Palimos Po!

Isang batang pulubi ang lumapit kay Ferlyn nang bumili ito ng cotton candy sa labas ng simbahan, habang hinihintay ang kaniyang inang si Berna na bumibili naman ng sampaguita. Dahil sa awa ni Ferlyn sa bata, dali-dali siyang tumakbo patungo sa ina upang humingi ng kaunting barya para ibigay niya sa batang pulubi.

“Ma, puwede po bang makahingi ng kahit dalawang piso?” tanong ni Ferlyn sa kaniyang inang si Berna.

“Ano naman ang gagawin mo sa dalawang piso, anak?” pagtataka naman ni Berna.

“May isang bata po kasi na nanghihingi ng tulong. Gusto ko po sanang bigyan,” sambit ng bata.

“Nako, Ferlyn, hayaan mo na ang mga batang ‘yan. H’wag kang maaawa sa kanila kasi may mga magulang ‘yan. Dapat ang mga magulang nila ang nagbibigay sa kanila ng pera at hindi ang isang batang katulad mo,” pangaral ng ina.

“Pero, Ma, kawawa naman po ‘yung bata. Wala po siyang makain. Siguro naman po ay hindi kawalan sa atin ang dalawang piso,” saad ni Ferlyn.

“Pabayaan mo na ‘yan, anak. Hindi mo na problema ‘yan. Marami naman ang nagbibigay diyan sa batang yan. Saka hindi mo alam baka mamaya kung saan niya lang dalhin ang pera. Baka ginagamit pa niya ‘yan sa masama,” naiinis na sambit ni Berna sa anak. Napasimangot na lamang si Ferlyn sa sinabi ng ina.

Kinabukasan habang namamalengke si Berna kasama muli ang kaniyang anak na si Felyn ay may isang batang pulubi ang lumapit sa kanila. Sadyang madungis ito at sira-sira pa ang damit. Wala rin itong sapin sa paa at bakas mo sa kaniyang mukha ang hirap ng buhay.

Advertisement

“Ale, pwede po bang makahingi ng kahit limang piso lamang po para makabili ng kanin para sa kapatid ko. Gutom na gutom na po kasi siya. Parang awa ninyo na po,” pakiusap ng batang lalaki. “Sige na po, ale. Kahit magkano na lang po. Para lang po sa kapatid ko,” muling sambit ng bata.

Ngunit tila walang naririnig itong si Berna at tuloy-tuloy lamang siya sa kaniyang paglakad. “Ale, kahit magkano lamang po,” sambit muli ng bata habang kinakalabit si Berna.

“H’wag mo nga akong hawakan. Napakarumi mo. Saka akala mo ba ay naniniwala ako na sa kapatid mo ‘yan ibibigay. Alam ko na ang mga karakas ng tulad mo. Hihingi kayo ng barya tapos ipangbibisyo ninyo. O hindi naman kaya ay kasabwat kayo ng sindikato. Puwede, bata, sa iba ka na lang lumapit?!” wika ni Berna.

“Totoo po na gutom na gutom na po ang kapatid ko. Hindi po ako sindikato o kaya naman po ay nagbibisyo. Kahit konting barya lang po, ale,” muli niyang pakiusap.

Ngunit hindi nagpatinag itong si Berna. Maya-maya ay dumukot si Ferlyn ng barya sa kaniyang bulsa.

“Bata, ito o, kunin mo na,” sambit ni Ferlyn. “Pasensya ka na at sampung piso lang ito. Pero galing naman ito sa natira kong baon sa eskwelahan. Sana ay makatulong sa iyo kahit papaano,” nakangiti niyang sambit.

“Bakit mo binibigyan ang batang ‘yan, Ferlyn? Hindi ba sabi ko sa’yo ay wala kang resposibilidad sa mga kagaya niyan. May mga magulang siya. Bakit hindi siya doon manghingi. Sayang lang ‘yang sampung piso mo at hindi naman talaga sa pagkain mapupunta ‘yan. Nagpapapaniwala ka sa mga batang kagaya niya!” galit na sambit ni Berna sa anak

“Akin na ang sampung piso ng anak ko, bata! “ giit niya sa batang pulubi.

Advertisement

Nang tangkang ibibigay na ito ng bata ay agad itong pinigilan ni Ferlyn. “Bata sa’yo na ‘yan tulad ng sabi ko. Sige na at pumunta ka na sa kapatid mo at ibili mo siya ng kanin. Kung mas marami lang akong pera at dadagdagan ko pa sana ‘yan. Pasensiya ka na sa kakarampot kong tulong,” aniya.

“Maraming salamat sa iyo, bata. Napaka busilak ng kalooban mo,” tuwang tuwang sambit ng bata at patakbo itong umalis.

“Hindi ko gusto ang ginawa mo, Ferlyn. Sa susunod ay hindi na kita bibigyan ng pera,” sambit ni Berna.

Hindi naman agad tumugon ang anak sapagkat sinunsundan niya ng tingin ang bata. Agad itong pumasok sa isang maliit na karinderya. Paglabas nito ay mayroon siyang dalang supot na naglalaman ng kanin at sabaw. Sa hindi kalayuan naman sa karinderya ay nag-aabang ang kaniyang kapatid na kumakalam na ang tiyan sa gutom. Pinagsaluhan ng magkapatid na pulubi ang kanin at sabaw. Lubusan namang napahiya si Berna. Totoo pala ang sinasabi ng bata. Napalitan ng habag ang kaniyang nararamdaman para sa mga pulubi.

“Ma, sampung piso lamang po iyon. Kung titignan natin ay presyo lamang po iyon ng 2 plastik bag o hindi kaya ay palamig na binili natin kanina. Maliit naa halaga po iyon sa atin pero saa tulad ng batang iyon ay sapat na ito upang malamanan ang kanilang tiyan,” wika ni Ferlyn.

“Maswerte po ako at may magulang po akong umaaruga sa akin samantalang ang mga gaya nila ay salat sa pagkalinga. Maaaring lansangan na ang kanilang tahanan at wala pong gumagabay sa kanila,” dagdag pa niya. “Ibinabahagi ko lang naman po sa kanila kahit paano ang ganda ng buhay na mayroon ako,” saad niya.

Hindi alam ni Berna ang sasabihin sa anak. Sapagkat kahit bata ito ay may punto ang kaniyang sinabi. Magmula noon ay nag-iba na ang pananaw ni Berna sa mga pulubi. Naging halimbawa sa kaniya ang ginawa ng anak sa pulubing bata. Naging bukas palad na ang ginang sa pag-abot ng tulong sa mga nangangailangan. Salamat sa mga taong kagaya ni Ferlyn na may busilak ang kalooban na handang magbigay ng tulong sa mga nangangailangan.