Inday TrendingInday Trending
Ang Huling Pares ng Sapatos

Ang Huling Pares ng Sapatos

Lubhang mahilig sa sapatos itong si Andrea. Lahat na nga ata ng uri ng nauusong disenyo ay mayroon siya sapagkat parati niyang pinipilit ang kaniyang mommy na ibili siya nito.

Dahil nga nag-iisang anak ay hindi naman mahindian ng ina ang dalaga. Ngunit may mga pagkakataon rin na tila napapaisip na si Gina kung pagbibigyan pa ba niya ang anak dahil tambak na ang mga sapatos nito sa bahay. Ang ilan pa ay hindi naman nagagamit at nakaimbak lamang sa mga lalagyanan nito.

“Anak, kahit na nasa ibang bansa ang daddy mo at malaki ang kaniyang kinikita ay hindi ibig sabihin nun ay uubusin na natin sa mga walang kwentang bagay ang kaniyang pinaghirapan,” wika ni Gina sa anak.

“Tulad ng sapatos na ‘yan. Isang aparador na ata ang sapatos mo at ayaw mo pang tumigil sa kakabili,” dagdag pa ng babae.

“Iba naman po kasi ‘yung disenyo nitong sapatos na sinasabi ko sa inyo, mommy. Bukod kasi sa maganda ang kulay nito ay kaunti lamang talaga ang inilabas nilang sapatos na ganoon ang disenyo kaya gusto ko pong magkaroon talaga ng isang pares,” wika ni Andrea habang namimilipit sa pagmamaktol.

“Pakiusap, mommy. Sige na po. Bilhan niyo ‘ko ng sapatos na nakita natin sa mall. Unang kita ko pa lang doon ay talagang nahumaling na ako sa ganda niya. At tiyak ko na babagay talaga iyon sa akin,” pagpupumilit ng dalagang si Andrea sa kaniyang inang si Gina.

“Hindi ba, anak, kabibili mo lamang noong isang linggo?” mariing sambit ni Gina sa kaniyang anak.

“Ano ka ba naman, Andrea? Halos linggu-linggo ata ay panay ang pabili mo ng sapatos sa akin. At hindi pa biro ang mga tatak at presyo ng mga nagugustuhan mo,” pagpapatuloy ni Gina.

“Anak, hindi ako namumulot ng pera. Marami ka pa namang mga sapatos diyan. Bakit hindi na lang ‘yon ang gamitin mo. ‘Yung binili mo nga noong isang buwan ay hindi ko pa nakikita na ginagamit mo. Nasaan na ba ‘yun?” saad ng babae.

“Nasa lalagyanan ko po ng mga sapatos, mommy. Siyempre ayaw ko naman pong maluma kaagad kaya hindi ko palaging sinusuot,” depensa ng dalaga.

“Maingat naman ako sa mga gamit ko, mommy. Kaya parang awa niyo na. Bilhin niyo na po ‘yung sapatos na nakita ko,” giit ni Andrea.

“Huli na talaga ito, mommy. Pangako. Sobrang nagustuhan ko lang kasi talaga. Tsaka ang totoo kasi niyan, mommy, ang lahat po ng mga kabarkada ko ay ganoon po ang soot. Maiiba ako kung wala ako noon. Kaya sige na po. Pakiusap, mommy, huli na po talaga ito,” pamimilit ng dalaga.

“At saka kung ibibili niyo ako ay baka puwede po na ngayon na. Baka po kasi maubusan ako,” dagdag pa ng dalaga.

“O siya, sige ibibili na kita. Ngunit bukas na. At ipangako mo sa akin, Andrea, na talagang huli na ito sapagkat ibebenta ko talaga ang mga sapatos na nakatambak sa aparador mo upang may pambili ka ng bago,” Banta ni Gina sa anak.

Dahil sa labis na pamimilit ng anak ay hindi na natangihan pa ni Gina si Andrea. Kahit na gustuhin ng dalaga na ngayon na bumili ay hindi pumayag ang kaniyang ina kaya wala na siyang nagawa pa.

Kinabukasan ay agad silang nagtungo sa mall upang bilhin ang sapatos na gustung-gusto ni Andrea. Walang mapaglagyan ng kaligayan ang dalaga sapagkat sa wakas ay mabibili na rin niya ang sapatos.

