“Pa, kailan ka ba namin makakasama? Kahit araw-araw kang umuuwi parang hindi ka din naman namin kasama. Tignan mo. Malalaki na kaming mga anak mo pero hanggang ngayon ay hindi pa rin natutupad ang ipinangako mong aakyat tayo ng bundok at magka-camping doon upang masilayan natin ang pagsikat ng araw,” wika ng panganay na anak ni Celso na si Nicko.
“Oo nga, pa. Tama si kuya. Pangako niyo pa ata sa amin ‘yan noong limang taong gulang pa lang ako. Labing anim na taon na ako, pa, pero hindi pa rin tayo nakakaakyat ng bundok,” saad ng bunsong anak ni Celso.
“Pasensiya na kayo sa papa niyo, mga anak. Alam niyo naman na ginagawa ko ang lahat ng ito para mabigyan ko kayo ng magandang buhay, ‘di ba? Sinisikap kong magtrabaho nang sa gayon ay makapag-aral kayong magkapatid sa isang magandang eskwelahan para pagdating ng panahon ay maging maganda rin ang inyong hinaharap,” tugon naman ng ama ng magkapatid.
“Mahal, pagbigyan mo na ang mga anak mo,” pagsingit naman ng ilaw ng tahanan na si Dolores. “Matagal ka nang inaawitan ng mga anak mo. Sapat na siguro ang mahigit isang taon para pagbigyan mo naman sila.”
“Baka puwede ka namang magbakasyon. Kailangan mo rin ‘yon para makapagpahinga ka rin kahit papaano,” dagdag pa ng asawa.
“Sige, pag-iisipan ko. Ngunit hindi pa ngayon. Alam niyo naman na kapag nawala ako kahit saglit lang sa opisina ay maraming hindi uusad na trabaho. Kailangan ako doon ngayon lalo pa at may hinahabol kaming deadline. Pangako ko sa inyo gagawa ako ng paraan. Pero sa ngayon ay kailangan ko munang matulog ng maaga para makapagpahinga. Maaga pa ako bukas para sa annual checkup ko. Buti na lang ang Tito Resty niyo ang doktor ko kaya kahit mahuli ako saglit ay ayos lang,” pahayag ni Celso.
Kinabukasan ay maagang umalis si Celso upang magpasuri sa doktor gaya ng ginagawa niya taun-taon. Ang kaibigang si Dr. Resty ang tumitingin sa kaniya.
“Kumpare, kumusta? Parang bumababa ang timbang mo, ah. Baka naman sobra ang pagtatrabaho mo,” bati ni Dr. Resty. “Ganun ba? Parang hindi naman. Parang tulad pa rin naman ng dati ang katawan ko,” tugon naman ni Celso.
“Tara na at simulan na natin ang mga gagawin sa iyong mga pagsusuri nang sa gayon ay makauwi ka na agad,” wika pa ng doktor. “Hindi, kumpare. Kailangan ko pang pumasok sa opisina. Madami akong tatapusing gawain,” saad ni Celso.
“Kailan mo ring magpahinga, Celso. Tumatanda na tayo. Hindi na biro ang pagbabago sa katawan natin. Tsaka lumalaki na ang mga anak mo. Bukas o makalawa ay hindi mo mapapansin na isa-isa na silang nagkakaroon ng mga sariling buhay at susunod niyan ay aalis na sila sa bahay mo,” sambit ni Dr. Resty.
“Para sa kanila rin naman ang ginagawa kong ito, pare. Pinaghahandaan ko ang maganda nilang kinabukasan upang hindi na sila mahirapan pa kung pipiliin na nilang lumisan sa amin,” tugon ni Celso.
Natapos na ang ginawang pagsusuri kay Celso. Tulad ng sinabi niya sa kaniyang kaibigan ay bumalik siya sa kaniyang opisina. Habang nagtatrabaho ay bigla na lamang siyang nahilo at muntik ng mawalan ng malay. Nagpahinga muna siya sandali pagkatapos ay ipinagpatuloy niya ang pagtatrabaho.
Mayamaya ay tumunog ang telepono ni Celso.
“Celso, ako ‘to, si Resty. Kailangan sana kitang makausap. Tungkol ito sa resulta ng mga pagsusuri na ginawa sa iyo kanina. Ilang beses ko kasi itong tinignan upang makasiguro. Makakapunta ka ba dito sa ospital ngayon?” tanong ng doktor.
Kahit medyo nahihilo pa ay dali-daling nagtungo si Celso sa tanggapan ng doktor. Dito ay ibinunyag sa kaniya ng kaibigan ang isang ‘di inaasahang balita.
