Si Myla ay isang call center agent ng isang lokal na BPO company. Hindi siya nakapagtapos ng kolehiyo dahil sa problemang pinansyal kaya napilitan siyang magtrabaho agad sa Maynila. Hindi niya matanggap ang totoong estado ng kanilang buhay. Mataas ang tingin niya sa kaniyang sarili kaya nung kumikita na ng sarili pera ang dalaga ay umiral din ang pangit niyang pag-uugali. Maliban sa pagiging waldas niya sa pera ay naging mayabang din si Myla.
Sina Princess at Juliet ay mga ka-roommate ni Myla sa dorm. Halos isang taon na silang magkakasma pero hindi sila gaanong malapit sa isa’t isa.
“Myla, tara. Sama ka sa amin. Pupunta kaming mall,” aya ni Princess.
“Bakit biglaan? Anong meron?” tanong ni Myla. “Hindi mo ba alam? Naka-70% off ang lahat ng items! 1 day sale lang kaya gusto naming pumunta!” excited na sinabi ni Juliet ang magandang balita.
“Ayoko. Kayo na lang,” tanggi ni Myla sa alok ni Juliet.
“Bakit? May lakad ka ba?” pahabol na tanong ni Princess. “Wala naman. Kaya lang hindi naman kasi ako namimili tuwing naka-sale, eh. Bukod sa ayokong makipagsiksikan sa mga tao afford ko naman ‘yung original na presyo,” sagot ni Myla sa dalawa.
Hindi na lang nagsalita sina Princess at Juliet. Alam naman nilang hindi makikinig si Myla sa kahit anong sasabihin nila.
Kinagabihan bumalik sina Princess at Juliet sa dorm. Masaya ang dalawa dahil ang dami nilang nabiling mga bagong gamit, mga sapatos, bags at makeup. Tinitignan lang sila ni Myla habang binubuksan nila ang mga pinamili.
“Myla, alam mo 1000 pesos na lang ang binayaran ko sa bag na ‘to?” pagmamalaki ni Juliet sa bagong designer bag na nabili.
Hindi pinansin ni Myla ang babae kaya pinagpatuloy na lang nila Princess at Juliet ang kanilang ginagawa.
Kinabukasan ay nagpunta si Myla sa mall at bumili ng designer bag na kagaya ng binili ni Juliet. Intensyon niya na ipakita ito sa kaniyang mga ka-roommate kaya ginamit na niya ang bag. Pagdating niya ng dorm ay naagaw niya agad ang pansin nina Juliet at Princess.
“Myla, ang ganda naman ng bag mo!” bungad ni Princess sa dalaga. “Oo nga, Myla! Ang ganda! Pareho tayo ng bag, ayos!” masayang pahayag ni Juliet.
“Hindi naman tayo magkapareho ng bag, ah,” sarkastikong reklamo ni Myla.
“Paanong ‘di magkapareho, eh, iisang disenyo at brand lang naman ang mga bag niyo? Sa kulay lang nagkaiba,” saad ni Princess. “Ganito kasi ‘yan. Iyong bag ni Juliet nabili niya sa mas murang halaga. Eh, ‘yung sa akin mahal ang pagkakabili ko. So mas mababa ang net value ng bag niya kumpara sa bag ko kaya magkaiba ang bag namin,” pamimilosopo ni Myla.
Hinayaan na lang ng dalawa si Myla. Sanay na kasi sila sa ugali nito.
“Siya nga pala, aalis na ako dito. May mas magandang condo kasi akong nakuha. Doon na ako lilipat,” pagyayabang ni Myla.
“Sige. Ikaw ang bahala. Baka gusto mong tulungan ka naming maglipat ng gamit?” alok ni Juliet sa babae. “Huwag na. May binayaran na ko,” sagot ni Myla.
Kagaya ng inaasahan lumipat ng tirahan si Myla.
Isang araw ay nakatanggap si Myla ng imbitasyon tungkol sa kanilang high school reunion. Hindi niya alam kung anong gagawin. Kung pupunta siya siguradong makikita niya ang mga dating kaibigan na sina Taylor at Krystal na ngayon ay pareho ng asensado sa buhay at mga propesyonal na. Walang-wala siya kung ikukumpara sa dalawa.
Dahil ayaw ni Myla na magpatalo sa dalawa niyang kaibigan nag-isip siya ng paraan upang umangat siya sa lahat. Plano niyang magsuot ng mga magagarbong damit, sapatos, bag at alahas sa gaganapin na reunion. Para maisakatuparan ang planong ito hindi siya nagdalawang-isip na mangutang sa iba’t ibang lending companies.
