Inday TrendingInday Trending
Abusado at Mataas ang Pride ng Misis ng Kaawa-awang Mister; Isang Pag-uusap ang Narinig Nito na Nakapagpabago ng Ihip ng Hangin

Abusado at Mataas ang Pride ng Misis ng Kaawa-awang Mister; Isang Pag-uusap ang Narinig Nito na Nakapagpabago ng Ihip ng Hangin

Apat na taon nang mag-asawa sina Charmaine at Rino. Mayroon silang isang anak, ang dalawang taong gulang na si Orlie. Gayunpaman, kahit nanay na ay immature pa rin si Charmaine, masyado ring mataas ang pride niya. Tuwing mayroon silang di pagkakaunawaan ng asawa ay lalayasan niya ito at uuwi siya sa magulang, ang mister niya naman, dahil mahal na mahal siya ay nakasunod agad at humihingi ng tawad kahit pa kadalasan ay ang babae ang may kasalanan.

“Honey, sana patapusin mo muna akong magsalita para naman marinig mo rin yung point ko. After non, kung sa tingin mo ay mali pa rin ako sige tatanggapin ko,” mapagkumbabang sabi ni Rino, nag-aaway na naman kasi sila ngayon tungkol sa panlilibre ni Rino sa kaibigan niya. Aalis na kasi ito papuntang Dubai at wala man lang kapera-pera, bilang konsuwelo at para mapangiti man lang ng konti ang kaibigan ay inilibre niya ito. Nagalit tuloy si Charmaine, gumastos raw kasi siya tapos ay na-late siya ng uwi. Ang totoo ay isang oras lang naman siya na-late ng uwi, saglit na saglit lang talaga ang naging kwentuhan nila ng kaibigang si Marco. Kung tutuusin nga ay pwedeng di niya na iyon ipagtapat sa misis at sabihin na lang na traffic pero mas pinili niya pa ring magsabi ng totoo.

“Ah, so siya na yung mag-aabroad, siya pa yung ililibre mo? Samantalang ako, naiwan dito mag isa nag-aalaga sa anak natin? So ako pa ngayon ang di marunong makinig at hindi makaintindi ng punto?” sarado ang utak na singhal ni Charmaine.

“Hindi sa ganon, honey naman, alam mo namang ang ibig ko lang sabihin-” hindi na natuloy pa ang sasabihin ni Rino, agad na itinaas ng misis niya ang kanang kamay nito sa harap mismo ng mukha niya upang senyasan siyang manahimik. Nabastusan ang lalaki sa ginawa nito pero ayaw niya nang sabayan pa ang galit ng asawa, kakausapin niya na lang ito tungkol sa ginawa pag pareho nang malamig ang ulo nila.

“No, stop right there. I got it, I got the point. You win. Okay ka na? Ganun naman eh, hindi naman nagma-matter yung sasabihin ko diba. Alam mo I think mas okay na doon na muna ako kina daddy, atleast sila hindi ako ipagpapalit sa kaibigan.” sabi ng babae at sinimulan nang iempake ang damit nila ni Orlie. Pinigilan man ito ni Rino noong una ay di niya na rin pinilit, magkakagulo lamang kasi sila dahil nagpupumiglas ang babae kaya hinayaan niya na.

Mabilis na nakauwi si Charmaine sa kanila. Nandoon naman ang parents niya kaya makakapahinga siya kahit paano sa pag-aalaga sa bata.

“Ma, may snacks po ba sa ref?” tanong niya sa ina, mukhang napagod siyang makipag-away sa mister.

“Naku Charm, hindi pa ako nakaka-grocery eh. Pero may bagong bukas na convenience store dyan sa malapit, isang liko lang.” sabi ng kanyang mama, tumango lang siya at ibinilin si Orlie sa mga ito bago lumabas na.

Kasalukuyan siyang nakasuot ng earphones habang namimili ng makakain sa convenience store nang mapansin niya ang dalawang magandang babaeng pumasok doon, kasing edad niya ang morena habang mas bata naman nang kaunti ang tisay.

Hindi niya maiwasang ma-curious sa usapan ng mga ito dahil kilig na kilig ang dalawa, parang mga kiti-kiting inasinan kaya tinanggal niya ang earphone. Di niya rin kasi sigurado pero parang nabanggit nito ang pangalan ng kanyang mister.

“Ayun na nga, lagi raw nagbubunganga yung babae at hindi siya pinakikinggan. Mahal niya naman daw pero, baka maubos na kasi parang di naman siya mahal. Doon din kami nagkakilala sa pinagtatrabahuhan niya..” sabi ng tisay, halos mangilabot si Charmaine dahil doon din nagtatrabaho ang asawa nya! Tila di yata siya nananaginip kanina nang akalain niyang binanggit nito ang pangalan ng lalaki!

“Ay talaga sis? Naku agawin mo na! Mapaghihiwalay pa yan,” kiri namang payo ng morena.

“Oo kayang kaya kong agawin pero ayoko pa no. Syempre ayoko magmukhang masama, ang sakin lang, wag lang gagawa ng mali yang babae kasi pasasaan pa, si lover boy na ang magsasawa sa kanya at kusa siyang itatapon. At syempre, mapupunta na sya sakin,” sabi nito at sinabayan pa ng malanding tawa.

“Grabe ka talaga. Well, good luck sa pang aakit mo kay Dino,” sabi ng morena pero di na narinig pa ni Charmaine iyon, na katunog lang pala ng pangalan ng kanyang mister ang pinag-uusapan. Ibang lalaki pala ang pinag-uusapan ng dalawa.

Hindi nakatiis si Charmaine, agad siyang nagtext sa kanyang magulang na bantayan muna si Orlie ngayong gabi dahil pupuntahan niya si Rino upang makipag usap. Aba, kahit ba ganoon siya ay di siya papayag na mawala ang asawa! Mahal niya ito at.. natatakot siyang mawala ito. Alam niya namang mali siya kanina, sadyang mataas lang ang pride niya para aminin iyon. Bahala nang magmukhang tanga pero, magmamakaawa siyang wag siyang iwan ng mister para sa mas maganda. Kailangan niyang ilaban ang karapatan nila ni Orlie.

May susi naman siya ng bahay nila kaya dire-diretso siyang nakapasok sa loob. Naabutan niya ang mister na pataob na natutulog sa kama. Agad niya itong niyakap.

“Patawarin mo ako! Naging masama akong misis, ang selfish ko at hindi ko na inisip ang kapakanan mo. Pero sapat na ba yon upang ipagpalit mo ako at piliin mo sya? Paano na ako.. paano na si Orlie? Napakaliit niya pa para sa sirang pamilya, paano ko ipapaliwanag sa kanya? Hindi ko kaya na wala ka.. magbabago na ako, patawarin moko honey, I’m so sorry!” paulit ulit na sabi niya sa pagitan ng pag iyak.

Nagtataka man ay napangiti ang pupungas pungas na si Rino. Di niya man naiintindihan ang misis ay masaya siyang na-realize na nito ang pagkakamali.

“Alam mo, di kita gets. Pero kanina pa kita napatawad,” sabi niya at hinalikan ang babae.

Kinabukasan ay sabay nilang sinundo si Orlie. Mas masaya na ang kanilang pamilya ngayon dahil wala nang lugar ang pagiging makasarili. Naisip ni Charmaine na totoo man o hindi ang narinig niya ay palagi nya pa ring aalagaan ang mister at ipapakita rito ang kanyang pagmamahal.

Advertisement