
Dahil Hindi Ko Siya Mabigyan ng Anak
“Anong tinitingnan mo riyan, mahal?” tanong ni Linda sa kaniyang asawang si Julio na kanina pa nakatingin sa bintana.
“Wala naman, mahal. Pinagmamasdan ko lang ‘yung mga batang naglalaro sa labas. Masaya siguro ang bahay na ito kung may mga anak tayo,” tugon ng mister.
“Hayaan mo, mahal. Huwag tayong huminto sa pagsubok. Pasasaan din at magkakaanak din tayo sa tamang panahon,” wika ni Linda habang hinahaplos ang asawa.
Sabik na sabik nang magkaroon ng anak sina Linda at Julio. Pitong taon na kasi silang nagsasama ngunit magpahanggang ngayon ay wala pa rin silang anak. Para kay Julio ay hindi matatawag na pamilya ito kung hindi rin sila mabibiyaaan ng mga supling. Kaya isang araw ay minabuti ng mag-asawa na pumunta sa doktor upang magpasuri. Sa ganoong paraan ay malalaman nila kung sino ang may diperensiya at ano-ano ang mga dapat nilang gawin upang tuluyan na silang magkaanak.
“Sa isang linggo pa raw natin malalaman ang resulta, mahal. Umaasa ako na magiging kanais-nais ang magiging resulta. Bata pa naman tayo at kaya pa nating magkaanak,” sambit ni Linda.
“Pangako ko sa’yo, Linda, kahit ano pa ang maging resulta ay ayos lamang sa akin, Tatanggapin ko ito ng maluwag sa aking puso,” sambit naman ni Julio.
Kinagabihan ay dumating ang mga kaibigan ni Julio sa kanilang bahay upang makipaginuman sa ginoo. Hindi nila maiwasan na pag-usapan ang nangyari sa kanila ni Linda.
“Bakit kasi hindi ka na lang sumubok sa iba, pare, para malaman mo kung sino talaga ang may deperensiya,” natatawang sambit ng isang lalaki.
“Oo nga naman, pare, baka sa iba ay gumana iyang kamandag mo!” wika ng isa pang kainuman.
“Sa tingin mo, pare, sino ang may deperensiya sa inyo? Kasi kung ikaw ‘yon, aba hindi ka totoong lalaki kung hindi ka rin makakagawa ng salinlahi!” kantiyaw muli ng isang kaibigan.
“Siyempre, hindi ako ‘yon. Alam ko namang malaki ang tiyansa na asawa ko ‘yon. Hindi ko nga alam ang gagawin ko kapag sinabi sa akin na hindi na kami magkakaroon ng anak kailanman. Pero pilit kong iintindihin ang pagkukulang na iyon ng aking asawa. Wala namang may gusto non,” wika ni Julio sa kaniyang mga kaibigan.
Ilang araw pa at lumabas na ang resulta.
“Mahal, kinalulungkot kong sabihin sa iyo pero nabasa ko na ang resulta. Ako ang may deperensiya at hindi na tayo magkakaanak kailanman,” wika ni Linda sa kaniyang mister.
Niyakap na laman ni Julio ang kaniyang asawa. Kahit na sinabi ng ginoo na maluwag niya itong tatanggapin ay hindi pa rin maialis sa kaniyang isipan ang ligaya kung sila ay may anak.
Ilang buwang pinilit ni Julio na pakisamahan ang kaniyang asawa sa kabila ng kakulangan nito. Ngunit nagpupuyos ang kaniyang damdamin sapagkat hindi magiging buo ang kanilang pamilya kung hindi sila magkakaanak. Sa paglipas ng panahon ay mas nangibabaw ang pagnanasa ni Julio na magkaroon ng supling kaysa sa pagmamahal na ipinapakita sa kaniya ng asawa. Kaya nagpasya na siyang makipaghiwalay kay Linda at tuluyan na itong iwanan.
“Julio, parang awa mo na. Huwag mong gawin sa akin ito. Mahal na mahal kita. Akala ko ba ay kahit kailan ay hindi mo ako iiwan at ayos lamang sa iyo kahit hindi tayo magkaanak. Nasaan na ang pangako mo sa aking ‘yon, mahal?” umiiyak na saad ni Linda.
