Pinutol Niya ang Pakikipagkaibigan sa Matalik na Kaibigan, Ginagaya nga ba nito ang Lahat ng Ginagawa Niya?
May isang matalik at pinakapinagkakatiwalaang kaibigan si Jesicca na nakasama niya simula pagkabata. Hindi niya lubusang maisip noon kung paano ang magiging takbo ng buhay niya kung sila’y magkalayo nito dahil nasanay siyang palagi itong kasama sa kahit anong gawain.
Kaya lang, nang dumating ang panahon na sila’y nagdadalaga na, bahagya siyang nadismaya sa ugaling pinakita nito sa kaniya. Napansin niyang palagi na siya nitong ginagaya.
Madalas nga silang mapagkamalang kambal noon dahil kahit porma ng buhok, paraan ng pananamit at kahit pananalita, parehas na parehas sila dahilan para unti-unti na siyang magalit dito.
“Ginagaya mo ba talaga ako, Honey?” inis niyang tanong dito noong makita niyang kapareho na naman sa kaniya ang kwintas na suot nito.
“Ano’ng ibig mong sabihin, Jesicca?” walang muwang nitong tanong na lalo niyang ikinainis.
“Tumingin ka nga sa salamin! Makikita mong parehong-pareho na tayo ng itsura dahil sa pagiging gaya-gaya mo! Pati ba naman disenyo ng kwintas ko, gagayahin mo?” galit niyang tanong.
“Wala akong ginagaya, Jesicca! Itong kwintas, padala lang ‘to ng tatay ko sa Saudi! Tapos kaya naman tayo parehas ng pananamit dahil ito ang uso ngayon!” paliwanag nito na hindi niya pinakinggan.
Simula nang pagtatalo nilang iyon, unti-unti nang lumayo ang loob nila sa isa’t-isa hanggang sa makabuo na sila ng sariling pamilya pareho at dahil nga may koneksyon pa rin sila sa pamamagitan ng social media, nakikita niya pa ring tila ginagaya pa rin siya nito.
Parehas pa rin sila nang putol ng buhok, mayroon din itong pekeng pilikmata katulad niya, nagtitinda rin ito ng beauty products at higit sa lahat, pinopost din nito sa social media ang pangarap niyang sasakyan na talaga nga namang ikinapanggalaiti na niya.
Ito ang dahilan para i-block na niya ito sa lahat ng social media accounts niya upang hindi na siya magaya nito na pinagtaka naman ng kaniyang asawa.
“Bakit mo namang kailangang i-block si Honey, mahal? Hindi ba’t matalik mo ‘yong kaibigan?” pang-uusisa nito sa kaniya nang malaman ang ginawa niya.
“Matalik na anino kamo! Lahat ng ginagawa ko sa buhay ko, ginagaya no’n! Mas mabuti pang wala na talaga kaming koneksyon! Baka bukas o sa makalawa, pati hulma ng mukha mo, magaya na no’n!” paliwanag niya rito.
“Baka naman nagkataon lang na pareho kayo ng gusto, mahal,” sambit pa nito na lalo niyang ikinainis.
“Naku, huwag ka nang dumagdag sa inis ko, ha! Kung ayaw mong ikaw ang mapagbuntunan ng inis ko, tumahik ka na lang d’yan! Pati social media ko, pinakikialaman mo!” sigaw niya rito dahilan para mataranta itong lumayo sa kaniya.
Iyon na ang naging simula nang tahimik niyang pamumuhay. Unti-unti na niyang nalimot ang inis na nararamdaman sa kaibigan dahil nga, hindi na niya nakikitang ginagaya siya nito. Sabi niya pa, “Ano na kayang itsura at buhay ni Honey ngayong hindi na niya ako magaya?”
At tila dininig ng tadhana ang katanungan niyang iyon dahil nang sila’y magpunta ng mall ng kaniyang pamilya halos isang dekada na ang nakalipas, kanila itong nakasalubong kasama rin ang buo nitong pamilya.
Ilang beses niyang pinikit at kinusot-kusot ang kaniyang mata para makasigurong tama ang nakikita niya dahil parehas na parehas sila ng itsura ng ginang.
Nakabulaklakin din itong damit, nakasuot ng salamin at may bitbit na maliit na bag na katulad sa kaniya.
“O, baka sabihin mo, ginagaya pa rin kita hanggang ngayon, ha? Matagal na tayong walang koneksyon kaya imposible naman na gayahin pa kita!” agad nitong sabi nang mapansing tinitingnan niya ang itsura nito mula ulo hanggang pa, “Bakit hindi mo na lang kasi tanggapin na parehas tayo ng panlasa sa lahat ng bagay? Kaya nga tayo magkaibigan, ‘di ba?” dagdag pa nito na ikinaisip niya saka pinakita sa kaniya ang litrato nilang dalawa noong bata pa sila na nakapaloob sa kwintas nito, “O, wala ka nito, ‘di ba?” tanong nito na ikinangiti niya.
Nagsimula na rin silang kanchawan ng kani-kanilang mga asawa’t mga anak dahilan para ganoon na lang sila tuluyang magkaayos.
Doon niya napagtantong posible pa lang makatagpo ng isang taong katulad na katulad sa sarili niya. Hindi nga siguro ito imposible dahil simula pagkabata, magkasama na sila sa lahat ng bagay.
Simula noon, muling nanumbalik ang matamis nilang pagkakaibigan. Kung dati’y nagagalit siya kapag magkaparehas sila ng gamit o itsura, ngayo’y napagdesisyunan nilang sadya na itong gawin at sabay na mamili ng parehas na damit, gamit, at kung ano pang bagay para sa kanilang dalawa.
“Na-miss kita, Honey!” tangi niyang sabi rito, isang araw matapos silang sabay na mamili ng gamit para sa kanilang bahay.