
Isama Mo Naman Kami ng Mga Anak Mo sa Iyong Pag-angat!
May limang anak sina Micah at si Cardo. Kahit sobrang hirap ng buhay nila ay masaya naman sila noong buo pa sila at magkakasama.
Gusto ng dalawa na magpakasal kahit noong isa pa lamang ang kanilang anak ngunit hindi nila ito nagawa dahil hinadlangan ito ng nanay ni Cardo. Tsaka na lang daw sila magpakasal kapag napetisyon na nito si Cardo upang magkaroon ng green card. Para daw kapag nasa ibang bansa na ito ay makahanap agad ito ng magandang trabaho.
Nung magkaroon ng green card si Cardo ay agad itong nangibang bansa para magtrabaho.
Noong unang ay maayos naman itong nagpapadala sa kaniyang pamilya kaya kahit papaano ang bahay kubo nila noon ay napaayos ni Micah dahil sa pera ng asawa.
Ngunit bigla na lang nagbago ang lalaki. Inaaway na ni Cardo si Micah at sinabing hindi na ito padadalhan ng pera dahil pinapabayaan ng asawa ang kanilang mga anak at isang “one day millionaire” si Micah dahil gastador daw ito.
Ang dating fifty thousand na pinapadala ni Cardo ay naging limang libo na lang. Kahit anong pagba-budget ang gawin ni Micah ay nauubos agad dahil lima ang anak nila at nag-aaral pa ang mga ito. Kumakain pa sila araw-araw. Paanong hindi mauubos ang limang libo nito? Hindi na din naituloy ng babae ang pagpapaayos sa bahay nila dahil kulang lagi ang padala ng asawa.
“Micah, simula daw ngayon ay sa’kin na idadaan ni Cardo ang padala niya. Ito ang grocery ninyo at ito ang tatlong libo. Sa susunod na buwan na daw siya magpapadala ulit,” wika ni Susan, tiyahin ni Cardo.
“Pero bakit naman po kailangang sa inyo pa dumaan ang padala ni Cardo? At tsaka kulang po ang tatlong libo, tiya. Baka nakakalimutan niyang lima ang anak namin at nag-aaral pa. Kahit may bitbit ka pang grocery kulang pa rin ito,” reklamo ni Micah.
“Aba! Problema mo na ‘yan, Micah. Palibhasa “one day millionaire” ka kaya hindi ka na pinagkakatiwalaan ni Cardo pagdating sa pera. At tsaka pasalamat ka nga nagpapadala pa ang pamangkin ko sa’yo. Kung tutuusin nga hindi ka naman niya asawa,” malditang wika ng ginang.
Nasaktan si Micah sa sinabi nito. “Hindi nga niya ako asawa pero siya pa rin ang ama ng mga anak ko, tiya.”
“Iyon ang ipagpasalamat mo!” wika ni Susan tsaka nito tinalikuran si Micah.
Tahimik ang buhay noon ni Cardo at Micah. Masaya sila at nagkakaisa. Pero ngayon ay hindi na. Nadadala na ito sa sulsol ng mga kamag-anak.
Naiinis si Micah sa ginagawa ng mga kamag-anak ni Cardo. Naalala niya ang huling sinabi ng nanay ni Cardo nung huli niya itong nakausap.
“Magpasalamat ka pa nga, Micah, dahil kahit papaano ay nagpapadala pa ang anak ko sa’yo kahit hindi ka naman niya asawa kasi hindi kayo kasal. Kung sasabihin mo naman na may mga anak kayo hindi sila pababayaan ni Cardo. Kung ako sa’yo maghanap ka na lang ng ibang lalaki diyan kasi si Cardo may girlfriend na dito.”
Masakit marinig ang lahat ng iyon mula sa nanay ni Cardo.
Tinangka ni Micah na tawagan si Cardo pero hirap siyang makontak ito. Naka-block kasi siya sa telepono ng lalaki. Buti na lang at napakiusapan ng babae ang kapitabahay nila kaya nagawa niyang makausap ang tatay ng mga anak niya.
