“Kuya, saan ka pupunta?” tanong ng kapatid ni Francis sa kaniya nang makita siya nitong lalabas ng bahay nang hapong iyon.
“Bibili lang ako ng yosi, diyan ka lang, ha?” bilin niya naman sa trese anyos na kapatid bago siya tuluyang naglakad palabas.
Malaking lalaki si Francis. Maton na maton ang dating niya na animo mangangain ng buhay kapag siyaʼy kinanti o kinalaban ng sinuman. Ngunit kabaliktaran niyon ang tunay na pagkatao niya. Ang totoo ay napakabuti ng kaniyang kalooban. Isa siyang mabait na kapatid at maaawaing tao sa kaniyang kapwa.
Napadaan siya sa gilid ng isang dulo ng overpass sa kanilang lugar. Medyo umaambon noon kaya naman tila nakikisilong doon ang taong grasang may katagalan nang pagala-gala sa kanilang lugar. Kaya nga lang, mukhang pinuntirya itong pag-trip-an at gawan ng kalokohan ng ilang mga tambay na kabataan. Pinagpapasa-pasahan kasi nila ng tulak ang mismong taong grasa na may sakit pa sa pag-iisip. Agad namang nakaramdam ng awa si Francis dito.
“Hoy! Tigilan nga ninyo ʼyan!” may riin at ma-otoridad niyang saad, gamit ang malaki niyang tinig. Napalingon naman sa kaniya ang mga kabataang iyon at agad na natakot, lalo na nang mamataan ng mga ito ang tattoo sa kaniyang naglalakihang mga braso. Nakadagdag kasi iyon sa lakas ng dating niya para mabilis na matakot ang naturang mga kabataan. Kumaripas na ng takbo papalayo ang mga bata.
“Ayos ka lang ba?” May pag-aalala sa tinig ni Francis. Tumango naman ang taong grasa kahit pa tila natatakot din ito sa kaniya.
“Huwag kang matakot. Hindi kita sasaktan. Nagugutom ka ba?” muli ay may pag-aalalang tanong ni Francis dito.
Iminustra naman ng taong grasa ang kumululo nga niyang tiyan.
“Sige. Halika, sama ka sa akin. Bibili tayo ng pagkain.”
At iyon nga ang ginawa ni Francis. Bumili siya ng tatlong putaheng ulam sa karinderya ni Aling Tasya upang pagsalu-saluhan nila sa bahay. Nakaligtaan na nga niya ang tunay na pakay kung bakit siya lumabas ng bahay.
“Kuya, ʼyan ʼyong taong grasa sa labas, ʼdi ba? Bakit naisipan mong dalahin siya rito?” takang tanong ng kapatid ni Francis na si Francia.
“E, binu-bully ng mga tambay doon sa labas. Tapos nalaman kong gutom pala kaya inimbitahan ko na rito. Kawawa naman, e,” katuwiran naman ni Francis.
“Si kuya talaga. Ang laki-laki mong mama, ʼtapos napakalambot ng puso mo. Tandaan mo, kuya, hindi charity itong bahay natin. Pang-ilan na ʼyan, e.” May himig ng pagkadismaya sa tinig ni Francia.
“At bakit? Wala namang masama kung malambot ang puso ko sa mga kawawang tao, ʼdi ba? Paano kung ikaw o ako ang nalagay sa sitwasyon niya? Ayaw mo ba na may tutulong sa iyo? Pasalamat ka, dahil nandito ako para buhayin ka, pero ang mga katulad nila, walang kuyang masasandalan. Imbes na pandirihan moʼt ituring na pabigat, dapat mas inuunawa mo sila, kasi ikaw ang mayroon,” instant pangangaral tuloy niya sa batang kapatid na noon ay agad namang natahimik at napaisip sa sinabi niya.
Bago sila magsimulang kumain ay tinulungan muna ni Francis na maligo ang taong grasa sa kanilang banyo. Pagkatapos ay pinahiram din niya ito ng damit. Preskong-presko na ang pakiramdam ng kaninaʼy madungis na taong grasa.
Ngunit mayroong napansin si Francis dito. Para sa isang taong grasa ay maputi pala ang balat nito. Isa pa, matangos din ang ilong nitoʼt may mapupulang labi… sa totoo lang, mukha itong anak mayaman. Nagulat din sa nakita ang kapatid na si Francia, pagkatapos ay pinakatitigan nito ang kanilang bisita habang sila ay kumakain.
“Kuya, parang nakita ko na siya. Hindi ko lang gaanong matandaan kung saan at kailan,” sabi ni Francia.
Maya-maya paʼy dali-dali nitong kinulikot ang kaniyang cellphone. Nagulat na lang si Francis nang sumigaw ito ng, “Aha! Alam ko na kung saan ko siya nakita, Kuya!”
Napag-alaman ng magkapatid na ang taong grasa palang ito ay ang nawawalang anak ng isang bilyonariyo! Matagal na palang pinaghahahanap ng pamilyang iyon ang kanilang nag-iisang heredero!
May takot mang nararamdaman ay agad na ipinagbigay alam ng magkapatid sa pulisya ang kinaroroonan ng herederong nagngangalan palang Peter kayaʼt mabilis silang natunton ng pamilyo nito.
“Maraming-maraming salamat sa inyo. Utang ko sa inyong magkapatid ang buhay ng anak ko!” laking pasasalamat ng ama ni Peter na personal pang dumalaw sa kanilang bahay kahit pa nakatira lamang sila sa isang squaterʼs area.
“Wala pong anuman. Ang totoo po, matagal-tagal na siyang pagala-gala diyan sa labasan. Iyon nga lang po, nagkaroon lang ako ng pagkakataong tulungan siya nang makita kong kinukursunada siyang pag-trip-an ng ilang tambay na kabataan diyan,” paliwanag ni Francis.
Dahil sa ipinakita niyang kabutihan ay minabuti rin iyong suklian ng bilyonaryong ama ni Peter. Bilang gantimpala ay inalok sila nito ng bahay at lupa, perang pang-negosyo at scholarship para kay Francia. Sinubukan iyong tanggihan ni Francis, ngunit naging mapilit ang mabubuti ring kapamilya ni Peter. Isa pa, talagang nararapat lang para sa isang matulunging taong katulad niya na makatanggap ng ganitong gantimpala.
Iyon na ang simula ng mas pag-ayos ng buhay nilang magkapatid at dahil iyon sa kabutihan ng puso ni Francis.