Isang dekada nang lagpas si Olive sa kalendaryo ngunit magpahanggang ngayon ay wala pa itong asawa. Mag-isa niya kasing itinaguyod ang kaniyang pamilya simula nung pumanaw ang kanilang mga magulang.
Panganay sa limang magkakapatid itong si Olive at may-ari ng isang may kalakihang karinderya. Dahil nga abala sa kaniyang negosyo at pangangalaga sa pamilya ay hindi na niya nagawa pang intindihin ang kaniyang buhay pag-ibig.
“Hoy, Olive, kailan ka ba mag-aasawa? Aba, napaglipasan ka na ng kalendaryo,” sambit ni Aling Celia, matandang tiyahin ni Olive. “Tiya, sa tingin po ba ninyo sa edad kong kwarenta ay makakapag-asawa pa ako?” nakangiting tugon naman ni Olive sa kaniyang tiyahin.
“Matanda na po ako para sa mga ganiyan. At saka ayos lang naman po ako kahit na mag-isa. Nandiyan naman ang mga pamangkin at kapatid ko upang alagaan ako sa aking pagtanda,” dagdag pa ng babae.
“Olive, iba pa rin ang may katuwang sa buhay. Tsaka kwarenta ka lang naman. Ano ba ‘yong kasabihan na madalas nating marinig tungkol sa mga kaedaran mo?” tanong ng tiya. “Forty is the new thirty po ba, tiya?” natatawang tugon ni Olive.
“Sa tingin niyo po ba ay magkaka-anak pa ako? Parang imposible na rin po kasi kaya ayos na po ako sa mga pamangkin ko, tiya,” dagdag ni Olive.
“Ayan ka na naman. Puro ka na naman mga pamangkin at kapatid. Halos buong buhay mo na ang inalay mo sa pamilya mo. Sana ay maisip mo rin na i-enjoy naman ang sarili mong buhay. Aba, hindi ka na bumabata, ah. Tsaka gaano ka naman kasigurado na aalagaan ka ng mga ‘yan sa pagtanda mo, aber?” saad ni Aling Celia.
“Kayo talaga, tiya, kung anu-ano na naman ang sinasabi ninyo. Sige. Hayaan niyo po. Kung may mabubulag este may magmamahal sa akin bakit hindi?” sambit ni Olive para na lamang matapos ang usapan.
“Sige po, tiya. Magpupunta pa po ako sa kantina. Parang marami po kasing tao ngayon. Kailangan ko pong tignan kung nagagampanan ba ng mga tauhan ko ang tungkulin nila,” paalam ni Olive sa tiyahin.
Kinahapunan ay nagtungo nga si Olive sa kaniyang kantina. Dahil may isang malapit na construction site dito ay halos hindi mahulugan ng karayom ang mga taong gustong kumain sa kaniyang karinderya.
“Bigla po ang dagsa ng mga tao, ma’am. Tuwing araw talaga ng Lunes ay ganito. Kanina nga po ay hindi na nakapasok pa ang iba. Nagsisiluto na rin po ang mga kusinero natin ng panibagong ihahain na putahe. Naubos na po kasi ang lahat kanina,” wika ng isang waitress. Masaya si Olive sa kaniyang narinig sapagkat malaki na naman ang kikitain ng kaniyang negosyo.
“Hayaan niyo dadagdagan ko ang sweldo ninyo sa araw na ito. Maraming salamat sa pag-aasikaso ninyo,” wika ni Olive sa babae.
Dahil hindi magkamayaw ang pagpasok ng mga gustong kumain ay hindi sinasadya na makabunggo ni Olive ang isang binata. “Pasensya na po,” wika ng binata. “Naku, walang kaso, iho,” tugon naman ni Olive.
“Hindi ho ba kayo po ang may-ari nitong karinderya na ito? Napakasarap po at mura ang mga pagkaing hinahain ninyo kaya halos araw-araw ay dito kami kumakain ng mga kasamahan ko,” sambit ng binata.
“Ako po pala si Mike. Kayo naman po si Ginang Olive, tama ho ba?” dagdag pa ng binata. “Miss pa lang ako,” tugon naman ni Olive na halatang ilag sa pakikipag-usap kay Mike.
“Miss Olive pala. Pasensiya na po ulit. Sige po. Ikinagagalak ko po kayong makilala. Babalik na po ako sa kinauupuan ko,” saad ni Mike habang tinuturo ang kaniyang puwesto. “Ikinagagalak din kitang makilala. Salamat sa pagtangkilik niyo sa karinderya ko,” tugon naman ni Olive.
