“Pare, kumusta? Nakahanap ka na ba ng apartment na malilipatan?” tanong ni Arnold sa kaibigang si Michael habang naghahanda silang dalawa sa pag-uwi.
“Naku, pare, hindi pa nga, eh. Puro ang mamahal ng renta sa mga apartment na tinignan ko. Eh, alam mo namang nagtitipid ako ngayon kasi nga nag-iipon kami ni Jenna para sa dream wedding namin,” sagot ni Michael.
Pawang mga detective sa isang maliit na agency ang magkaibigang Michael at Arnold.
Sa totoo lang maganda man pakinggan ang kanilang propesyon ay kakarampot pa din ang sinusweldo nila lalo na para sa sinusweldo ng isang taong may sariling pamilya na kagaya ni Arnold o ng isang nagbabalak magkaroon ng sariling pamilya na kagaya ni Michael. Kaya naman ginagalingan nila sa trabaho nang sa gayon ay ma-promote sila at magkaroon ng mas mataas na sweldo.
“Pare, sana naman ay suwertihin ka na sa susunod mong pupuntahan. Tiyagain mo lang, pare. Tiyak naman na meron pa ding mura pero maganda,” napapailing na lang na sabi ni Arnold sa kaibigan habang naglalakad sila palabas ng opisina.
Naghiwalay na ang dalawa magkaibigan. Pumasok si Michael sa isang eskinita malapit sa opisina dahil narinig niya na tabi-tabi daw ang apartment doon.
Inisa-isa niya ang mga nakitang apartment ngunit walang pumasok sa budget niya na tatlong libo kada buwan.
“Siguro kukunin ko na lang ‘yung isang nakita ko na nagkakahalagang apat na libo. Magtitipid na lang ako sa pagkain,” Iyon ang nasa isip ni Michael nang mapansin niya ang karatula sa labas ng pinakahuling apartment na bibisitahin niya sa araw na iyon.
“Apartment for rent, 2,500. Pumasok sa loob para magtanong.” Iyon ang nakalagay sa karatula.
Papasok na sana si Michael sa loob nang sumigaw ang isang babaeng naka-jacket na itim.
“May sumpa ang apartment na ‘yan! Huwag kang titira diyan kung ayaw mong malasin kagaya ko!” tila nananakot na sabi ng babae.
Nilingon ni Michael ang babae at dahil hindi naman siya naniniwala sa mga ganung bagay ay ipinagkibit-balikat na lamang niya ang sinabi ng babae at pumasok na sa loob para magtanong.
Masayang lumabas si Michael sa apartment. Nakakuha siya ng apartment na mas mababa ng limandaang piso sa orihinal na budget niya. Ang maganda pa dito, eh, puwede na siyang lumipat bukas na bukas din.
Gusto ni Michael ang istilo ng Apartment 513. Maluwang ito, may malaking kama, may study table na kailangan niya pag nagtatrabaho sa bahay, may malaking bintana, may isang mahabang sofa at may sariling banyo sa loob. May maliit na kusina pa!
Nagtataka man ang lalaki kung bakit mababa ang presyo nito gayong mas maganda pa ito sa mga napuntahan niya, eh, ipinagsawalang bahala niya na lang. “Naka-jackpot ako!” ‘Yun ang nasa isip niya.
Medyo may pagkamasungit lang ang may-ari pero wala naman iyong kaso kay Michael.
Dahil walang pasok kinabukasan ay inasikaso ni Michael ang paglilipat ng mga gamit niya sa bagong bahay. Gabi na nang matapos siyang mag-ayos ng gamit at maglinis sa bagong niyang tinutuluyan. Dahil sa pagod ay napakaidlip si Michael sa sofa.
Nang magising si Michael ay napasulyap kaagad siya sa orasan at natutop na lamang niya ang noo nang mapagtantong alas dos na ng umaga. Hindi niya namalayan ang oras dahil sa pagod.
Papunta siya sa kusina upang kumuha ng makakain nang mapahinto siya nang makarinig ng tila iyak ng isang babae. Sumulyap siya sa paligid at nang masiguro niya na mag-isa lamang siya sa loob ay nagpatuloy siya sa paglalakad.
Kumukuha na si Michael ng iluluto mula sa mini ref nang muli niyang marinig ang kaparehong tunog. Dahil hindi naman likas na matatakutin ang lalaki ay inisip niya na baka nanonood lang ng palabas sa telebisyon o kaya ng pelikula ang kapitbahay niya kaya may naririnig siyang iyak ng babae.
