Paksa Lagi ng Tsismisan ang Binabaeng Anak ng Isang Sundalo; Pagdating ng Panahon ay Patutunayan Niya ang Kaniyang Sarili
Laging nagdadalawang-isip na lumabas ng kanilang bahay ang may pusong babaeng si Anton. Paborito kasi siyang paksa sa umpukan ng mga tsismosang kapitbahay dahil sa kaniyang kasarian lalo na at anak siya ng isang yumaong sundalo.
Bukod sa hirap ng buhay ay palaging tampulan ng tukso si Anton kaya naman napilitan na lang siyang huminto ng pag-aaral. Ngayon ay katulong siya ng kaniyang ina sa paglalako ng biko.
“Tingnan n’yo ‘yang si Anton. Mabuti na lang at wala na ang kaniyang ama. Tiyak akong malaki siyang kahihiyan dahil sundalo pa naman ang ama. Tigasin na tigasin tapos siya ay napakalambot!” natatawang saad ng isang ginang.
“Hindi kasi palasimba ang nanay niyan kaya puro kasalanan ang nasa katawan. Ayan tuloy at b*kla ang kaniyang anak!” gatong naman ng isa pa.
Dapat ay sanay na si Anton sa mga sinasabing ito ng ibang tao ngunit nasasaktan pa rin siya. Ngunit kailangan niyang tatagan ang kaniyang loob para sa inang si Lucia.
Pag-uwi sa bahay ay nabanaag ng ina ang inis sa mukha ng anak.
“Pinag-uusapan ka na naman ng mga tsismosa sa labas?” tanong ng ina.
“Ano pa nga po ba, ‘nay. Hindi ko po maintindihan sa mga iyon kung bakit ako ang lagi nilang gustong pag-usapan. Parang mga walang gawain sa bahay, lagi na lang silang nakatambay sa labas,” inis na tugon ni Anton.
“Hayaan mo na ang mga iyan at mag-aaksaya ka lang ng panahon sa kanila. Tulungan mo na lang akong maghalo nitong biko nang mailako na natin,” wika muli ni Lucia.
“May araw rin niyang mga tsismosa na ‘yan! Hayaan mo, ‘nay, pinapangako ko sa iyo na darating ang araw na titingalain din nila ako!” dagdag pa ng anak.
Isip nang isip ng paraan itong si Anton kung paano uunlad ang kanilang buhay. Lalo pa at hindi naman siya nakapagtapos ng pag-aaral.
“‘Nay, kung mag-manikurista na lang kaya ako? O kaya ay maggupit ng buhok. Sa tingin ko naman ay magaling ako sa ganoong bagay,” sambit ni Anton sa ina.
“Bakit mo naman biglang naisipan na maghanap ng trabaho? Tungkol pa rin ba ito sa mga sinasabi sa iyo ng mga tsismosa sa labas?” tugon ni Lucia.
“Isa sa mga dahilan iyon. Pero naisip ko kasi, ‘nay, kung maghahanap din ako ng pagkakakitaan ay p’wede na tayong makaluwag sa gastusin kahit paano. Saka isa pa, hilig ko rin naman ang mag-ayos ng buhok at ng kuko,” nakangiting sambit pa ng anak.
Hindi na napigilan pa ni Lucia ang anak at naghanap ito ng trabaho sa isang salon. Sa unang pagkakataon ay nakahanap ng lugar si Anton kung saan hindi siya huhusgahan ng ibang tao.
Maraming natutunan si Anton sa pagmamanikurista at paggupit ng buhok. Ngunit kahit pa isa siya sa mga pinakamagaling sa salon ay hindi pa rin niya maiwasan ang tuligsain ng mga mahaderang kapitbahay.
“Kung nag-aral kasi nang mabuti ay hindi lang sana manikurista ang kinalabasan niya. Pinag-aaral kasi ng magulang ay kung anu-ano ang ginagawa. Hindi na ako magtataka kung isang araw ay mauubos ang pera niyang si Lucia dahil naloloko sa lalaki ‘yang si Anton,” wika pa ng isang ginang.