“Nakahanap na ako ng babaeng magbibigay sa akin ng pangangailangan ko. Kailangan kong maging isang ama, Linda. Dahil hindi mo ito maibibigay sa akin kailanman, wala nang dahilan upang manatili pa ako sa’yo,” sambit ni Julio.
“Pakiusap, Julio, pakinggan mo ako. May kailangan akong sabihin sa’yo. Mahal na mahal kita, huwag mo akong iwan!” patuloy sa pagmamakaawa si Linda.
Hindi naglaon at tuluyan na ngang nilisan ni Julio ang kaniyang asawa at sumama na ito sa iba sa pag-asang ito ang tutupad ng kaniyang pangarap na maging isang ama. Naiwan si Linda na malungkot at nag-iisa. Ilang taon ang lumipas at muling nagkita ang dalawa sa isang parke.
“Hiniwalayan na ako ng asawa ko, Linda,” sambit niya. “Sa loob ng tatlong taong pagsasama namin ay hindi man lamang kami biniyayaan ng anak. Dahil gusto na rin magkaanak ng bago kong asawa ay nagawa rin niya akong iwan at ipagpalit sa iba. Ngayon ay nararanasan ko na ang sakit na idinulot ko sa’yo noon. Patawarin mo ako,” sambit niya kay Linda.
Maya-maya ay may isang babaeng may tangang bata ang lumapit kay Linda. “Ate, nagugutom na po si Junior. Puwede ko po bang makuha ang gatas sa bag,” wika ng babae.
“Ito, yaya. Pwede bang iwan mo muna kami saglit nitong dati kong asawa. May kailangan lamang kaming pag-usapan,” sambit ni Linda sa babae.
“Nag-ampon ka ba ng anak, Linda?” pagtataka ni Julio.
“Hindi, Julio. Anak ko si Junior,” tugon ni Linda.
“Paanong nangyari iyon? Hindi ba may deperensiya ang matres mo at hindi ka na magkakaanak kailanman?” muling tanong ng ginoo.
“Hindi ako ang may deperensiya sa atin, Julio. Kung kung hindi ikaw. Pinipilit kong sabihin ito sa’yo noong panahaon na iniiwan mo ako ngunit hindi ka nakinig sa akin. Nais kong aminin sa’yo ang totoo ngunit buo na ang desisyon mo,” pahayag ng ginang.
“Nang makita ko ang resulta na ikaw ang may mali sa ating dalawa ay nangamba ako na baka lubusan mo itong ikalungkot. Baka mamaya ay ikababa mo ito ng tingin sa sa iyong sarili bilang lalaki sapagkat narinig ko ang usapan ninyong magkakaibigan. Dahil sa sinabi mong hindi mo ako iiwan kahit ano pa ang maging kakulangan ko ay nagtiwala akong tama ang magiging desisyon kong akuin na lamang ang pagkakamali. Ang akala ko ang pagmamahal ko sa’yo ay sapat nang dahilan upang magsama tayo ng maligaya,” pagpapatuloy ni Linda.
“Ngunit hinanap mo sa iba ang akala mo ay kakulangan ko. Kahit na sapat na sa akin na tumanda ako basta ikaw ang kasama ko ay naging hadlang pa rin ang hindi ko pagbibigay sa iyo ng anak. Sa puntong iyon ay tinanggap ko na lamang na hindi mo talaga ako mahal, Julio. Kaya mula noon ay pinalaya na rin kita,” dagdag pa ni Linda.
“Nakapangasawa ako at ilang buwan lamang ay nabuntis na ako at nanganak. Patawad, Julio, pero sa tingin ko ay hindi mo talaga ako minahal,” pagtatapos ng ginang.
Lubusang nanlumo si Julio sa kaniyang narinig. Ang buong akala kasi niya ay ang dati niyang asawa ang may pagkukulang. Hindi siya nakuntento sa kaya nitong ibigay at ipinagpalit niya ang tunay na pag-ibig ng asawa na handa siyang tanggapin sa kabila ng kakulangan niya.
Sobrang pagsisisi ang kaniyang naramdaman. Ngunit kahit anong gawin niya ay hindi na maibabalik ang kanilang pagsasama sapagkat may bago nang pamilya si Linda.