Inday TrendingInday Trending
Walang Alipin Kung Walang Magpapaalipin

Walang Alipin Kung Walang Magpapaalipin

Masaya sa pagtitinda ng mga prutas at gulay sa bangketa ang mag-inang Aling Ester at Esra. Alas kuwatro pa lamang ng umaga ay nakapwesto na sila sa mataong bangketa sa labas ng palengke. Hindi nila kayang umupa ng pwesto sa loob. Masyado na itong mahal.

Kung ano-anong prutas at gulay ang laman ng kariton ng mag-ina, batay sa napapanahong prutas. Minsan rambutan, poncan, mansanas. lansones, talbos ng kamote, kangkong, alugbati, replyo, kamatis, luya, sibuyas, bawang, at marami pang iba. Bitbit nila ang isang makalumang timbangan at mga plastik na lalagyan.

Kapag alas siyete na ng umaga, iniiwan na ni Esra ang ina dahil kailangan niyang pumasok sa eskwela. Grade 5 na siya sa pampublikong paaralan. Mataas ang pangarap ni Esra. Gusto niyang maging guro. Naiisip niyang kapag nakatapos siya ng pag-aaral, bibilhan niya ng pwesto ang ina sa palengke.

Punumpuno ng takot at pangamba ang mga nagtitinda sa naturang palengke dahil sa grupo ni Alyas Kalansay. Si Alyas Kalansay, na may halong dugong bughaw ngunit sa Pinas lumaki, ay kinatatakutan dahil humihingi siya ng tig-isanlibong piso sa lahat ng mga nagtitinda sa loob at labas ng palengke. Kapag hindi sila nag-iintrega, ginugulo ng mga tauhan nito ang kanilang mga paninda at pinagbabantaang sasaktan sila, lalo na ang mga kaawa-awang nagtitinda lamang sa bangketa.

“Nanay ingat ka po kay Alyas Kalansay. Papasok na po ako,” paalam ni Esra sa kaniyang nanay bago pumasok sa eskwela.

“Ingat ka anak,” sabi ni Aling Ester sa anak. Hinalikan niya ito sa pisngi at binigyan ng baon si Esra. Hinatid niya ng tingin ang anak.

Mga bandang tanghali, malapit nang maubos ang mga paninda ni Aling Ester. Darating na rin mula sa eskwela si Esra.

“Ester, Ester… nabalitaan mo ba ang nangyari kay Mang Tinoy na nagtitinda ng isda sa loob?” tanong ng kapwa-tinderang si Aling Cion kay Aling Ester.

“Hindi. Anong nangyari?” usisa ni Aling Ester kay Aling Cion.

“Binugbog. Pumalag kay Kalansay. Hindi nagbigay ng intrega. Nakakatakot talaga ang grupo ni Kalansay. Doble-ingat tayo ha. Hindi namimili iyan ng pagtitripan,” babala ni Aling Cion sa kaibigan. Doble naman ang pag-iingat ni Aling Ester sa tuwing napapadaan ang grupo ni Kalansay. May protektor umano itong mga pulis.

Nahinto sa pagsasalita si Aling Cion nang mamataan ang grupo ni Kalansay. Naglilibot-libot ito upang makahanap ng bagong mabibiktima. Kumalma lamang si Aling Ester upang hindi mapansin ni Kalansay.

Subalit isa sa kaniyang mga tindang mansanas ang nalaglag at hindi sinasadyang gumulong sa paanan ni Kalansay. Hinabol ito ni Aling Ester. Inapakan naman ni Kalansay ang gumulong na mansanas.

“Hoy tanda. Kumusta? Parang hindi ka na nagbibigay sa akin ah” mabalasik na tanong ni Kalansay. Napasulyap si Aling Ester kay Aling Cion. Umiling-iling ito. Napaantanda rin.

“Wala akong dapat ibigay sa iyo. Tama na ang isang beses,” buo ang loob na tugon ni Aling Ester.

“Kailangan mong mag-intrega sa akin,” nakangising sabi ni Kalansay.

“At bakit ko gagawin iyon? Diyos ka ba rito?” matapang na tanong ni Aling Ester.

Nagkatinginan naman si Kalansay at ang mga tauhan nito. Naghagalpakan sila.

“Hindi mo na ba ako kilala tanda? Pwes magpapakilala ulit ako sa iyo,” dinurog ni Kalansay ang inapakang mansanas sa pamamagitan ng kaniyang kanang paa.

“Ganyan ang mangyayari sa iyo kapag hindi mo sinunod ang gusto ko,” sabi ni Kalansay.

“Hindi ako natatakot sa inyo,” sabi ni Aling Ester at bumalik na sa kaniyang pwesto.

“Matapang ka na ngayon ah. Sige. Paano kung ang maganda mong anak ang kunin namin? Pumapatol kami sa bubwit. Pwedeng-pwede na ang anak mo,” nakalolokong sabi ni Kalansay kay Aling Ester.

Kinabahan si Aling Ester. Naalala niya si Esra. Hindi pa ito dumarating. Kanina pa dapat ito nasa pwesto mula sa eskwela.

“Pwede ninyong kunin ang lahat sa akin huwag lamang ang anak ko! Mga hayop!” galit na pagbabanta ni Aling Ester kahit ang totoo’y takot na takot na siya.

“Paano ko kukunin ang anak mo eh nasa akin na? Alam ko kung saan siya pumapasok,” sabi ni Kalansay sabay tawa. Humalakhak din ang mga tauhan nito.

Nagpuyos ang kalooban ni Aling Ester. Kinuha niya ang kaniyang mga natitirang prutas at pinagbabato sa mga mukha nina Kalansay at mga tauhan nito. Pinuntahan niya ang pwesto ni Aling Cion at kumuha ng isang dosenang itlog na tinda nito. Pinagbabato niya ang mga ito sa mukha ng mga siga.

Sinamantala naman ito ng kalalakihang tindero sa palengke. Dinaluhong nila ang pangkat ni Kalansay. Kinuyog nila ang mga ito. Suntok, bugbog, sipa, hampas, sapak, at pananakit ang natamo nila. Dumating ang mga pulis at inawat ang kaguluhan. Dinampot nila ang pangkat ni Kalansay.

“Nay? Anong nangyari?”

Napalingon si Aling Ester sa kaniyang likuran nang marinig ang maliit na tinig ng anak. Agad niya itong niyakap at hinaplos-haplos ang ulo.

“Saan ka ba galing Esra? Bakit ngayon ka lang? Akala ko’y napaano ka na?” naluluhang tanong ni Aling Ester sa anak.

“May ginawa lang po kaming project nanay. Pasensya na po,” sagot ni Esra.

Muling niyakap ni Aling Ester ang anak na babae. Sa wakas at wala nang maghahasik ng lagim sa palengke. Magiging matiwasay na ang kanilang pagtitinda. Napagtanto niyang walang magiging alipin ng takot kung walang magpapaalipin sa takot na dulot ng ibang taong walang magawang matino sa buhay.

Advertisement