“Ano pa nga ba ang silbi ng mga kagaya niya sa lipunan kung hindi takbuhan ng mga nagigipit na lalaki!” tawa pa ng isa.
Nais na sanang patulan ni Anton ang mga tsismosang kapitbahay ngunit pinigilan siya ng ina.
“Wala namang katotohanan ang mga sinasabi nila, ‘di ba? Bakit kailangan mo silang pag-aksayahan ng panahon at enerhiya? Ipagpatuloy mo lang ang ginagawa mo at darating ang araw ay mapapatunayan mo rin sa lahat na mali sila,” wika ng ina.
Lalong pinag-igihan ni Anton ang pagtatrabaho. Malaking bagay sa kanilang mag-ina ang inuuwi niyang sahod. Dahil dito ay nakakaipon na rin sila.
Hanggang isang araw ay nakapagdesisyon si Anton na mangibang bansa.
“Huwag na po kayong mag-aalala sa akin, ‘nay. Gagawin ko po ito dahil gusto kong bigyan kayo ng magandang buhay. Malaki po ang sasahurin ko sa ibang bansa. Malaking tulong iyon para makaipon tayo. Pangako ko sa inyo na pag-uwi ko ay ipapagawa ko na itong maliit nating bahay,” saad ni Anton.
Tuluyan nang lumipad si Anton patungong ibang bansa para makipagsapalaran. Punung-puno siya ng pag-asa na magbabago ang buhay nilang mag-ina.
At hindi nga siya nagkamali. Dahil sa kaniyang galing ay agad siyang nakilala sa ibang bansa bilang isang magaling na manikurista at manggugupit ng buhok. Unti-unti na rin siyang nakaipon. Ang dati nilang maliit na bahay ay ubod na ng laki ngayon.
Ipinagpatuloy niya ang kaniyang pag-aaral sa ibang bansa habang patuloy siyang nagtatrabaho.
Isa pa, sa tuwing uuwi itong si Anton sa Pilipinas ay nagbubukas ito ng salon, kung saan ay nagbibigay siya ng trabaho at pag-asa para sa katulad niya ng kasarian.
“Binabati kita, anak. Lahat ng pangarap mo sa buhay ay abot kamay mo na! Higit pa roon ay hindi ka na mamatahin ng ibang tao dahil ang tayog na ng lipad mo,” saad ni Lucia sa anak.
“Alam mo, ‘nay, habang nasa ibang bansa po ako ay napag-isipan ko ang mga sinabi ninyo sa akin. Bakit nga ba iintindihin ko ang mga sinasabi sa akin ng ibang tao? Wala naman itong magagawa para sa akin. Kaya simula noon ay nagpokus na lang ako sa aking sarili at sa pangarap nating umayos ang buhay natin. Maraming salamat rin sa Panginoon dahil ginabayan Niya ako. Hindi ito mangyayari lahat kung hindi dahil sa Kaniya,” wika pa ni Anton.
“Tama ka na, anak. Masaya lang ako dahil kahit napatunayan mo sa kanila na may ibubuga ka talaga. Magaling ka, anak, at higit sa lahat ay mabuti kang tao. Iyon ang mahalaga,” saad pa ng ina.
Tuluyan na ngang gumanda ang buhay ng mag-ina. Halos tumulo ang laway ng mga kapitbahay sa panonood kung paano umasenso ang buhay ni Anton at Lucia.
Ngayon ay may-ari na si Anton ng isandaang salon na nakakalat sa buong bansa. Nakatanggap din siya ng mga pangaral dito sa Pilipinas at maging sa iba’t ibang bahagi ng mundo.Walang nag-akala na ang isang tulad ni Anton na hindi nakatapos ng pag-aaral at minamaliit lamang noon ay tinitingala na ngayon.