Inday TrendingInday Trending
Kinutya Nila ang Kaibigan na may “Imaginary Boyfriend”; Sa Huli, Sino ang Mapapahiya?

Kinutya Nila ang Kaibigan na may “Imaginary Boyfriend”; Sa Huli, Sino ang Mapapahiya?

Kay lawak ng ngiti ni Marigold nang marinig ang tilian ng kaniyang mga kaibigan. Ipinakita niya kasi sa mga ito ang suot niyang engagement ring.

“Wow! Ang ganda! Congrats!” nakangiting wika ni Irish. Ito pa lang ang may asawa sa kanilang magkakaibigan.

“Oo nga! Hindi ka na tatandang dalaga!” panunukso naman ni Lei.

Nginisihan niya si Lei bago tinapunan ng tingin ang kaibigan nila na noon ay tahimik lang sa isang sulok. Si Lucy.

“Bakit naman ako tatandang dalaga, hindi naman ako si Lucy? Napakapihikan, kung umasta, akala mo ay hindi pa lampas sa kalendaryo ang edad!” biro niya na binuntutan niya ng hagikhik.

Maging ang ibang kaibigan nila ay nakitawa.

“Grabe ka naman kay Lucy!” komento ni Lei sa gitna ng malakas nitong hagalpak.

Nang huminto ang tawanan ay bumaling sila kay Lucy.

“Ano na nga bang plano mo? Ikaw na lang ang wala pang plano na mag-asawa. Wala ka bang plano na humanap ng boyfriend man lang?” taas kilay na usisa niya sa kaibigan.

Kumunot ang noo nito. “May boyfriend ako.”

Muling umugong ang malakas na tawanan.

“Hanggang ngayon ba naman, pinag-uusapan pa rin natin ang imaginary boyfriend mo?” natatawang wika niya.

Marahas na umiling si Lucy. “Totoo si Matthew. Nasa ibang bansa siya dahil hindi pa tapos ang kontrata niya. Isa pa, naroon ang negosyo niya,” kwento pa nito.

Napailing na lang si Marigold sa pagmamatigas ng kaibigan. Alam na alam niya na hindi totoo na may nobyo ito. Marahil ay gawa-gawa lamang ni Lucy ang lalaki. Hindi kasi ito lapitin ng lalaki, kaya mahirap para rito ang makahanap ng nobyo.

“Bahala siya na tumandang dalaga!” sa isip-isip niya.

Tila nakahalata naman ang mga kaibigan nila na nagkakainitan na sila kaya iniba ng mga ito ang usapan lalo pa’t may inis nang nakabakas sa mukha ni Lucy.

“Marigold, kwentuhan mo naman ako ng plano n’yo para sa honeymoon! Matutupad na ba ang pangarap mo na maikot ang buong Europa?” sabik na usisa ni Lily.

Bahagyang nabawasan ang ngiti niya. Ang totoo kasi ay muntik na nilang pag-awayan iyon ng kaniyang mapapangasawa.

Ayaw raw nito ng masyadong magarbong honeymoon dahil malaki na ang nagastos nila sa kasal.

Noong una ay nagmatigas pa siya, ngunit napagtanto niya na may punto rin naman ito.

Malungkot na umiling siya bilang sagot sa tanong ni Lily.“Hindi nga eh. Hindi na kami lalabas ng bansa…”

Mabilis naman ang mga ito na baguhin ang mood ng usapan.

“Ok lang ‘yan, maganda rin naman sa Pilipinas!” nakangiting komento ni Lily.

Gayunpaman ay malungkot pa rin si Marigold. Mukhang matagal-tagal pa ang hihintayin niya para malibot niya ang Europa.

Subalit ilang linggo matapos siyang ikasal ay isang nakagugulat na sulat ang natanggap niya. Isa iyong imbitasyon sa kasal!

At ang ikakasal? Walang iba kundi si Lucy! Ikakasal ito sa isang lalaking nagngangalang ‘Matthew.’

Tila totoo nga ang sinasabi nitong nobyo?

Ngunit ang pinakanakabibigla sa lahat ay ang lugar kung saan gaganapin ang kasal ni Lucy at Matthew: sa pinapangarap niyang destinasyon—sa isang lumang simbahan sa Spain.

Kasama ang imbitasyon ay dalawang tiket, para sa kaniya, at para sa kaniyang asawa. Nakalakip din sa imbitasyon na anumang gagastusin nila sa pagpunta sa kasal ay sasagutin ng ikakasal.

Laglag ang pangang tinawagan niya ang mga kaibigan. Gaya niya ay nakatanggap din ang mga ito ng bonggang imbitasyon sa kasal ni Lucy!

“Nakakahiya. Madalas pa natin siyang pagkaisahan. Totoo pala ang sinasabi niya,” himutok ni Lei.

Maging si Marigold ay nanliliit sa hiya sa kaibigan, lalo na’t siya ang madalas punahin si Lucy.

Nang magkita-kita sila ay kasama na ni Lucy ang pinagmamalaki nitong nobyo. Sa wakas ay nakadaupang palad din nila ang lalaki!

“Bakit naman sa simbahan sa Spain mo pa naisip magpakasal? Hindi ba’t mahal masyado sa ibang bansa?” takang tanong ni Lily.

Nakangiting sumagot si Lucy habang mahigpit ang kapit sa kamay ng nobyo.

“Sabi kasi ni Matt, kung saan ko raw gusto…. Konti lang naman kayong imbitado kaya itinodo ko na, para makabakasyon tayong lahat,” sagot nito.

Sumulyap ito sa kaniya bago ngumiti.

“Isa pa, alam ko na pangarap ni Marigold na makapunta sa Europa. Kaya naisip ko na doon na lang,” anito.

Nangilid ang luha sa mga mata ni Marigold. Matapos ang paulit-ulit niya pangungutya sa kaibigan ay inisip pa rin nito ang ikakasaya niya.

“Thank you, Lucy. Ang saya-saya ko,” sinserong wika niya sa kaibigan.

Pabiro siya nitong inirapan.

“Syempre! Kahit naman maldita ka, kaibigan pa rin kita!” biro nito.

Napuno ng halakhakan nila ang paligid.

Ngiting-ngiti si Marigold. Mabuti na lang at hindi mapagtanim ng sama ng loob ang kaibigan niya! Matapos ang maraming insulto, kabaitan pa rin ang isinukli nito sa kaniya.

Pinangako niya sa sarili na sisikapin niyang maging kaibigan na singbuti nito.

Advertisement