Kinabukasan, araw ng Linggo, nagluto ng ulam si Michael. Dinamihan na niya ang kaniyang niluto para mabigyan niya na rin ang kaniyang mga kapitbahay. Ugali na niyang kilalanin ang mga kapitbahay niya para may nayayaya siyang tumambay pag wala siyang ginagawa.
Nakailang katok na si Michael sa unit na nasa kaliwa ng bahay niya ngunit wala pa ding nagbubukas ng pinto. Medyo naiinis na ang lalaki dahil may kainitan ang hawak niyang ulam.
“Hijo, bakit ka kumakatok diyan? Aba’y walang nakatira sa unit na iyan,” sabi ng matandang napadaan.
“Ay, ganun ho ba? Salamat ho,” sabi ni Michael na akmang kakatok naman sa unit sa nasa kanan ng bahay niya.
“Naku, hijo, napapagitnaan ka ng dalawang unit na walang nakatira,” natatawa na lang na sabi ng matanda.
Napakamot na lang sa batok si Michael. “Kung wala pala akong kapitbahay sino ang nanonood ng TV kaninang madaling araw?” naguguluhang tanong niya sa sarili.
Linggo ng gabi. Palaisipan kay Michael ang narinig na iyak. Dahil isa siyang detective sa halip na matakot ay nagpasya siyang mag-imbestiga.
Naghintay si Michael na madinig muli ang ungol ngunit alas dose na ay wala pa din siyang nadidinig kung ‘di ang tunog ng electric fan. Hindi niya namalayang nakaidlip na pala siya.
Alas dos ng madaling araw. Nagising na lamang si Michael sa pamilyar na tunog. Ang babaeng umiiyak! Mas malakas na ito ngayon at paulit ulit. Kinikilabutan man ay hindi pa din maiwasan ni Michael na magtaka dahil una, bakit tuwing alas dos niya lang naririnig ang mga iyak? At pangalawa, bakit paulit-ulit lang ito at tila recorded?
Recorded. Tila may bombilyang kumislap sa isip ni Michael. Kaya naman sa halip na matakot ay pinakinggan niyang mabuti kung saan nagmumula ang tunog. Dinala siya ng kaniyang mga tenga sa pintuan ng kaniyang unit. Saglit siyang nanatili doon habang nakatapat ang tenga sa pinto. At hindi siya nagkamali dahil mayamaya lang ay may nadinig na siyang kaluskos.
Maliksi niyang binuksan ang pinto upang hulihin ang salarin, ang nananakot sa kaniya.
Pagbukas ni Michael ng pinto imbes na magulat siya ay ang salarin pa ang mas nagulat. Akala siguro nito ay takot na takot siya sa loob at nakatalukbong ng kumot.
Pamilyar kay Michael ang salarin, ito ang babaeng nakaitim na jacket na nakita niya noong unang beses siyang napadpad sa apartment na ito. Kahit naka-hood ito ay sigurado siyang ito ang babaeng iyon. May hawak itong maliit na speaker kung saan nagmumula ang tunog na noong una ay kinatakutan niya, ang iyak ng isang babae.
Hindi na nakapagdahilan pa ang babae dahil huling-huli ito sa akto.
Nang iniharap ni Michael sa may-ari ng apartment ang babae ay napag-alaman niya na gumaganti pala ito sa masungit na may-ari dahil walang awa siya nitong pinalayas kahit alas dos na ng madaling araw nung hindi siya nakabayad. Tinatakot niya ang mga tumitira sa Apartment 513 kaya naman walang tumatagal dito at nang kalaunan ay wala na talagang nagrenta.
Kaya pala napakababa ng renta sa magandang apartment ay dahil tinagurian itong haunted apartment. Hindi ito sinabi ng may-ari kay Michael.
Hindi na nagsampa pa ng kaso ang may-ari dahil napagtanto din nito na mali ang nagawa niya sa babaeng dating nangungupahan sa Apartment 513. Humingi din naman ng tawad ang babae dahil sa pananakot na ginawa sa mga dating nanirahan sa nasabing apartment.
Si Michael naman ay tuwang-tuwa dahil naka-jackpot siya. Napag-alaman niya na ang totoong presyo ng apartment na tinitirhan niya ay anim na libo pala! Bilang pasasalamat sa pagkakaresolba ng misteryo sa Apartment 513 ay dalawang libo at limandaan pa din ang singil kay Michael ng may-ari na sa tingin ng binata ay naging mabait na simula nung insidenteng iyon.