
Ang Nakakahawang Sakit ni Belinda
Isang kumakalat na balita tungkol sa pagsasalin ng dugo ang gumambala sa isipin ng dalagang si Karla. Nagkaroon kasi ito ng operasyon at kinailangan siyang salinan ng dugo mula sa isang taong hindi naman niya kilala. Ang sabi sa balita ay may isang lalaki daw na may HIV ang nagdonate ng dugo at marami raw ang nahawa rito.
“Paano kung isa pala ako sa mga ‘yon, bes?” sambit ni Karla sa kaniyang matalik na kaibigang si Mira. “Paano kung ang dugong dumadaloy sa akin ngayon ay marumi na pala,” nagugulumihanan niyang wika.
“Huwag ka ngang praning diyan, bes. Ligtas ang isinalin na dugo sa’yo kasi ‘di ba sinisigurado naman ng mga ospital na malusog ang mga nag do-donate ng dugo. Kaya huwag ka nang nega diyan,” tugon ni Mira sa nangangambang kaibigan.
“Sigurado ka ba sa sinasabi mong ‘yan? Kasi nagsaliksik ako, ang nakalagay sa internet ay may window period daw ang HIV at hindi agad ito na dedetect sa dugo ng taong may sakit na ito. Ang sabi pa sa nabasa ko ay apat na linggo raw bago malaman na may ganito ka nang sakit,” sambit ng hindi mapakaling si Karla.
“Kung hindi ka mapalagay siyan ay maaari ka namang magpasuri, bes. Wala nang mawawala sa’yo kung magpapasuri ka ng dugo mo. Hindi naman kita huhusgahan. Kung gusto mo ay samahan pa kita,” wika ni kaibigan.
“Salamat, bes, ah. Siguro ay tama ka. Para matahimik itong utak ko ay ang kailangan kong gawin lamang ay magpasuri. Bukas ay samahan mo na ako agad,” paanyaya niya sa kaibigan.
Kinabukasan ay agad naman siyang sinamahan ng kaniyang kaibigan. Halos malaglag ang puso ni Karla sa kaba habang papasok siya ng klikinika. Hindi niya maiwasan na pag-isipan ang mga taong naroroon. Kaniyang napagtanto na baka ganito na rin ang naiisip sa kaniya ng ibang tao.
“Bes, tama na ‘yan. Hindi naman porket nagpunta sila rito ay may sakit na sila. Tulad mo. Baka nais lang din nilang malaman ang tunay na lagay ng kanilang dugo,” sambit ni Mira.
Hindi nagtagal ay nakuhaan na ng dugo si Karla upang suriin.
“Ipapadala na lamang po namin sa inyo ang magiging resulta ng pagsusuri,” wika ng isang nars sa klinika.
Dahil ilang araw pa bago malaman ni Karla ang resulta ay ilang araw din siyang hindi mapakali.
“Hindi ko na alam ang gagawin ko, bes. Gusto ko nang hilahin ang mga araw para mapanatag na ‘tong kalooban ko,” sambit niya kay Mira.
“Magrelaks ka nga lang diyan. Sa tingin mo ba talaga ay may sakit ka? Mukhang wala naman, bes, sa tingin ko nga ay ginagawa lang yan lahat ng isip mo dahil sa pagkapraning mo,” saad ni Mira.
Ilang araw ang nakalipas at sa wakas ay napadala na kay Karla ang resulta. Dahan-dahan niyang binuksan ang sobre. Nang mailabas niya ang laman nitong papel ay agad niyang isinara ang kaniyang mga mata. Laking gulat niya nang idilat niya ang mga ito ay nakasaad na siya ay positibo.
“Hindi maaari ito!” sigaw ng dalaga. Lubusang nanlumo si Karla at nakaramdam ng galit. Buong araw siyang nagkulong sa kaniyang silid at umaasang panaginip lamang ang lahat. Dahil sa lubusang galit na nararamdaman ay umisip siya ng paraan upang maganti sa mundo.
“Hindi maaaring mangyari sa akin ‘to. Maraming masasamang tao sa mundo at sa akin pa talaga ito nangyari. Anong nagawa kong kasalanan? Nagsisimba naman ako tuwing araw ng linggo. Madalas din akong tumulong sa aking kapwa. Hindi ako naging sakit ng ulo ng magulang ko. Pero sa kabila ng lahat ng iyon ay ito pa ang mangayayari sa akin! Hindi maaari ito! Gusto ko nang m*matay!” umiiyak nitong sigaw.
Dahil alam niyang magiging masama na rin naman ang tingin sa kaniya ng ibang tao kapag nalaman ang kaniyang sakit minabuti ng dalaga na maghiganti. Lumabas siya sa daan nang nakapostura at nagpunta sa mga bar. Wala mang karanasan ay pilit siyang nang-akit ng ilang kalalakihan sa lugar at nakipagniig sa mga ito ng walang proteksyon upang mahawa niya ang mga ito. Sa tingin niya kasi ang mga makamundong lalaking ito ang dapat may sakit at hindi siya.
Nagpatuloy si Karla sa kaniyang gawain. Ilang lalaki na rin ang nagdaan sa kaniyang katawan. Hindi niya ininda ang pangyayaring ito sa kaniya kapiling ang ibat-ibang lalaki sapagkat ang tanging nais lamang niya ay makapaghiganti sa mundo.
Nang malaman ng kaniyang matalik na kaibigan ang sinapit ni Karla ay agad niya itong pinuntahan upang kausapin.
“Wala nang kwenta ang buhay ko, bes. Kaya dapat sabay-sabay na lang kaming m*matay kasama ng mga makamundong lalaking mga nakakasama ko,” wika niya sa kaibigan.
“Kahit na, bes, mali ang ginagawa mo. Imbes na tulungan mo na labanan ito sapagkat nabiktima ka lamang ay ganiyan pa ang ginagawa mo,” pangaral ni Mira. “Saka bago ka nagdesisyon ng ganiyan bakit hindi ka muna kumuha ng isa pang opinyon mula sa eksperto,” dagdag pa ng dalaga.
“Malinaw na malinaw, bes, positibo ang dugo ko sa sakit!” naiiyak na sambit ni Karla. “Tingnan mo!” sabay bato ng resulgta sa kaniyang kaibigan. Agad naman itong tinignan ni Mira.
Laking gulat niya nang makita niya ang resulta.
“Karla, binasa mo bang maigi ito?” sambit ni Mira. Tumango naman si Karla na patuloy pa rin sa pag-iyak.
“Bes, hindi sa iyo ang resultang ito. Ibang pangalan ang nakalagay!” sambit ni Mira.
Nanlaki ang mga mata ni Karla sa kaniyang narinig. Oo nga at hindi man lamang niya tinignan kung kanino nakapangalan ang resulta. Nang makita kasi siya na positibo ito ay agad siyang pinaghinaan ng loob at napuno ng galit. Nag-isip siya kaagad ng masama.
Sising sisi si Karla sa kaniyang ginawa. Naging biktima siya mismo ng kaniyang maling binabalak. Ngayon ay maghihintay siyang muli ng ilang linggo upang magpasuri muli ng dugo. Nasira na ang kaniyang puri at nawalan pa siya ng dangal sa sarili.
May mga mabigat na suliranin ang darating sa ating buhay. Imbes na umisip tayo kung paano tayo makakaganti sa iba ay isipin na lamang natin ang mga paraan kung paano tayo makakabangong muli. Kahit kailan, hindi naitama ng isang mali ang isa pang pagkakamali. Itaas na lamang natin sa Panginoon ang lahat sapagkat siya ang maghihiganti para sa atin.