Inday TrendingInday Trending
Nang Dahil sa Sobrang Kakengkoyan ng Dalaga ay Natagpuan Niya ang Tunay na Pag-ibig

Nang Dahil sa Sobrang Kakengkoyan ng Dalaga ay Natagpuan Niya ang Tunay na Pag-ibig

Nasa ikatlong taon na sa kolehiyo ang dalagang si Dianne, matalino siya, mabait at maraming kaibigan. Kaya lamang ay ubod ng pilya, kapag may tawanan ay siguradong siya ang may kagagawan noon. Kaya naman gustong-gusto siyang kasama ng mga tao, hindi kasi siya nauubusan ng kalokohan.

“Huy Ella, ano ba yang nasa ngipin mo braces ba yan?” tanong niya sa kaklase, napansin niya kasing may parang alambre sa bibig nito pero may design na parang kulay pink kaya natawag ang atensyon niya.

“Hindi girl, ang tawag dito, retainer,” sabi nito na nilakihan pa ang ngiti upang lalo siyang inggitin.

“Hala! Saan nakakabili niyan, gusto ko rin,” hindi niya napigilang sabihin. Ang cute kasi, na-imagine niya na, pwede niya sigurong gawing design ang pangalan ng crush niya. Posible kaya?

“Ayokong sabihin, baka isumbong mo ‘ko,” simpleng sagot ni Ella.

“Bilhin ko nalang yan,”

“Yuck!” sabi ulit ng babae na noo’y sinabayan pa ng pagkatalim-talim na irap at pagngibit ng labi ang salita.

“Eto naman! Sabihin mo na kasi, sige ka isusumbong kita sa mama mo na naggaganyan ka,”

Tila naalarma naman ito, paano naman kasi. Hindi naman talaga dentista ang nagrekomenda ng retainer nito kung hindi nabili niya lamang sa isang kaibigan, kumbaga ay wala naman talagang basehan ang paglalagay noon- hindi para maisaayos ang ngipin o kung ano pa man, kung hindi para lang.. cute tignan.

“Oo na sige na sasamahan na kita! Basta bayaran mo ha?”

Nasa tapat ng lugawan sina Dianne at naghihintay na makabili, talaga kasing dinadayo ang kainang ito dahil bukod sa mura na ay masarap pa ang tinda. Malapit na sila noon sa tindera, sadyang nagku-kwenta pa ito dahil maraming binili ang nauna sa kanila pero bukas na ang malaking kaldero ng lugaw at lomi.

“Paano umamoy ng kili-kili ang teacher?” pabirong tanong ni Dianne sa kaibigan niya, madaldal pa rin ang dalaga kahit pa hirap na hirap siyang magsalita dahil sa maluwag na retainer niyang kulay blue green.

“Paano?” hindi pa man ay natatawa na ang mga kaibigan niya.

“Ganito,” sabi niya at itinaas ang kamay, sinabayan pa ng napaka-kengkoy na ekspresyon ng mukha. Bumunghalit ng tawa ang mga barkada niya, napatawa na rin tuloy siya. Sa sobrang saya niya, tumalsik ang kanyang retainer at nalaglag sa bukas na kaldero ng lugaw.

Dahil malakas ang impact ay agad na lumubog iyon, hindi man kita sa ibabaw ay tiyak niya namang isang sandukan lang ay makukuha na iyon. Goodluck naman sa lugaw na may itlog na, may laman na, may retainer pa.

Ganoon na lang ang panlalaki ng mata niya dahil baka may nakakita, isang binatilyo lang ang napansin niyang medyo nakasulyap sa kanya pero tingin niya naman ay di siya napansin nito.

Ang mga kaibigan niya naman ay pulang-pula na sa pagpipigil ng tawa.

Gutom man sila ay dali-dali silang umalis sa lugar na iyon, hahanap nalang sila ng ibang kakainan.

Mabilis na lumipas ang mga taon at naka-graduate si Dianne, nakapagtrabaho rin siya sa isang opisina sa Maynila. Doon niya nakilala si Matthew, gwapo ito at mabait. Unang pagkikita pa lamang ay naging magkaibigan na ang dalawa.

Pagkakaibigang kalaunan ay nauwi sa pagmamahalan. Makalipas ang dalawang taong relasyon ay niyaya na ni Matthew na magpakasal ang dalaga. Sigurado na si Dianne sa lalaki, pero tila ba na-curious lang siya kaya niya naisipang itanong, “Kailan mo ako unang minahal?”

Saglit na nag isip ito, bago ay nagsalita, “Hindi kami mayaman, ang tatay ko ay karpintero at ang nanay ko naman ay nagpapa-order ng embutido noon. Ako, para makapag aral ay pumasok na boy sa mga may kayang kapitbahay namin. Isa sa pinakanaaalala ko, hinding hindi ko malilimutan, wait lang,” sabi nito , saglit na may kinuha sa bag. Nakapaloob iyon sa pulang plastic.

“Lucky charm ko ito eh. Hindi ko malilimutan noong araw na namamasukan akong taga-hugas ng pinggan kay Aling Mameng, iyong lugawan,” nangingiting sabi nito. Medyo nagulat naman si Dianne, iyon kasi ang paborito nilang lugawan noon ng mga kaklase niya.

“May dalagita noon na sa sobrang tuwa ay nalaglag ang retainer sa lugaw, pasalamat ka hindi kita isinumbong.” sabi nito na may pilyong ngiti sa mga labi.

Nagulat naman si Dianne, ito pala ang binatilyong akala niya ay hindi siya napansin noon!

“P-paano mo nakuha?” di niya maiwasang itanong, ayaw niya namang isiping inilublob nito ang braso sa lugaw para makapa ang retainer sa ilalim. Bukod sa mainit, yuck naman diba.

“Hinintay kong maubos iyong lugaw. Ako nga ang tagahugas eh kaya walang alam si Aling Mameng hanggang ngayon. At para sagutin ang tanong mo, doon kita unang minahal. Nang makita ko ang lito at nangangambang mukha mo. Sabi ko sa sarili ko, hahanapin kita kapag may maipagmamalaki na ako. Na-inspire ako lalo na mag aral mabuti at magtagumpay sa buhay.”

Kinilig naman, pero mas natawa si Dianne. Nagsilbi pa palang inspirasyon ang retainer niyang blue green.

Advertisement