Inday TrendingInday Trending
Kasabay ng Pagkawala ng Kanilang Anak ang Pagkawala ng Kanilang Pag-asa, Ngunit sa Hindi Inaasahang Pagkakataon ay Nakatanggap Sila ng Magandang Balita

Kasabay ng Pagkawala ng Kanilang Anak ang Pagkawala ng Kanilang Pag-asa, Ngunit sa Hindi Inaasahang Pagkakataon ay Nakatanggap Sila ng Magandang Balita

Nagsimula ang relasyon ni Eric at Liz noong sila’y nasa kolehiyo pa lamang. At noong narating nila ang ika-walong taon ng kanilang relasyon ay nagpasya na rin silang magpakasal.

Sa susunod na buwan lamang ay kanilang ipagdiriwang ang pang-apat na taon ng kanilang pagiging mag-asawa.

“Saan mo gustong pumunta, hon?” tanong ni Eric sa kanyang misis.

“Alam mo namang masaya na ‘ko basta kumakain tayo,” natatawang sagot ni Liz.

Maraming nagtatanong kung paano umabot ang mag-asawa ng ganoong katagal. Ang palagi nilang sagot ay sadyang mahal lang nila ang isa’t isa at masaya sila sa relasyon na mayroon sila.

May mga nagtatanong rin kung kailan ba sila mag-aanak? Tuwing reunion ng kani-kanilang pamilya ay hindi nawawala ang tanong na, “Ano na? May anak na ba kayo?”

Ang totoo niyan, hindi makasagot ang mag-asawa dahil matagal na rin nilang gusto ang magkaroon ng maliit na Liz o maliit na Eric.

Yun nga lang ay hindi ito nagiging madali lalo na para kay Liz dahil mayroon siyang PCOS.

Sa kasalukuyan ay palagi namang bumibisita ang misis sa kanyang doktor upang magamot ito.

Alam rin ng kanilang doktor na gustong-gusto na nilang magkaanak.

Gabi-gabi rin maririnig si Eric na nagdadasal na sana’y mabiyayaan na sila ng anak. Para sa kanilang dalawa, ito ang bubuo ng kasiyahan nila.

At dahil sa hindi nila pagsuko, hindi rin nagtagal ay natupad ang kanilang panalangin.

“Hon, parang hindi pa ako nadadatnan ngayong linggo!” nagtatakang sigaw ni Liz.

“Naku icheck mo na ‘yan hon, may nakatabi pa atang PT dyan sa aparador,” kinakabahang sagot ni Eric.

Dalawang linya ang nakita ng mag-asawa kaya naman grabe ang iyak nila. Dumiretso agad sila sa doktor para alamin kung anong susunod nilang dapat gawin.

Naging maayos ang pagbubuntis ng misis noong mga ikaunang buwan hanggang ikatlo. Kahit pa siya ay hilong-hilo at sukang-suka sa umaga ay palagi pa ring makikitang nakingiti si Liz.

Gayon din si Eric. Kapansin pansin ang pagiging masiyahin ng mister at mas bumuti pa ang kanyang pagtatrabaho. Talaga namang pinaghahandaan ang pagdating ng kanilang supling.

Dumating ang ika-limang buwan ng kanilang pagbubuntis. Ito ang buwan kung kailan maaari nilang malaman kung babae ba o lalaki ang kanilang magiging anak.

“Tingin ko talaga hon babae eh, kasi paganda ka ng paganda,” pangungulit ng mister sa kanyang asawa.

“Ewan ko sa’yo. Siguro lalaki ‘to kasi lagi akong naiirita sayo,” wika ng misis kasabay ang pag-irap sa mister nito.

Natawa na lamang ang mister at dumiretso sa kusina para maghanda na ng almusal.

Hindi katagalan ay napabalikwas ito ng marinig ang kanyang misis na sumisigaw, “Eric!!! Bilisan mo!!! Bilis!!!”

“Ha! Ano ba yun! Anong nangyayari?!” pasigaw na tanong nito.

Ngunit nasagot ang kanyang katanungan nang makita ang misis na nakahandusay sa sahig at puro dugo ang binti.

Nagmamadaling dinala ni Eric ang kanyang asawa sa ospital. Maayos ang lagay nito, ngunit sa kasamaang palad, hindi nabuhay ang kanilang lalaki sanang anak.

“Kasalanan ko ‘to, kasalanan ko,” humahagulgol na sabi ni Liz sa nakayakap niyang mister.

Dahil sa labis na paghihinagpis sa pagkawala ng kanilang anak, halos hindi na makausap ang mag-asawa. Pinili na munang magpahinga sa trabaho ni Liz ngunit si Eric ay bumalik agad sa trabaho.

Para sa kanya, mas mabilis niyang makakalimutan ang lungkot kung marami siyang ginagawa.

Marami sa kanilang mga kaibigan at kamag-anak ang ninais na bumisita sa kanilang bahay pero si Liz na ang nagsasabing ayaw na muna nilang tumanggap ng bisita.

“Pasensya na ha, hindi pa talaga ako ready, ayaw ko muna,” madalas na sagot niya sa mga gustong bumisita sa kanila.

Iilan sa mga kaibigan nila ang nagyaya sa kanilang mag-bakasyon para makapag relaks.

Ngunit palagi na lang hindi natutuloy. May isang beses na sana ay papunta sila ng dagat para magliwaliw pero hindi natuloy dahil wala palang drayber at sasakyan.

Mayroon din silang plano na dapat ay mag-oovernight sila sa isang isla, ngunit sa kasamaang palad ay hindi na naman natuloy.

Nauubusan na ng pasensya si Liz dahil pakiramdam niya ay hindi nakikiayon sa kanya ang tadhana.

“Grabe namang buhay ‘to! Gusto ko lang naman munang sumaya!” naiiyak na sigaw nito.

Dumating rin naman ang panahon na makakasama rin sila sa isang hike. Excited ang lahat, maging ang mag-asawa. Pero sa kalagitnaan ng kanilang pag-akyat ay biglang nahimatay si Liz.

Alalang-alala si Eric ng isugod sa ospital ang kanyang misis.

“Kayo ho ba ang asawa?” tanong ng doktor pagpasok ng kwarto ni Liz.

“Ay oho, ano pong nangyari sa asawa ko, kumusta ho siya?” pagaalalang tanong ni Eric.

“She’s fine pero overfatigue lang kailangan niyang magpahinga. Ang buntis hindi dapat nagpapagod, so let her rest lang,” sagot nito.

Hindi makapaniwala ang mister sa kanyang narinig, “ano ho? Buntis?”

“Yes. Based on results, she’s 7 weeks pregnant. Magpahinga lang muna si misis then I will be back later. And congratulations din sa inyo,” nakangiting bati nito bago umalis.

Ngayon mas naintindihan ng mag-asawa na may magandang dahilan pala ang mga planong lakad nila noon, dahil hindi ito makakabuti sa pagbubuntis muli ni Liz.

Mula noon ay mas nagingat na ang mag-asawa hanggang sa magsilang si Liz ng isang malusog na batang babae. Kahawig na kahawig ito ni Liz.

Lumaki ang batang malusog at masiyahin. Lagi din itong top 1 sa klase.

Mula noon ay namuhay sila ng masaya at mapayapa.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement