Bumabagyo Man ay Iniwan ng Binata ang Lolo at Lola Niya sa Bahay; Bakit nang Matapos ang Unos ay Labis ang Pag-iyak Niya?
“Apo, sigurado ka ba na tutuloy ka pa? Aba’y ang dilim-dilim ng langit. Siguradong maya-maya lang ay bubuhos na ang malakas na ulan.”
Pinigil ni Ivan ang inis dahil sa narinig na tanong ng kaniyang Lolo Berting. Sa tingin niya ay pang-sampung ulit na yata iyong naitanong sa kaniya ng matanda.
“Oo nga po, Lolo. Hindi na po namin pwede ikansela, dahil nabayaran na namin ang resort. Hindi namin mababawi ang pera kung hindi kami tutuloy,” pasensyosong paliwanag niya sa kaniyang Lolo.
High school reunion nila. Nahihiya na rin siyang magkansela dahil guro pa niya mismo ang pinangakuan niya na darating siya.
“Lolo, hindi rin po maulan doon sa pupuntahan ko, kaya ayos lang po,” dagdag pa niya.
Narinig niya ang marahang pagtawa ng kaniyang Lola Miring.
“Pasensya ka na, hijo! Alam mo naman na hindi sanay ang Lolo mo na hindi ka namin kasama. Lalo pa ngayon, masungit ang panahon,” natatawang komento ng kaniyang Lola na kanina ay tahimik lamang na nakikinig sa kanilang mag-lolo.
Maging ang kaniyang Lolo ay isang nahihiyang ngiti ang ipinukol sa kaniya.
Bahagya mang naiinis kanina ay napangiti na rin si Ivan. Nauunawaan niya naman ang kaniyang Lolo.
Lumaki siyang ang kaniyang lolo at lola na ang kasama niya sa buhay. Ang kwento ng dalawa ay inabandona raw sila ng kaniyang ina habang ang kaniyang ama naman ay maagang pumanaw dahil sa sakit nito sa baga.
Kaya naman hindi matatawaran ang pagmamahal niya sa dalawa. Kahit pa kung minsan ang tila nalilimutan ng dalawa, lalo na ng kaniyang Lolo, na hindi na siya bata at kaya na niya ang sarili niya.
Nilingon niya ang kaniyang Lolo.
“‘Wag po kayo mag-alala, Lolo. Dalawang araw lang po ako roon,” natatawang pakli niya sa matanda.
Matapos ang hindi maubos-ubos na bilin ng dalawa, sa wakas ay paalis na rin si Ivan.
Sa labas ng garahe ay kita niya ang napakalakas na buhos ng ulan at madilim na langit, kahit pa tanghaling tapat.
Sa hindi niya malamang kadahilanan ay tila siya hinihila ng kaniyang mga paa pabalik sa kaniyang Lolo at Lola.
Nang bumalik siya sa bahay ay nakita niya ang dalawa na nakatanghod sa pinto, hinihintay ang pag-alis niya.
Tila may sariling isip ang kaniyang mga bisig na yumakap sa dalawang matanda.
“Mag-ingat po kayo rito. Nasa kabinet ang mga kandila, kung sakaling mawalan ng kuryente,” bilin niya sa dalawa bago siya muling naglakad papunta sa kaniyang sasakyan.
“Tumawag po kayo sa akin kung may problema!” pahabol na bilin niya.
“Oo, hijo. Alam namin. Umalis ka na para hindi ka gabihin. Mag-ingat ka sa pagmamaneho, ha,” bilin pa ng kaniyang Lolo bago siya sumakay ng sasakyan.
Maingat na nagmaneho si Ivan. Inabot din ng tatlong oras ang pagmamaneho niya. Bumigat kasi ang daloy ng trapiko dahil sa ulan.
Gaya ng hinala niya, maganda nga ang panahon sa lugar kung saan gaganapin ang kanilang reunion.Halos nakumpleto silang magkaklase, at naroon din ang ilan sa mga guro nila kaya naman labis ding nag-enjoy si Ivan sa kwentuhan na kasabay ng inuman.
Pasado alas dose na nang matapos sila. Sa labis na antok at pagod ni Ivan ay diretso na siyang nakatulog.Nagising na lamang siya nang maramdaman ang lamig na tila nanunuot sa makapal niyang kumot.
Nagulat si Ivan nang makita niyang nakaupo ang kaniyang Lola Miring sa paanan ng kaniyang kama.
Paano napunta sa lugar na iyon ang Lola niya?
“‘La? Bakit ka nandito?” takang tanong niya sa matanda.
Ngumiti ito ngunit hindi sumagot. Muli sana siyang magtatanong, ngunit sumungaw na isang pinto ang kaniyang Lolo Berting at sinenyasan nito ang kaniyang Lola. Tumayo ang kaniyang Lola at lumapit rito.
Lalapitan at uusisain niya sana ang dalawa ngunit noon siya nagising. Butil-butil ang pawis ni Ivan kahit pa napakalamig sa silid na tinutulugan niya. Nang sipatin niya ang orasan ay nakita niyang alas singko na pala ng umaga.
Dahil sa kakaibang panaginip ay hindi mawala sa isip niya ang dalawa matanda. Kinuha niya ang kaniyang cellphone upang kumustahin ang dalawa ngunit tumambad sa kaniya ang maraming mensahe. May labinlimang tawag din na hindi niya nasagot, sampu mula sa kaniyang Lolo Berting habang lima naman mula sa kaibigan niyang si Gary.
Kumabog ang dibdib niya. Sa nanginginig na kamay ay isa-isa niyang binasa ang mga mensahe na ipinadala ng kaniyang Lolo bandang alas tres ng umaga.
“Apo, ang lakas-lakas pa rin ng ulan dito.”
“Nawalan na kami ng kuryente rito.”
“Apo, pumasok na ang baha sa sala natin. Natatakot na ang Lola mo.”
“Ang bilis ng pagtaas ng tubig.”
“Umabot na sa ikalawang palapag ang tubig.”
“Natatakot na rin ako pero ayoko naman na panghinaan ng loob para sa Lola mo.”
Walang patid ang pag-agos ng luha ni Ivan. Tila ayaw niya nang basahin ang mga susunod na mensahe. Ngunit tinatagan niya ang kaniyang loob.
“Sana ay may tumulong sa amin dito. Kahit sa Lola mo lang.”
Ang huling mensahe ang bumasag sa puso niya.
“Mahal na mahal ka namin, apo.”
Tuluyan nang napahagulhol si Ivan. Noon ay nahiling niya na sana ay masamang panaginip lang ang lahat ngunit alam niya na gising na gising ang diwa niya. Sumagi sa isip niya ang kaniyang panaginip niya kanina lang.
Noon naman tumunog ang cellphone niya. Muling tumatawag kaibigan niyang si Gary, marahil upang ipaabot sa kaniya ang masamang balita.
Umiiyak na sinagot niya iyon.
Tila tumalon ang puso niya sa narinig na tinig. Imbes kasi na si Gary ay ibang tao ang nagsalita.
“Hello, apo?”
“L-lolo?” naniniguradong bulalas niya.
“Oo, ako nga ito!” masiglang tugon nito sa kabilang linya.
Sa narinig ay mas lalong napahagulhol si Ivan. Ligtas ang Lolo niya! Akala niya ay may nangyari nang masama rito.
“Apo, ‘wag ka nang umiyak. Pasensya na at mukhang nag-alala ka yata. Maayos kami ng Lola mo. Mabuti ay may mga nag-rescue sa amin bago pa tuluyang tumaas ang baha. Hindi na kita napadalhan ng mensahe dahil nahulog sa tubig ang cellphone ko,” kwento nito.
Ilang minuto pang nag-iiyak si Ivan bago siya nahimasmasan. Labis-labis ang galak at pasasalamat niya.
Halos liparin niya ang daan pabalik sa kanilang lugar. Nang makita niya ang kaniyang Lolo at Lola ay niyakap niya nang mahigpit ang dalawa. May masigla mang ngiti sa labi ng mga ito ay alam niya ang takot na pinagdaanan ng mga ito.
Sising-sisi siya na iniwan niya ang dalawang matanda, na nagdusa at natakot ang mga ito nang hindi siya kasama. Samantalang ang mga ito ang sumama sa kaniya mula pa noon.
Sa puso niya ay may piping pangako na hinding-hindi na niya iiwan ang mga ito sa oras ng unos at kagipitan.