Kinabukasan ay naroon na naman ang binata at tulad ng dati ay doon sila nagtanghalian ng kaniyang mga kasamahan.
“Miss Olive, natatandaan niyo pa po ba ako? Si Mike po. ‘Yung nakabanggaan niyo kahapon,” muling pagpapakilala ng binata.
“Grabe, marami na naman pong tao dito sa karinderya niyo. Patok talaga ang mga pagkaing tinitinda niyo,” papuri ng binata. “Maraming salamat,” tipid na sagot ni Olive. Bumalik muli ang binata sa kaniyang kinauupuan.
Tuwing kumakain si Mike sa karinderya ay palagi na nitong binabati si Olive kaya naman nasanay na rin ang babae na nakikita ang binata sa lugar.
Isang araw hindi dumating si Mike sa karinderya ni Olive.
“Himala at wala ata ang makulit na binatang ‘yon,” bulong ni Olive sa sarili.
“Ma’am, sino po ang hinahanap niyo? ‘Yung binata po ba na madalas bumati sa inyo?” wika ng waitress.
“Bakit ko naman ‘yun hahanapin?” pag-iwas ni Olive sa tanong. “Wala lang po, ma’am. Napapansin ko kasi na tuwing nandito ‘yung binatang ‘yun ay palagi kayong kinakausap. Para ngang hinihintay kayo,” sagot ng waitress.
“Ano ba ‘yang mga sinasabi mo riyan?” muling sambit ni Olive. “Bakit naman ako hihintayin nun para lang batiin? Hihingi siya ng diskwento sa ulam ganoon ba?”
“Hindi naman, ma’am. Ang alam ko kasi ay diyan nagtatrabaho ang binatang iyon sa may construction site. Ang bali-balita kasi ay parang natitipuhan niya kayo,” tsismis muli ng babae.
“Hindi ka ba kinikilabutan sa mga sinasabi mo? Sobrang tanda ko na para sa mga ganiyan. Baka talagang mabait lang ‘yung tao at sadyang natutuwa sa mga tinda dito,” mariing sambit ni Olive. “Sabagay, ma’am, tama kayo,” sagot ng waitress.
Hindi din maintindihan ni Olive kung bakit nga tila hinahanap-hanap niya ang pagbati sa kaniya ng binatang iyon.
Mayamaya pa ay dumating na nga ang binata. Tulad ng dati ay agad nitong binati ang matandang dalaga.
“Miss Olive, magandang hapon po! Buti na lang at may naabutan pa kaming mga ulam,” sambit ni Mike habang namimili ng kaniyang kakainin. “Oo nga, hapon na kasi kayo dumating,” tugon naman ni Olive habang inihahanda ang napiling pagkain ni Mike.
“Marami po kasing mga gawain sa site. Ito pang isang kasamahan ko ay muntik ng mahagip ng yero kanina nung humangin ng malakas,” tugon ng binata.
Nang maihanda na ni Olive ang mga kakainin ng binata at ng mga kasamahan nito ay agad nang pumunta ang grupo sa mesa kung saan sila madalas umupo.
Tulad ng nakasanayan, dahil sa dami ng tao ay ginabi na nang uwi si Olive at ang kaniyang mga tauhan.
“Sige, mauna na kayo at ako na ang magsasara ng kantina. Maraming salamat sa inyo. Bukas ay panibagong araw na naman kaya magsiuwi na kayo at magpahinga,” wika ni Olive.
Habang isinasara ni Olive ang tindahan ay mayroon pa lang nagmamanman na isang lalaki sa kaniya. Sinisipat nito ang bag na hawak ng babae na may laman ng kanilang kinita sa buong araw. Dali-dali itong lumapit at inagaw ang bag sa matandang dalaga tsaka kumaripas ng takbo. Halos mapatid naman ang litid ni Olive sa kakasigaw.
“Tulungan niyo ko! Magnanakaw! Magnanakaw! Tulungan niyo ko!”
Buti na lamang at pauwi na rin sa kaniyang tinutuluyan itong si Mike. Nang makita niya ang pangyayari ay agad niyang hinabol ang lalaki. Nakipambuno ito sa kawatan. At nang kaniyang makuha ang bag ay dali-daling tumakbo ang magnanakaw upang tumakas. Agad namang isinauli ni Mike ang bag kay Olive. Laking pasasalamat ng matandang dalaga sa binata.
