Inday TrendingInday Trending
Katuparan ng Pangarap, Mitsa ng Buhay

Katuparan ng Pangarap, Mitsa ng Buhay

Nag-iisang anak si Leslie nina Mang Connor at Aling Sally. Simple at payapa lang ang pamumuhay nila sa probinsya pero sing tayog ng mga gusali sa Maynila ang pangarap ni Leslie.

Pangarap niyang maging popular na modelo balang araw. Lahat ng pagkakataong dumarating ay sinusunggaban niya. Nagbabakasakaling maisakatuparan ang matayog niyang pangarap.

Isang araw isang tawag ang natanggap ni Leslie mula sa kaniyang kaibigan na nasa Maynila.

“Hello, Leslie?” wika ni Marlyn sa kabilang linya.

“Marlyn? Ikaw ba ‘yan? Kumusta ka na?” masayang bati ni Leslie sa kaibigan. “Okay lang ako. Busy lang sa trabaho,” sagot ng babae.

“Buti ka pa nagagawa mo ang mga bagay na gusto mo samantalang ako hanggang ngayon nasa probinsya pa din,” daing ni Leslie sa kaibigan.

Naisakatuparan na kasi ni Marlyn ang pangarap nito na maging mananayaw sa Maynila.

“Ano ka ba? Kaya nga ako tumawag, eh, dahil baka gusto mong magtrabaho dito sa Maynila. Nagpapahanap kasi ng bagong modelo ang boss ko!” masayang balita ni Marlyn kay Leslie.

Literal na nanlaki ang mga mata ni Leslie sa narinig. Hindi siya makapaniwalang may darating na ganitong oportunidad sa kaniya. Ito na ang matagal na niyang hinihintay!

Hindi na nagdalawang-isip pa si Leslie. Nagpaalam siya agad sa mga magulang niya.

“Masyadong malayo ang Maynila, anak.” Halata ang pagtutol ni Aling Sally sa kagustuhan ng anak. “Pero, ma, minsan lang ‘to. Alam niyo naman na matagal ko nang pangarap ‘to. Ito na ‘yung inaantay ko!” pamimilit ni Leslie sa ina.

“Anak, hindi puwedeng basta ka na lang magtitiwala sa kaniya. Hindi natin alam kong ano talaga ang trabaho niya,” dagdag pa ni Mang Connor.

“Papa, kaibigan ko po si Marlyn. Bakit ba ganiyan kayo magsalita? Akala ko ba mahal niyo ko? Bakit hindi niyo ako magawang suportahan?” sumbat ng dalaga sa ama. “Anak, nag-aalala lang kami sa’yo ng mama mo. Mahal ka namin kaya ayaw naming mapahamak ka,” paliwanag ni Mang Connor sa anak.

“Ganiyan naman kayo, eh! Lagi niyong sinasabi na mahal niyo ko at sinusuportahan niyo ko pero hindi naman talaga!” Padabog na pumasok ng kwarto ang dalaga.

Buong gabing nagkulong sa kwarto si Leslie. Masama ang loob niya sa kaniyang mga magulang. Sa kagustuhang matupad ang inaasam-asam na pangarap humanap siya ng pagkakataon para makaalis sa bahay nila.

Hatinggabi, habang mahimbing na natutulog ang mga magulang ni Leslie ay lumabas ng kanilang bahay ang dalaga bitbit ang ilan sa mga gamit niya.

“Babalik ako dito, inay. Magsisikap ako sa Maynila upang mabigyan ko kayo ng magandang buhay. Ang katuparan ng pangarap ko ay para sa inyo,” maluha-luhang sambit ni Leslie nung muli niyang nilingon ang kanilang bahay bago siya tuluyang umalis.

Dali-daling sumakay ng bus ang dalaga papuntang Maynila.

“Iha, saan ang destinasyon mo?” tanong ng konduktor kay Leslie. “Sa Maynila po, kuya,” maikling sagot ng dalaga.

Habang nasa biyahe ay labis na nababahala si Leslie sa magiging reaksyon ng kaniyang mga magulang. Alam niyang mag-aalala ang mga ito.

Pagdating ni Leslie sa Pasay ay sinalubong siya ng kaibigang si Marlyn. “Leslie! Mabuti naman at tumuloy ka!” masayang pahayag ng babae.

“Oo naman. Nagbabakasali kasi ako na baka mabigyan ako ng magadang oportunidad dito sa Maynila,” sagot ni Leslie sa kaibigan.

“Huwag kang mag-alala. Basta marunong ka lang sumunod at makinig sa mga boss natin tinitiyak kong susuwertihin ka!” saad ni Marlyn.

Mas lalong nabigyan ng pag-asa si Leslie sa sinabi ng kaibigan.

Ngunit hindi niya akalaing mas masahol pa sa impiyerno ang madadatnan niyang trabaho sa Maynila.