Sa mismong araw ng reunion naisakatuparan ni Myla ang gusto niyang mangyari. Kapansin-pansin ang kaniyang itsura lalo na ang kaniyang kasuotan.
“Ang ganda mo naman, Myla,” bati ni Taylor. “Bagay na bagay sa’yo ‘yang suot mo. Puro designer items, ah,” dagdag pa ni Krystal.
“Naku, kayo talaga. Binobola niyo ko,” nakangiti sagot ni Myla sa mga kaibigan.
“Mahal ‘yan, ah! Siguro maganda ‘yung trabaho mo,” puna ni Taylor.
“Nagkukunwari ka pa sa’min, ah. Pero ano ba talaga ang trabaho mo? Nawalan kami ng balita sa’yo, eh,” pag-uusisa ni Krystal. “Sa kompaniya ako nagtatrabaho,” pagsisinungaling ni Myla.
“Wow! Saang kompaniya?” tanong ulit ni Krystal. “Sa, ano, sa Makati. Maiwan ko muna kayo magc-cr lang ako,” pag-iwas ni Myla sa usapan. Dahil ayaw niyang mapahiya sa mga kaibigan hindi niya sinabi kung ano ang kaniyang trabaho.
Pagkatapos ng reunion ay mas lumala pa ang pagwawaldas ng pera ni Myla. Pinangatawanan niya ang kaniyang kasinungalingan. Hindi niya namamalayan na araw-araw lumalaki ang interes ng kaniyang mga utang. Nagsunud-sunod ang kaniyang mga bayarin at dahil sa sobrang desperasyon ay napilitang siyang mangutang sa kaniyang mga katrabaho pero imbes na makatulong ay lalo pang nabaon sa utang ang dalaga.
“Myla, kailan mo mababayaran ang utang mo? Mag-iisang buwan na, ah!” sita ni Jayda, katrabaho ng dalaga. Hindi kumikibo si Myla dahil alam niyang wala siyang perang maibibigay.
“Naku, Jayda, wala kang aasahan diyan! Eh, ‘yung utang nga niyan sa akin kinalimutan na lang!” reklamo ni Abby, kasamahan din sa trabaho ni Myla.
“Nagka-amnesia na yata ‘yan, eh! Utang ng utang hindi naman nagbabayad!” sabat ni Helena, isa din sa pinagkakautangan ng dalaga.
Araw-araw ay ganoon ang nangyayari eksena sa trabaho ni Myla. Hindi na nakayanan ng dalaga kaya napilitan siyang mag-resign.
Para makabayad ng utang binenta ni Myla ang kaniyang mga gamit. Umalis din siya sa inuupahan niyang condo.
Wala ng ibang kilala si Myla na maaari niyang lapitan maliban kina Juliet at Princess kaya’t bagama’t nahihiya ang dalaga ay lakas loob siyang bumalik sa dorm para humingi na tulong sa mga dati niyang kasama.
“Myla? Bakit ka nandito?” tanong ni Juliet nang makita niya ang dalaga sa harap ng kanilang pintuan.
“Anong nangyari sa’yo? Okay ka lang ba?” nag-aalalang tanong ni Princess.
“Alam kong galit kayo sa akin dahil hindi ko kayo trinato ng maayos pero wala na talaga akong malalapitan. Sana matulungan niyo ko. Walang-wala na ako. Binenta ko na ang lahat ng mga gamit ko para mabayaran ang mga pinagkakautangan ko pero hanggang ngayon ay baon pa rin ako sa utang. Wala na rin akong trabaho,” pagmamakaawa ni Myla.
“Myla, huwag ka nang umiyak. Tutulungan ka namin,” sagot ni Princess sa dalaga. “Tsaka hindi kami galit sa’yo. Kahit na hindi kami close sa’yo naiitindihan ka namin,” dagdag pa ni Juliet.
“At isa pa, kaibigan ka naman namin, ‘di ba?” kaswal na tanong ni Princess.
Natawa na lang sina Myla at Juliet dahil sa tanong ni Princess.
Tinulungan nina Juliet at Princess si Myla na makapagsimula ulit. Pinahiram nila ng pera ang dalaga at pinatira nila ng libre sa dorm. Agad ding nakahanap ng trabaho si Myla.
Simula noon ay hindi na nagkunwaring mapera si Myla. Natuto na siya sa kaniyang naging karanasan. Ngayon ay alam na niya ang kahalagahan ng pera. Mas inuuna na niyang bilhin ang mga kailangan niya imbes na bumili ng mga bagay na gusto niya.