Pinagmalasakitan ng Dalaga ang Alagang Matandang Nag-Uulyanin; Ikabibigla Niya ang Nakalaang Gantimpla para sa Kaniya
Pagod man ay pilit na kinakalma ni Mira ang inaalagaang matanda mula sa pagwawala nito. Iginigiit kasi ng matandang si Cielito na ang magpakain sa kaniya ng tanghalian ay ang anak na si Cleo. Ngunit abala ito sa pag-aasikaso ng kaniyang mga kaibigan.
Dahil wala nang magawa pa si Mira sa pagpupumilit ng matanda ay dali-dali na niyang pinuntahan ang anak ng amo upang pakiusapan.
“Ma’am Cleo, ikaw po ang hinahanap ng mama mo. Ayaw pong kumain kapag ako ang nagsusubo. Ang gusto po ay ikaw. Baka naglalambing po,” wika ni Mira sa amo na kasalukuyang nakikipaglaro ng mahjong sa kaniyang mga kaibigan.
“Mira naman! Kaya nga kita binabayaran para pagsilbihan mo ang mama ko! Kung ako lang din ang gagawa ay hindi na sana kita binigyan ng trabaho! Umalis ka na sa harapan ko at baka mamaya ay malasin ako!” naiinis namang sagot ni Cleo.
Bumalik si Mira sa silid ng inaalagaang matanda upang aluhin itong muli. Ginawa niya ang lahat nang sa gayon ay mapakain niya ito.
“Makukulitan po talaga kayo sa akin, Ma’am Cielito, hangga’t hindi n’yo nauubos ang pagkain na ito. Kailangan kasi busog kayo dahil iinom kayo ng gamot,” paliwanag ni Mira.
“Nasaan ba si Cleo kasi? Gusto ko siya ang magsubo sa akin! Tawagin mo siya!” pagwawala pa ng matanda.
Dahil ayaw niyang magkaroon ng sama ng loob ang alaga sa anak nito ay nagsinungaling na lang siya.
“Abala pa po si Ma’am Cleo dahil inaayos naman po niya ang kakainin n’yo mamayang merienda. Alam ko po ay nagluluto siya ng paborito n’yong maja blanca,” sambit pa ng dalaga.
Dito lang huminto ang matanda sa pagwawala. Dahil nga hindi naman totoong naghahanda ng merienda itong si Cleo ay kinailangan ni Mira na magluto ng maja blanca para sa matanda.
Habang nagluluto ng merienda ay narinig ni Mira ang mga sinasabi ni Cleo. Naiinis na ito dahil talo sa sugal at ipinagmamalaki pa ang panlolokong ginagawa sa kaniyang ina.
“Marami akong bala ngayon kaya walang ayawan. Papipirmahin ko lang ang mama ko at makakapaglabas na ako ng pera sa bangko. Hindi naman n’ya ‘yun matatandaan dahil nga parang nagkakasakit na siya sa isip. Siguro ay nag-uulyanin na!” pagmamalaki pa nito.
Napapailing na lang si Mira. Hindi niya maunawaan kung bakit hindi magawa ni Cleo na magmalasakit sa ina gayong ramdam niyang tunay na mahal ng matandang si Cielito ang kaniyang anak.
Hatinggabi na nang matapos si Cleo sa pagsusugal. Tulad ng inaasahan ay talo na naman ito. Kahit na natutulog na ang ina ay ginising pa niya ito upang pumirma sa tseke. Bukas kasi ay maglalabas siyang muli ng pera sa bangko.
“Ma’am Cleo, parang hindi na po ata tama ang ginagawa n’yo sa nanay n’yo. Ayaw ko pong makialam pero nangangamba po kasi ako na baka maubos ang pera niya. Kailangan po niya ito para sa kaniyang pagpapagamot,” wika ni Mira.
“Sino ka ba sa buhay namin, Mira? Hindi ba’t muchacha ka lang dito? Kaya huwag kang makialam sa amin ng mama ko. Ang pera niya ay pera ko. Saka hindi naman basta-basta mauubos ang pera niya sa bangko! Hindi mo alam kung gaano kalaki ang pera ng mama ko kaya itikom mo ang bibig mo at gawin mo na lang ang trabaho mo! Pakialamera!” bulyaw ng batang amo.