“Pare, ilang beses ko na ‘tong tinignan para makasigurado pero iisa lang ang lumalabas na resulta. Ikinalulungkot kong sabihin sa’yo pero may malubha kang sakit. Baka hindi na magtagal ang iyong buhay,” malumbay na pahayag ni Dr. Resty.
“May kans*r ka sa utak. Siguro ay may dalawang linggo ka na lamang para mabuhay,” dagdag pa ng doktor.
Lubusang nabigla si Celso sa kaniyang narinig.
“Hindi maaari, pare! Bata pa ang mga anak ko at kailangan pa ako ng aking asawa. Marami pa kaming pangarap. Sabihin mo na hindi totoo ang mga sinasabi mo!” nagugulumihanang sigaw ni Celso.
“Kahit ako man ay hindi makapaniwala, pare. Kaysa magwala ka riyan kung ako sa iyo gagamitin ko ang natitira ko pang oras para makasama ang aking pamilya,” sambit ni Dr. Resty.
Dahil sa kaniyang nalaman ay malungkot at balisang umuwi si Celso sa kanilang bahay. Hindi naman nakatakas sa mga mata ni Dolores na may mabigat na problema ang asawa. Kakaiba kasi ang kinikilos nito.
“Ayos ka lang ba, Celso? Para kasing balisa ka,” pag-uusisa ni Doleres. “Kumusta pala ang resulta? Ano ang sinabi sa iyo ni Dr. Resty?”
“Ayos naman ang lahat. Binigyan lang ako ng gamot para sa hilo ko,” tugon ng lalaki.
“Siya nga pala, Dolores, dalawang linggo akong hindi papasok sa opisina. Ang gusto ko sana ay magbiyahe tayo sa iba’t ibang lugar,” nakangiting sambit ni Celso.
“Talaga? Naku, matutuwa ang mga anak mo kapag nalaman nila ‘yan,” galak na galak na wika ni Dolores.
Tulad ng inaasahan ay lubusang nasiyahan ang dalawang anak na lalaki ng mag-asawa. Hindi sila magkamayaw sa pagbibigay ng mga suhestiyon kung saan sila pupunta.
“May alam akong magandang beach kung saan makakapag-relax ang ating pamilya. Maganda ang tanawin doon at malayo sa ingay at polusyon ng Maynila,” saad ni Celso.
Sa isang isla nagpunta ang pamilya ni Celso.
Habang tinititigan ni Celso ang kaniyang pamilya na masayang naghaharutan sa dalampasigan ay napagtanto niya ang maraming panahon na lumipas na kaniyang sinayang. Maraming selebrasyon ang hindi siya nakasama sapagkat ang kaniyang prioridad ay ang magtrabaho para mabigyan sila ng magandang bukas.
“Ang sarap pala ng ganito, Dolores. ‘Yung wala akong ibang iniisip kung ‘di ang pamilya ko. Malayo sa stress ng trabaho,” wika ni Celso sa kaniyang asawa.
“Ngayon ko lang lubusang nagpagtanto na malalaki na nga ang mga anak natin. Hindi ko alam kung ang paborito nilang kulay noong maliliit pa sila ay paborito pa rin nila magpahanggang ngayon. Kung ano na ba ang kinahuhumalingan nilang mga laro o paborito nilang pagkain. O baka naman may napupusuan na ang mga ‘yan. Ang tagal kong pinaniwalaan na ang sagot sa masayang pamilya ay ‘yung maginhawang buhay. Sa sobrang pag-iisip ko para sa hinaharap at nakalimutan ko nang mabuhay sa kasalukuyan. Nakalimutan ko nang magpaka-ama at magpaka-asawa,” patuloy ng lalaki.
“Kaya kailangan ay mas marami pang ganitong pagkakataon sa pamilya natin. Puwede ka namang huwag masyadong magpakasubsob sa trabaho at minsan ay i-enjoy mo rin ang mga kaganapan na tulad nito. ‘Yung magkakasama tayo,” saad ni Dolores.
Ngayon ay nanghihinayang si Celso sapagkat kung kailan kaunting oras na lamang ang nalalabi niya sa mundo ay tsaka pa niya naisipan na gawin ito. Wala siyang ibang hiniling kung ‘di sana ay madagdagan pa ng maraming taon ang kaniyang pananatili sa mundo upang makasama pa niya ng matagal ang kaniyang pamilya.
Tinupad rin ni Celso ang kaniyang nabaong pangako sa magkapatid. Umakyat sila ng bundok at sila ay nag-camping. Tuwang-tuwa ang magkapatid.
