Mahilig makipag-chat at makipagkilala sa mga dayuhang lalaki si Delia. Ilang dating apps na rin ang na-download niya upang mabigyan ng pagkakataong makakilala ng ibang dayuhang mapapangasawa at mag-aahon sa kaniya sa kahirapan.
Tatlo sa kaniyang mga dating kaklase sa hayskul ang nakapangasawa ng mayamang dayuhan. Swertihan lamang talaga. Ang isa ay nakatisod ng Australian na may-ari ng BPO company sa bansang pinagmulan nito. Ang isa naman ay nakakilala ng Tsino na negosyante naman ng alak. Ang isa naman ay sundalong Amerikano at dinala pa ito sa US.
“Naniniwala akong nasa ibang bansa ang kapalaran ko” nangangarap na sabi ni Delia sa kaibigang si Opaline. May asawa na si Opaline na isang Pilipino.
“Ano bang gusto mong lahi?” tanong ni Opaline.
“Kahit ano. Basta yung malaki,” pilyang tugon ni Delia.
Namilog ang mga mata ni Opaline, “Malaki ang ano?”
“Malaki ang pagmamahal sa akin at malaki ang laman ng bulsa,” sagot ni Delia.
“Akala ko naman kung anong malaki. Gusto mong mawarak?” natatawang babala ni Opaline kay Delia.
Lahat ng mga nagtangkang manligaw at makipagkilalang Pilipino kay Delia ay hindi niya pinapansin. Katwiran niya, pang-ibang bansa ang kaniyang ganda. Karamihan nga sa mga nakikipagkilala kay Delia ay mga puti dahil sa kaniyang kulay-kayumanggi. Pilipinang-Pilipina kasi ang dating ni Delia.
Isang gabi, habang papatulog na si Delia at nakahiga na, isang dayuhang puti ang naka-match niya sa dating app. Binasa niya ang profile nito. Alex Browndale. Isang Amerikano, at tila sa mga ibinahagi nitong larawan, isa itong negosyante. Gwapo, maskulado at matangkad. Natipuhan kaagad ito ni Delia. Agad siyang nagpadala ng mensahe, “Hello and thank you for swiping right. We matched.”
Ilang saglit lamang ay tumugon kaagad ang dayuhan. “Hello. What’s up? I’m Alex.”
Nakaramdam ng kilig si Delia. Tumugon siya rito hanggang sa umabot ng alas tres ng umaga ang kanilang pagchachat. Napag-alaman at nakompirma ni Delia na si Alex ay dating sundalong Amerikano, at ngayon ay isa ng negosyante na may kinalaman sa real estate.
Tumagal nang halos tatlong buwan ang kanilang pag-uusap sa pamamagitan ng chat. Sinubukang hingin ni Delia ang Facebook account nito subalit wala raw itong ganoon dahil na-hack noong sundalo pa ito. Sa Viber na lamang sila nag-usap sa pamamagitan ng “call” dahil sira daw ang front camera ng cellphone ni Alex. Nagpapadala na lamang ito kay Delia ng iba’t ibang mga larawan niya na kuha diumano ng ibang tao sa kaniya.
Sumapit ang kaarawan ni Delia. Hiniling niya kay Alex na sana ay magkita na sila.
“When do you plan to see and meet me, my love?” tanong ni Delia kay Alex.
“I can’t. I have so many things to do here. But I have special gift for you,” sabi ni Alex. Padadalhan daw niya si Delia ng isang parcel na naglalaman ng bagong laptop, bagong cellphone, mga alahas, relos, at 30,000 dolyar. Halos mamilog ang mga mata ni Delia lalo’t nagpadala pa ito ng larawan ng isang parcel na naglalaman ng mga binanggit nitong bagay.
“Thank you very much my love! You are so generous! I can’t wait to see and hug you!” kinikilig na sabi ni Delia sa dayuhan.
Kinuha ni Alex ang tirahan at numero ng cellphone ni Delia sa Pilipinas. Ipadadala raw niya ang naturang parcel. Kinabukasan daw ay may tatawag sa kaniya mula sa FedEx upang makuha na niya ang padala. Hindi makatulog si Delia sa kaniyang pagkasabik.
Tinawagan niya ang mga taong pinagkakautangan niya at buong pagkasabik na sinabing makababayad na siya sa kaniyang mga utang. Nilista niya sa kaniyang kuwarderno ang mga bagay na gagawin at bibilhin niya kapag nakuha niya ang 30,000 dolyar na may katumbas na isa’t kalahating milyong piso. Instant milyonarya na siya!
Kinabukasan nga ay may tumawag sa kaniya. Dumating na raw ang kaniyang parcel mula sa isang nagngangalang Alex Browndale mula sa America. Dahil malaking halaga raw ang laman ng parcel, kailangan daw muna niyang magbayad ng 20,000 piso upang makuha ito.
Bumilis ang tibok ng puso ni Delia. May ganoon siyang halaga ng pera sa bangko mula sa ilang taon niyang pag-iipon. Naisip niya, balewala lang naman ang ganoong halaga kumpara sa milyones na maibibigay sa kaniya ni Alex.
Matapos ma-withdraw ang 20,000 piso, nagtungo siya sa isang remittance center at ipinadala sa ibinigay na address ng tumawag ang pera. Maghihintay pa raw siya ng dalawang araw bago matanggap ang parcel na ipadadala sa kaniya.
“Have you received my gift for you, my love?” tanong ni Alex.
“Yes! I already paid 20,000 pesos and I’m just waiting for the company to deliver it,” tugon ni Delia.
Subalit lumipas ang tatlong araw hanggang isang linggo na walang parcel na dumating sa kaniya. Nababalisa na si Delia. Natuklasan din niyang naunmatch na siya ni Alex sa dating app at hindi na rin nagriring ang Viber nito. Natuklasan niyang bogus lamang pala ang lahat matapos niyang ibahagi ito kay Opaline. Isinumbong nila sa NBI ang mga nangyari subalit hindi na rin ma-trace ang address at ang taong pinagpadalhan niya ng kaniyang 20,000 piso.
Halos manlumo si Delia dahil sa malinaw na siya ay naloko. Nagsilbi itong aral sa kaniya na huwag basta-basta magtitiwala sa mga taong hindi pa lubusang kakilala, lalo na sa mga nakikilala sa online o dating apps.