Kinabukasan ay patuloy sa pagwawala ang matanda dahil nanghihingi itong muli ng panahon sa anak. Ngunit abala na naman si Cleo sa pagpapatalo ng pera sa sugal.
Dahil labis ang pagnanais ni Cielito na makasama ang anak ay bumangon ito sa higaan at nagpumilit na lumabas ng silid. Hindi na ito napigilan pa ni Mira.
“Nandito ka lang pala, anak. Bakit hindi mo ako samahan sa silid at manood tayo ng paborito nating palabas? Nami-miss ko na ang mga panahong palagi tayong magkasama,” paglalambing ng ina.“May mahalaga lang akong ginawa, ‘ma, pumasok na muna kayo sa silid at susunod na ako,” sambit naman ni Cleo.
Inis na inis ang batang amo nang utusan nito si Mira.
“Wala ka talagang silbi! Bakit hinayaan mong lumabas ‘yan dito?! Walang ginawa kung hindi magdrama. Hinihiya niya ako sa mga kaibigan ko! Ipasok mo na ‘yan sa silid. Ikandado mo kung kinakailangan basta hindi na ‘yan makakalabas pa dito! Mainit ang ulo ko, Mira, dahil natatalo ako! Huwag n’yong hintayin na kayo ang mapagbuntunan ko ng galit,” dagdag pa ng anak ng matanda.
Ayaw ni Cielito na bumalik ng silid kung wala si Cleo. Dahan-dahan namang inaalalayan pabalik ni Mira ang matanda ngunit ginigiit nitong manatili sa tabi ng anak. Dahil sa inis ni Cleo ay pabadog siyang tumayo at kinaladkad ang ina papasok sa silid.
“Tigilan n’yo na nga ako sa kadramahan n’yo, ‘ma! Kahit ilang sandali lang ay patahimikin n’yo naman ang buhay ko! Ngayon lang ako naglilibang, p’wede ba? Mira, huwag mong hayaang lumabas ‘tong si mama kung hindi ay ikaw ang malilintikan sa akin!” sigaw pa ni Cleo.
Pag-alis ng batang amo ay agad na nilapitan ni Mira ang matandang amo upang siguraduhing ayos lang ito.
“Hayaan mo na po, Ma’am Cielito, ako na lang po ang sasama sa inyong manood ng telebisyon,” saad pa ng dalaga.
Awang-awa si Mira sa sinasapit ng matandang si Cielito sa kamay ng kaniyang anak. Kaya naman ginawa niya ang lahat upang protektahan ang alaga. Bukod pa doon ay mas pinag-igihan pa nito ang pag-aalaga sa matanda. Madalas niya itong kantahan, kwentuhan at saka bigyan ng masahe. Lahat ng nais na gawin ng matanda kasama ang kaniyang anak ay si Mira na lang ang gumagawa.
Hanggang sa isang araw ay muling naglambing itong si Cielito sa anak.
“Baka naman kahit sandali lang ay mabigyan mo ako ng panahon. Sabay tayong kumain ng almusal ngayong umaga,” paanyaya ng ina.
“‘Ma, kumain na kayo kung gusto n’yong kumain. Hindi ako nag-aalmusal! Sabagay, hindi mo ‘yun matatandaan dahil nga pumupurol na ‘yang utak mo! Siya nga pala, primahan n’yo na lang itong tseke. May kailangan akong asikasuhin ngayong araw. Si Mira ang bahala sa into. Anuman ang mangyari ay huwag n’yo akong aabalahin!” sambit pa ni Cleo.
Hindi na nagpumilit si Cielito. Hindi naman makatiis pa ni Mira dahil sa muling masamang pakikitungo ni Cleo sa kaniyang ina.
“Huwag mo naman pong pagsalitaan ng masama si Ma’am Cielito. Siya pa rin po ang nanay n’yo. Siya ang nagbigay sa inyo ng buhay. Maswerte ka nga po at narito pa siya sa inyong tabi at kasama n’yo. Ang tanging nais lang naman niya ay makasama ka. Bakit hindi mo po man lang siya mabigyan ng panahon at importansya?” saad pa ng dalaga.
“Uulitin ko sa iyo, Mira, wala kang karapatang pagsalitaan ako ng ganyan dahil ako ang nagpapasahod sa iyo. May sweldo ka at napapakain mo ang pamilya mo nang dahil sa akin! Isang pangingialam mo pa ay sisisantihin na talaga kita. Madali lang maghanap ng ipapalit sa iyo dahil maraming naghahanap ng trabaho!” dagdag pa ng amo.
