Inday TrendingInday Trending
Kahit Na Pangit Ka Akin Ka!

Kahit Na Pangit Ka Akin Ka!

Unang kita pa lang ni Mauren kay Edward ay napangitan na siya rito. Mukhang dugyutin at puno pa ng blackheads ang mukha. Kaya lagi nilang inaasar na magkakaibigan si Edward dahil sa mukha nito.

“Oy! Mauren, nandito na naman ang jowabels mong mukhang laman lupa sa itim,” kantiyaw ni Karen. Agad namang natawa ang dalawa pa niyang kaibigan.

“Oy! Gag* huwag niyo nga akong pinapares sa kutong lupa na ‘yan,” reklamo ni Mauren habang tatawa-tawa.

“In fairness, ah, mabait daw iyang si Edward,” sabat ni Mildred.

“Ano naman kung mabait? Kung ganiyan naman ang itsura ‘di bale na lang,” agad namang wika ni Ellen.

“Oy! Grabe kayo kay Edward. Inaano ba kayo ng mukha niya?” muling kantiyaw ni Karen.

Alam nilang naririnig iyon ni Edward. Sa lakas ba naman ng mga boses nila imposibleng hindi sila nito marinig. Pero mas pinipili ng lalaki na manahimik kaysa patulan ang pangangantiyaw ng magkakaibigan.

“Hi, Edward,” malanding bati ni Mildred sa lalaki. Nginitian naman ng lalaki ang babae. Palakaibigan kasi si Edward.

Pagbalik ni Mildred sa kaniyang mga kaibigan ay agad nitong nilibak ang lalaki. “Alam niyo ang ganda ng ngipin ni Edward, noh. Kaso ang pangit ng mukha niya. Sana naging ngipin na lang siya.” Humagikgik ng tawa ang babae matapos libakin si Edward.

Nakikitawa lang si Mauren sa mga kaibigan pero minsan ay hindi niya maiwasang makaramdam ng inis sa mga ito dahil kung tutuusin ay wala namang ginagawang masama sa kanila si Edward.

Mabilis na lumipas ang panahon at hindi namamalayan ni Mauren na napapalapit na ang loob niya kay Edward. Mabait kasi ang lalaki at maalaga. Hindi bilang karelasyon kung ‘di bilang kaibigan. Magkalapit lang ang kanto ng bahay nila kaya lagi silang magkasabay umuwi. Nung una ay ayaw niyang makasabay ito dahil ayaw niyang makantiyawan pero makalaunan ay siya na mismo ang nakikiusap sa lalaki na sabay na silang umuwi.

“Edward, sabay tayong umuwi mamaya ah,” saad ni Mauren.

Narinig iyon ng mga kaibigan ng babae kaya agad siyang nilapitan at kinausap ng mga ito.

“Mauren, seryoso ka? Gusto mo nang makasabay umuwi si Edward? Baka mahawa ka sa kapangitan niya. Hindi ka ba natatakot?” wika ni Karen.

“Bakit naman ako matatakot? Pangit si Edward pero kung kikilalanin niyo siyang maigi malalaman niyong may mabuting puso siya. At saka puwede ba itigil niyo na ang pangangantiyaw kay Edward. Tignan niyo nga ang mga sarili niyo. Magaganda nga kayo pero ang papangit ng ugali niyo. Walang ginagawa iyong taong masama sa inyo kaya itigil niyo na ang panghuhusga sa mukha niya,” naiinis na wika ni Mauren sabay talikod sa kaibigan. Wala na siyang pakialam sa mga sasabihin at iisipin ng mga ito.

Unti-unting nakilala ni Mauren ang pag-uugali ni Edward kaya hindi niya napigilan ang kaniyang puso na mahalin ito sa kabila ng katotohanang mukha itong kutong lupa. Nung una ay ayaw niyang aminin sa kaniyang sarili na nagkakagusto na siya rito. Pero tama ang kasabihan na mapipigilan ang tubig baha pero hindi ang pusong nagmamahal. Tuluyang nahulog ang loob niya sa binata.

