
Ang Singil ng Kaniyang Pagpapautang
“Aling Barang, baka naman puwede n’yo nang ibalik sa aking yung singsing. Nakabayad naman po ako ngayong araw,” pagmamakaawa ni Manuel, isang tindero sa palengke kay Aling Barang.
“Bakit ko ibabalik sa’yo, eh hindi ka pa nga nakakabayad sa akin ng buo. Kulang pa nang tubo!” galit na tugon ni Aling Barang.
“Sobra naman kayo, Aling Barang. Wala pa naman pong isang buwan ang nakuha ko sa inyong pera at nabayaran ko rin naman. Nasa inyo pa nga ang wedding ring ko, ano pa ba ang gusto ninyo?” wika muli ni Manuel.
“Ah, basta! Kailangan mong bayaran ang tubo kundi rerematahin ko ang singsing mo!” giit ng ale.
Tuso, mapanglamang at gahaman si Aling Barang. Kilala ang babaeng ito sa kanilang lugar na nagpapautang ng may malaking interes. Bumabagsak pa rin sa kaniya ang ibang tao sapagkat mabilis siyang malabas ng salapi lalo na kung may kolateral. Titiisin mo nga lamang ang kaniyang pagbubunganga at hindi makataong kundisyones. Ito ang dahilan kung bakit siya ang huli mong nais na utangan.
Madalas siyang makikita sa tuwing umaga sa may palengke na nag-iikot at naniningil. Kung ikaw makakapagliban ng hulog ay asahan mo nang may kaakibat itong kahihinatnan.
“Lydia, tatlong hulog na ang kulang mo sa akin. Malapit ko nang rematahin ang cellphone mo. Nasa kasunduan natin na kapag apat na beses kang sunod-sunod na hindi nakapaghulog ay bukod sa utang mo na babayaran mo pa rin at akin na ang cellphone mo. Baka nakakalimutan mo,” saad ng ale.
“Bakit kailangan ko pang bayaran din ang kabuuan, Aling Barang, kung kukuhain ninyo naman pala ang telepono ko. Higit na mahal pa iyan kaysa sa inutang ko sa inyo,” reklamo ni Lydia.
“Ayan ang sinasabi ko sa inyo. Kapag uutang kayo sa akin ay ang gagaling ninyo. Ngayong singilan na ang dami ninyong kuda. Baka nakakalimutan mo na pumirma ka ng kasulatan. Pumayag ka sa lahat ng kundisyon ko ngayon ay kung ano-ano na ang sinasabi mo riyan!” nayayamot na sambit ng ale.
“Sobra naman kasi kayo, Aling Barang. Alam ninyo namang hindi kami lalapit sa inyo kung hindi kami lubusang nagigipit dahil sa laki ng patubo ninyo. Lalo ninyo kaming ginigipit niyan. Matuto naman kayong lumagay sa patas,” depensa ni Lydia.
“Hay nako, wala akong pakialam sa mga pinagsasasabi mo. Basta ang kasunduan ay kasunduan, tapos!” sigaw ni Aling Barang.
Lubusan man ang galit ng mga nangutang sa kaniya ay wala silang magawa.
“Huwag sanang dumating ang araw na gabain ‘yang si Aling Barang sa mga ginagawa niya,” wika ni Lydia.
Isang araw ay narinig ni Aling Barang na mayroon daw mas madaling paraan sa pagtriple ng pera mo kung sasali ka sa isang grupo. Dito ay iiinvest mo ang pera mo at isang buwan lamang ay malaki na ang tutubuin mo. dahil sa napakagandang pangako at sa pagkagahaman ni Aling Barang ay agad siyang nag invest sa sinsasabing grupo. Dahil din gusto niyang mas malaki ang balik sa kaniya ay halos lahat ng pera niya ay inilagay niya roon.
Naging maayos naman ang pagbibigay ng tubo na nakukuha niya isang beses sa isang Linggo. Dahil dito ay nagawa niya pang magpasok muli ng salapi.
Hindi inaasahan na nagkasakit si Aling Barang. Nagkaroon siya ng kumplikasyon sa kaniyang bato. Matinding gamutan ang kinakailangan niya. Dahil may pera naman siya ay hindi niya ito problema. Ngunit may natanggap siyang isang balita. Isang scam daw ang pinaglaagakan ng kaniyang salapi. Hindi siya naniniwala sapagkat nakakakuha naman siya ng nasabing interes.
Ngunit ng sumunod na Linggo ay kinabahan na siya sapagkat wala nang dumating sa kaniyang pera. Sa takot ay agad siyang nattungo sa tanggapan nito at doon niya nakausap ang isang lalaking namamahala raw sa naturang investment.
“Para makuha ninyo ang pera ninyo, Aling Barang, ng buo at may interes ay kailangan kayong magbigay muli ng dalawang daan libong piso,” wika ng lalaki.
Dahil sa kaniyang pagkagahaman ay agad naglabas ng salapi itong si Aling Barang at ibinigay sa lalaki.
“Ipoproseso po namin ang inyong hiling. Bukas ng umaga sa ganitong oras po ay magbalik kayo upang makuha ninyo ang kabuuan ng inyong salapi,” wika muli ng lalaki.
Tiwalang umalis ng opisina si Aling Barang. Kinabukasan ng bumalik siya ay wala na ang lalaki at sarado na rin ang tanggapan. Lubusang panlulumo ang kaniyang naramdaman. Hindi niya alam ngayon kung saan siya kukuha ng kaniyang pampagamot sapagkat wala na siyang natitirang salapi upang matustusan ito.
Kung kani-kanino na siya lumapit ngunit walang gustong magpautang sa kaniya. Nang may makuha siyang magpapautang ay gusto naman nitong kuhain ang titulo ng bahay ng ginang. Sa puntong iyon ay naramdaman na ni Aling Barang ang panggigipit na ginawa niya noon sa kaniyang mga pinapautang. Hindi niya lubusang akalain na maging siya ay makakaranas nito. Sising-sisi siya sa kaniyang nagawa sapagkat bumalik na ito sa kanya.
May ilan mang nagpautang sa kaniya ay hindi ito sasapat para sa kaniyang gamutan kaya tuluyang kumalat ang impeksyon sa kaniyang katawan at kaniya itong ikinasawi.
Hindi masama ang magpautang lalo na kung ito ay kinakailangan. Ngunit kung ang iyong layunin ay lamangan ang kapwa isipin mo na ito ay may karma. Huwag natin kalimutan ang ginintuang kasabihan na kung ano ang ginawa mo sa kapwa mo ay ito rin ang babalik sa’yo.