Nasunod pa rin ang gusto ni Cleo. Muli ay hindi na naman niya nabigyan ng oras ang matandang ina.
Nang sumunod na araw ay kinausap ni Cleo ang abogado ng ina upang malaman niya ang kabuuang halaga at mga ari-arian na kaniyang mamanahin sa ina.
Ngunit nagulat siya sa sagot ng abogado.
“Ikinalulungkot kong sabihin sa iyo ngunit ang tanging mamanahin mo lang ay isang daang libong piso ayon dito sa kasulatan. Ang lahat ng kaniyang kayamanan at ari-arian ay mapupuntang lahat kay Mira,” saad ng ginoo.
Nagulantang sa kaniyang narinig si Cleo. Hindi siya makapaniwala na mas pipiliin ng ina na pamanahan ang kanilang kasambahay kaysa sa kaniya na anak nito.
“Baka naman pinapirma ng Mira na ‘yan ang mama ko. Pinagsamantalahan niya ang pagiging ulyanin ni mama para lang makuha ang yaman na dapat sa akin. Kaya pala kung makapagsalita sa akin tungkol sa pagwawaldas ko ng pera ng mama ko ay ganoon na lang! Ito pala ang dahilan ng lahat ng iyon!” galit na sambit ni Cleo.
Sinugod ni Cleo ang kasambahay dahil sa sobrang galit. Hindi nito naiwasan na pagbuhatan ng kamay ang kawawang dalaga. Ngunit laking gulat niya nang mismong ang ina niya ang magtanggol dito.
“Tumigil ka na, Cleo. Hindi na tama ang ginagawa mo. Tigilan mo si Mira dahil wala siyang kasalanan sa iyo!” wika ni Cielito.
“Binilog ng babaeng iyan ang utak mo, ‘ma! Pinagsamantalahan niya ang pagiging ulyanin mo para malipat sa pangalan niya ang lahat ng kayamanan mo!” pagwawala pa ng anak.
Pilit namang itinatanggi ni Mira ang lahat ng akusasyon.
“Walang kinalaman si Mira dahil ako ang nagdesisyon noon. Maayos pa ang pag-iisip ko at hindi talaga ako nag-uulyanin. Ang lahat ng iyon ay tanging palabas lamang dahil gusto kong makita ang tunay mong gagawin kung ako’y ubod na ng tanda at nawala na sa tamang pag-iisip. Labis ang lungkot ko, anak. Ikaw pa naman ang inaasahan ko na kumalinga sa akin sa aking pagtanda. Ngunit inuuna mo pa ang pagsusugal mo at ang mga kaibigan mo. Nasasaktan din ako kung paano mo ako itrato at kung paano mo ako pagsalitaan. Doon ko napagtanto na ang pagmamahal at malasakit na hinahanap ko ay matatagpuan ko sa taong hindi ko naman kadugo! Kaya buo na ang desisyon ko. Sa oras na ako ay mawala sa mundo’y iiwan ko ang halos lahat ng yaman ko kay Mira,” pahayag pa ng matanda.
“Pero paano na ako? Paano ako mabubuhay, ‘ma? Ako ang anak n’yo!” bulyaw naman ni Cleo.
“Oo, ikaw ang anak ko kaya sa’yo ako naghahangad ng pagmamahal. Mabubuhay ka pa rin, anak, may nakalaan na isang daang libong piso para sa’yo at sa iyong pagsisimula,” saad muli ni Cielito.
Hanggang ngayon ay nabibigla pa rin si Mira. Hindi niya akalain na sa ganitong paraan susuklian ng matandang amo ang kaniyang pagmamalasakit.
Ilang araw matapos ang pag-uusap na iyon ay binawian ng buhay ang matanda dahil sa atake sa puso. Natupad ang sinabi nitong maiiwan ang yaman niya sa tagapangalagang si Mira at tanging kakarampot lamang ang naiwan sa sariling anak.
Labis na pinagsisihan ni Cleo ang nagawa sa kaniyang ina. Ngayong wala na ito, higit sa pera ay nangungulila siya sa mga panahong dapat sana ay magkasama sila.