Inday TrendingInday Trending
Isang Pamilya ang Nagparamdam sa Nanay na Ito Kung Gaano Siya Ka-walang Kwentang Ina

Isang Pamilya ang Nagparamdam sa Nanay na Ito Kung Gaano Siya Ka-walang Kwentang Ina

Tatlong taon na sa Saudi ang asawa ni Marita at malaki naman sinusweldo ng lalaki doon. Kaya naman wala na siyang pinagkakaabalahan dito sa Pilipinas kung hindi magpa-facial at magpalinis ng kuko. Hindi na niya kailangan pang kumilos sa bahay dahil sapat na ang sahod ng asawa niya upang kumuha sila ng kasambahay, kasya na rin doon ang bayad para sa yaya na siyang halos nag-aalaga sa dalawang anak ni Marita.

Sobrang excited niya kasi mamayang gabi lang ay susunduin na nila ang kanyang mister sa airport, bayaw niya ang magda-drive sa van na kabibili lamang nila noong isang buwan.

“Anak ha, magki-kiss ka sa daddy pag nakita mo. Wag kang mahihiya, diba nakikita mo naman sya sa videocall?” bilin niya sa anak. Puro ganoon lang siya pero wala siyang masyadong tiyaga sa pag alaga sa bata, sabagay, nang ipanganak niya kasi ang magkapatid ay nanay niya ang nag alaga rito. Noon pa man ay tamad na ang babae.

“Yes mama,” sabi naman ng anim na taong gulang na bata.

“Huy! Ano ka ba Elton! Diba sabi ko sayo, wag na wag mo akong tatawaging mama! Ano ka ba? Baka kung ano na lang ang sabihin pag may nakarinig sayong kilala ako, call me ‘Mommy’ anak,” pagtatama niya rito. Hindi na naman umimik ang bata, ang yaya nito ay tahimik lang ding nakikinig.

“Boy, bilisan mo magdrive. At traffic diyan, Friday pa naman ngayon. Ayan naman kasi ang sinasabi ko sa’yo, dapat inagahan mo. Napakahina mo ring kausap Boyet eh.” pagsesermon niya sa bayaw, na tila ba di iniisip na kapatid ng mister niya ang pinagsasalitaan.

“Pasensya ka na Ate Mari,” sabi nalang ng lalaki. Kalahating oras lang ay nasa airport na sila, ilang minuto silang naghintay hanggang sa natanaw niya na ang mister na tulak-tulak ang mga bagahe nito.

Agad niyang niyakap ito, ganoon rin ang kanyang mga anak. Nang gabing iyon ay kumain muna sila sa labas bago umuwi. Kinabukasan, naisip ni Marita na yayain ang asawa niyang mag-date habang maaga, kapag hinapon kasi ay tiyak na darating na ang mga patay gutom nitong kamag anak na hayok sa pasalubong. Pumayag naman si Bert, ang kanyang mister, dahil na-miss rin nito ang maka-date ang misis.

Pagdating nila sa mall ay sa isang mamahaling restaurant sila kumain, napakatahimik ng lugar at ang tanging maririnig lamang ay ang eleganteng kanta na pinatutugtog doon. Napalingon sila pareho nang isang bata ang biglang nag-ingay.

“Mommy! Ang galing o! Cake!” sabi nito.

“Yes anak! Cake!” masayang sagot rin naman ng nanay nito, samantalang katabi ng dalawa ang isa pang lalaki na sa tingin ni Marita ay ang ama ng bata, nakangiti rin.

Napairap si Marita sabay masid sa pamilya. Hindi naman mukhang mahirap, ang ganda pa nga ng kutis ng babae pero bakit kung makapagdiwang tungkol sa cake ay ganoon na lang? Hindi ba nakakatikim ang mga ito? First time sa restaurant?

Ipapagsawalang bahala niya na sana pero hindi pa rin tumigil ang bata sa pag iingay, hindi na sila makapag usap ng mister niya. Ang ibang bisita ay wala namang masyadong pakialam dahil kung tutuusin di naman iyon nakakaapekto sa pagkain nila pero para kay Marita, nakakainis.

“Mommy, kakain ako’ng kanin o,” sabi ulit ng bata na siguro ay nasa anim na taong gulang na, ka-edad ng isang anak ni Marita. Maya-maya pa ay may inilabas ang mga magulang nitong regalo kaya lalo itong natuwa.

“Wow! Gift! Mommy, sana marami pa akong matatanggap na gift sa mga next birthday ko po ha?” sabi ng bata, nakangiti namang tumango ang mag asawa, medyo naluluha pa.

Sus, para yun lang,ang aarte sa isip-isip ni Marita.

“Mommy, don’t cry. Please don’t cry..” sabi ng bata nang mapansin naiiyak ang kanyang ina. Hinawakan naman ng lalaking katabi ang kamay ng babae at isinandal ito sa dibdib nito.

Di na napigilan ni Marita ang sarili, patayo na siya nang table at akmang pipigilan pa siya ng mister,”Honey, hayaan mo na. Bata yan eh,” saway nito.

“Yun na nga eh, habang bata dapat matuto ng manners,” di nagpaawat si Marita at lumapit sa table ng mga ito.

“Excuse me,” paunang salita niya. Agad namang lumingon ang mag asawa, mabilis na pinahid pa ng babae ang mga luha nito. Magalang na nagsalita ang lalaki,”Yes po?”

“Siguro naman po aware kayo na may iba ring kumakain dito ano? Please discipline your child, nakaka-distract siya. Kung anak ko yan, pinalo ko na yan. Hindi ko sure kung paano kayo nakakakain na maingay siya, when this is should be a peaceful place. Sana sa fast food kayo kumain.” sabi niya na nakataas pa ang kilay.

“Pasensya na po,” sabi lang ng lalaki, ang bata naman ay nakamasid na ngayon sa kanya. Ngayon niya lamang napansin na medyo nangingitim ang ilalim ng mga mata nito at nakasuot pa ito ng bandana, tila ba walang buhok. Bagamat mahahalatang babae ito dahil sa malambot na bukas ng mukha at sa hikaw na suot. May hawak rin itong manika.

“P-Pasensya na,” dagdag paliwanag naman ng babae, tumayo pa ito at sinubukang bulungan siya. Mahina lamang para di marinig ng bata pero malakas na para maabot ng tenga niya.

“M-may taning na po kasi ang buhay ng aming anak, kaya pinasasaya namin siya. Busy kami pareho ng aking asawa at di namin siya natutukan, ngayon kami bumabawi kasi.. baka huling birthday na niya.”

Doon tila nabuhusan ng malamig na tubig si Marita, agad siyang humingi ng tawad sa pamilya. Samantala, agad niyang niyakag ang asawa na umuwi na muna. Kahit sa susunod nalang sila mag-date, marami pa namang araw. Pag uwi sa bahay ay agad niyang niyakap ang mga anak, kasama nga kasi siya ng mga ito sa bahay pero parang wala rin siya dahil di naman siya nag aalaga sa mga ito at ipinagkakatiwala niya lamang sa yaya.

Ayaw niyang mahuli ang lahat bago iparamdam sa kanyang pamilya na mahal na mahal niya ang mga ito.

Advertisement