“Miss Olive, dapat po kasi ay lagi kayong may kasama lalo na po kapag ganitong dis-oras na ng gabi,” wika ni Mike.
“Hindi ho ba ang sabi niyo ay wala po kayong asawa. Siguro naman po ay may nobyo kayo,” saad ng binata.
“Maraming salamat pala sa ginawa mo. Malaking pera ang laman ng bag na ito,” wika ni Olive. “Tsaka wala akong asawa o kaya nobyo. Wala kasing nagkamali, eh,” natatawang sambit ng babae.
“Sa ganda niyong ‘yan?” gulat na wika ng binata.
“Ilang taon ka na ba, Mike? Parang ang bata mo pa kasi para lang pumasok diyan sa construction na ‘yan” usisa ni Olive. “Kakabente ko lang po noong isang buwan. Medyo mabigat nga po ang trabaho pero ganoon po talaga. Wala naman pong madaling trabaho. Tsaka kailangan ko kasing tulungan ang mga kapatid ko. Matanda na rin kasi ang nanay at tatay ko,” wika ni Mike.
Lubusan namang humanga itong si Olive sa binata. Tila parehas kasi ang kanilang istorya.
Nang maisara na nila ang tindahan ay inalok ng binata si Olive na ihatid sa kanilang bahay. Dahil na rin sa takot sa pangyayari ay pumayag naman agad ang babae. Habang binabaybay ang daan pauwi ay walang patid sa pagkukuwentuhan ang dalawa.
Mula noon tuwing mapapadaan ang binata sa kantina ni Olive sa gabi ay inihahatid na niya ang babae pauwi.
Hindi inaasahan na mahulog nang tuluyan ang loob nila sa isa’t isa. Hindi naman makapaniwala ang lahat sa naging desisyon ni Olive na makipagrelasyon sa isang lalaki na mas bata pa sa kaniya.
“Ate, ano ba ‘yang naisipan mo? Wala na bang lalaki sa mundo? Eh, halos anak mo na ‘yang lalaking ‘yan, eh.” sambit ng nakababatang kapatid ni Olive. “Mabuting tao si Mike. Sa katunayan nga ay nagtatrabaho siya upang makatulong sa kaniyang pamilya,” tugon ni Olive.
“Siguro ay pera lang ang habol sa’yo ng lalaking ‘yan. Basta, ate, hindi namin matatanggap ‘yang karelasyon mo. Bakit kasi sa edad mong ‘yan ay tsaka mo pa naisipang maglandi?” naiinis na wika ng kapatid ni Olive.
Napikon naman sa kaniyang narinig si Olive. “Ang kapal ng mukha mong pagsabihan ako ng ganiyan! Hindi ba kayo ang may kasalanan kung bakit hindi ako nakapag-asawa? Mas pinili ko kayo kaysa sa sarili kong kaligayahan!”
“Kung pipili ka rin lang naman kasi, ate, bakit ‘yung kalahati pa ang edad sa’yo?” sigaw ng kapatid.
Alam naman ni Olive na may punto ang kaniyang kapatid. Ngunit ano pa ba ang magagawa niya? Kahit tampulan siya ng tukso sa kanilang lugar ay lubusan nang nahulog ang kaniyang loob sa binata.
Isang gabi habang papauwi mula sa karinderya ang dalawa ay nahalata ni Mike ang lungkot sa mga mata ni Olive.
“Hindi naman ganoon ang intensyon ko sa’yo, Olive,” wika ni Mike. “Ngunit kung ako ang magiging sanhi ng pag-aaway ninyong magkakapatid ay lalayo na lang ako sa’yo. Handa kong isakripisyo ang nararamdaman kong ito para hindi ka na mahirapan pa,” wika ni Mike sa matandang dalaga.
“Sa totoo lang, Mike, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Baka nga mali itong relasyon natin kasi sobrang laki ng agwat ng edad nating dalawa,” tugon ni Olive.
Habang naglalakad ay hindi nila inaasahan na muling babalik ang lalaking nakasagupa ni Mike noon. Ang parehong lalaki na nagtangkang kumuha ng bag ni Olive. Nagbalik ito upang muling pagnakawan ang babae. Ngunit sa pagkakataong ito ay may kasama na ang kawatan. Nang biglang susunggaban ng isang lalaki si Olive upang kuhain ang kaniyang bag ay agad na sinapak ito ni Mike. Akmang sasaks*kin ng patalim ng isa pang lalaki si Olive. Nang makita ito ni Mike ay agad niyang iniharang ang kaniyang sarili upang iligtas ang kaniyang nobya.
