Biyaheng Langit
Simula pagkabata ay malapit na si Jerico sa kaniyang Lolo Isko. Likas na relihiyoso at malakas ang paniniwala ni Lolo Isko sa mga pamahiin. Isang bilin ang lagi nitong sinasabi sa apo. “Jerico, lagi mong tatandaan na ang lahat ng bagay dito sa mundong ginagalawan natin ay hindi permanente. Lahat tayo ay mamam*tay at doon sa kabilang buhay natin malalaman ang hatol ng Diyos.”
“Pero, lolo, kailan ko po ba malalaman na mam*tay na ako?” inosenteng tanong ng batang si Jerico. “Minsan may mga signus ang Panginoon kung kailan niya babawiin ang buhay na ipinahiram sa atin. Pero ang mahalaga sa lahat ay masiguro mong sa langit ka tutungo pagdating ng takdang oras,” sagot ni Lolo Isko sa apo.
“Pero, lolo, paano ko po ba masisiguro na sa langit ako tutungo?” tanong ulit ni Jerico. “Kailangan mong maging mabait sa mundong ito upang masiguro mong sa paraiso ng Diyos ang iyong patutunguhan.”
Napabalikwas si Jerico sa kama dahil sa panaginip tungkol sa Lolo Isko niya. Halos sampung taon na ang nakakaraan nung ito ay pumanaw at ngayon lang ito muling nagparamdam sa kaniya.
Si Jerico ay matagal ng drayber ng bus. Sa halos limang taon niyang pamamasada hindi pa siya nasangkot sa kahit anong aksidente. Maingat siya sa pagmamaneho dahil ayaw niyang makaperwisyo sa mga pasahero at maging sa mga taong nasa kalsada.
“Jerico, sasama ka ba sa’min mamaya? Pupunta kami sa lamay ni Raul,” paanyaya ni Markus na isa ring drayber. “Hindi, magpapahinga kasi ako mamaya. Maaga pa ang biyahe ko bukas, eh. Ipapadala ko na lang ‘yung abuloy ko,” tugon ni Jerico sa kasamahan.
“Alam niyo ba ang usap-usapan dito ng ibang drayber na kaya daw naaksidente si Raul ay dahil may nakikita siyang kaluluwa ng matanda?” pamamalita ni Edwin, isang drayber ng bus. “Naku, Edwin, naniwala ka naman. Ibig mong bang sabihin may third eye si Raul? Napakaimposible naman nun,” kontra ni Marcus sa kasama.
“Hindi naman sa ganun. Ang sa’kin lang wala namang masama kung maniwala sa mga posibilidad, ‘di ba?” saad ni Edwin.
“Ano ba kasi ‘yung tsismis? Sabihin mo na. Matatapos na rest time natin, eh!” reklamo ni Omar, ang pinakabatang drayber sa grupo. “Ang sabi nila isang linggo bago maaksidente si Raul ay may nabundol siyang matanda. Tapos buhay pa daw ‘yun. Alam niyo ang ginawa ni Raul? Imbes na bumaba at tulungan ‘yung matanda ay umatras siya tsaka tinuluyan ‘yung matanda,” pagpapatuloy ni Edwin sa kuwento.
“Tama lang naman ‘yung ginawa niya, eh. Kung binuhay niya magagalit sa kaniya si Boss Ali. Alam naman nating lahat na ang laging paalala nun kung makakabangga ka tuluyan mo na lang. Isa pa, kung binuhay niya ‘yun malaki ang magagastos niya sa ospital tapos kulong pa siya!” paliwanag ni Marcus.
Nakikinig lang sa usapan si Jerico. Taliwas sa paniniwala ng kaniyang boss at mga kasamahan ang kaniyang prinsipyo.
“Sinong nagsabi na may nakikita siyang kaluluwa?” inosenteng tanong ni Omar. “Sino pa? Eh, ‘di ‘yung mga nakakasama niya. ‘Yung kundoktor niya mismo ang nagpatotoo ng mga bali-balita. May kakaiba daw kay Raul. Laging balisa at takot. Minsan pa nga daw ay kinakausap ‘yung sarili,” sabi ni Edwin.
