Inday TrendingInday Trending
Tinulungan ng Dyanitor ang Matandang Pulubing May Bitbit Palaging Maruming Sako; Ito ang Kaniyang Ganti sa Binata

Tinulungan ng Dyanitor ang Matandang Pulubing May Bitbit Palaging Maruming Sako; Ito ang Kaniyang Ganti sa Binata

Halos lahat ng mata ay nakatingin sa gusgusing matanda habang naglalakad ito dala ang maruming sako sa isang lugar na abala at nagtatayugan ang mga gusali. Halata mo sa kaniyang itsura ang pagod mula sa patuloy na paglalakad. Sa bigat ng kaniyang dala ay ni wala man lamang nagtangkang tulungan siya nang siya ay matalisod.

Nadaanan siya ng binatang si Rio, isang executive sa isang kilalang kompanya. Mabilis ang lakad nito habang may kausap sa kaniyang telepono. Habang sunusundan naman ng dyanitor na si Nato habang dala ang ibang gamit ng ginoo.

Humingi ng tulong ang matandang gusgusin kay Rio ngunit hindi man lang ito nag-abalang huminto. Iniwas pa nga niya ang parte ng pantalon na tatama sa balat ng matanda upang hindi ito madumihan.

Nang makita ito ni Nato ay dali-dali niyang ibinaba ang mga dala at saka tinulungan ang matanda.

Nang mapansin ni Rio ang ginawang ito ng dyanitor ay labis ang kaniyang galit.

“Nato, hindi ka talaga nag-iisip, ano? Bakit basta mo na lang binaba ang gamit ko dito sa daan? Baka mamaya ay marumihan ‘yan! Ang mahal niyang bag ko! Sabi ko na dapat ‘yung isang dyanitor na lang ang hiningan ko ng tulong, e!” galit na sambit ng ginoo.

“Pasensya na po kayo, boss. Nakakaawa kasi ang matanda kaya tinulungan ko munang tumayo. Wala kasing tumutulong sa kaniya,” paliwanag naman ng dyanitor.

“Mas inuna mo pa ang matandang iyon? Mas nakakataas ang posisyon ko sa iyo! Ang mga katulad ko ang nagdadala ng pera sa kompanya na sinusweldo mo! Kaya ako ang dapat mong tinutulungan at hindi ang matandang pulubi na ‘yan! Siguraduhin mong mag-alkohol ka muna ng kamay bago mo hawakan muli ang mga gamit ko! Nakakainis talagang kausap ang mga mahihina ang kokote!” pikon na pikon na saad muli ni Rio.

Hindi napigilan ng sermon ng executive ang pagtulong ni Nato sa matandang pulubi.

“Pasensya ka at napagalitan ka pa nang dahil sa akin. Salamat sa tulong mo,” sambit ng matanda.

“Ayos lang po ‘yon. Pasensya na rin kayo sa mga sinabi niya. Talagang may kayabangan po kasi ang isang iyan. Hindi naman siya ang amo ko at sa totoo lang naman ay hindi parte ng trabaho ko ang pagiging alalay niya. Pero wala akong magawa dahil mas mataas ang posisyon niya sa akin,” bulong naman ni Nato.

Muling sinigawan ni Rio ang dyanitor para bitbitin na ang kaniyang mga gamit.

Pagpasok sa opisina ay walang katapusang panenermon at pamamahiya ang ginawa nitong si Rio kay Nato.

“Kaya sinasabi ko sa inyo na mahalagang kumuha kayo ng may pinag-aralan kahit pinakamababang posisyon! Mamahalin ang bag kong iyon at ilang gamit ko tapos ay basta na lang niyang ibinaba sa daan katabi pa ng matandang amoy basura! Palibhasa’y hindi alam kung ano ang mamahaling bag sa hindi!” sambit ni Rio sa ibang kasamahan.

Bahagyang nanliit ang tingin ni Nato sa kaniyang sarili. Ginawa na nga niya ang ipinag-uutos ni Rio kahit hindi niya ito trabaho tapos ay nakutya pa siya.

Kinabukasan ay araw ng sweldo. Hindi pa man nahahawakan ni Nato ang kaniyang sweldo ay hindi na niya alam kung paano ito hahatiin. Bukod kasi sa gastusin sa bahay ay kailangan niyang bayaran ang ilang pagkakautang dahil sa pagpapagamot sa kaniyang inang may sakit.

Hindi naman nawawalan ng pag-asa itong si Nato na isang araw ay gaganda rin ang buhay ng kaniyang pamilya.

Habang iniisip ang solusyon sa kaniyang problema ay muling nakita ni Nato ang kaawa-awang matanda. Nakaupo ito sa gilid at halatang hindi pa kumakain. Patuloy ang panlilimos nito ngunit wala man lang pumapansin sa kaniya.

Naawa itong si Nato kaya agad siyang pumunta sa isang malapit na convenience store para bumili ng tinapay at kape. At saka niya ito binigay sa kaawa-awang matanda.

“M-maraming salamat sa iyo. H-hindi ba’t ikaw rin ang binatang tumulong sa akin kahapon? Tunay na mabuti ang iyong kalooban,” saad pa ng matanda.

