Sumama ang Ginang sa Lalaking Nakilala Niya sa Dating App; Ikagugulat Niya ang Kaniyang Matutuklasan
Matagal-tagal na ring hindi nagkikita ang mga magkukumare kaya naman hindi mapatid ang kanilang usapan.
“Ito kasing si Cathy ay palaging abala raw sa bahay kaya hindi matuloy-tuloy noon ang lakad natin. Mabuti naman at nakakuha ka ng panahon!” saad ng ginang na si Becca.
“Kayo nga itong laging abala sa mga trabaho ninyo! Ako pa itong sinisisi n’yo!” wika naman ng kaibigan.
Habang patuloy sa pag-uusap ang magkukumare ay napansin nilang abala sa kaniyang selpon si Maui.
“Maui, nandito ka nga at kasama namin pero nasa iba naman ang isip mo. Kanina ka pa ngisi nang ngisi riyan. Hanggang ngayon ba ay naghaharutan pa rin kayo ng asawa mo?” tanong ni Becca.
“Huwag n’yo akong intindihin at magkuwentuhan lang kayo. Mayroon lang akong kausap,” tugon naman ng ginang.
Ipinagtataka ni Becca kung bakit tila may kakaiba kay Maui kaya naman kinausap niya ito nang masinsinan.
“Mabuti naman at maayos pa rin ang pagsasama n’yong mag-asawa. May ibinalita kasi sa akin itong si Cathy. Ang sabi niya ay nanlalamig ka na raw sa asawa mo. Mabuti naman at naayos n’yo ang pagsasama n’yo,” wika ng kaibigan,
“Si Roger? Hindi siya ang nagpapasaya sa akin ngayon! Totoo ang sinabi sa iyo ni Cathy. Napagtanto ko kasing parang wala rin namang patutunguhan ang pagsasama namin,” wika pa ni Maui.
“A-ano… ibig mong sabihin, hindi si Roger ang kausap mo? Huwag mong sabihin sa akin na may iba ka nang napupusuan. Maui, kasal pa rin kayo ni Roger at kataksilan ‘yang ginagawa mo sa kaniya!”
“Masama kung malalaman niya. Kaya nga tinatago ko, e. Nakakatuwa itong kausap ko ngayon. Nakilala ko siya sa isang dating app. Wala siyang ginawa kung hindi purihin ang kagandahan ko. Napakatagal na nang huli akong kiligin. Hindi naman kasi romantiko si Roger,” dagdag pa ng ginang.
Kahit na pagsabihan ni Becca ang kaibigan ay hindi ito nakinig at pinagpatuloy pa ang pakikipagrelasyon sa lalaking nakilala lamang niya sa isang dating app.
Kahit nasa bahay na si Maui ay wala pa rin siyang tigil sa pakikipag-usap sa naturang lalaki. Palibhasa’y laging abala sa trabaho ang asawang si Roger ay marami siyang panahon upang makiulayaw sa iba.
Pagdating ng mister ay agad na tinago ni Maui ang kaniyang selpon.
“Hon, pasensya ka na at ngayon lang ako nakauwi. Huwag mong isipin na wala akong laging oras para sa iyo, a. Babawi ako, pangako. Basta lagi mo lang pakatandaan na ginagawa ko ito para sa atin. Sana’y makuha ko na ang promotion na pinakahihintay ko. Pangko ko sa’yo na magbubuhay reyna ka talaga pagnagkataon,” saad ni Roger sa asawa.
Pilit na lang na sumasang-ayon itong si Maui. Pero sa loob niya ay wala siyang tiwala sa asawa matagal na nitong sinasabi at pinagmamalaki ang promotion na iyon.
Makalipas ang isang linggo ay nagkitang muli sina Maui at Becca. Patuloy pa ring kinukumbinsi ni Becca ang kaibigan na itigil na ang masamang ginagawa nito.
“Nagsusumikap naman ang asawa mo, Maui. Sa palagay ko naman ay ginagawa niya ang lahat para ibigay talaga ang buhay na gusto mo. Saka isa pa, hindi mo naman lubusang kilala ‘yang lalaking natagpuan mo lang sa isang dating app. Gaano ka nakakasiguro na seryoso siya sa iyo?” tanong ng kaibigan.
“Malakas ang pakiramdam ko, Becca. Saka kaya niyang ibigay sa akin ang lahat ng gusto. Noong isang araw ay nanghingi lang siya ng litrato ko at pinadalhan niya na ako ng pera pambili ng mamahaling bag. Sabi ko nga pala kay Roger na ikaw ang nagbigay no’n sa akin. ‘Yang si Roger ay hindi man lang ako nabigyan ng mamahaling regalo. Lagi niya akong pinapaasa. Tingin mo ba ay mapo-promote talaga siya? Ang tagal-tagal na niya sa trabaho pero hanggang ngayon ay ganun pa rin ang posisyon niya! Kaya kung tutuusin, bakit pa ako magtityaga kay Roger gayong magandang buhay na ang humahabol sa akin?” giit pa ni Maui.