“Sa tingin niyo totoo kaya ‘yun?” tanong na naman ni Omar. “Hoy, Omar, huwag mong sabihing naniniwala ka? Hindi totoo ang mga multo. Kalokohan lang ‘yan!” kontra ni Marcus sa mas nakababatang drayber.
Bago pa makasagot si Omar ay tumunog na ang bell hudyat na tapos na ang rest time nila.
Nagtipontipon ang lahat para sa arawang pagpupulong kasama ang kanilang tagapamahala na si Boss Ali.
“Alam kong alam niyo ng lahat ang nangyari kay Raul. Nakikiramay ako sa pamilya niya at nakapagbigay na ako ng dalawampung libong abuloy. Ang ikinagagalit ko ay ang tsismis na kumakalat. Huwag kayong magpapaniwala sa mga multo o kaluluwa. Puro kalokohan lang ‘yan! Ayoko nang makarinig ng mga kuwento tungkol sa mga multo! Nakakapag-init ng ulo! Oras na malaman kong may nagkakalat ng tsismis tatanggalin ko sa trabaho!” banta ni Boss Ali.
Pagkatapos ng meeting ay nagsiuwian na ang lahat ng mga drayber.
Nasa apartment na si Jerico pero iba ‘yung pakiramdam niya. Hindi siya mapakali. Nakahiga lang siya sa kama. Gusto niyang umidlip pero gising ang diwa niya kaya napilitan siyang bumangon. Lumabas muna siya saglit para bumili ng sigarilyo sa tindahan. May nabangga siyang matanda.
“Sorry po, lola. Pasensya na. Hindi ko po sinasadya.” Yumuko si Jerico habang humihingi ng pasensya sa matanda.
Walang narinig na sagot si Jerico kaya napatingin siya dito. Nakatingin ang matanda sa kaniya habang nanlilisik ang mga mata. Puro sugat at duguan ang mukha ng matanda. Dahil sa takot ay tumakbo agad si Jerico palayo.
“Sasakay ako sa’yo bukas, anak!” sigaw ng matanda.
Hindi naniniwala sa mga multo si Jerico pero nagtaasan ang balahibo niya sa narinig. Hindi siya halos makatulog kakaisip kong sino ang matanda at kung bakit nagpakita ito sa kaniya. Ito na ba ang signus na sinasabi ng lolo niya?
Kinaumagahan, madaling araw pa lang ay gumising na si Jerico. Agad siyang pumunta sa terminal dahil maaga ang schedule niya sa pamamasada. Pagdating niya doon ay nadatnan niya si Omar.
“Omar, bakit ang aga mo? Hindi ka ba sumama sa lamay kagabi?” nagtatakang tanong ni Jerico. Nakatingin lang sa kawalan si Omar habang nakatalikod sa kaniya.
“Omar, kinakausap kita! Teka. Bakit puro putik ‘yang damit mo?” tanong ulit ni Jerico. “Kuya Jerico, totoo palang may kaluluwa,” seryosong tugon ni Omar.
Nagtaasan ang balahibo ni Jerico sa sinabi ni Omar pero hindi niya na lang ito pinansin.
“Ikaw talaga kung anu-ano ang iniisip mo. Matulog ka muna doon. Baka puyat lang ‘yan. Sige mauna na ‘ko,” paalam ni Jerico kay Omar.
Sumakay na si Jerico sa bus. Nagmaniobra na siya para umalis. Palabas na siya ng gate nang makita niyang hinahabol siya ni Omar kaya huminto muna siya saglit.
Hinihingal pa si Omar nung lumapit kay Jerico. “Sasakay ako mamaya, kuya, ah.”
Hindi lubusang maintindihan ni Jerico kung bakit kakaiba ang kilos at pananalita ni Omar. Bago pa siya makapagtanong ay tumakbo na ito palayo. Hindi niya na lang ito pinansin. Kailangan na kasi niyang umalis.
