Inday TrendingInday Trending
Ang Rosaryo ni Clara

Ang Rosaryo ni Clara

Linggo ng gabi.

Matiyaga siyang naghihintay ng bus na masasakyan pauwi. Madalang ang mga bus ngunit napakarami ng mga tao na kapwa niya naghihintay. Hindi na nakakapagtaka. Katatapos lamang ng misa sa Sta. Rosa Church. Karamihan sa mga ito ay deboto.

Sa wakas, naaninag niya ang paparating na sasakyan. Nagkumpulan agad ang mga tao. Paunahan. Hindi pwedeng hindi siya makasakay. Siguradong matagal pa ang susunod na bus.

Nakipagtulakan siya sa mga tao. Hindi bale na kung may matapakan. At sa wakas ay matagumpay siyang nakasampa.

Ngumisi siya ng malaki.

Niyakap siya ng malamig na hangin mula sa aircon kahit na mahaba ang manggas ng kanyang damit. Naghanap agad siya ng mauupuan. Sinusuri ang bawat tao na nakikita.

“Dito ka na lang may bakante pa,” sabi ng konduktor habang tinuturo ang isang bakanteng upuan katabi ng isa pang pasahero.

Tinignan niya ang pasaherong nakaupo roon. Tulog ito at kitang-kita ang matinding kapaguran. Pudpod ang tsinelas, kupas ang suot na maong at damit na may mga butas.

Umiling siya sa sarili at inignora ang konduktor.

Muli siyang naglakad patungo sa likod na bahagi.

“Miss, dito ka.” Ngumisi ang isang lalaki. Kitang-kita ang malisyoso nitong tingin sa kanyang binti. Hindi maikli ang kanyang suot na palda, umabot ito sa kanyang mga tuhod.

Bastos, naisip niya.

Tinignan niya ito ng maigi bago peke na ngumisi. “S-salamat.” Bahagya niyang hinawi ang kanyang buhok at marahang umupo sa tabi nito.

“Anong pangalan mo?” tanong nito kaagad.

Mahinhin siyang ngumiti rito, “Clara.” Sagot niya. Maya-maya pa ay dinukot niya niya mula sa kanyang bag ang isang rosaryo.

“Katoliko ka?” tanong niti.

Tumango lamang siya at pumikit. Nagsimula siyang umusal ng panalangin.

Tumahimik ang lalaki sandali. Nararamdaman niya ang tingin nito sa kanya kahit na nakapikit siya. Panginoon, patawarin mo po ako sa mga kasalanan ko at sa mga magagawa ko pa.

“Alam mo, relihiyoso ang pamilya ko. Magugustuhan ka nila.” Sinabi nito ulit.

Hindi niya ito pinansin at nagpatuloy sa pagdarasal. Marami itong sinasabi at pilit siyang kinakausap. Tinatawanan na lamang niya ang mga ito.

Alam niya ang ganitong klase ng mga lalaki. Kayng-kaya niyang tukuyin. Sa likod ng maganda nitong ngiti ay nagtatago ang masamang mga balak.

“Saan ka nauwi?” tanong nitong muli. Nagkibit-balikat siya at sinagot ang tanong nito.

“Sakto. Doon din ang daan ko. Gusto mo bang ihatid kita?” maligaya ang tono nito ngayon.

Sanay na siya sa ganito. Sa ganda niyang taglay ay hindi na bago sa kanya na bigyan ng motibo. Hindi ito ang una, hindi rin ito ang huli.

“O kaya naman, pwede ka namang tumuloy sa bahay ko,” suhestiyon pa nito.

Nanginig siya, ngunit hindi niya ipinahalata. Ayaw niyang magmukha siyang natatakot. Humawak pa ito sa kanyang braso. Mabilis siyang gumalaw para umiwas.

“Mayaman ako. Maraming pera. Magkano ba ang gusto mo?” dinukot nito ang bulsa. Napatingin siya sa mga kapwa pasahero. Marami sa mga ito ay tulog o ‘di kaya ay may earphones.

Nawala ang ngisi ng lalaki. Kumunot ang kanyang noo. “Anong problema?” tanong niya pa.

“Nawawala ang pitaka ko.” Sinabi nito sa mababang boses.

Gulat ang bumalatay sa kanyang mukha. Lumingon lignon siya upang tulungan ito maghanap ngunit wala siyang nakita maging sa ilalim ng upuan.

“Saan napunta iyon?” tanong pa niya.

Binalik niya ang tingin sa lalaki. Maputla na ito ngayon at tuliro. Malayo sa mayabang nitong dating kanina.

“Hindi ko pera iyon.” Wala sa sarili nitong sinabi.

Nagulat siya sa narinig. Hindi pala nito pera pero kung magyabang kanina? Muntik na siyang matawa sa naiisip.

“Kung ganon, mauuna na ako.” Kung anuman ang problema nito ay hindi na sa kanya. Sa nangyari, ay nailigtas niya ang kanyang sarili sa problema. Dapat siyang magpasalamat.

“Sandali lang, Clara,” humawak pa ito sa kanyang braso upang pigilan siya. Naglakad siya ng mabilis at bumaba na ng bus.

Tinanaw niya ang papalayong sasakyan.

Mula sa kanyang dibdib ay dinukot ang isang wallet na naipuslit. Binuklat niya ito at nanlaki ang mata, sapat na ito para sa susunod na mga araw.

Gayunman ay hindi siya makapagdiwang, sinisikil siya ng kanyang kunsensiya. Kinuha niya ang rosaryo, “Patawarin mo ako, Diyos ko.”

Naglakad siya papunta sa isang tindahan at bumili ng pagkain.

Inayos niya ang kanyang buhok at damit na suot hanggang sa magmukha muli siyang normal na empleyado. Hindi iyon naging mahirap dahil sa ganda niyang taglay.

Nang makauwi ay sinalubong agad siya ng tatlong batang maliliit. “Inay!”

Ngumiti siya agad at ipinakita ang pagkain niyang dala. “Nandito na si Nanay. Tapos na ang trabaho ko.” Bukas naman, aniya.

Ganito ang pang-araw araw na buhay niya. Ang alam ng kanyang mga anak ay namamasukan siya sa isang kompanya, ngunit simula ng matanggal siya sa trabaho ay nawalan na siya ng pantustos sa pag-aaral ng kanyang mga anak.

Kaya ayaw man niya at alam niyang hindi tama ang kanyang ginagawa ay wala siyang ibang maisip na paraan. Kaya’t tuwing gabi, ay sumasakay siya ng bus at maghahanap ng magiging biktima.

Ang pinipili niya lamang ay ‘yung mukhang malisyoso. Sila ang pinakamadaling biktimahin. Basta’t mahumaling lamang sila sa kanyang ganda ay ayos na. Mabubusog niya na ang kanyang pamilya.

Para kay Clara, isang ina, gagawin niya ang lahat para lang sa mga anak at sa mga kumakalam nitong sikmura.

Advertisement