‘Kumain na po kayo at alam kong nagugutom na kayo. Inumin n’yo na ang kape habang mainit pa nang mainitan din ang inyong sikmura. Sige po at babalik na ako sa trabaho,” wika naman ni Nato.

Pabalik na sa loob ng opisina si Nato nang bigla siyang tinawag ni Rio.

“Hoy, Nato, tingnan mo nga ang ginawa mo rito sa bag ko! Ang laki ng gasgas! Sinabi ko na sa iyo na huwag mong ilapag basta-basta! Napakamahal nitong bag na ito. Bayaran mo ito sa akin!” nanggagalaiting sambit pa ng ginoo.

“Magagamit mo pa naman ‘yan, sir. Kaunting gasgas lang naman ‘yan,”

“Kaunting gasgas? Napakamahal ng bag na ito at kung may gasgas ay mawawalan na ito ng halaga! Bayaran mo sa akin ito! Akin na ang dalawampung libong piso!” bulyaw pa ng executive.

“Napakalaking halaga naman, sir. Kulang na kulang pa sa sahod ko. Parang awa n’yo naman na. Huwag n’yo nang pabayaran ‘yan sa akin. Kailangan ko ng pera para maipagamot ang nanay kong may sakit,” pagmamakaawa pa ng binata.

“Huwag mo akong dramahan dahil hindi ‘yan uubra sa akin! Bayaran mo o ipatatanggal kita sa trabaho! Dapat naisip mo ang nanay mo bago mo inilapag ang bag ko sa kalsada! Saka ano na naman ito? Tinutulungan mo na naman ang matandang iyan? Kaya ka minamalas dahil nagdididikit ka sa ganiyang uri ng mga tao! Nakakadiri!” giit pa ni Rio.

Lalong nagkaproblema itong si Nato. Hindi niya alam kung saan siya kukuha ng ganoong kalaking pera.

Patuloy ang kaniyang pagmamakaawa kay Rio ngunit matigas ang loob nito hanggang sa biglang sumabat ang gusgusing matanda.

“Ako na ang magbabayad ng bag, huwag kang mag-alala,” sambit ng matanda.

Napahinto sa pagtatalo ang dalawa dahil sa sinabing ito ng pulubi.

“Ikaw ang magbabayad? Ni wala ka ngang pambili ng pagkain mo tapos ay ikaw ang magbabayad? Tumigil ka tanda at huwag kang makialam dito!” sigaw ni Rio.

“S-sino naman ang nagsabi na wala akong pambayad sa iyo?” sambit ng matanda saka niya binuksan ang kaniyang sako.

Nagulantang ang dalawa nang makita ang limpak-limpak na salapi sa loob ng sako.

“Tunay na pera ito, a! Saan mo nakuha ang lahat ng iyan?” sambit muli ni Rio.

“Maniniwala ka ba kung sasabihin ko sa iyo na hindi talaga ako pulubi kung hindi isang milyonaryong walang magawa sa kaniyang maiiwang pera? Ginugol ko ang buong buhay ko sa pagpapayaman hanggang sa isang araw ay nakita ko na lang ang aking sarili at napagtanto kong hindi ko naman kailangan ang lahat ng ito. Hindi na rin ako maliligtas ng pera ko sa sakit na mayroon ako. Kaya naman naisipan kong gawin ang ganitong bagay. Nagpanggap ako na isang pulubi upang malaman ko kung sino ang talagang may mabuting puso na pagka kalooban ko ng kayamanan ko. Sinadya kong ilagay ang pera ko sa maruming sako na ito nang sa gayon ay walang mag-interes. Bilang ganti sa mabuting puso ng binatang ito ay ako na ang magbabayad ng nagasgas niyang bag,” pahayag ng matanda.

“Sa iyo na rin ang sakong ito. Sa iyo na ang lahat ng perang nasa loob nito. Maraming salamat dahil napatunayan mo sa akin na may mabuti pa ring taong nabubuhay dito sa mundong ito. Nawa’y malaki ang maitulong sa iyo ng perang ito, Nato. Tiyak naman akong gagamitin mo ito sa mabuti,” dagdag pa nito.

Nangangatog ang mga kamay ni Nato habang hawak niya ang sako ng matanda. Hindi niya akalain na ang simpleng pagtulong niya rito ang makakasagot sa kaniyang problema. Limampung milyon ang kabuuang laman ng sako. Labis labis ito upang baguhin ang buhay ni Nato at ng kaniyang pamilya.

Ngayon ay nagkabaligtad na ang mundo ni Rio at ni Nato. Wala mang pinag-aralan ay biglang yaman ang naturang dyanitor. Wala nang kahit sino pa ang makakapangmata sa kaniya.

Tama ang hinala ng matandang nagpanggap na pulubi. Ginamit ni Nato ang pera sa pagpapagamot ng kaniyang ina, Hindi rin nito nakalimutan na ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral. Ipinagawa rin nito ang kanilang bahay at nagtayo ng negosyo.

Higit sa lahat ay hindi nito nakalimutan na tumulong din sa mga taong nangangailangan.

Sa isang iglap ay nagbago ang buhay ni Nato. Salamat sa matandang pulubi na nagbigay sa kaniya ng kayamanan dahil sa kabutihan ng kaniyang puso.

Advertisement