Dahil madaling araw pa lang walang traffic sa kalsada. Mayamaya ay biglang bumuhos ang malakas na ulan kasabay nun ay tumunog ang selpon ni Jerico. Tumatawag ang kapatid niyang si Nora.
“Hello? Nora, bakit?” tanong ng lalaki. “Kuya sa… Kay ako… Maya,” sagot ni Nora.
“Ano? Hindi kita maintindihan. Putul-putol ang linya mo. Malakas kasi ang ulan. ‘Di ko marinig!” Ibinaba na lang ni Jerico ang telepono dahil hindi niya naiintindihan ng maayos ang kapatid.
Muling tumunog ang selpon ni Jerico. Isang text ang natanggap niya mula sa kapatid. “KUYA, SASABAY AKO SA’YO MAMAYA.”
Kakaibang takot ang naramdaman ni Jerico. Naalala niya ang sinabi ng matanda sa kaniya kagabi, ang bilin ng kasamahan niyang si Omar at ang mensaheng galing sa kaniyang kapatid. Tumutugma lahat. Iisa lang ang gustong ipahiwatig.
Hindi na makapagmaneho ng maayos si Jerico dahil nanginginig na ang kaniyang mga kamay. Hindi niya naiintindihan ang mga nangyayari.
Pagdating niya sa isang intersection ay bigla siyang nawalan ng preno. Saktong may batang patawid ng kalsada! Sobrang bilis ng mga pangyayari! Ginawa niya ang lahat para mailagan ang bata. Sumalpok ang minamaneho niyang bus sa poste!
Nagdilim ang paningin ni Jerico.
Naramdaman ni Jerico ang sinag ng araw sa kaniyang mukha kaya napilitan siyang dumilat. Nasa loob siya ng minamaneho niyang bus. Hindi niya alam kung anong nangyari. Tinignan niya ang sarili sa side mirror. Wala siyang sugat o galos man lang. Nagtataka siya kong paano nangyari ‘yun. Sigurado siyang naaksidente siya. Pinilit niyang alalahanin lahat pero wala siyang maalala.
Hanggang sa may nagsalita mula sa kaniyang likuran.
“Iho, hindi pa ba tatayo aalis?”
Hinanap ni Jerico kung kanino nanggagaling ang boses. Isang pamilyar na matandang babae ang nasa kaniyang likuran. ‘Yung matandang babaeng nabangga niya sa tindahan kagabi!
Nasa kabilang upuan din si Omar. At nasa dulo ang kapatid niya. Natumba si Jerico sa kinatatayuan. Naguguluhan siya! Hindi niya alam kung anong nangyayari!
“Anong ibig sabihin nito? Bakit tayo nandito?” malakas na sigaw ni Jerico.
Walang sumagot. Lahat ay nakatingin lang sa kawalan. Hanggang sa makita ni Jerico ang nakasulat sa loob ng bus.
“Biyaheng Langit.”
Nakalagay sa ibaba ang mga pangalan ng mga pasehero at kung bakit sila nam*tay.
‘Yung matanda ay ang nasagasaan ni Raul. Si Omar ay naaksidente at nahulog sa bangin. Si Nora ay nahagip ng truck sa Maynila. At ang pinakahuling pangalan na nakasulat ay ang pangalan ni Jerico.
Dahil doon ay naintindihan na ni Jerico ang lahat. Siya’y isa ng kaluluwa. Ang mga hindi maipaliwanag na mga nangyari sa kaniya ay signus sa nalalapit na ang kaniyang kamat*yan.
Hindi na lang nagsalita si Jerico. Bagkus ay umupo siya sa puwesto ng drayber at nagmaniobra para umalis.
Sa isip-isip niya ay masaya siya dahil naisabuhay niya ang paalala ng kaniyang Lolo Isko. Ang kabutihang nagawa niya sa lupa ang siyang daan tungo sa pangakong palasyo ng Diyos. Ngayon niya napagtanto ang magandang resulta ng kaniyang pagiging mabuting tao.