“Grabe ka naman! Lagi mong sinasabi na pinapabayaan ko ang mga anak natin! Ano bang sa palagay mo ang ginagawa ko? Tatlong libo sa limang anak natin? Kumakain ang mga ‘yan, nanghihingi ng baon araw-araw. Nagbabayad ako ng kuryente at tubig. Tapos ano? Sasabihin mo na “one day millionaire” ako? Simula nung napunta ka diyan naging matapobre ka na rin, Cardo. Gaya ng nanay mo! Hindi naman tayo ganito dati. Ang akala ko isasama mo kami ng mga anak mo sa pag-angat mo. Pero bakit ganito? Ikaw lang ang umangat habang kami ay iniwan mo sa baba. May girlfriend ka pa diyan. Sabagay wala naman akong karapatang masaktan dahil sabi nga ng nanay mo hindi mo ako asawa,” humahagulgol na wika ni Micah.
“Kasi sinasabi nila pinapabayaan mo daw ang mga anak natin,” giit ni Cardo.
“Sinasabi nila? Ngayon sila na ang pinapaniwalaan mo samantalang nung nandito ka pa at isa kang dukha ni hindi mo sila malapitan kasi mahirap ka lang at wala kang perang maisusuhol sa kanila kaya hindi sila maamo sa’yo. Ngayon na may pera ka na ang bait na nila. Sino ba ang kasama mo noon sa hirap? Sila ba? Tapos ngayong guminhawa ka na nakalimutan mo na kami!” Patuloy sa pag-iyak ang babae.
Grabe ang pagtatampo ni Micah kay Cardo. May mga tao nga talagang nakakalimot sa pinanggalingan kapag umaangat na.
Kahit anong pakiusap ni Micah kay Cardo ay naging matigas ang lalaki. Grabe na siguro ang sulsol ng mga kamag-anak dito. Kung anu-ano ang ibinibintang ng mga ito laban kay Micah. Kesyo marami daw itong nakakaaway, masama daw ang ugali at kung anu-ano pa.
Para kumita ng pera napilatan si Micah na tumanggap ng mga labada upang hindi sila magutom ng mga anak niya. Kulang na kulang kasi talaga ang pinapadala ni Cardo.
Tutal hindi na nagagampanan ng maayos ni Cardo ang responsibilidad nito sa kanilang mga anak, lumapit na si Micah sa Philippine Embassy para i-report ang lalaki. Pinapa-deport niya ito sa kadahilanang hindi nito nasusuportahan ang limang anak at wala itong kwentang ama.
“Wala kang karapatan!”
Iyon ang palaging sinasabi ng mga kamag-anak ni Cardo kay Micah. Pero hindi naman ganoon kamangmang ang babae para hindi malaman na may karapatan ang lima niyang anak sa tatay nito.
Nung mabalitaan ni Cardo na ni-report siya ni Micah ay panay ang paghingi nito ng tawad sa babae. Nangako din ito na magpapadala na ng pera buwan-buwan huwag lang itong ipa-deport pauwi ng Pilipinas. Pero wala na! Punung-puno na si Micah.
Nalaman ni Micah kung ano ang tunay na kulay ni Cardo. Nag-iba ang ugali ng lalaki nung nakaranas ito ng kaginhawaan. Nakalimutan nito ang mga taong nakasama noong lugmok pa ito. Para sa kaniya ay mas mabuting bumagsak ulit si Cardo para maalala muli nito kung saan siya nagmula.
Nag-wagi si Micah na pabalikan sa Pilipinas si Cardo. Umuwi siya sa kaniyang pamilya sa Cagayan De Oro kasama ang lima niyang anak. Nagmakaawa si Cardo kay Micah ngunit dahil sa lahat ng sakit na idinulot ng lalaki at ng pamilya nito at sa tindi rin ng hirap na pinagdaanan ng babae ay wala na itong balak na makipagbalikan pa.