Pinagsawaan ng Dalaga ang Buhay Kasama ang Kinakasamang Nagtitinda ng Barbecue; Panghihinayangan Niya Ito sa Huli
“Akala namin, Mayla, hindi ka na darating! Nahirapan ka bang hanapin ang lugar na ito?” tanong ni Karen sa kakarating lang na dating kaklase.
“P-pasensya na kayo at medyo natrapik lang. Hindi ko rin kasi alam ang papunta sa restawran na ito kaya naligaw ako,” tugon naman ni Mayla.
“Bakit? Hindi ka pa ba nakapunta sa restawran na ito? Sikat na sikat ito, a! Ang ibang dating kaklase nga natin ay ilang beses na nga raw nakakain dito. Kami ng nobyo ko, madalas din kami dito,” dagdag pa ng dalaga.
Hindi lang maamin ni Mayla na hindi pa kasi siya nakakarating sa lugar na iyon. Sa katunayan nga ay kailangan pa niyang pag-ipunan ang pamasahe sa taxi dahil walang dumadaang dyip malapit sa naturang restawran.
Wala namang balak pumunta itong si Mayla sa naturang pagtitipon ngunit nakantiyawan siya. Dahil ayaw niyang mapahiya ay umoo na rin siya. Halos tumulo ang laway ng dalaga nang makita ang mga naggagandahang buhay ng mga dating kaklase.
Hindi niya maiwasan ang makaramdam ng inggit. Tiningnan niya ang kaniyang sarili sa salamin at kitang-kita niya ang kaibahan. Kaya naman malungkot siyang umuwi ng bahay. Doon ay naghihintay sa kaniya ang kinakasamang si Jun. May-ari ito ng isang maliit na tindahan ng isaw at barbecue.
“O, mahal, akala ko ba ay gagabihin ka? Gutom ka na ba? Hindi na ako nakapagluto kasi ng hapunan. Gusto mo itong barbecue na lang? Kumusta nga pala ang reunion na dinaluhan mo?” sunud-sunod na tanong ni Jun.
Ngunit isa man sa mga ito ay walang ganang sagutin ni Mayla. Doon pa lang ay alam na ni Jun na may hindi magandang nangyari sa kasintahan.
“Sabi ko naman sa iyo, huwag ka nang pumunta sa pagtitipon na ‘yun. Wala namang ibang gagawin ang mga dati mong kaibigan kung hindi magpataasan ng ere,” wika pa ng kinakasama.
“Napagtanto ko lang na halos lahat sila ay maayos na ang buhay, pero ako’y nananatili lang sa ganito. Kasal na ang iba at ‘yung iba naman ay engaged na sa kanilang mga kasintahan. Kahit saan ako lumugar ay wala akong binatbat sa kanila,” malungkot na tugon ni Mayla.
“Hindi mo naman kailangang ikumpara ang buhay mo sa kanila, mahal. May kanya-kanya tayong tadhana. Darating din ang panahon natin at sasagana rin ang buhay natin. Maghintay ka lang at ibibigay ko sa’yo ang napakagandang buhay na matagal mo nang hinahangad,” wika pa ni Jun.
Hindi na lang umimik si Mayla. Tiyak ang dalaga na hindi siya mauunawaan ng kaniyang kasintahan.
Nakaramdam si Mayla ng awa sa kaniyang sarili sa pagkakataong iyon.
“Bakit nga ba hinayaan kong si Jun lang ang makatuluyan ko? Ano ba ang pumasok sa isip ko? Maganda naman ako at maraming nanliligaw na mayayaman. Bakit siya pa kasi ang sinagot ko? Ngayon tuloy ay hindi maganda ang buhay ko,” saad ng dalaga sa kaniyang sarili.
Naulit pa ang pagkikita ng magkakaibigan. Sa pagkakataong ito ay kasal naman ng dating kaklase. Enggrande ang handaan at mukhang malaki talaga ang ginastos ng mga ikinasal.
