Ang Mga Mata ni Chai
Limang taon gulang pa lamang ay magkaibigan na sina Chai at Angel. Masasabi nila na sa edad na labimpito ay matalik na magkaibigan pa din sila at kilang kilala na nila ang isa’t isa. Nasa iisang barkadahan din sila. Magkalapit din ang pamilya nila dahil nasa iisang village lang sila naninirahan.
Dahil nga magkaibigan ang kanilang pamilya madalas sila payagan na lumabas ng magkasama at matulog sa bahay ng isa’t isa. Tiwala ang kanilang mga magulang na hindi sila gagawa ng mga bagay na ikapapahamak nila.
Sembreak ngayon kaya naman nakatambay ang dalawa sa bahay ni Jane, isa sa mga kabarkada nila. Nagkayayaan ang barkada na mag-sightseeing at magkape sa Tagaytay. Medyo maulan pero hindi nito napigilan ang barkada lalo pa’t ang kaibigan nilang si Andrew ay legal nang magmaneho ng sarili nitong sasakyan.
“Ano, Chai at Angel, sasama naman kayo, ‘di ba?” tanong ni Meryll, kasintahan ni Andrew. “Naku, hindi ko alam kung papayagan ako ni mommy at daddy. Kailangan ko munang tumawag sa bahay,” mahinhin na sagot ni Angel.
“Angel, ano ka ba? Siyempre hindi ka papayagan nila tita,” sabi ni Chai sa matalik na kaibigan.
“Saglit lang naman tayo guys, ‘di ba?” tanong naman ni Chai sa barkada para makumbinsi si Angel na sumama. Sigurado kasi siyang hindi din siya papayagan ng mga magulang at hindi naman puwedeng umuwi si Angel nang wala siya dahil paniguradong malilintikan siya.
“Chai, mapapagalitan tayo kapag nalaman nila tita at mommy na wala tayo sa bahay nila Jane. ‘Yun ang paalam natin, ‘di ba?” May maaaninag pa ding pag-aalala sa kulay tsokolateng mga mata ni Angel.
“Huwag kayong mag-alala. Pag-alis natin papauwiin ko din si Manang Fe para walang sumagot ng telepono,” nakangisi namang sabi ni Jane.
“Bahala ka, Angel. Kung ano naman ang magiging desisyon mo ay ‘yun din ang akin,” pangongonsensiya pa ni Chai sa kaibigan. “Ikaw talaga. Alam na alam mong hindi kita matitiis!” natatawa na lang na sabi ni Angel sa kaibigan.
Ilang sandali pa ay nasa biyahe na ang magkakaibigan. Masaya ang magkakaibigan dahil kumpleto sila at makakapag-bonding ang lahat. Kasabay ng malakas na ulan ay ang malakas nilang halakhakan at kantahan sa sasakyan.
Maya’t maya naman ang paalala ni Meryll sa kasintahang si Andrew na nagmamaneho. Panay din kasi ang tawa nito at natatakot siya na madisgrasya sila dahil sa kawalan nito ng focus.
“Andrew, ano ka ba naman? Mamaya niyan, eh, madisgrasya pa tayong lahat sa ginagawa mo, eh! Mamaya ka na tumawa nang tumawa, okay?” pagalit na sita ni Meryll sa kasintahan.
“Babe, naiinis na ako sa’yo, ha. Alam ko naman ‘yung ginagawa ko! Puwede bang chill ka lang diyan?” pasigaw na sagot ni Andrew sa nobya.
“Eh, kanina ka pa! Eh, kung ma-distract ka?” hindi papatalong sagot din ni Meryll na tila napahiya nang sigawan ng nobyo sa harap ng mga kaibigan.
Tuluyan nang nilingon ni Andrew ang kasintahan na nakaupo sa tabi niya. “Kanina pa ako nagtitimpi sa’yo, ha! Napaka-KJ mo! Anong gusto mo? Hindi ako mags…”
Hindi na natapos ni Andrew ang sasabihin dahil nabangga na ang sasakyang minamaneho niya sa isang truck na nasa kabilang lane.
Napunta na pala sila sa kabilang lane nang hindi namamalayan ni Andrew. Nakabibinging tilian ng mga nakasakay sa sasakyan na lang ang maririnig kasabay ng malakas na banggaan ng dalawang sasakyan. Pagkatapos noon ay katahimikan.
Nang magising si Chai ay puro puti ang nakita niya. Iisipin na sana niya na nasa langit na siya nang maamoy niya ang gamot at maramdaman niya ang bahagyang pananakit ng ulo. Paglingon niya ay nakita niya ang kaibigang si Angel na nakangiti sa kaniya at nakaupo sa sofa.
“Chai, kumusta na ang pakiramdam mo? Tatlong araw ka nang natutulog” tanong ng kaibigan. “Medyo masakit lang ang ulo ko pero okay na naman ako,” nakangiting sagot ng dalaga kay Angel.
Masayang-masaya si Chai na pareho silang nakaligtas sa aksidente. Naalala niyang siya ang pumilit sa kaibigan na sumama sa gala nilang iyon kaya naman humingi siya ng paumanhin sa kaibigan.
