Inday TrendingInday Trending
Aso Ko Iyan, Hindi Sa’yo!

Aso Ko Iyan, Hindi Sa’yo!

Kinailangan ni Bella na umuwing Mindanao dahil may reunion ang pamilya niya. Kaso hindi niya puwedeng dalhin ang kaniyang aso na si Steve kaya lumapit siya sa kaniyang kapitbahay na mahilig din sa aso na si Aling Carmen.

“Ate Carmen, puwede ko bang iwanan sa’yo ang aso kong si Steve? Uuwi kasi akong Mindanao, te. Isang linggo ako dun kaya nag-aalala ako kung kanino ko iiwanan si Steve. Kung ayos lang sa’yo baka puwedeng sa’yo ko muna siya iwanan. Bigyan na lang kita ng pangkain niya at sahod sa pagbabantay mo,” nakikiusap na wika ni Bella.

“Walang problema, Bella. Kailan ka ba aalis?” nakangiting wika naman ni Carmen. “Bukas po ng alas onse,” sagot ng dalaga.

Gaya nga ng napag-usapan iniwan ni Bella si Steve kay Aling Carmen. Binigyan niya ito ng pera bilang bayad niya sa serbisyo nito at iniwan niya rin dito ang dog food ni Steve.

Kampante si Bella na aalagaan ni Aling Carmen ang pinakamamahal niyang aso dahil alam niyang mahilig din ang babae sa aso.

Kaso lumampas ng isang linggo ang pananatili ni Bella sa Mindanao dahil hindi siya agad pinauwi ng mga kamag-anak niya. Sa isip-isip ng dalaga ay dadagdagan na lang niya ang ibinayad niya kay Aling Carmen para hindi naman ito magalit sa kaniya. Isang linggo lang kasi ang ipinaalam niya.

Mabilis na lumipas ang mga araw at ngayon nga ay nakauwi na bahay si Bella. Agad niyang pinuntahan si Aling Carmen para kunin na ang kaniyang asong si Steve ngunit ayaw na itong ibalik ng ginang sa kaniya.

“Hindi mo na siya puwedeng kunin sa’kin, Bella, kasi ang anak ko na ang nagpagamot kay Steve,” wika ni Aling Carmen.

“Po? Bakit? Ano po ba ang nangyari kay Steve?” takang tanong ni Bella. “Ang dami niyang garapata at tsaka nagkasakit iyan noong wala ka kaya dinala namin sa vet,” sagot ni Aling Carmen.

“Kung ganun po ay babayaran ko na lang, Ate Carmen,” alok ni Bella para matapos lang ang usapan.

“Ang sabi mo kasi isang linggo lang pero lumagpas ka ng isang linggo,” saad ni Carmen.

“Kaya nga po dadagdagan ko na lang ang ibinigay ko sa inyo. Hindi kasi ako agad pinauwi ng mga kamag-anak ko kaya ngayon lang ako nakauwi,” paliwanag ni Bella. Pakiramdam niya’y bigla siyang nawalan ng karapatan sa aso niya.

“Balik ka na lang bukas. Tatanungin ko muna ang anak ko kung ano ang desisyon niya,” pinal na wika ni Aling Carmen dahilan upang magsalubong ang kilay ni Bella.

“Bakit parang hindi ako ang may-ari ng aso ko, Ate Carmen? Bakit pakiramdam ko kailangan ko pang ipaalam sa inyo na kukunin ko ang aso ko? Karapatan ko ‘yon dahil aso ko naman ang kinukuha ko,” wika ng dalaga.

“Basta! Bukas ka na lang bumalik,” saad ng babae sabay sara ng pintuan ng kaniyang bahay.

Walang nagawa si Bella kung ‘di ang umalis na lang. Bukas na lang siya babalik.

Kinabukasan ay maagang pumunta si Bella sa bahay ni Aling Carmen upang kunin ang kaniyang aso. Miss na miss na niya ang kakulitan ni Steve. Ilang linggo na niya itong hindi nakikita. Ngunit malaki ang kaniyang pagkadismaya nang sinabi ng anak ng kapitbahay na wala ang mama nito. Pumunta daw sa Bulacan.

“James, baka nandiyan si Steve. Puwede ko ba siyang kunin?” pakiusap ni Bella sa anak ni Aling Carmen.

“Ay! Te, kasama ni mama si Steve kanina. Hindi ko alam kung bakit? Wala rito, eh,” saad ng lalaki sabay ipinakita ang mga nangungulit na sampung aso nito.

“Bakit naman ganun ang ginawa ni Aling Carmen? Maayos ko naman itong kinausap noong umalis ako pero bakit ngayon itinatago niya si Steve sa akin?” bulong ni Bella sa kaniyang sarili. Nais niyang umiyak sa pagkadismayang nararamdaman. Kaya naman niyang bayaran ang halagang nagastos ni Aling Carmen kung ipinagamot nga nito ang kaniyang asong si Steve.

Halos araw-araw ay pinupuntahan ni Bella ang bahay ni Aling Carmen upang kunin ang kaniyang aso ngunit lagi itong wala. Kung minsan naman ay nasa bahay ang babae pero wala naman ang kaniyang aso. Nag-aalala na ang dalaga sa aso niya kaya wala na siyang ibang naisip na paraan kung ‘di ang ipabarangay ang kapitbahay niyang si Aling Carmen.

“Hindi ko na binalik kasi, chairman, ang anak kong si Lanie ang gumastos sa aso niya noong nasa probinsya siya,” paliwanag ni Aling Carmen.

“Sinabi ko naman, chairman, na handa akong bayaran kung ano ang nagastos nila kay Steve basta isauli nila sa’kin ang aso ko. Dahil una sa lahat ay maayos naman ang usapan namin noon ni Ate Carmen. Iniwan ko sa kaniya ng maayos ang aso ko. Nakiusap ako ng maayos. Hindi ko naman akalain na ganito ang gagawin nila sa’kin. Na para bang ako ang nagmamakaawa sa kanila na ibalik nila ang aso ko,” mangiyak-iyak na wika ni Bella.

“Ibabalik ko naman ang aso mo, eh,” mahinang wika ni Aling Carmen.

“Kailan, ate? Miss na miss ko na ang aso ko. Ginagawa niyo akong t*nga. Halos araw-araw akong pumupunta sa bahay niyo para makuha ang aso ko pero pinapahirapan niyo ko. May aso ka rin at alam mo kung ano ang nararamdaman ko lalo na’t si Steve lang ang kasama ko sa bahay. Alam mo kung gaano kasakit sa isang katulad ko na mawalay sa aso ko. Oo, aso lang siya pero itinuring ko na ding anak si Steve. Kung alam ko lang na ganito ang gagawin mo sa’kin sana hindi ko na lang siya iniwan sa’yo.” Hindi na napigilan ni Bella ang maiyak dahil sa sama ng loob sa babae.

Pinanigan ni chairman ang panig ni Bella kaya walang nagawa si Aling Carmen kung ‘di ang ibalik si Steve sa dalaga. Sobrang saya ang naramdaman ni Bella nang makita niyang muli ang kaniyang aso.

Mula noon ay hindi na basta-basta ipinagkakatiwala ni Bella si Steve sa iba. Isang malaking trauma ang ginawa ni Aling Carmen sa kaniya. Nagtiwala siya sa ale dahil ang buong akala niya’y mapagkakatiwalaan niya ito. Aso lang si Steve pero para kay Bella isa si Steve sa pinakamahalagang nilalang sa mundo at hindi niya kayang mawala ito.

Advertisement