sila ay wala nang oras para rito.
Niyakap nang mahigpit ni Mang Templo si Lucas.
“Patawarin mo kami anak. Hinayaan ka naming na mag-isa ditto, na wala kang kasama, wala kang makalaro,” lumuluha niyang sabi.
“Itay, bakit po kayo umiiyak? Dapat po masaya kayo dahil nagawa niyo po ang saranggola ko,” sagot ng anak.
Napangiti na lang si Mang Templo sa sinabi ni Lucas.
Nang sumunod na araw ay umuuwi na ng maaga sina Mang Templo at Aling Rosenda galing sa trabaho.
“Salamat po ulit itay sa paggawa sa saranggola ko. Kung di dahil sa iyo, hanggang ngayon ay hindi lumilipad ang laruan ko. Salamat din po at palagi na kayong umuuwi ni inay ng maaga,” sabi ni Lucas.
Napangiti ulit si Mang Templo sa inihayag ng bunsong anak. Napagtanto niya na ang isang bata ay para ring saranggola. Iba pa rin pag-inaalalayan ng mga magulang sa paglipad at pag-abot ng nais nitong marating.
Mula noon ay nagkaroon na ng panahon ang mag-asawa sa kanilang bunsong anak na si Lucas. Hindi na mag-iisang naglalaro ang bata, kasa-kasama na niya na nagpapalipad ng saranggola ang kanyang ama at ina kapag umuuwi ang mga ito galing sa trabaho.