Malayo pa sa puwesto ng sapatos na naibigan ng dalaga ay nakakunot na ang noo ni Andrea. Napansin ng ina ang pagbabago ng reaksyon ng anak.

“Bakit ka nakasimangot diyan?” pagtataka ni Gina. “Mommy, parang wala na po ‘yung sapatos na gusto ko,” sagot ni Andrea.

“Sinabi ko kasi sa inyo bilhin na natin kahapon. Ayan tuloy!” reklamo ng dalaga sa ina.

Patakbong nagtungo si Andrea sa tindahan ng sapatos. Sa pagmamadali ay nabunggo nito ang isang ina na may tulak na wheelchair. Hindi man lamang ito huminto upang humingi ng dispensa.

Nang makapasok sa tindahan agad na tinanong ni Andrea ang isang tauhan kung mayroon pa silang stock ng nasabing sapatos ngunit sa kasamaang palad ay nabili na ang huling pares nito.

“Nakita po ba ninyo ‘yung babaeng may tulak na wheelchair. Siya po ang nakabili ng huling pares ng sapatos,” saad ng tauhan.

Agad na hinabol ni Andrea ang babae.

“Ginang, paumanhin po pero kailangan po ninyong ibigay sa akin ang sapatos na ‘yan,” sambit ni Andrea sa babae.

“Nais ko po sanang bilhin ‘yan sa inyo at handa po akong magdagdag ng bayad basta po makuha ko lang ang sapatos na ‘yan,” giit ng dalaga.

“Patawad ngunit hindi ko ito ipinagbibili,” tugon ng babae.

Nang maabutan ni Gina na nakikipagdiskusyon ang anak ay agad niya itong inawat.

“Pasensya na po kayo sa aking anak. Lubhang nagustuhan kasi niya ang sapatos na ‘yan,” paghingi ni Gina ng paumanhin sa babae.

“Tara na, Andrea. Ibang sapatos na lang ang bilhin mo,” saad ni Gina sa anak. “Ayoko! Iyon ang gusto kong sapatos kaya gagawin ko ang lahat makuha ko lang ‘yon,” nayayamot na tugon ni Andrea sa ina.

“Parang araw niyo na, ginang. Ibenta niyo na po sa akin ang sapatos. Hindi naman po babagay sa inyo ‘yan,” sambit ng dalaga.

“Napakagaspang ng ugali mo, miss. Para sabihin ko sa iyo ay hindi ako ang magsusuot nitong sapatos. Ito ay para sa aking anak,” tugon ng ginang.

“Iyang anak niyong nasa wheelchair? Eh, ni hindi nga po ‘yan nakakalakad. Ibang sapatos na lang po ang bilhin niyo,” saad pa ni Andrea.

“Alam mo masuwerte ka at sapatos lang ang problema mo. Ang problema ng anak ko ay mga paa,” sambit ng ginang habang itinataas ang kumot na nakatakip sa hita ng kaniyang anak na nakaupo sa wheelchair. Nagulat si Andrea nang makitang hindi tunay ang mga binti at paa nito.

“Ipinanganak na walang binti at paa ang aking anak. At ngayong nagkaroon siya ng pagkakataon na magkaroon nito sa pamamagitan ng prosthetics ay hindi ko hahayaan na isang kagaya mo lang ang sisira sa pangarap niya na magkasapatos. Buong buhay niya ay ngayon lamang siya nakabili ng sapatos na maaari niyang isuot kaya uulitin ko ang una kong sinabi, miss. Hindi ko ipinagbibili ang sapatos,” wika muli ng ginang.

Lubusang napahiya si Andrea sa kaniyang ginawa. Nanliit siya sa kaniyang sarili. Sa dami ng sapatos na kaniyang nabili at nagamit ay mayroon palang isang dalaga na kasing edad din niya ang matagal nang inaasam na magkaroon ng mga paa.

Malaking aral ang naiwan ng pangyayari kay Andrea. Simula noon ay nakuntento na ang dalaga sa kung anong sapatos mayroon siya. Binenta na rin niya ang iba niyang sapatos at ibinigay niya ang pera sa kaniyang ina.

Lubusang binago ng insidenteng iyon ang pananaw ni Andrea. Mula noon ay labis na niyang ipinagpapasalamat ang lahat ng maliliit na bagay na kaniyang nakakamtam sapagkat masuwerte siyang buo at malakas ang kaniyang pangangatawan.

Advertisement