“Nakapagdesisyon na ako, Becca. Kapag niyaya ako nitong si Greg na sumama sa kaniya ay tuluyan ko nang iiwan si Roger,” dagdag pa ng ginang.
Talagang desidido na itong si Maui dahil ilang araw ang nakalipas at kausap nitong si Maui ang lalaki niyang si Greg.
“Sumama ka na sa akin. Padadalhan kita ng pera para magamit mo sa pag-alis mo. Magkita tayo. Iwan mo na ang asawa mo!” wika ni Greg sa telepono.
“Sa totoo lang ay matagal ko nang inaasam na marinig ‘yan sa iyo. Sabihin mo lang kung kailan at darating ako,” masayang tugon naman ni Maui.
“Sa lalong madaling panahon! Itaon mong wala ang asawa mo nang hindi tayo mahuli. Ayaw kong magkaroon pa siya ng pagkakataon na pigilan ka,” dagdag pa ng lalaki.
Agad na nakipagtagpo si Maui kay Greg. Nag-iwan siya ng sulat nang sa gayon ay mabasa ng kaniyang asawa at hindi na siya nito hanapin pa. Sinabi niya kung gaano niya kagustong umalis na sa poder ng asawa at kung gaano siya kasaya ngayon sa bagong iniibig.
Nakipagkita ang lalaki sa isang magarang hotel. Sa datingan pa lang ng hotel ay tiyak si Maui na talagang mayaman ang kaniyang karelasyon.
Pumasok siya sa isang kwarto at matiyagang naghihintay para kay Greg. Patuloy ang kaniyang pagpapaganda dahil nais niyang maging kaaya-aya sa paningin nito.
Bumukas ang pinto at buong pagkasabik na hinintay ni Maui na makadaupang palad sila ni Greg ngunit laking gulat niya nang bigla niyang makita ang asawang si Roger.
“A-anong ginagawa mo rito? P-paano mo nalamang narito ako? Hindi mo ba natanggap ang sulat ko? Hiwalay na tayo, Roger. May bago na akong mahal! Hindi na kita mahal! Umalis ka na bago pa dumating si Greg! Siya na ang mahal ko dahil kaya niyang ibigay ang buhay na gusto ko!” bulyaw ni Maui sa asawa.
Kinuha ni Roger ang isang selpon at pinakita ang isang larawan sa asawa.
“Ito bang lalaking ito ang hinahanap mo?” wika pa ng ginoo sabay tawag sa kaniyang selpon.
Tumunog ang selpon ni Maui at doon niya napagtanto na si Greg at Roger ay iisa lang.
“Hindi maaari! Kung ikaw si Greg ay dapat sana’y nabosesan na kita!” sambit pa ni Maui.
“May ginagamit lang akong application upang maiba ang boses ko. Akala mo ba ay hindi ko napapansin na lagi mong tinatago ang selpon mo? Alam kong marami kang nakakausap na lalaki. Noong una ay pilit ko itong inuunawa hanggang sa gumawa ako ng paraan para makita kita sa dating app. Nagpanggap ako na isang lalaking hulog na hulog sa iyo! Hindi ko akalain na mabilis lang pala mabibilog ang ulo mo, Maui! Nang dahil lang sa pera ay kakalimutan mong may asawa ka? Wala naman akong ginawang masama sa iyo!” naiiyak nang sambit ni Roger.
“Tama ka, hindi na natin maaayos ito dahil ayaw ko na rin sa iyo. Hindi ko na matatanggap ang isang tulad mo na walang ginawa kung hindi lokohin ako. Nagsusumikap ako, Maui, para sa atin at sa bubuuin nating pamilya. Pero hindi ka nagtiwala sa akin. Nagmamadali kang yumaman! Para sabihin ko sa’yo, nakuha ko na ang promotion na hinihintay ko. Matutupad ko na ang pangarap ko. Pero ngayon ay hindi ka na kasama. Huwag kang mag-alala. Ako na ang gagastos ng annulment natin. Hintayin mo na lang ang mga papeles mula sa korte,” wika pa ng mister.
Halos makipagpalit na ng mukha sa aso itong si Maui dahil sa kahihiyang kaniyang ginawa. Labis ang kaniyang pagsisisi dahil hindi niya akalain na hindi pala totoo ang pantasya ng pag-ibig na natagpuan niya sa isang dating app.
Humingi si Maui ng tulong kay Becca ngunit tumanggi itong makialam. Ayaw daw niyang malagay rin sa alanganin ang relasyon nilang mag-asawa.
Wala nang mapuntahan itong si Maui. Wala na rin kasi siyang babalikan pa sa dating asawa.
Lumipas ang panahon at tuluyan nang naging ayos ang buhay ni Roger kasama ang bagong asawa habang itong si Maui naman ay labis na nanghihinayang sa relasyon nila ng dating asawa na kaniyang sinayang.