Nas*ksak sa tagiliran si Mike. Sa tindi ng tinamong pinsala ay halos mag-agaw buhay ang binata. Buti na lamang ay may sumaklolo agad sa kanila upang dalhin ang binata sa ospital. Agad namang nabalitaan ng mga kapatid ni Olive ang nangyari.
“Ate, nabalitaan namin ang nangyari. Kumusta ang kasintahan mo?” wika ng nakababatang kapatid. Tikom naman ang bibig ni Olive na nagdadalamhati sa mga panahong iyon.
“Ate, patawarin mo ako. Nasabi ko lang naman ang lahat ng ‘yon dahil nag-aalala kami sa’yo. Siyempre iba ang tingin sa’yo ng mga tao. At hindi namin lubusang kilala si Mike,” dagdag pa ng kapatid ni Olive.
“Alam mo ba na payag siyang makipaghiwalay sa akin para lang sa kabutihan ko? Nung minsang nalagay sa alanganin ang buhay ng tatay niya ay pinapahiram ko siya ng pera ngunit hindi niya tinanggap. Ang sabi niya ay kaya niya ‘yon kitain,” saad ni Olive habang patuloy na lumuluha.
“At kanina lang ay handa niyang ibuwis ang buhay niya para lang iligtas ako. Kung hindi tunay na pagmamahal ang tawag doon, ano?” tanong ni Olive sa kapatid.
“Kahit kailan ay hindi siya nanghingi ng kahit ano sa akin. Tinanggap niya ako kung ano ako sa kabila ng malaking agwat ng aming edad. Nagpakita siya sa akin ng tunay na pag-aalala na walang hinihintay na kapalit. Siya lang ang tanging tao na nangako sa akin na aalagaan ako kung ako ay matanda na. Hindi ko alam kung sa pagdating ng araw ay magbabago ang kaniyang pananaw ngunit sa ngayon ay hayaan niyo naman akong lumigaya. Masaya ako kay Mike at hindi pa ako naging ganito kasaya noon,” Hagulgol ng matandang dalaga.
“Kung may mangyayaring masama sa kaniya ay hindi ko mapapatawad ang aking sarili,” dagdag pa ni Olive.
Dito napagtanto ng mga kapatid ng babae na tunay ang pagmamahal ng binata sa nakakatanda nilang kapatid.
Mayamaya ay lumapit sa kanila ang doktor na may magandag balita. “Nasa mabuting kalagayan na po ang binata. Ilang sandali na lamang po ay puwede niyo na siyang puntahan sa kaniyang silid.”
Lubusang ikinagalak ni Olive ang kaniyang narinig. Sa pagkakataong ito ay wala na siyang pakialam pa sa sasabihin ng iba. Susundin na lang niya ang tinitibok ng kaniyang damdamin. Handa niyang talikuran ang lahat upang maging maligaya siya sa piling ni Mike.
Nang papasok na si Olive sa silid ng kaniyang nobyo ay narinig niya ang tinig ng kaniyang kapatid. “Ate, patawarin mo kami.”
“Tama ka. Buong buhay mo ay inialay mo na sa amin. Panahon naman upang isipin mo ang iyong sarili. Hindi na kami hahadalang pa sa pag-iibigan ninyo bagkus ay ipapanalangin namin na maging matiwasay ang inyong pagsasama. Sana ay maging maligaya ka, ate,” sambit ng nakababatang kapatid ni Olive.
Hindi napigilan ni Olive ang maluha sa lubusang kaligayahan. Agad niyang niyakap ang kapatid at nagpasalamat.
Hindi naglaon ay gumaling na rin si Mike. Nahuli ang dalawang lalaki na nanalbahe sa kanila. Makalipas ang isang taon ay nagpakasal na rin ang dalawa. Hindi man sila nabiyayaan ng anak ay alam naman ni Olive na tunay at wagas ang pag-ibig sa kaniya ng kaniyang asawang si Mike.
Tunay na hindi nakikita ng pag-ibig ang edad ng bawat tatamaan nito. Kung wagas ang pagmamahal ng dalawang tao siguradong walang makahahadlang sa kanilang pag-iibigan.