Babae Nakipaghiwalay sa Nobyo nang Maging Construction Worker Ito, Laking Pagsisisi Niya Makalipas ang Ilang Taon
Matuturing na high school sweethearts si Miguel at si Irene. Ikalawang taon pa lamang nila sa high school ay inspirasyon na nila ang isa’t isa.
Marami nang plano ang dalawa pagtungtong nila ng kolehiyo. Matagal nang gusto ni Miguel maging engineer at si Irene naman ay maging isang flight attendant. Mayroon na ding napiling eskwelahan ang dalawa at napagusapan na nila na kahit magkahiwalay sila ng papasukan ay patuloy pa rin ang kanilang komunikasyon.
Matalino si Miguel kaya naman libre ang kanyang paaral ng high school.
Ngunit dahil galing siya sa mahirap na pamilya ay hindi na siya kayang pagaralin ng kanyang tatay ng kolehiyo.
At kahit gusto niyang magpatuloy, wala itong magawa kundi isuko na lamang muna ang pangarap niyang magkolehiyo at ang pangarap niyang maging engineer.
Namasukan siya bilang isang construction worker para makatulong sa pamilya.
“Pasensya ka na Irene ha, alam ko marami tayong pangarap para sa atin. Kaso lang mas kailangan ng pamilya ko ang tulong ko ngayon,” malungkot na sabi nito sa nobya.
“Wala naman akong magagawa, pero sana ay huwang kang sumuko sa pangarap mo,” sagot naman ng dalaga.
Sa unang buwan ng pagtatrabaho ng lalaki bilang construction worker ay sinuportahan ito ng kanyang nobya.
Hanggang sa dumating ang araw na inimbitahan ng pamilya ni Irene si Miguel sa kanilang tahanan sa isang masarap na hapunan.
“Magandang gabi po, salamat po ulit sa pag-imbita Mr. Ramirez,” magalang na sambit ng binata bago pumasok ng tahanan ng mga Ramirez.
“Halika rito sa loob, kamusta ka na pala iho?” bati ng nanay ni Irene.
“Ah, mabuti naman ho ako, medyo pagod lang ho sa trabaho pero okay naman po,” sagot ng binata.
Nagkatinginan ang mag-asawa. May halong pagtataka dahil ang alam nila’y nag-aaral ang nobyo ng kanilang anak.
“Ah, working student ka iho?” nakangiting tanong ng nanay ni Irene.
“Hindi po. Bale hindi na po muna ako nag-aral dahil wala pang pangpaaral ang tatay ko. Nag co-construction ho ako ngayon,” nakangiting sagot ng binata.
“Ha? Construction worker ka?” tanong ng tatay ni Irene na may halong pang-iinsulto.
“Oho,” at ito na lamang ang naisagot ng binata.
Naging tahimik ang kanilang hapunan at hindi na nila muling pinag-usapan ang trabaho ni Miguel.
Nang ihatid ni Irene si Miguel palabas ng kanilang bahay ay minabuting kausapin na ng dalaga ang binata, “Migs, sorry.”
“Anong sorry? Para sa’n?” nagtatakang tanong ng binata.
“Hindi na natin puwedeng ipagpatuloy ang relasyon natin,” nakayukong sabi nito.
“Bakit? May nagawa ba akong mali?” tanong ng binata.
“Wala Migs, pero nakita ko kung paano ka tignan ng mama at papa ko. Hindi nila hahayaang makipag-relasyon pa ako sa isang construction worker, pasensya ka na,” anito.
Bago pa man makasagot si Miguel ay naisarado na ni Irene ang kanilang pintuan.
Masakit man sa binata ay pinili pa rin niyang magpatuloy sa buhay.
Ilang taon rin ang lumipas at nagkaroon siya ng oportunidad na magtrabaho sa ibang bansa. Siya’y nakaipon at nagpunta sa Taiwan para magtrabaho.
Dahil ang kanyang kontrata’y apat na taon lang, umuwi muna siya para magbakasyon.
Sa kanyang pagbabakasyon ay nakapagpatayo siya ng bahay para sa kanyang mga magulang.
Ngunit ang pinakamagandang nangyari sa kanyang pag-uwi ay nang makilala niya si Judy.
Di naglaon ay sila’y naging magkasintahan. Si Judy ay galing rin sa mahirap na pamilya. Kaya naman naintindihan niya kung bakit kinakailangang magtrabaho ng nobyo imbes na mag-aral.
Matapos ang ilang buwan ay nangibang bansa muna ulit si Miguel. Marami pa siyang plano bago bumuo ng sariling pamilya kasama si Judy.
At sa kanyang pagsisipag, nagbunga rin naman ang lahat dahil siya’y nakapagpatayo ng sarili niyang construction firm.
Pagbalik niya ng Pilipinas ay nagpasya na silang magpakasal ni Judy at bumuo ng sariling pamilya.
“Hon, meron pala akong kaibigan gusto raw sanang magpagawa ng bahay, pwede ba natin siyang i-meet?” sabi ni Judy sa kanyang asawa.
Kinabukasan ay nagulat si Miguel dahil ang kaibigang tinutukoy ni Judy ay ang dating kasintahan ng lalaki na si Irene.
Laking gulat rin naman ni Irene nang makitang naging sagana ang buhay ng dating kasintahan kahit pa ito’y hindi nakapagkolehiyo.
“Magkakilala pala kayo?” nakangiting tanong ni Judy kay Miguel at Irene.
“Oo, hon, hindi ko alam na magkaibigan pala kayo ni Irene,” wika ng kanyang asawa.
“Eh pa’no ko ba naman kasi maikukwento sa’yo lahat kung palagi kang busy sa trabaho,” malambing na sagot ni Judy.
Nagkakwentuhan ang tatlo ngunit kitang kita ang labis na panghihinayang ni Irene na tinapos niya ang kanyang relasyon kay Miguel.
Habang ang lalaki ay masayang kinasal, si Irene naman ay wala pa ring nobyo hanggang ngayon dahil naging mapili ang mga magulang niya sa kanyang mga manliligaw.
Kitang-kita naman ang saya ni Miguel at ramdam din ang tunay na pagmamahal niya sa kanyang asawa. Dahil kahit hindi ito nakatapos ng kolehiyo at galing siya sa mahirap na pamilya, ang suporta sa kanya ni Judy ang naging daan para siya’y mangarap ng magandang buhay.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito? I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino. Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!