Ang Kumprontasyon sa Kerida ng Aking Asawa

Magkahalong kaba at galit ang nararamdaman ni Celeste, isang may bahay habang binabagtas niya ang kakalsadahan patungo sa isang bar sa Malate. Ayon kasi sa kaniyang pagsisiyasat, dito niya matatagpuan ang kabit ng kaniyang asawa. Lingid kasi sa kalaaman ng asawa niya ay alam ni Celeste na mayroon itong ibang babae. Upang hindi na ito makatanggi pa, gumawa siya ng paraan upang matunton niya mismo ang kerida.

Labinglimang taon nang kasal si Celeste sa kaniyang asawang si George kaya hindi niya lubusang maisip kung bakit pa nagawa ito ng asawa sa kaniya. Masaya naman ang kanilang pagsasama at sa katunayan nga ay marami pang pangarap para sa kanila ang kaniyang mister. O ito lamang ang akala niya…

Habang sakay ng kotse at iniisa-isa ang bawat bar sa lugar ay hindi maiwasang isipin ng ginang kung bakit siya pinagpalit ni George. “Siguro ay maganda ang babaeng ito, mas bata at mas kaaya-aya sa akin. O baka naman talagang inakit niya ang asawa ko. Baka oportunista talaga ang babaeng ‘yon,” sambit niya sa kaniyang sarili.

Nang matagpuan na niya ang hinahanap niyang bar ay saglit lang huminto at tumingin sa salamin. Inayos niya ang kaniyang suot at tindig. Nagpabango siya saka bumaba ng sasakyan. Kung titingan si Celeste ay talagang mukha siyang may pinag-aralan. Sa katunayan, dati itong designer sa isang malaking kumpanya ngunit lahat ng kaniyang naabot ay handa niyang bitawan upang alagaan ang kaniyang pamilya. Kaya nga sa tuwing naiisip niya ang lahat ng kaniyang sakripisyo ay mas lalo siyang nalulugmok sa kalungkutan.

Pagpasok niya sa bar ay agad niyang hinanap ang babaeng nagngangalang Rebecca. Lumingon siya sa paligid at nakita niya ang isang dalaga na hindi katangkaran na papalapit sa kaniya. “Ako po si Rebecca, bakit po?” wika ng dalaga.

“Ako si Celeste. Siguro naman ay nakikilala mo kung sino ako,” sambit niya. Pinagpawisan ng malamig si Rebecca sa kaniyang narinig.

“Ayoko ng gulo, Rebecca. Ang nais ko lamang ay malaman kung sino ka at bakit ako pinagpalit ng asawa ko,” aniya. “At sa totoo lamang ay nanliliit ako sapagkat hindi ko akalain na dahil lamang sa isang tulad mo ay handa niyang sirain ang aming pamilya,” dagdag pa ng ginang.

“Puwede ba kitang imbitahan sa isang café na malapit dito? Huwag kang mag-alala wala akong gagawing masama sa’yo. Gusto lamang kitang makausap,” kalmadong wika ni Celeste. Lubos ang pagpipigil ng ginang sa kaniyang nararamdaman. Sa kaniyang isip ay nais niyang sugurin ang babae at kalbuhin ito. Ngunit alam niyang kahit saktan niya ito ng pisikal ay hindi na maiibsan pa ang sakit na dulot ng pagkawasak ng pagsasama nilang mag-asawa.

Advertisement

Nagpalit ng damit si Rebecca at nagtungo sila sa isang café. Doon ay inusisa ni Celeste ang lahat ng nais niyang malaman sa pagitan ng babae at nang kaniyang asawa.

“Sa totoo lang ay walang kaalam-alam si George sa pagkikita nating ito. Tulad ng mga nakaraang umaga ay umalis siya ng bahay na ang iniisip niya ay wala pa rin akong alam tungkol sa namamagitan sa inyo,” panimula ni Celeste. “Tanggap ko naman, Rebecca, na mas bata ka, mas maganda at hindi hamak na mas maganda ang hubog ng iyong katawan. Lahat ng naisin ng isang lalaki ay kaya mong ibigay. Sino ba naman ako, isang maybahay na gagawin lamang ang lahat upang mapagsilbihan ang kaniyang asawa,” patuloy niya.

“Tanong ko lang sa’yo, bakit kahit alam mong kasal na ang asawa ko ay pumayag ka pa rin na maging kabit niya? Ganiyan ba talaga ang uri mo, mga oportunista?” mariin niyang sambit.

“Ma’am, oo nga at sa bar ako nagtatrabaho ngunit hindi ako tulad ng ibang babae doon. Isa po akong waitress at kahit kailan din po ay hindi ko naisip na magiging kabit ako,” magalang na sagot ng dalaga.

“Pero ginawa mo? Para saan? Sa pera,” giit ni Celeste.

“Si George ang unang lumapit sa akin. Ayaw ko sa kaniya noon ngunit gabi-gabi niya akong pinupuntahan. Ang sabi pa niya sa akin ay ayaw iyang umuwi sa bahay sapagkat bungangera ang kaniyang asawa. Wala ka raw ginawa kung hindi pagbintangan siya at pagsalitaan ng masama,” pahayag ng babae. “Naawa ako sa kaniya. Pakiramdam ko ay mayroong kumukurot sa puso ko na nagnanais na siya ay mahalin upang matanggal ang hapdi na kaniyang nadarama. Hindi ko alam na nasa maayos pa pala kayong kalagayan sapagkat ang sabi niya ay ikaw ang unang nanlalaki,” dagdag pa ng dalaga.