Habang pinagmamasdan ni Mayla ang dating kaklase suot ang mamahaling trahe de boda at ang dyamanteng singsing nito ay hindi niya maiwasan na isipin ang sarili sa ganoong sitwasyon.
Pag-uwi na naman niya ng bahay ay muli niyang pinagmasdan ang kaniyang paligid. Nakatira sila ng kasintahan sa isang maliit na apartment. Habang ang kinakasama niya ay nagtitinda ng barbecue. Napaka-imposibleng ibigay sa kaniya ni Jun ang inaasam niyang kasal.
Napansin muli ni Jun na para bang malumbay ang kinakasama.
“Hindi ba’t dapat ay masaya ka? Ang sabi mo sa akin ay naroon ang iba mong matatalik na mga kaibigan. Saka sabi mo’y gustong-gusto mong dumadalo ng kasalan. Bakit parang libing ang dinaluhan mo?” tanong ni Jun.
“Wala naman. Pagod lang siguro ako mula sa byahe saka ang daming tao rin kasi kanina,” tugon naman ni Mayla. Pumasok na ito sa silid at nagpahinga.
Habang nakahiga sa kama ay kinuha ni Mayla ang passbook kung saan nakalagay ang ipon nila ni Jun. Nagulat siya na halos maubos na ito. Agad niyang kinompronta ang kinakasama.
“Saan napunta ang anim na libong piso, Jun? Akala ko ba ay iniipon mo ang perang iyon para sa pagpapakasal natin? Ilang taon nating inipon ang perang iyon! Saan mo dinala?” bulyaw ni Mayla.
“K-kinuha ko muna sa bangko, Mayla. Nais ko kasing mamuhunan sa isang negosyo. Pangako at ibabalik ko kaagad kapag nakabawi. Sigurado akong magtatagumpay naman ito,” wika ni Jun.
“Hindi mo man lang kinonsulta sa akin, Jun? Iyon na nga lang ang pera natin. Ilalagay mo na naman sa negosyo? Ito ngang barbecue mo ay hindi umasenso sa tagal ng pagtitinda mo! Paano ka nagkaroon ng ideya na ang bago mong papasuking negosyo ay magtatagumpay?” galit na sambit muli ng nobya.
“P-patawad kung hindi ko na nasabi sa iyo. Tanggap kong kasalanan ko iyon. Pero bigyan mo ako ng pagkakataon na patunayan sa iyo na kaya kong ibigay ang buhay na inaasam mo. Maniwala ka lang sa akin!” giit pa ni Jun.
Ngunit pikon na pikon na si Mayla. Sawang-sawa na siya sa buhay na mayroon silang dalawa.
“Ayoko na, Jun! Ayoko na ng ganito na palagi akong mukhang kawawa na naghihintay lamang na umasenso ang buhay! Puro ka pangako pero hanggang ngayon ay hindi mo pa rin ito natutupad! Maliit pa rin ang tinitirhan natin. Hindi ko pa rin nabibili ang gusto ko! At higit sa lahat, palagi pa rin tayong kapos! Sawang-sawa na ako sa ganito. Alam mo, dapat ay dati ko pa itong ginawa. Hindi ko alam bakit nagpapabilog ako sa’yo masyado! Ayaw ko na, Jun, mula ngayon ay hiwalay na tayo. Aalis na ako rito at uuwi na ako sa amin!” mariing sambit muli ni Mayla.
Nagsimulang magbalot-balot ng gamit si Mayla. Pilit man siyang pinipigilan ni Jun ay wala na itong nagawa. Tuluyan nang nilisan ng dalaga ang kinakasama.
Ilang araw makalipas ang kanilang paghihiwalay ay umaasa pa rin si Jun na magkakabalikan sila ni Mayla. Ngunit nalaman na lang niyang may bago na itong kasintahan. Kaya naman napasugod ang binata sa bahay nila Mayla at doon nga ay napatunayang niyang may bago na itong iniibig.
“Mayla, bigyan mo pa ako ng pagkakataon. Aayusin ko ang lahat. Bigyan mo ako ng pagkakataon na tuparin ko ang pangarap ko para sa atin. Pagkatiwalaan mo lang ako!” pagsusumamo ni Jun.
