Inday TrendingInday Trending
Pinutol ng Lalaki ang Ugnayan sa Magulang Dahil Istorbo ang Mga Ito sa Pagtupad ng Pangarap; Sa Huli’y Nalaman Niyang Nagkamali Siya sa Desisyon

Pinutol ng Lalaki ang Ugnayan sa Magulang Dahil Istorbo ang Mga Ito sa Pagtupad ng Pangarap; Sa Huli’y Nalaman Niyang Nagkamali Siya sa Desisyon

Nag-iisang anak lamang si Harry ng kanyang mga magulang, may edad na ang mga ito nang ikasal kaya naman kahit pitong taong gulang pa lamang siya ay 42 years old na ang kanyang ama, habang 37 years old naman ang kanyang ina. Sabik sa bata ang dalawa kaya hindi kinapos si Harry sa atensyon, lahat yata ng hilingin niya ay madali niya lamang nakukuha.

“Daddy, nakita ko sa TV ang saranggola, gawa tayo tapos palipad tayo please,” paglalambing niya sa ama habang nag aalmusal sila.

“Oo naman, di mo naitatanong anak. Magaling ako’ng gumawa niyan noong maliit pa ako,” sabi ng ama.

Napapalakpak ang bata, may maliit silang grocery kaya di na kailangang magtrabaho ang daddy niya. Sapat na ang pumapasok na pera mula sa kanilang negosyo para tustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya sa araw araw, tumutulong na lang ito sa kanyang ina na magbantay doon.

“O mommy, aalis kami mamaya ni Harry ha?” masuyong sabi ng ama sa misis.

Nakangiti namang tumango ang babae, sobrang ligaya ng puso nito na makita ang mag amang malapit sa isa’t isa.

Sinuwerte ang mag ama dahil nang hapong iyon ay mahangin sa park, Malaki ang ginawang saranggola ng tatay ni Harry kaya tuwang tuwa ang bata. Sinimulan na nitong paliparin ang saranggola, matayog iyon at tila ba gustong kumawala sa tali.

“Daddy, siguro po kapag tinanggal natin ang tali mas tataas pa ang lipad ng saranggola, makakapunta sa malayo..” sabi ng bata sa kanyang ama.

Napangiti naman ang lalaki,” sige gupitin natin,” humiram sila ng gunting sa isa sa mga nagtitinda ng meryenda ang ginupit ang tali ng saranggola.

Lumipad nga ito nang mas mataas, pero di nagtagal ay unti unti rin itong bumagsak, hanggang sa sumabit nalang ito sa isang poste.

Makalipas ang 17 taon.

“Anak kailan ka dadalaw dito sa amin ng Mommy mo?” tanong ng tatay ni Harris, nasa probinsya ang mga ito at mayroon pa ring maliit na grocery. Habang siya naman, sa Maynila nagkolehiyo at dito na rin nakakuha ng magandang trabaho, kaya naman sa halip na umuwi pa ay kumuha nalang siya ng apartment na malapit sa pinapasukan.

“Dad, busy pa ako sa trabaho eh, alam ninyo naman kailangan kong magpasikat para ma-promote agad,” sabi niya sa matanda.

“Sige, e kung kami nalang kaya ng mommy mo ang dumalaw riyan sa iyo? Miss na miss ka na namin, aba, nalimutan mo na yata kami,” sabi nito, may tono ng pagtatampo sa boses.

“Come on dad, wag ninyo namang gamitin sa akin ang boses na yan. Gustuhin ko mang umuwi ay di talaga pwede. Kung pupunta naman kayo dito ay di ko rin kayo maaasikaso,halos di na nga ako makapamalagi dito sa bahay. Pag-uwi ko ay tulog ako agad sa sobrang pagod, madalas akong mag overtime.” paliwanag niya rito, umaasang maiintindihan siya ng ama.

“Basta ingatan mo ang sarili mo anak, narito lang kami ng mommy mo,” sabi nito, tinapos na nila ang tawag.

Ginalingang mabuti ni Harry sa kanyang trabaho, palagi siyang OT. Kapag may hinihiling ang boss niya ay agad siyang nagpiprisintang siya na ang gagawa, kapag may iniuutos sa kanyang project na tatapusin pinakamatagal na ang dalawang araw sa kanya para tapusin iyon. Ganoon niya kagusto ang ma-promote.

Kapag tumatawag ang kanyang ama ay di niya na ito sinasagot, siguro ay mag-iisang buwan na. Wala naman kasi itong ibang gagawin kung hindi ang kulitin siyang umuwi, bagay na imposible. Narito ang buhay niya, ang trabaho niya, ang kasiyahan niya. Nakakaistorbo lang ang dalawang matanda at masyado na siyang maraming iniisip para dumagdag pa ang mga ito.

Di nagtagal ay nakamit niya rin ang pinaka-aasam na promotion, masigabong palakpakan ang umalingawngaw sa opisina nang ia-announce ng kanyang boss na siya na ang napiling maging bagong supervisor, ngiting ngiti si Harry habang kinakamayan ang amo.

Lalo siyang naging busy sa unang linggo ng pagiging supervisor. Ngunit isang gabi, bigla nalang naitanong ni Harry sa sarili..

Nakuha ko na ang gusto ko.. bakit hindi ako masaya?

Saka dumapo ang tingin niya sa kanyang cellphone, nami-miss niya ang kanyang mga magulang. Bigla niyang naalala ang kanyang kabataan, wala pala siyang pinagkaiba sa saranggolang pinalilipad niya noon.

Nagkamali siya sa pag-aakalang kapag pinutol niya ang ugnayan sa mga magulang dahil istorbo ang mga ito sa kanyang paglipad pataas, dahil hindi naman talaga sagabal ang mga ito sa kanyang tagumpay.

Ito pa nga ang nagsilbing gabay para sa kanya, kaya heto siya ngayon, tulad ng saranggola. Sandaling nakarating sa tuktok na wala ang tali, pero bumagsak rin. Hindi niya nahanap ang tunay na kaligayahan sa tagumpay.

Dinampot niya ang cellphone at agad i-denial ang number ng ama.

“Hello, dad? Uuwi po ako dyan ngayon,” nakangiting sabi niya.

Labis ang kasiyahan ng kanyang ama nang marinig ang balitang iyon. Sa wakas ay makakasama na nila ang kanilang anak. Sa katunayan ay hindi nila nakitang pagkakamali ang nagawa ng anak. Ang alam nila ay nagpursige ito upang magtagumpay sa buhay.

Ang magulang nga naman, mas pinipiling hanapin sa puso nila ang kabutihan ng anak kaysa ang pagkakamali nito.

Advertisement