Inday TrendingInday Trending
Bwisit na Tindera ng Mais

Bwisit na Tindera ng Mais

Nasa abroad ang asawa ni Letlet, kaya ganoon nalang ang kayabangan ng ale. Grabe siya kung makataas ng noo sa mga kapitbahay, wala na rin siyang masyadong binabati. Katwiran niya, uutangan lang siya ng mga ito. Tiyak niya namang silaw na silaw ang mga dukha sa makikinang na gintong alahas na padala ng mister niya mula sa Saudi.

“Bilisan ninyo naman, aba! Nakakahalata na ako, tiyak kong tinatagalan ninyo ang gawa para maraming araw kayong mag-labor ano?” sermon niya sa mga construction worker na nakuha niya para ipagawa ang bahay.

Ang dating kahoy, ngayon ay nagiging bato na. Sobrang lupit niya talaga dahil katatapos lang mananghalian ng mga manggagawa, ni hindi niya pa pinabababa ang kinain ng mga ito.

“Kahit ho sana 10 minutes ‘te Letlet. Baka ho ma-appendicitis naman kami. Walang pampagamot ho.” dinaan nalang sa biro ng isang manggagawa ang pakiusap sa kanya pero tinaasan niya lang ito ng kilay.

Dahil nga may pera, mabilis na natapos ang kanyang bahay. Paborito niyang tumambay sa terrace noon habang nagmemeryenda kasama ang anak niyang si Vanessa, walong taong gulang.

“Kita mo yan, swerte mo kasi kami ng daddy mo ang parents mo. Kung sila, magiging ganyan kalang rin. Tindera lang,” wika niya na ang tinutukoy ay ang kapitbahay niyang si Lorena. Kasama nito ang anak na si Mia, nag aabang ng tricycle ang dalawa. Tiyak na pupunta sa palengke at maghahanapbuhay dahil bitbit ng mag ina ang isang timbang nilagang mais.

Tahimik naman na nakatingin lang si Vanessa.

Isang hapon, galit na galit at sumisigaw na lumabas sa kanyang gate si Letlet. Bwisit na kapitbahay niyang ito, puno na ng usok ang bakuran niya!

“Hoy Lorena!”

Lumabas naman ang babae mula sa barung-barong, “Let, kumusta?” sabi nito, may alanganing ngiti. Marahil ay nagtataka kung bakit nagawa siyang kausapin ng babae gayong wala na naman itong kinakausap sa barangay nila.

“Anong kumusta? Gusto mo ipa-barangay kita? Walanghiyang ito, amoy usok na kami dahil dyan sa pag uuling mo! Magnenegosyo ka ay hindi mo kayang pondohan!”

Ang tinutukoy niya ay ang mga mais nitong inilalaga, nagkakahoy lang kasi ito. Magastos nga naman sa gas,at saka..wala naman sa itsura nito ang may pambili ng kahit de-bombang kalan.

“Pasensya kana. Nagtitipid rin kasi ako. Hayaan mo, iuurong ko nalang ito para hindi kayo mausukan,” nahihiya pang wika nito.

“Yan kasi! Ano ang napapala ninyo? Edi isang kahig isang tuka kayo, mga hindi kasi kayo nag aral ng mabuti. Para kahit na paano, nakaahon kayo sa hirap. Sigurado akong inggit na inggit kalang sa akin dahil mayaman ako kaya dyan ka gumaganti,” matatalim na salitang sabi niya. Ang lakas ng loob kahit na siya man mismo ay hindi rin naman nakapag aral.

Hindi pa siya nakuntento, matapos ang insidenteng iyon ay nagreklamo pa nga siya sa kapitan at hiniling na pagbawalan si Lorena na pumwesto sa palengke. Kung wala itong negosyo, edi walang usok.

Maraming taon ang nakalipas

“Vanessa, kunin mo nga ang pamaypay. Kumukulo na ba ang sinaing ko?” sabi ng may edad nang si Letlet.

Naging mabigat ang hagupit ng buhay sa kanya. Bigla ay nawalan ng trabaho ang asawa niya sa Saudi, may sakit ito kaya napauwi sa Pilipinas. Naubos ang lahat ng pera at ari arian nila sa gamutan ng lalaki pero sa bandang huli ay bumigay rin naman ang katawan nito.