“Okay lang, Chai. Ang mahalaga sa akin ay ligtas ka,” nakangiting sabi ni Angel. “Kailangan ko munang umalis. Pupuntahan ko sila mommy,” dagdag pa ng kaibigan.
Bago pa nakasagot si Chai ay nakalabas na ng pinto si Angel. Pagkalabas nito ay siya namang pagpasok ng mga magulang niya.
“Diyos ko! Chai, mabuti naman at gising ka na.” Umiiyak na niyakap ang dalaga ng kaniyang mommy. Ang daddy naman ni Chai ay tahimik lang na nagpupunas ng luha habang nakatayo malapit sa kamang kinahihigaan ng anak.
“I’m sorry po, mommy and daddy. Hindi na po ulit ako aalis nang walang paalam,” umiiyak na paghingi ng dispensa ni Chai sa mga magulang. Sigurado siya na nag-alala ang mga ito.
“Mom, kumusta po ang mga kaibigan ko? Totoo po bang 3 days na daw akong walang malay?” usisa ni Chai sa ina.
Lalo lamang lumakas ang iyak ng ina ng dalaga kaya kinabahan si Chai.
“Anak, huwag kang mabibigla. Sa ngayon ay comatose pa din si Jane. Sina Meryll at Andrew… Wala na sila,” mabagal na sabi ng ina ni Chai.
Natutop na lamang ni Chai ang bibig sa sobrang pagkabigla. Nang matapos siyang umiyak ay nagtanong ang kaniyang ina kung paano niya nalaman na tatlong araw na siyang walang malay. Sasagot na sana siya na si Angel ang nagsabi kaso ay biglang pumasok ang doktor para bigyan siya ng gamot.
Sa tuwing gigising si Chai ay nakakakuwentuhan niya si Angel kaya lang ay agad itong umaalis kaya saglit niya lang itong nakakausap. Lagi lamang nito sinasabi na sana ay makalabas na siya ng ospital.
Nagtataka din si Chai dahil palaging sinasabi ni Angel sa kaniya na maging masaya siya at huwag niyang sisisihin ang sarili niya. Bagama’t malungkot siya dahil sa pagkawala ni Andrew at Meryll ay masaya pa rin siya dahil ligtas si Angel.
Araw ng paglabas ni Chai sa ospital. Nandun ang lahat ng kaibigan niya at mga magulang niya. Kahit ang ate at kuya ng dalaga na nagtatrabaho sa malayo ay nandun para ipagdiwang ang full recovery ni Chai mula sa asksidente.
“Mom, nasaan po si Angel? Parang hindi ko siya nakita today?” usisa ni Chai sa ina.
Matagal bago nakasagot ang ina. “Anak, mahirap tanggapin pero kailangan mong makinig sa sasabihin ko. Naiintindihan mo?” sagot ng ina.
Kahit kinakabahan ay pinakinggan ni Chai ang ina. “Anak, kagaya nina Andrew ay nasawi din si Angel sa aksidente,” umiiyak na pahayag ng ina.
“Mommy, hindi magandang biro ‘yan. Hindi ako maniniwala sa’yo. Buhay si Angel at nakakausap ko pa siya nitong mga nakaraang araw. Naalala mo ba nung tinanong mo ko kung paano kong nalaman na tatlong araw na akong walang malay? Si Angel ang nagsabi nun,” naguguluhang sabi ni Chai.
Patuloy sa pag-iyak ang ina ng dalaga. “Anak, kung hindi ka naniniwala tumingin ka sa salamin.” Kahit nagugulumihanan ay sinunod ni Chai ang ina.
Nagulat ang dalaga nang salubungin siya ng tingin ng mga matang kulay tsokolate at pamilyar na pamilyar sa kaniya, ang mga mata ng pinakamamahal niyang kaibigan. Ang dating kulay hazel ng mga mata ng dalaga ay naging kulay tsokolate na.
“Anak, ibinigay ni Angel ang mga mata niya sa iyo. Masyadong malalim ang pagkakabaon ng basag na salamin sa mga mata mo kaya pansamantala kang nabulag. Ayon sa kuwento ng mga magulang ni Angel ang huling sinabi ng kanilang anak bago ito binawian ng buhay ay ang iligatas ang kaibigan niyang si Chai kaya naman nung nalaman nila ang nangyari sa iyo ay hindi sila nag-atubiling ibigay sa’yo ang mga mata ni Angel,” paliwanag ng ina.
Doon na naintindihan ni Chai ang malagim na sinapit ng pinakamamahal na kaibigan. Labis labis ang pagsisisi ni Chai habang tuluy-tuloy ang pagtulo na mga luha sa kaniyang mga mata. Buhay pa sana ang kaibigan kung hindi siya nagpumilit na sumama sila nang walang paalam.
Nang makalabas sila ng ospital bago tuluyang sumakay si Chai sa taxi ay tumingin muna siya sa kalangitan na napakatingkad ang pagkabughaw.
Bahagya pa siyang nasilaw sa liwanaag ng kalangitan at nang makabawi ay saglit siyang umusal ng panalangin para sa kaluluwa ng kaibigan niyang si Angel na ngayon ay isa ng anghel na alam niyang nagmamasid sa kaniya mula sa langit.