“Pa, sana po ay palaging ganito,” wika ni Nicko sa ama.
Kinabukasan ay ang eksaktong ika-dalawang linggo mula nung malaman ni Celso na mayroon siyang malubhang karamdaman. Ito rin ang araw na pinakatatakutan ni Celso, ang hangganan ng kaniyang buhay. Habang pinapanood nilang mag-anak ang bukang-liwayway ay dito niya napagtanto ang lahat. Dapat ay mas pinahalagahan niya na makasama ang kaniyang pamilya kaysa ang magpakasubsob sa trabaho.
Mayamaya ay biglang tumunog ang telepono ni Celso.
“Ako ito, pare,” wika ni Dr. Resty. “May nais lamang akong sabihin sa’yo, Celso.”
“Ano naman ‘yun, pare?” tanong ni Celso. “Paumanhin, pare, pero hindi totoo ang mga sinabi ko tungkol sa resulta ng pagsusuring ginawa sa’yo. Wala ka talagang sakit. Hindi totoo na may k*nser ka sa utak. Sa katunayan ay maganda ang lagay ng iyong katawan,” saad ng doktor.
“Hindi ko maintindihan, pare,” pagtataka ni Celso. “Hindi totoo na malapit ka nang pumanaw. Siguro ay kailangan mong kausapin ang iyong mga anak. Sila ang may pakana ng lahat,” saad ng doktor.
“Ngunit paano mo maipapaliwanag ang pagkahilo ko?” tanong ni Celso. “Simpleng pagkahilo lamang ‘yon dulot ng matinding pagod,” saad ni Dr. Resty.
“Celso, nilapitan ako ng mga anak mo para isagawa ang isang plano. Alam kong mali ang ginawa ko, pare, ngunit nakita ko rin ang labis na pagkasubsob mo sa trabaho. Hindi mo na nagagawang mag-enjoy kasama ang mga pinakamamahal mo sa buhay. Ginawa ko ito upang mapagtanto mo ang mga bagay na ito,” saad pa ng doktor.
Hindi makapaniwala si Celso sa kaniyang narinig. Tila isang katuparan ng kaniyang mga dasal ang madugtungan pa ang kaniyang buhay. Niyakap niya ang kaniyang mga anak.
“Bakit niyo ginawa ang bagay na ‘yon?” naiiyak na sambit ni Celso. “Pa, patawarin niyo kami sa nagawa namin. Ito lang ang naisip naming paraan upang makasama namin kayo. Pinapahalagahan po namin ang lahat ng pagsasakripisyo niyo para sa amin upang mabigyan kami ng magandang buhay ngunit nais din namin kayong makasama,” wika ni Nicko.
“Sa totoo lang ay nagsisisi ako kung bakit ngayon ko lang nagawa ang mga bagay na ito. Kung mas binigyan ko sana ng panahon na makasama kayo siguro ay mas nakilala ko kayong magkapatid at mas naging mabuting ama ako sa inyo. Ngayon ko lang napagtanto na hindi pala sa perang naiuuwi sa pamilya nasusukat ang pagiging haligi ng tahanan. Aanhin mo ang lahat ng pera kung hindi mo rin naman makakapiling ng husto ang iyong pamilya,” tugon ni Celso.
“Maraming salamat, mga anak. Kung hindi ko ito naranasan ay hindi ko pa mapagtatanto ang lahat ng ito. Salamat sa Diyos dahil hindi totoong may sakit ako. Pangako simula sa araw na ito ay mas magpapaka-ama na ako. Mas pipiliin ko na ang makasama kayo kaysa sa aking trabaho,” saad ni Celso.
Dahil sa pag-aakala na siya ay babawian na ng buhay ay lubusang nag-enjoy si Celso kasama ang kaniyang pamilya. Hindi niya alam na ang lahat ng ito ay palabas lamang upang makita niya ang ligayang hatid na makasama ang kaniyang pamilya. Bagama’t nagsisisi si Celso sa lahat ng taong nasayang hindi pa naman huli ang lahat upang ipakita niya sa kaniyang pamilya na handa siyang gawin ang lahat makapiling lang sila.
Katulad ng bukang-liwayway na pinagmamasdan ng kanilang pamilya isang pangako ng magandang buhay ang naghihintay para sa kanila. Simula nung araw na iyon ay mas binibigyan na ng panahon ni Celso ang kaniyang pamilya. Ginawa niyang prioridad ang mga ito higit sa kahit anong trabaho.