“Ngunit kung titignan ko kayo ngayon ay alam ko na mataas ang inyong pinag-aralan. Sa tingin ko din ay hindi ninyo magagawang kausapin ako ng ganito kung wala kayong respeto sa inyong sarili. Sapagkat kung sa iba ito nangyari ay malamang, pinagpipyestahan na ako sa buong Kamaynilaan,” aniya. “Aaminin ko na mahal ko rin ang asawa mo. Ngunit nananatili lamang ako sa kaniya sapagkat alam kong kailangan niya ng matatakbuhan dahil wala siyang matawag na asawa. Hindi ko alam na ang tinatapakan ko pala ay isang tulad mo,” sambit pa ni Rebecca.

“Tanggap ko naman na wala nang pag-asa ang aming relasyon at mas mahal ka niya. Kung mahal niya kasi ako ay bakit magmamahal pa siya ng iba. Nais ko lamang palayain ang sarili ko kaya kita pinuntahan. Gusto kong wala siyang maitatanggi kung sabihin ko sa kaniya ang balak ko na makipagkalas. Hindi na rin naman kasi matatahimik ang utak ko sa tuwinang kasama ko siya. Ayoko na talaga,” wika niya.

Advertisement

Kinagabihan ay umuwi na si George galing sa opisina. Pagdating niya sa bahay ay agad niyang hinalikan ang kaniyang misis.

“Miss kita. Kanina pa ako nasasabik na umuwi sa’yo, Celeste. Kaninang pagod ako sa opisina ay ikaw lamang ang laman ng isip ko,” saad ni George sa kaniyang asawa.

“George, h’wag na tayong maglokohan. Gusto ko nang tapusin ang relasyon natin. Hindi ko na kayang manatili sa isang relasyon na puno ng pagbabalat-kayo. Hindi kona rin masikmura na makasama ka,” wika ni Celeste sa asawa.

“Hindi ko maintindihan ang sinasabi mo, Celeste. Bakit biglang ganiyan ang lumalabas sa bibig mo?” sambit ng mister.

“Alam ko naman na matagal mo na akong niloloko. Matagal mo nang pinapaikot ang ulo ko. Pero ‘yun ang buong akala mo,” saad ng ginang.

“Wala akong babae, Celeste. Ikaw lang ang mahal ko. Alam mo naman ‘yon ‘di ba? Kaya kong patunayan na wala akong babae at hindi ako nagsisinungaling,” giit pa ng lalaki.

Sa sinabing ‘yon ni George ay biglang lumabas mula sa isang silid si Rebecca.

“George, ang akala ko ba ay hindi na kayo ayos ng asawa mo at wala siyang ginawa kundi pasakitan ka? Ang sabi mo pa sa akin ay may lalaki siya kaya sapat lang na magkaroon tayo ng relasyon. Pati ako pala ay niloko mo,” sambit ng dalaga. “Totoo kitang minahal ngunit paano ko pa ipagpapatuloy na mamahalin ang sinungaling na kagaya mo,” dagdag pa ni Rebecca.

Advertisement

“Ngayon mo patunayan sa akin, George, na wala kang babae. Na hindi ka nagsisinungaling at ako lang ang mahal mo! Napakasinungaling mo! Wala kang kasing hay*p. Manggagamit ka!” hindi na napigilan pa ni Celeste ang kaniyang sarili.

“Patawarin mo ako, Celeste, bigyan mo pa ako ng isa pang pagkakataon. Itama natin ang lahat ng ito parang awa mo na!” pakiusap ng mister. Ngunit buo na ang loob ng ginang.

“Makikipaghiwalay na ako sa’yo. Naiayos ko na lahat sa abugado ko ang mga papeles na magpapawalang bisa ng gating kasal. Saka lahat ng ari-arian natin ay nakapangalan na sa akin at sa ating anak kaya hindi mo na ito mahahabol pa. Nakalimutan mo, George, na hindi lamang ako simpleng may bahay na kaya mong paikutin sa iyong mga kamay. Matalino din ako at may respeto sa sarili. Kung ayaw mong samapahan pa kita ng kaso ay umalis ka na sa bahay na ito!” giit niya.

Lubusang ikinagulat ni George ng kaniyang narinig. Ang buong pagaakala niyang walang imik na asawa ay nakagawa na pala ng paraan upang tuluyang makahiwalay sa kaniya tangay pa ang lahat ng kanilang ari-arian at halos walang natira sa kaniya.

Tuluyan ngang naghiwalay ang mag-asawa. Hindi na rin tinanggap pa ni Rebecca itong si George dahil sa pagsisinungaling nito. Hindi inaasahan na naging mabuti pang magkaibigan sina Celeste at Rebecca sa bandang huli. Ngayon ay marangal na nagtratrabaho na rin si Rebecca sa negosyong itinayo si Celeste. Hindi nila akalain na ang isang masamang pangyayari pala ang maglalapit sa kanila sa isa’t isa.