Naibenta niya na ang malaking bahay at lumipat siya sa di kalayuan, sa isang barung-barong. Sobrang lugmok siya dahil nakita pa ng mga kapitbahay na minaliit niya noon ang kanyang pagbagsak. Buti nalang, kahit na paano ay umalis na sila Lorena maraming taon na ang nakalipas. Ito kasi ang pinaka-inapi niya kaya tiyak na ito ang pinakamatutuwa sa nangyari sa kanya.

“Oho tinanggal ko na ho nang bahagya ang takip,” sabi naman ng dalaga.

Tingnan mo nga naman, siya na ang nag uuling ngayon. Walang makapagsasabi na mula sa yaman ay babalik pala siya sa hirap, mas malala pa.

Napalingon siya nang tumigil ang isang magarang kotse sa kanyang harap. Napaka-gara noon.

“Hindi ba iyan yung namimigay raw ng tulong sa simbahan?” bulong ng isang tambay.

Bumaba mula sa kotse ang isang magandang dalaga na halata sa kasuotan ang kayamanan. Tiningnan lang siya nito.

“Kumusta ho?”

Kinusot-kusot ni Letlet ang kanyang mata, “Pasensya na ho Madam, hindi ko yata kayo nakikilala? Medyo malabo na rin kasi ang mata ko at mahina ang memorya, saan ba tayo nagkita noon?”

Imbes na sumagot ay binuksan nito ang isa pang pintuan ng sasakyan at inakay ang isang may edad na ring ale. Noong una ay hindi pa mamukhaan ni Letlet pero nanlaki ang mata niya kalaunan.

Hindi makapaniwala.

“L-Lorena?”

Ngumiti ang ale, nanliit mabuti si Letlet. Tiyak niyang ipapahiya siya nito at pamumukhaan dahil malaki ang kasalanan niya sa mag ina. Tinanggalan niya ng hanapbuhay ang mga ito, pinaalis niya rin sa barangay.

Handa na siya sa matinding sumbat pero napadilat siyang muli nang hawakan ni Lorena ang kanyang kamay. Iniipit pa nito roon ang isang sobre na nang silipin niya ay pera ang laman.

“Lorena, bakit?” di makapaniwalang wika niya.

Inilapag rin ng driver nito sa kanyang tabi ang isang bagung-bagong kalan.

Nagsalita ang anak na dalaga ni Lorena, “Gusto ko hong magalit sa inyo noon kasi alam ninyo namang pagmamais lang ang hanapbuhay namin ng nanay ko, tinanggal ninyo pa. Pero mabuti ang aking ina, tinuruan niya akong huwag magtanim ng galit. Sabi niya, gamitin ko ang aking karanasan para lalong magsikap sa buhay. Iyon ang ginawa ko, at tama nga ang nanay ko, nagbubunga ang lahat ng hirap.” wika nito.

“Bakit kailangan ninyo pa akong balikan? At bakit tutulungan pa ninyo ako, binigyan ninyo pa ako ng pera?”

Doon nagsalita na si Lorena, “Umikot na ang gulong ng buhay Let. Hindi ako ang dapat na magalit sayo, kundi ang Diyos. Na sa tingin ko ay nagawa niya na, naibalik na ang lahat ng kasalanan mo. Sino ako para magtanim pa ng galit?

Tsaka, sa pagbibigay kong iyan, hindi kita pinamumukhaan. Binigyan kita hindi dahil nagmamalaki ako, kundi dahil alam ko ang pakiramdam ng walang-wala,” may awa pa sa mga matang sabi nito.

Sa sobrang galak ay nayakap ni Letlet ang ginang, humingi siya ng tawad. At nagsisi.

Marunong ang Diyos, ang nasa ibaba ay itinataas at ang mga mapagmataas ay ibinababa. Maging mabuti sa kapwa, huwag maging mapangmata kahit na ano pa ang estado ng buhay ng isang tao. Dahil walang nakakaalam sa mangyayari kinabukasan. Pwedeng ang inaapi mo ngayon, mas mayaman pa sayo bukas.

Images courtesy of www.google.com

Advertisement