“Tapos na tayo. Jun! Bakit ba hindi mo maintindihan na tapos na ako sa iyo?! May bago na akong kasintahan, si Kenneth. Siya ang nakakapagbigay sa akin ng magandang buhay na napakatagal kong inaasam sa piling mo. Kung ako sa’yo ay aalis na ako. Wala ka nang aasahan pa sa akin,” sambit naman ni Mayla.
Parang gumuho ang mundo ni Jun ng mga panahon na iyon. Ipinangako niya sa kaniyang sarili na sa muli nilang pagkikita ng dating kasintahan ay patutunayan niyang may ibubuga rin siya.
Lumipas ang dalawang taon at wala nang naging komunikasyon ang dating magkasintahan. Nagtatrabaho na rin bilang isang receptionist itong si Mayla sa isang hotel. Doon ay hindi sinasadyang magtagpo muli ang landas nila ni Jun.
Laking gulat ng dalaga nang makita niyang ibang-iba na ang dating kasintahan. De kotse na ito at halatang malaki na ang ipinagbago sa buhay dahil sa kaniyang suot.
“J-jun, kumusta ka na? Ang tagal na rin nating hindi nagkita. Hindi na nga kita makilala kanina. Ang laki na ng pinagbago mo,” nauutal na sambit ng dalaga.
“Ikinagagalak kitang makita rito, Mayla. Dito ka ba nagtatrabaho? May meeting kasi ako dito sa hotel. Ito, medyo sinuwerte na sa buhay. ‘Yung negosyo na sinasabi ko sa iyo noon, natatandaan mo? Naging mabilis ang pag-asenso. Kaya ngayon ito, isa na akong CEO ng kompanya ko. Hindi ko nga akalain na sa maliit na puhunan ay mapapalago ko ito nang ganito,” pahayag pa ni Jun.
“Binabati kita. Masaya akong malaman na nagtagumpay ka sa buhay. Alam mo, Jun, matagal na rin akong nag-iisip. Kasi hindi rin naman pala seryoso sa akin si Kenneth. Ang sabi niya sa akin ay hindi daw ang isang tulad ko ang pinangarap niyang mapapangasawa. Kaya iniwan niya rin ako. Jun, sana ay maibalik natin ang dating samahan natin. Patawad sa lahat ng nagawa ko sa’yo!” dagdag pa ng dating kasintahan.
“Ano’ng ibig mong sabihin, Mayla? Nais mo bang makipagbalikan sa akin?” pagtataka ng binata.
Tumango naman si Mayla kalakip ang matatamis niyang ngiti.
“Pasensya ka na, Mayla, pero ikakasal na ako. Nakilala ko si Lisa noong mga panahong hindi ko na alam ang gagawin ko sa buhay ko. Siya ang nagbigay sa akin ng inspirasyon para bumangon muli. Hindi ko na nga sana itutuloy ang negosyo dahil nawalan na ako ng kompyansa sa aking sarili nang iwan mo ako. Pero ibinalik ito ni Lisa sa akin. At ngayon nga ay hawak ko na ang tagumpay. Kung pinagkatiwalaan mo lang ako noon, Mayla, handa akong gawin ang lahat maibigay lang ang magandang buhay na pangarap ko para sa atin,” muling pahayag ni Jun.
Nasaktan at napahiya si Mayla sa mga sinabing ito ni Jun. May kurot sa kaniyang dibdib ang mga katagang iniwan sa kaniya ng dating kasintahan. Hindi niya akalain na darating nga ang panahon at magtatagumpay ito sa larangan ng negosyo.
Labis na panghihinayang ang naramdaman ni Mayla habang tinititigan ang dating kasintahan. Hindi niya maiwasan na isipin na dapat ay siya ang kasama nito at nakatatamasa ng magandang buhay kung nagtiis, nagtiyaga, at naniwala lang siya sa dating nobyo.
Ngayon ay hanggang sulyap na lang siya sa buhay na dapat ay sa kaniya.