“Mahal kita, Edward. Alam kong hindi kapani-paniwala pero totoong gusto ka na ng puso ko. Nakakahiya mang gawin pero puwede bang maging tayo na lang?” pag-amin ni Mauren sa lalaki.

“Pinaglalaruan mo lang ako, Mauren. Alam kong imposible kang magkagusto sa isang katulad ko. Magkaibigan tayo pero huwag namang ganito. Pinagpupustahan niyo ba ako? Magkano ba pusta mo? Ibabalik ko,” wika ni Edward.

“Totoong mahal kita, Edward,” pangungumbinsi ni Mauren.

“Tama na, Mauren. Sa iba na lang at huwag ako,” wika ni Edward at akmang tatalikuran ang dalaga ngunit agad siyang pinigilan nito.

Labis na dinamdam ni Mauren ang sinabi ng lalaki. Sa tingin niya ay sobra naman ang pagbintangan siya nito na nakipagpustahan siya sa kaniyang mga kaibigan. Pero kahit na masakit gusto niya pa ring malaman nito ang totoo niyang damdamin.

“Mahal kita at hindi kita niloloko. Nagtataka nga ako kung bakit kita nagustuhan pero totoo ang nararamdaman ko at wala itong halong biro. Hindi lang naman itsura ng tao ang dahilan kung bakit mo mamahalin ang isang tao, ‘di ba? Minahal kita dahil mabait ka. Hindi dahil sa itsura mo,” madamdamin wika ni Mauren tsaka nito nilampasan ang lalaki.

Siya na nga ang nagtapat rito. Siya pa ang tinanggihan! Choosy pa?

Mula nang umamin si Mauren sa nararamdaman niya kay Edward ay napansin niyang iniiwasan na siya ng lalaki. Nasasaktan siya sa ginagawa nito sa kaniya.

“Ano bang meron kay Edward? Bakit sobrang hard to get nito?” isip-isip ni Mauren.

Hindi na natiis ni Mauren ang kaniyang nararamdaman kaya kinausap na niya ang lalaki upang magkalinawan na rin silang dalawa at kung saka-sakali mang walang pag-asa na mahalin siya ng lalaki ay maka-move on na rin siya dito.

“Ano! Ganito na lang tayo? Iiwasan mo na lang ba ako habang buhay?” naiiyak niyang tanong kay Edward.

“Totoo ba talaga ang nararamdaman mo para sa’kin?” mayamaya ay tanong ni Edward. “Mukha ba akong nagbibiro? Iiyak ba ako ngayon kung joke, joke lang ‘to?” singhal ni Mauren.

“Pinag-isipan kong maigi kung totoo ba ang nararamdaman mo. Nagtatalo ang isip ko kasi natakot akong baka pinaglalaruan mo lang ako. Pero sige. Sinasagot na kita,” wika ni Edward.

Hindi mawari ni Mauren kung matatawa ba siya dahil sa kahihiyan o dahil sa galak. Nahihiya siya dahil talagang siya pa ang kailangang sagutin ni Edward. Nagagalak din naman siya dahil sa wakas ay nagbunga ang pagtatapat niya sa lalaki.

Niyakap ni Mauren si Edward ng mahigpit. “Mahal kita. Hindi dahil sa itsura mo kung ‘di dahil sa kabaitan mo. Sana hindi ka magbago,” wika ng babae.

“Mahal din kita noon pa man. Kaso alam ko naman na hindi mo ako magagawang mahalin dahil hindi naman ako gwapo. Pero maraming salamat kasi minahal mo ako kahit hindi ako ang ideal type mo,” madamdaming wika ni Edward tsaka nito ginawaran si Mauren ng magaan na halik sa noo.

Marami ang nagulat at marami ang natawa ng malamang magkasintahan na sina Mauren at Edward. Ngunit walang pakialam ang dalawa. Ang mahalaga ay nagmamahalan sila.

Ang magandang ugali ay mananatili hanggang sa pagtanda pero ang panlabas na kagandahan ay nawawala din paglipas ng panahon kaya pagdating sa pag-ibig huwag gawing basehan ang panlabas na anyo sa halip ay kung ano ang nilalaman ng puso.

Advertisement