“Maghubad ka na!” sigaw kay Leslie ng isang lalaki.

“Teka lang po. Bakit po maghuhubad?” pagtutol ng dalaga. “Huwag ka ngang mag-inarte! Magsasayaw ka sa entablado ng nakahubad!” sigaw ng isa pang lalaki.

“Pero teka lang po! Hindi po ito ang trabahong pinunta ko dito!” reklamo ni Leslie.

Hindi alam ni Leslie kung ano ang gagawin. Puwersahan siyang hinubaran ng dalawang lalaki. Pagkatapos ay tinulak siya sa entablado kung nasaan ang iba pang mga kababaihan na nagsasayaw ng walang saplot sa katawan. Wala nagawa ang dalaga. Sising-sisi si Leslie sa kaniyang naging desisyon.

“Marlyn, tulungan mo ko. Gusto ko nang umuwi sa probinsya,” desperadang pakiusap ni Leslie sa kaibigan. “Pasensiya ka na, Leslie, hindi kita matutulungan. Hindi ka na puwedeng umalis dito,” saad ni Marlyn.

Mistulang pinagsakluban ng langit at lupa si Leslie. Imbes na maging modelo ay naging mananayaw siya ng isang club kung saan tahasang binababoy ng mga kalalakihan ang kaniyang pagkatao at katawan. Pakiramdam niya’y pinaparusahan siya ng Diyos dahil sinuway niya ang kaniyang mga magulang.

Ang akala ni Leslie ay iyon na ang pinakamasaklap na mararanasan niya ‘di niya akalaing may mas lalala pa pala sa pagiging hubad na mananayaw ng club.

“Siya ba ang tinutukoy mo?” tanong ng may-ari ng club sa isang lalaki na nakatingin kay Leslie. Tumatango ang lalaki at ngumisi. “Walang problema. Puwedeng-puwede basta may bayad.”

Hindi inasahan ni Leslie ang mga sumunod na pangyayari. Pwersa siya pinasok ng limang lalaki sa isang kwarto.

“Huwag po! Maawa na po kayo sa akin! Huwag niyo po akong sasaktan!” pakiusap ni Leslie sa lima. Pero mistulang nasaniban ng dem*nyo ang mga ito. Naisakatuparan nila ang halinhinang pangagah*sa sa dalaga.

Dumating na sa puntong hindi na kinaya ni Leslie ang kaniyang naranasan kaya naisipan niyang tapusin na lang ang kaniyang buhay. Tumalon siya mula sa tuktok ng gusaling pinagtatrabahuan niya.

Madilim ang buong kapaligiran ni Leslie. Wala siyang makita. Wala siyang maaninag. Subalit may naririnig siyang impit na boses na nagsasalita sa tabi niya.

“Anak? Anak… Gumising ka,” pautal-utal na pakiusap ni Aling Sally sa anak.

Hindi makapaniwala si Leslie sa naririnig. Sigurado siyang nasa tabi niya ang kaniyang mga magulang. Gusto niyang dumilat, gusto niyang magsalita pero hindi niya magawa. Ang dami niyang gustong sabihin sa mga magulang niya. Gusto niyang humingi ng tawad sa lahat ng kasalanang nagawa niya.

“Mahal na mahal ka namin, anak,” sambit ni Aling Sally.

“Lumaban ka. Tatagan mo ang loob mo. Nandito lang kami ng mama mo,” saad ni Mang Connor.

Lalong bumigat ang pakiramdam ni Leslie sa mga naririnig. Buong lakas niyang pinilit ang sarili na gumalaw, dumilat at magsalita pero mistulang naging bato ang katawan niya.

“Patawarin niyo ako, mama… Papa… Patawarin niyo ako dahil hindi ako nakinig sa inyo. Alam kong huli na ang lahat pero nagsisisi na ako sa mga ginawa ko. Mahal na mahal ko kayo.” Kasabay ng pagsambit ni Leslie sa kaniyang isipan ng nais sabihin ay nagbagsakan ang mga luha sa mga mata niya.

Mabigat ang emosyong nararamdaman ni Leslie ngayon. Gusto niyang makabawi sa kaniyang mga magulang subalit huli na ang lahat.

“Sana ay nakinig na lang ako sa inyo. Patawad. Mahal na mahal ko kayo,” malungkot na sambit ni Leslie sa kaniyang isipan bago unti-unting naglaho ang natitirang hangin sa kaniyang katawan hanggang sa tuluyan nang huminto ang pagtibok ng kaniyang puso.

Binalot ng nakapangingilabot na katahimikan ang paligid. Hudyat na nagtapos na ang laban ni Leslie. Ang matinding hangarin niya na matupad ang kaniyang pangarap ang naging mitsa ng kaniyang buhay.

Advertisement