Bili Ka Na ng Mango Shake

Tuwing summer ay ugali na ni Hannah ang magtinda ng iba’t-ibang klaseng shake. Iba’t-ibang flavor, may avocado, saging, mangga at keso. Usong-uso kasi ang mga ganun lalo na kapag mainit ang panahon. Pandagdag income na rin para kay Hannah.

“Ale pabili nga po ng isang mango shake,” wika ng lalaking sa tantiya niya’y halos kasing edad lamang niya.

“Wow! Maka-ale naman. Pwede bang ate na lang? Ang bilis naman maka-matanda ng ale,” pabiro niyang wika sa lalaking imbes na ngumiti sa kaniya’y lalo pa yatang lumamukos ang mukha nito.

“Pinaglihi yata ito sa sama ng loob,” bulong niya sa sarili. Kaysa kausapin pa ang lalaki ay ginawa na lang niya ang order nito. Baka kasi malasin pa ang paninda niya kapag nagtagal ito sa pwesto niya. Malayo pa naman ang Biyernes Santo, pero mukhang mahal na araw na ang sambakol ng mukha nito.

Palakaibigan siya lalo na sa mga customer niya. Sales talk kung sales talk ang ginagawa niya lalo na kapag medyo madaldal din ang bumibili sa kaniya. Tanging ang lalaki lang ang hindi niya nakakausap. Malaki kasi yata ang dala-dala nitong problema kaya kahit anong bato niya ng jokes rito ay hindi ito nadadala o natatawa man lang.

“O, Mango shake? Alam mo kapag masama ang araw mo bumili ka lang ng mango shake ko sasaya na ang buong araw mo. Alam mo kung bakit? Bukod kasi sa matamis ang mangga may dagdag asukal at kondensada pa kaya everyday full of sugar ka,” nakangiti niyang chika rito. Umaasang makikita niya ang ngiti sa mukha ng lalaki. Ngunit sa muling pagkakataon ay bigo na naman siya sa kaniyang misyon.

Binansagan na nga niya itong si ‘malungkutin‘ dahil gaya nga ng personalidad nitong laging nakabusangot ang mukha. Tumango lang ang lalaki sabay abot ng bayad sa kaniya. Nang matapos ang order nito ay agad niya iyong inabot sa lalaki. “Alam mo hindi masamang ngumiti ah,” pahabol niyang wika na tanging tango lang ang sinagot nito.

Ang cold talaga nito kahit kailan. Napapangiti na lang siya sa ugaling taglay ng lalaki. Araw-araw itong bumibili sa kaniya ng mango shake, kaya nga alam na alam na niya ang gagawin niya kapag nasa harap na ito ng kaniyang tindahan. Alam na rin niya kung ano ang oras ng daan nito, tuwing bago mag alas diyes.

Advertisement

Hanggang isang araw ay bigla na lamang siyang inabutan nito ng bulaklak na labis niyang pinagtaka.

“Anong meron? Hindi naman valentines day?” takang tanong ni Hannah.

“Gusto ko lang bigyan ka niyan. Naalala kasi kita nang makita ko iyan, kasing ganda mo ang bulaklak na iyan,” seryosong wika ng lalaki.

“Talaga ba?” dudang wika ni Hannah.

“Kapag bumibili ako ng manggo shake mo. Maliban sa natatanggal ang init na dala ng mainit na klima ay napapangiti at napapasaya mo pa ako. Kaya nga kahit late na ako minsan sa trabaho ay gustong-gusto ko pa rin na dumaan rito at bumili ng shake mo,” pag-amin nito na labis niyang kinabigla.

Malungkutin ang lalaki kaya hindi niya inakalang napapasaya at napapangiti niya pala ito. “Talaga? Hindi halata ah,” natatawang biro niya.

“Pasensiya ka na kung lagi akong nakabusangot kapag bumibili ako ng mango shake sa’yo. Ang totoo niyan, gusto kung ngumiti at makipagbiruan sa’yo. Gusto kong manatili ng matagal at makausap ka para mas makilala ka dahil ang totoo gusto talaga kita. Katulad ng pagkahumaling ko sa mango shake mo. Kaso tuwing darating ako rito ay lagi akong gahol sa oras. Kaya imbes na makipag-usap sa’yo ay nakabusangot na lamang ako,” nahihiyang pag-amin nito.

Namangha man ay hindi niya ito ipinahalata sa lalaki. Ang sarap sa pakiramdam na malamang may lalaking nagkakainteres sa’yo at nakikita naman niya ang senseridad sa mukha nito. “Oh! Buti ngayon hindi ka nagmamadali,” nakangiting wika ni Hannah.

Advertisement

“Day-off ko,’ maiksing sagot nito dahilan para matawa siya ng malakas. Kaya naman pala kinausap siya nito. “Makikipag-date ka ba sa’kin?” deretsong tanong nito.

“Niyaya mo akong makipag-date sa’yo? Hindi ko pa nga alam ang pangalan mo e,” saad niya rito.

Nahihiyang tumingin sa kaniya sabay lahad ng kaliwang kamay; “Jake nga pala. Ang suki mo sa mango shake,” pakilala nito.

“Hannah ang tindera ng mango shake na lagi mong binibili,” nakangiti niyang tinanggap ang kamay ng lalaki at sa pinakaunang beses ay nakita niya ang magandang ngiti ni Jake. “Maganda pala ang mga ngipin mo e. Akala ko noon kaya hindi ka ngumingiti kasi bungal ka,” natatawang wika ni Hannah.

Nakipag-date nga siya kay Jake at dahan-dahan ay nakilala niya ang lalaki. Madaldal ito at palabiro, malayo sa dating pagkakakilala niya sa lalaki. Hindi ito nauubusan ng kwento at lagi itong masaya kapag nagkikita sila. Hindi nagtagal ay sinagot niya si Jake. Kung noo ay bago mag-alas diyes na iting dumating sa tindahan niya. Ngayon ay alas syete pa lang ay nasa harap na ito ng bahay nila upang tulungan siya.

Minsan hindi mo talaga malalaman kung sa paanong paraan mo makikilala ang lalaking mamahalin mo. May kaniya-kaniyang trip si kupido at ang sa kanila ay dahil sa mango shake kaya sila nagkakilala ni Jake. Masaya siya sa lalaki at ramdam niyang mahal na mahal siya nito. Kasing tamis ng mango shake ang pinaparamdam nito sa kaniya.